JOURNEY 1

Unang Paglalakbay:
A Warrior Killer

[ Jaiyana’s Point of View ]





“Everette, Ernestine!” masiglang tawag ko sa dalawang batang babae.

Pare-pareho kaming nakabestida. Kulay puti ’yung akin, pula ang kay Everette at asul naman kay Ernestine. Nakalugay ang kulot kong buhok habang ang dalawa naman ay parehong naka-ponytail ang tali sa kanilang itim at bagsak na buhok.

Ngayon ay kasama ko sila sa tabing-dagat, kapwa naglalaro at gumagawa ng palasyo gamit ang buhangin na siyang nilagyan namin ng tubig mula sa dagat.

Ngumisi ako nang may naisip akong magandang gawin. Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko sa buhanginan at marahang nilapitan ang dalawang kalaro kong babae.

“Ang daya mo, Jaiyana!” bulalas ni Ernestine sa akin matapos kong guluhin ang kaniyang palasyong gawa sa buhangin.

“Bakit mo rin sinira ’yung sa akin?” kunot-noong usisa naman ni Everette na animo’y walang ideya sa inakto ko.

“Nababagot na ako, e.”

“Ang hirap kayang gawin ito,” anas muli ni Ernestine dahilan upang tumungo ako sa harapan nila.

"Patawad, Ernestine.”

Marahan akong umupo sa tabi niya at sinserong yumuko sa tabi nito ngunit napagitla ako nang bigla siyang tumayo sa harap ko.

“Hindi maaari!”

“H-Ha?”

Daglian kong tiningnan sa mata si Ernestine nang bigla niya akong sigawan. Seryoso siyang nakatingin sa akin at nakapaweng pa sa harapan ko.

Akala ko pagagalitan niya ako dahil sa ginawa ko pero nagulat na lang ako dahil natamaan ako ng tubig galing sa kung saan. Nangunot ang noo kong nakipagtitigan kay Ernestine na ilang segundo lamang ay ngumiti na rin sa akin.

Napalingon ako sa likuran ko at doon ay nakita ko si Everette na tumatawang nag-iipon ng tubig gamit ang kamay niya saka binuhos sa akin.

Siya pala iyon!

“Ang lamig!” ngatal kong sabi saka tumayo at handa ng makipaghabulan sa kanilang dalawa.

“Kayo talaga! Humanda kayo sa akin.”

Hinabol ko silang dalawa hanggang sa tuluyan kaming napagod. Ilang minuto lang ay tinawag na ng kanilang mga magulang sina Ernestine at Everette, magkapatid kasi sila at pareho ko silang matalik na kaibigan.

“Sa susunod na lamang, aming prinsesa,” sambit ni Ernestine saka yumuko sa harap ko.

“Eh? Jaiyana na nga lang,” pagtatama ko sa sinabi nito.

“Sige po, Prinsesa Jaiyana,” ani Everette na parang nang-aasar pa.

Sabay tumawa ang magkapatid sa harap ko. At sa hindi ko malamang dahilan, tinawanan ko na lang din sila. “Ang kukulit!”

“Paalam!” Sabay pa nilang sambit saka kumaway sa gawi ko. Tumango na lamang ako at nagpasalamat sa kanilang dalawa.

Taimtim kong pinagmasdan sila pauwi sa kanilang mga tahanan. Minabuti ko na munang tumayo mula sa pagkakaupo ko sa buhanginan at nagpasyang aliwin na lamang ang sarili ko.

Walang imik akong naglalakad sa buhangin hanggang sa nakakita ako ng isang napakagandang bagay.

“Ama, Ina!” pasigaw kong tawag sa aking mga magulang na parehong nasa isang kubo, sabay silang napatingin sa gawi ko nang marinig nila ang aking tinig.

“Jaiyana! Huwag kang masyadong lumapit sa dagat at baka matanggay ka niyan,” nag-aalalang anas ni Ina na siyang tinanguan ko muna bago lumapit sa kinaroroonan nilang dalawa.

Gamit ang aking dalawang kamay, dahan-dahan kong inilahad ang magkabilang palad ko upang ipakita sa kanila ang shells na nadampot ko mula sa tabing-dagat.

“Ang ganda po nito, hindi ba?” usisa ko sa kanilang dalawa matapos kong ipakita ang shells na nasa kamay ko.

“Oo naman,” usal ni Ina saka niya ako hinila palapit sa kaniya. Niyakap niya ako saka kiniliti dahilan para matawa ako sa harapan nila.

“Kay sarap talaga sa tainga ng iyong pagtawa, binibining Jaiyana.”

Kaagad akong napalingon sa likuran ni Ama nang marinig ko ang isang pamilyar na boses, doon ko nakita si Kuya Flux na siyang kalalabas lang din mula sa silid-tulugan nito.

Nakasuot ito ng pang-igorot na damit at dahil ang tagal niyang hindi nagpakita sa amin ay inunahan ko sina Ama at Ina na makalapit kay Kuya.

Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ko at matamis na ngumiti sa harap nito.

Hindi ko raw kasi siya maaaring guluhin sa tuwing darating siya sa bahay at dumederetso sa pagtulog. Ito ay dahil, masama sa amin ang pagsalubong sa mga taong pagod galing sa labanan o dili kaya’y sa isang mahabang paglalakbay.

At isa pa, hindi ko siya nakitang pumasok sa bahay kanina. Siguro, nakapasok siya noong nasa labas ako at nakikipaglaro sa kapwa ko na pawang mga bata rin.

“Kumusta na po ang paglalakbay, Kuya? May pasalubong ho ba ako?” nagniningning ang mga mata ko habang hinihintay ang pagtugon niya at kagaya ng aking inaasahan...

“Ito oh,” Sa sobrang saya ay napatalon ako’t kaagad itong ipinakita kay Ina.

“Ang hilig mo talaga sa mga kabibe, anak,” natatawang komento ni Ina sa akin nang mapansin niya ang munting kasiyahan ko.

“Opo! Lubos lang po akong nahuhumaling sa mga ganitong bagay, kawili-wili po kasi siyang tingnan, e.” mariing paliwanag ko pa saka muling tumakbo palabas ng kubo.

“Jaiyana!”

Hindi pa man ako nakakalayo ay kaagad na akong tinawag ni Ama. Seryoso siyang nakatitig sa akin na animo’y may masama akong ginawa. Tumagilid ang ulo ko at salubong ang kilay na pinagmasdan ang tindig ni Ama.

“Huwag ka ng lumabas, manatili ka lang dito sa bahay.”

“Pero, Ama...”

“Makuha ka sa isang salita, Jaiyana.”

Dismayado akong umuwi at tahimik na nakinig sa sermon ng aking amang datu. Batid ko naman na dapat ay naglalaan ako ng oras para sa aking pag-aaral at hindi puro paglilibang lang ang aking ginagawa kaso kasi...

“At dahil nandito naman si Kuya mo, siya na muna ang magtuturo sa iyo sa tamang paggamit ng balisong.”

“P-Po?!”

“Parang gulat na gulat ka, aking kapatid.” Ngumisi si Kuya saka ako tinitigan sa aking mukha. Nangunot ang noo ko sa naging reaksyon nito.

“Eh, kuya! Sa lahat ng armas natin, balisong po ang isa sa hindi ko po kabisado, e.” mariing depensa ko naman sa kaniya.

“At doon mo dapat sinasanay ang sarili mo, hindi ka matututo kung pipiliin mo ay iyong mga bagay na madali lang at kayang-kaya mong gawin,” sabat ni Ama sa usapan naming magkapatid.

“Ama,” wala sa wisyo kong sabi.

“Ano? May hinaing ka pa?” Ilang beses akong kumurap sa harap nito saka nag-isip ng sasabihin ko.

“Ahm. . . A-Ano pong meryenda? Nagugutom na po ako, e.” palusot ko dahilan para tawanan ako ni Kuya Flux. Hinawakan ko ang tiyan ko’t saka umakto na parang nagugutom na talaga ako.

“Aba’t—” naputol ang nais sambitin ni Ama nang may biglang dumating sa puwesto namin.

“Kakain na,” pasimpleng singit ni Ina sa aming tatlo saka siya naghain ng pagkain sa aming pabilog na lamesang yari sa kawayan.

“Etana?” waring nagugulumihang komento ni Ama sa biglaang pag-eksena ni Ina sa usapan naming mag-aama.

“Hayaan mo munang kumain ang mga bata, tingnan mo, oh. Nanghihina na itong si Jaiyana,” pasaring ni Ina sa akin bago ito kumindat sa gawi ko. Napangiti ako at nagpanggap na walang nakita sa harap ni Ama.

Sa huli, walang nagawa ang aking amang datu. Kumain na muna kami bago kami nag-ensayo. Iba talaga epekto ni Ina kay Ama, hihi.



.

.

.



“Sige nga, Jaiyana. Kalabanin mo ako,” preskong saad ng aking nakatatandang kapatid. Nakita niya kasing kahit papaano ay nakakaya ko ng paglaruan itong balisong na hawak ko na siyang ibinigay ni Ama sa akin kanina.

“Hala, Kuya...” alanganin kong tugon sa sinabi niya.

“May nais kang sabihin, aking binibini?”

“Ayaw po kitang saktan,” prangkang anas ko na siyang tinawanan lang ni Kuya.

Sumimangot ako at umiwas ng tingin ngunit daglian niya ring nakuha ang atensyon ko matapos kong marinig ang sinabi niya.

“Sa laban, hindi maiiwasan na makasakit ka ng tao ngunit dapat, alam mo kung sino ang kalaban mo at ano ang dahilan bakit kailangan mo siyang kalabanin.”

“H-Hindi ko po naiintindihan, pareho na po kayo ni Ama magsalita, e.”

Balang araw, malalaman mo rin ang nais kong ipahiwatig sa iyo, aking kapatid. At huwag kang mag-alala, magaling umiwas si Kuya. Kaya sige na, ngayon mo ipasubok sa akin lahat ng sinanay mo nitong mga nakaraang araw na wala ako rito sa tahanan natin.

Sigurado ka po ba?

Isang tango na lamang ang iginawad ni Kuya sa akin bago ngumiti sa harapan ko. Wala na akong nagawa pa kundi bumuntong-hininga na lamang saka sumugod sa kasalukuyang puwesto nito.

At bilang patunay sa sinabi niya ay magaling nga talagang umiwas si Kuya. Lahat ng paraan ng pagsugod na alam ko ay ginawa ko na subalit...

Paano ba iyan, Kuya? Muntik ka na,” komento ko nang mahuli ko siya. Ang balisong ko ay nasa leeg niya habang ang buong katawan ko naman ay nasa likod nito.

Ngumiti si Kuya at walang pasabi na binalibag ako sa buhanginan. Mabuti na lang alerto ako at hindi ako tuluyan napahiga ni Kuya sa buhangin. Kumawala ako sa pagkakahawak niya’t dagliang lumayo sa gawi nito.

Nawala ang pagtataka ko sa ginawa niyang pagbalibag sa akin nang makita ko ang kabuuang itsura nito, napalitan ito ng pag-aalala at ’di maipaliwanag na kaba dahil ito ang unang pagkakataon na makakita ako ng ganoon...

Hala, nagdurugo ka po—

Ayos lang, nakatutuwa nga na ako ang unang naging kalaban mo.

P-Po?

Ang lakas, bilis at patuloy na pag-ensayo mo ang mas magpapaunlad sa iyo bilang isang warrior killer, aking mahal na kapatid. Umaasa ako na sa susunod nating pagsasanay ay makita ko ang buong lakas mo,” makabuluhang ani Kuya saka nagpunit ng pulang tela mula sa suot nitong damit bilang pantapal sa dumudugo niyang leeg.

Kaagad namang nilapitan ni Ama si Flux at inalalayaan. Nagulat na lang ako dahil sabay ngumiti ang aking amang datu at nakatatandang kapatid sa aking gawi.

Napapaisip lang ako, bakit sila ngumiti sa ’kin? Hindi ba’t dapat magalit si Ama sa akin kasi sinaktan ko si Kuya? Ngunit bakit parang baliktad yata ang nangyayari?

Ilang sandali pa ang lumipas. May biglang sumabog. Hindi ako maaaring magkamali. Ang pagsabog na iyon ay nanggaling sa isa sa pinakamahalagang bahay na pinoprotektahan ng aking amang datu at si lolo.

Awtomatikong napunta ang dalawa kong kamay sa magkabilaan kong tainga nang marinig ko iyon. Napapikit ako.

“Jaiyana!”

Kaagad akong dumilat at nilingon ang isang pamilyar na tinig. Walang muang kong tiningnan si Ina na kasalukuyang naghahabol ng kaniyang sariling hininga.

Sumenyas pa ito kina Ama at Kuya na dahilan upang maging balisa sila at inihanda ang kani-kanilang mga armas. Lumabas sila ng bahay at nagpunta sa sumabog na bahay.

“P-Po? Bakit, Ina?” tugon ko kay Ina subalit imbis na sagutin ako ay hindi niya ginawa. Nagpatuloy kami sa aming lakad-takbo na ginagawa namin ngayon. Hindi ako sigurado kung saan kami patungo.

Hanggang sa patakbo na kaming pumasok sa pinakatatagong parte ng bahay namin at habang nakahawak ako kay Ina, mayroon siyang inilabas na isang pendant, itinutok niya iyon sa isang maliit na bato na nakapuwesto sa tabi ng kama ng aking mga magulang. Nagliwanag ito.

Kusang bumukas ang isang kuwadradong pinto sa ilalim ng kama na iyon. Doon ko napagtantong napadpad kami sa isang hindi pamilyar na yungib. Madilim, mabato at may lagusan ang karagatan dito. Mabilis akong binuhat ni Ina papasok sa isang bangka na makikita roon.

“Bilis at magtago ka rito, huwag na huwag kang lalabas hangga’t hindi ako bumabalik, ha?”

“Subalit, Ina? Bakit at saan naman po kayo pupunta?” Mangiyak-ngiyak niya akong tinignan. Nanginginig ang kaniyang buong katawan.

“Jaiyana, mahal kong anak, gusto ka naming mailigtas at ito lamang ang naiisip kong paraan...”

“Eh? Paano naman po kayo? Hindi pa magaling ang sugat ni Kuya sa leeg, Ina.”

“Huwag na pasaway, Jaiyana. Manatili ka lamang rito sa bangka at kahit na anong mangyari. Huwag kang lalabas mula rito, nakukuha mo?”

At dahil hindi naman ipinaliwanag nang maayos ni Ina sa akin kung ano ang nangyayari sa labas ay sumunod na lamang ako at piniling huwag na lang ding magtanong sa kaniya sapagkat sigurado akong hindi rin naman niya ako tutugunin.

Kasalukuyan akong narito sa ilalim ng kubo namin, walang kahit na anong liwanag ang makikita rito.

At kung tama ang pagkatatanda ko ay naikuwento sa akin ni Kuya dati na dito tinago ng aking amang datu ang aming mga balangay na siyang ginamit namin upang makapunta sa isla na ito na siyang inangkin na namin sapagkat wala namang nakatira ditong ibang tao maliban sa amin.

At sa loob nitong bangka ay walang imik akong nakaupo, nakasilip at taimtim na nakikipag-usap sa aking sarili habang sinserong nakatitig sa mukha ng aking ina.

“Itago mo ito, anak.”

May ibinigay siya sa akin na isang kulay kahel na pendant. Bilog ang hugis nito. Nakaukit dito ang aming tribe sign. Mga nakahilerang sandata namin ito na una naming nagamit upang masakop ang lupain na kasalukuyan naming tinitirahan. Tumango na lamang ako at tinanggap ito saka ko itinago sa aking munting bulsa.

“Mahal ka namin, anak. Tandaan mo ’yan.”

“Opo, masusunod po aking Ina.”

Hinalikan ni Ina ang aking noo bago niya ako iniwan sa balangay, ito ang tawag sa bangka namin. Dala ang isang maliit na lampara ay lumisan na siya’t umakyat sa taas ng kubo namin.

Ilang oras pa ang lumipas bago ako muling nakakita ng liwanag na nagmumula sa kung saan. Huminga ako nang malalim saka ngumiti.

“Si Ina!” Mariing bulong ko sa aking sarili saka sumilip sa labas nitong pinagtataguan kong bangka ngunit kaagad kong tinakpan ang bibig ko nang mapagtanto kong ibang tao pala ang dumating. Ibang-iba ang kasuotan nila sa uri ng damit ng tribo namin.

The black mask tattoo at isang pluma na simbolo sa damit...

Dalawa sa pinakamalakas na tribo sa aming mundo ang nagmamay-ari ng mga tribe sign na ito. Kapansin-pansin na nagmamasid sila at parang may hinahanap sa paligid.

Ano naman kayang pakay nila rito?

“Saan naman kaya nakatago iyon?” usisa ng isang matandang lalaki, may mga suot itong gintong palamuti sa katawan, halatang galing nga itong Audra Tribe dahil sa simbolong pluma mula sa kasuotan nito.

“Baka wala naman po talaga rito, Lakan...” tugon naman ng isang lalaking may tattoo ng itim na maskara, nakatago ito sa bandang kanang tainga no’ng lalaki.

Lakan!? Kapantay siya ng tungkulin ni Lolo?

Naantala ang pagtatanong ko sa isip ko nang biglang napatingin sa puwesto ko ang mga lalaki. Napalunok ako at mabilis na nagtago. Hindi na muli ako naglakas-loob na tingnan sila ulit.

Ramdam ko ang marahang paglalakad nila palapit sa puwesto ko subalit daglian din itong naudlot sapagkat may bigla na lang sumabog sa labas.

“Kailangan na nating umalis, Lakan.”

“Mas maigi pa nga,” tugon no’ng tinatawag nilang lakan at tuluyan na nga silang tumalikod sa akin.

“Siguraduhin ninyo lang na walang matitira sa kanila,” seryosong saad pa ng lakan na ito sa mga kasamahan nito na sa pakiwari ko naman ay mga taga-Ebba tribe.

Wala pang isang minuto ay may sumabog na naman at doon ay tuluyan na ngang nanlabo ang paningin ko, gustuhin ko mang umakyat paitaas sa aming kubo ay hindi ko na nagawa. Para akong nabingi sa pagsabog na iyon. Nanghihina ako.

Pinili kong lumabas mula sa balanggay ngunit parang may kung anong mahika ang humihila sa akin pabalik sa bangkang iyon.

Salubong ang kilay kong pinagmasdan ito hanggang sa napansin kong biglang nagpaikot-ikot ang tubig at sa hindi ko malamang dahilan ay nakita ko na lamang ang aking sarili na nasa ilalim na nito.

Tinangay ako ng karagatan. . . akala ko katapusan ko na subalit nagkamali ako.

Dinala ako ng dagat sa ibabaw nito at mula roon, nakita ko ang mga kasamahan namin, ang baryo namin, ang pamayanan namin, ang mga ka-tribo ko na tila ba’y unti-unti ng nalalagas ang bilang...

“Ina!”

Nasilayan ko rin nang malinaw kung paano napaslang si Ina. Nangibabaw ang poot sa puso ko, namuo ang pagnanais kong makipaglaban subalit hindi ako pinapakawalan ng tubig, nasa loob pa rin ako nito. Para bang niyayakap ako ng karagatan upang hindi ako makagalaw nang maayos.

Hindi ko maatim na tingnan ang kasalukuyang sitwasyon ng bayang pinangalagaan ng aking amang datu, ang lugar na pinaglaban ng aking lolo na Raja, ngayon ay sirang-sira na. Dumanak ang dugo ng mga tao, ang mga kalaro ko

“Ernestine? Everette!” Hindi ako nagdalawang-isip na pumalag mula sa pagkakahawak ng dagat sa buo kong katawan. Nangingilid ang luha kong pinagmasdan na mawalan nang malay ang parang kapatid ko ng mga kaibigan.

“Hindi!”

Mas lalong mamuo ang pagkamuhi sa loob ng puso ko nang makita kong kahit na naghihingalo ang mga tao ay patuloy pa rin sa patayan ang lahat. Gumuho ang mundo ko nang mapagtanto kong ganito pala ang totoong sitwasyon kapag may digmaan.

Marahan akong ibinaba ng dagat sa baybayin nito at doon ay nanginginig akong naglakad, taimtim na nananalangin sa aming bathala na sana ay ligtas ang iba pa naming mga kasama subalit...

“Lolo? Kuya...”

“Ama, Ina?” Napalunok ako. Hindi ko alam kung saan o dapat ko bang hanapin ang kanilang mga walang buhay na katawan.

“Nasaan na po kayo?”

Sa hindi ko malamang dahilan ay nangibabaw ang pagdadalamhati ko sa pagkawala nila. Nangangatog ang mga tuhod kong sinubaybayan ang kabuuan ng paligid ko.

“Bakit nangyari sa amin ito? Anong ginawang masama ng tribo namin para ubusin kami ng ibang mga tribo?”

At sa isang iglap, bigla na lang ding bumalik sa isip ko ang ilang mga mukha na nakita ko kanina noong nagtatago ako sa balangay. Hindi ko itatanggi na malinaw sa aking alaala ang mga kasuotan at kabuuan ng tindig maski mukha nila ay alam na alam ko pa rin.

Sa ngayon ay pawang mga bangkay na lamang ang nakakalat sa paligid. Nagsilikas na rin kasi ang mga taong sumugod, pumatay at nanira ng bayan ko.

“Mga wala silang awa.”

Pinili kong lakasan ang loob ko kahit na ramdam ko ang pagod at pagsikip ng dibdib ko sa aking kasalukuyang nakikita. Masakit man pero kailangan kong tanggapin na...

“Wala na silang lahat. . . mag-isa na lamang ako,” garalgal kong bulong sa sarili ko saka hinayaang tumulo ang namuong tubig mula sa ilalim ng mata ko.

“Sisiguraduhin kong mapaparusahan ang mga may sala, ibibigay ko ang hustiya na nararapat sa tribo namin. Isa itong pangako, Ama, Ina, Lolo at Kuya pati sa inyong dalawa, Everette at Ernestine. Magbabayad silang lahat!”





o==[]::::::::::::::::>





“One glass, please.” Walang gana kong sabi saka matamang tiningnan ang isang bartender at nag-abang ng isang basong tubig.

“Any flavor?”

“No thanks,” tugon ko sa tanong nito. Ngumiti siya at kaagad ding binigay sa akin ang in-order ko.

Ilang minuto ko pang pinagmasdan ang kabuuan ng bar at aminado naman akong hindi ito kagandahan at mukhang ordinaryong bahay-inuman lamang ito.

Huminga ako nang malalim saka tinungga ang isang basong tubig na hiningi ko lang din sa bartender.

Akmang tatayo na sana ako mula sa pagkakaupo ko sa silya nang biglang nagkaroon ng away sa kanang bahagi ng puwesto ko. Malapit lang ito sa akin kaya rinig na rinig ko ang sagutan nila.

“Iba talaga ang tama ng alak kung sa utak inilalagay, hays.” wala sa wisyong bulong ko pa sa aking sarili.

Taimtim akong naghanda upang makaalis na ako sa lugar kung nasaan man ako ngayon ngunit bago pa man ako makalayo ay nagpintig ang dalawang tainga ko sa 'di ko inaasahang impormasyon.

“The sleeping island...”

“Hindi totoo ang isla na iyan, tanda.”

“Totoong isla iyon!”

“Ay, bahala ka riyan.”

“Bakit ayaw ninyong maniwala!? Maaaring magbago ang mundong ito kung may isa lang, kahit isang tao lang ang maglakbay patungo roon! Paniguradong maililigtas tayo, hindi na kailangan pang pumatay ang mga tao!” sigaw ng isang ermitanyo na sa pakiwari ko ay nasa trenta na ang edad.

“Itigil mo na iyan, tanda. Masyado ka ng maraming nainom,” sambit ng binatang kausap naman nito.

“Hindi ako lasing!” mariing depensa muli ng ermitanyong lalaki. Malusog ito, may pagkakulot ang buhok, moreno at nakasuot ng pang-Igorot na damit.

“Ni hindi mo nga kayang tumayo nang tuwid, e. Huwag kami, tanda. Umuwi ka na sa inyo!”

“Anong—”

Hindi na ako nag-atubili pang manghimasok sa usapan nila, bago pa man nila itaboy ang matanda ay naglakas-loob na akong kausapin ito. Kinompronta ko siya.

“Totoo ba ’yang sinasabi mo?” paninigurado kong tanong sa matanda, doon ko lang din napatunayan na medyo may tama na nga ito.

“Ang alin, magandang binibini?” aniya.

“May binanggit ka kaninang isla, kapag ba may pumunta roon. . . maaaring magbago ang lahat?”

“Oo! Dahil sa isla na iyon, nagagawa nitong ayusin, pagandahin at bigyan ng kapayapaan ang isang lugar, maski na mundo o daigdig pa iyan! Sisiw lang iyon doon!”

“Kahibangan!” sigaw muli ng isang hindi pamilyar na lalaki, nakasuot ito ng kulay itim na baro na may tatak pang kulay berdeng sumbrero sa manggas ng damit nito. Isang nilalang na galing sa Elfrida tribe.

“Batid naman natin na kuwentong-bayan lamang ang isla na iyon at kung sakali man na totoo nga ito, hindi pa rin basta-basta ang pagpunta roon.”

“Bakit?” usisa ko sa isa pang lalaki na mukhang nababagot na sa kinauupuan niya kaya siguro pinili nitong makisali sa usapan namin ng matandang ermitanyo.

May tattoo itong singsing na kulay ginto, nakalagay ito sa palapulsuhan ng lalaki. Simbolo na nagpapatunay na nagmula ito sa Humavo tribe.

“Anong bakit? May balak ka bang puntahan iyon?” balik-tanong ng lalaki sa akin. Saglit akong ngumisi at seryosong tumingin sa gawi nito.

“Sabihin mo muna sa akin ang rason tsaka ko ibibigay ang tugon ko sa katanungan mo,” walang emosyon kong saad rito.

“Kinakailangan ng isang totoong dragon upang makalipad at tuluyan mong matunton ang isla na iyon.”

“Pupuntahan mo ba?” pag-uulit niya sa nauna nitong tanong sa akin.

“Hind—” itatangi ko pa sana kaso...

“Oo! Pupuntahan naming dalawa,” singit ng ermitanyong matanda dahilan upang magitla ako’t hindi kaagad nakapagsalita.

“A-Ano?” hindi makapaniwalang anas ko na tinanguan lamang ng matanda.

Anong ibig niyang sinabihin? Maglalakbay ako papunta roon?!

Aba’t talaga nga namang iba ang tama ng alak ’no?






Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top