Chapter 2: The Greedy Wolves

Chapter 2: The Greedy Wolves

Sa loob ng dalawang linggo kong pananatili rito’y nagawa kong aralin ang iba’t-ibang mga teknolohiya na hindi ako nag-mumukhang mangmang sa mga mata ni Zion. Nasanay na rin ako na puro pagbabasa lamang ang ginagawa lalo na’t binigyan ako ni Zion ng isang cellphone, isang teknolohiya kung saan maaaring gawin halos lahat ng bagay.

Bukod do’n ay nasanay rin akong magluto ng sarili kong pagkain dahil palaging wala si Zion. Alas-singko ng madaling araw siya umaalis, at kadalasan ag alas-onse na siya ng gabi nakakauwi. Isang reporter si Zion, at kadalasan na makikita ang mukha niya sa telebisyon.

Kakatapos ko lamang maglinis sa pamamahay niya maliban sa silid n’ya. Hindi ko nais na manghimasok do’n at isa pa ay may koleksyon siya ng mga nakakatakot na nilalang sa loob nito. Mga gagamba.

Sa gabi ay pinakakain niya ang mga ito bago matulog. At ang nakakatakot na parte ro’n ay ang pagkausap niya sa mga ito, may iba’t-ibang pangalan pa nga ang mga ito— Rosie, Tamir, Kindred at Yanny.

“Tingnan nga natin kung may take down ka ngayon, Kindred?”

“Oh, bawal ma-stress, Yanny, mauubos ang buhok mo n’yan.”

“Anong gusto mo, Tamir? Superworm o Dubia?”

“Bad, Rosie! Bolty-bolty ka na naman!”

Ayon ang mga salitang madalas kong marinig sa kaniya tuwing gabi. Para siyang isang tanga, ganoon siguro pag nasanay na walang kasama sa bahay— nasisiraan ng ulo.

Isang buntong hininga ang kumawala sa ‘kin nang matapos kong basahin ang dyaryo. Mayroon do’n na botohan kung sino ang nais ng mga tao na manalo sa darating na eleksyon. Hindi na rin ako nagulat pa nang makita kong kay Samaniego ang pinakamalaking porsyento, kasunod niya ay si Fellisimo Pascua.

Nasa iba’t-ibang pahina rin ang kanilang mga ‘bukal sa puso’ kuno na mga kumpanya, kung saan tumutungo sila sa mga liblib na lugar upang makatulong at mag bigay pagkain at mga kagamitan sa mga taga ro’n. Napailing na lamang ako nang maalala ko ang babasahin na iyon sa dyaryo.

Tiyak akong pagkatapos nilang romansahin sa mga salita ang mga tao ro’n ay kakalimutan na nila ang pagiging bukal nila lalo na pag natapos ang eleksyon. Nasisiguro kong mawawala sila na parang bula. Dahil magaling lamang ang mga tao kapag may kailangan sila.

May isa pa akong napuna simula nang dumating ako rito. Talamak na ang krimen, mababaw man o hindi at madalas iyong pinag-uusapan sa tinatawag na ‘social media’ sa dahil hindi naman daw lahat ay binabalita sa telebisyon lalo na’t hindi tungkol sa sikat na mga personalidad.

Napansin ko rin ang katotohanan na iyon, na kahit walang kwenta basta ukol sa mga umaarte sa mga palabas sa telebisyon ayy binabalita nila ultimo ang pagkakaroon ng kasintahan o ‘di kaya’y bagong pormahan ng mga personalidad. Minsan ay hindi nila nabibigyan nang pansin ang mga kalunos-lunos na mga trahedya.

Noong isang araw ay may nabasa akong usapan, ukol sa lalaking kinulong dahil sa pagnanakaw niya ng mga gatas, at prosesong pagkain na nais niya sanang ihandog sa kanyang mag-ina. Marami ang nagalit sa kapulisan dahil turan nila kapag pulis o ‘di kaya’y miyembro ng gobyerno ay marami ang nakakatakas sa kaparusahan. Ibig sabihin lamang kapag may kapangyarihan at posisyon ka ay magagawa mong makatakas sa batas. Isang mapait na katotohanan.

Alam kong mali ang pagnanakaw sa pagmamay-ari ng iba. Ngunit hindi naman siguro niya iyon magagawa kung may tumulong man sa kanya, nabalitaan ko rin na tauhan ito ni Pascua— isa siya sa nga ‘driver’ nito, ngunit nang humingi ito ng tulong sa kanyang amo ay kinagalitan pa siya nito.

“Nakalaya na sa kustodiya ng kapulisan si Ginoong Herman sa tulong ni Congressman Samaniego. Malaking pasasalamat ni Ginoong Herman sa kongresista dahil binigyan siya nito ng mga gatas at pagkain para kaniyang pamilya bukod pa rito ay kinuha rin siya nito upang maging personal driver.”

Napapikit na lamang ako dahil sa balitang sinambit sa radyo. Nakakatuwa na tumulong siya ngunit kahit saang anggulo tingnan, alam kong may kapalit iyon— ‘Publicity’ dahil sa estratehiyang iyon ay mas tatangkilikin siya ng mga tao at kabaliktaran naman ang mangyayari kay Pascua.

Mapapaisip ka na lamang talaga kung bakit sila tumatakbo sa posisyon na ito— para ba talaga ito sa bayan at bansa? O para sa pera at personal na interes?

Nang minulat ko ang mga mata ko ay saglit akong nag-ayos bago lumabas sa pamamahay ni Zion. Sinigurado ko rin na nakasarado ang pinto at hawak ko ang susi bago tumungo sa ibabang palapag. Sa loob ng dalawang linggo ay may mga ilan akong nakikilala rito, tulad na lamang ng babaeng may-ari ng tindahan ng bulaklak sa ibabang palapag. Palaging kong hinihintay si Zion at nakakabagot ang gawain na iyon kaya’t nagtuklas ako mag-isa.

Isang malawak na ngiti ang hinandog sa akin ni Aling Marian ng makita niya ako. Nasanay na siyang bumibisita ako rito, at nakikipag-usap sa kanila ng anak niya na mas bata sa akin ng sampung taon.

Agad akong niyakap ni Ria kasabay ang pag-upo namin sa silya, “Kumusta po?” Tanong ko.

“Ayos lang ako, ija,” Sambit ni Aling Marian. Saglit siyang umalis upang maghanda ng miryenda dahilan upang maiwan kami ng nakangusong si Ria.

“Hmm?”

“Ate, ang bulok ko talaga sa History! Naiinis na ako,” pagsusumbong niya bahagya naman akong natawa sa kanya dahilan upang buklatin ko ang librong nasa may lamesa, “Bakit kasi kailangan pang-aralin ang buhay ng mga Hamilton?”

Nagulat ako nang tampalin ni Aling Marian ang kamay ni Ria, “Nakakahiya ka kay Amelia.”

“Hmph!” Pataray na ismid ni Ria sabay baling sa ‘kin, “Ate, bakit Amelia ang pangalan mo?” Tanong niya. Napasapo na lamang si Aling Marian sa kanyang noo nang matapos niyang ibaba ang hinanda niyang miryenda.

Muli namang umalis ulit si Aling Marian upang mag-imis sa kusina sa likod dahilan upang kami ang mag-bantay sa kaniyang tindahan.

“Palayaw ko lamang ang Amelia.”

“Eh? Anong real name mo?”

Isang tipid na ngiti ang binigay ko sa kanya saka hinarap ang nakabukas niyang libro, “Amesyl,” tipid kong sagot.

“Ang ganda! Bagay sa magandang tulad mo, Ate!” Nagulat ako nang muli akong niyakap ni Ria. Hindi talaga halatang kinse anyos na siya dahil may pagkaisip bata pa rin siya.

Saglit kong ginulo ang buhok n’ya. Mabuti pa siya at malaya na gawin ang mga ninanais niya sa edad niya. Samantalang ako noon ay tinuruan na agad kung paano maging mabuting asawa sa edad na kinsi, tinuran kung paano pumustura na isang kagalang-galang na babaeng sa edad na sampu at kahit isa ro’n ay wala akong nagustuhan.

Napataas ang kilay ko dahil ang inaaral niya ay sina Columbus, at mga kaibigan nito. Sayang lamang at wala ako sa listahan na medyo nakakapagtampo.

Tinuro ko ang larawan ni Columbus, “Mayabang, iyon ang gawin mong palatandaan sa kaniya,” Sambit ko. Patango-tango pa siya habang pinaliliwanag ko sa kanya si Columbus kasunod nito ay sina Cayden at Carsten kung saan pinaliwanag ko rin sa kanya ang mga posisyon ng mga ‘to.

At nangasim ang mukha ko nang mapunta na kami sa pinakahuling tao— si Amor, “Ito ay si mapanglait.” Mapanglait ng kawawang dibdib ko.

“Ate, mahilig ka sa history?”

Sadyang alam ko lamang ang buhay nila. Isang pilit na ngiti at tango ay binigay ko sa kanya, at tila kinabahan ako sa dahan-dahan na pagkubra ng mga labi ni Ria.

“Tutor na kita sa History, ha!” Nasisiyahang sambit niya. Sasagot pa sana ako nang biglang tumunog ang wind chimes na nakasabit sa pinto.

Parehas kaming agad na tumayo ni Ria upang puntahan ang mamimili. Ngunit habang naglalakad ako papunta ro’n bigla akong binalot ng kaba hanggang sa naging marahan ang bawat hakbang ko dahil hindi ko inaasahan na makikita ko ang taong ito.

Ramil Samaniego.

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top