Chapter 11: Broken Rules

Chapter 11: Broken Rules

“Our family will be pulling some strings, but I want you to pass the PPLE before I let you join my hospital. Are we clear, Amelia?”

Ang kalmado ngunit mapagbantang boses ng ina si Zion ay nagpatango sa ‘kin nang walang kamuwang-muwang. Hindi ko pa rin talaga matanggap ang sitwasyon ko dahil kay Belle at sa pamilyang Martinez. Panay ang reklamo ko ngunit dahil buo na ang desisyon nila ay hindi man lamang nila ako pinakinggan.

Samantalang si Zion, tuwang-tuwa dahil hindi niya nakakailanganin pang paulit-ulit na itaboy si Yvonne dahil ang munti niyang palabas ay magkakatotoo na. Bukod sa eksaminasyon, kinakailangan kong ikasala kay Zion, iyon lamang ang tanging paraan upang hindi malaman ng mga tao sa panahon na ito na isa akong Hamilton.

“So… I want you to read,” sambit ng mama ni Zion habang nakatingin sa buong bookshelves niya puno ng sandamakmak na librong kasing kapal ng Bibliya.

“Read, what…”

“All of them.”

May pagngiwi ko siyang sinilip habang siya’y preskong nakangiti lamang sa ‘kin. “Yes, all of them, ija.”

Nagulat na lamang ako nang higitin niya ako palapit do’n at ikinura ang mga braso’t naglagay na lamang nang naglagay nang libro ro’n na para bang hindi ako mahihirapan sa babasahin na iyon. Seryoso ba talaga ‘to?

“Ipapadala ko na lang kay Zion ang iba pa,” nakangiting sambit ng mama ni Zion.

Nakangiwi ko lamang siyang tiningnan at inayos ang limang libro na kanyang nilagay sa aking braso. Saan naman ako kukuha ng motivation upang umpisahan na buklatin ang mga ito? Pinagmamasdan ko pa lamang ang mga kapal ay nanghihina na ang utak ko.

Muli, isang preskong ngiti ang binungad niya sa ‘kin. “But for now… we need to plan for the wedding, ija.”

“Hindi po ba maaaring pribadong kasal lamang ang maganap?”

“Yes. Private wedding naman, mga family lang ang invited. Alam mo naman ang history ng mga Martinez, hindi ba?” Makahulugan siyang tumingin sa ‘kin dahilan upang tumango lamang ako sa kaniya.

Ang pagkamatay ng haligi ng tahanan sa pamilyang Martinez ay isang malaking tinik na bumabara pa rin sa kanilang mga lalamunan, isang masakit na misteryo na hindi nila hihilingin na mangyaring muli sa kanila. At sa tingin ko’y pinaka-iiwasan nilang maranasan iyon ni Zion, marahil ay hindi siya katulad ng ama niyang kumakandidato, ngunit ang kanyang trabaho ay mas delikado, mas maraming hindi kilalang kaaway.

At sa t’wing hawak na niya ang kanyang mikropono, ang kanyang mga salita ay nagsisilbing matinding lason sa kanyang mga inuulat.

“We are still yearning for the justice of my husband’s death.”

“Politika…”

Mapait siyang ngumiti at tumingin sa akin. “Kahit kailan ay hindi ninais ng ama ni Zion na sumabak sa politika… madugo, madaya at puno ng mga ganid ang landas na iyon.” Umiwas siya ng tingin at tinanaw ang himpapawid mula sa pader na gawa sa salamin. “Ngunit dahil sa impluwensya ng mga tao, lalong-lalo na ng mga kaibigan niya, huli na niya bago mapansin na nasa kuta na siya ng mga ganid at mapagpanggap.”

“Impluwensya?” Takha kong tanong.

Bumaling siya sa litratong nakalagay sa kanyang lamesa dahilan upang maging ako’y mapasulyap do’n. Isang litraro ng limang magkakaibigan, pamilyar ang iba ro’n dahil lahat sila ay nakita ko maliban sa isa.

Ang mag-asawang Samaniego, si Pascua at ang ina ni Zion. Marahil ay ang ama ni Zion ang hindi pamilyar na mukha ro’n—Lucas Martinez.

Kagat-labi akong napatitig ro’n. Kung magkakaibigan sila, bakit tila ngayo’y nagbabangayan na sina Pascua at Samaniego? Iyon ba’y resulta ng iringan sa politika o lihim na galit noon pa man?

“Zion is here,” sambit n’ya.

Binigyan ko siya ng isang nagtatakhang tingin dahilan upang humalakhak siya’t hinarap sa akin ang screen ng kanyang computer. Pinapakita ro’n ang mga nangyayari sa iba’t-ibang palapag at ngayo’y kakapasok lamang ni Zion sa hospital habang siya’t bihis na bihis.

“Amelia… ija, please don’t hurt my son. This is my only request from you. Alam kong ikakasal lang kayo ni Zion, walang puso o kahit ano. Hindi ko hinihiling na mahalin mo siya pero sana h’wag mong sasaktan ang anak ko. Siya na lang mayroon ako, Amelia.” Malamlam niya akong tiningnan, pilit pinipigilan ang mga luha niya na dumausdos sa kanyang pisnge.

“Wala po sa plano kong saktan si Zion,” nakangiti kong sambit. “At iyon po ang bagay na iniiwasan kong mangyari.”

At bago pa man muling makapagsalita ang ina ni Zion, bumukas ang pinto at bumungad sa amin ang bungisngis na mukha ni Zion. Dumiretso siya sa kanyang ina at humalik sa pisnge nito bago tumungo sa ‘kin, nagulat na lamang ako nang halikan niya ang noo ko’t hinarap ang kanyang ina na parang wala siyang kakaibang ginawa.

“Ma, susunduin ko na si Amelski—”

“Wait! Dalhin niyo lahat ‘yon para sa PPLE ni Amelia—”

Humalukipkip si Zion at ngumiwi habang tinitingnan ang bookshelves ng ina. “Lahat ‘yan?! Grabe ka naman! Anong tingin mo kay Amelski, robot?!”

“Bakit ako ba ang magpapa-exam?!”

Wala sa sarili akong natawa dahil sa pabirong pagsasagutan nila, nang tumigil sila parehas ay mabilis kong tinikom ang bibig ko’t pumaling sa ibang direksyon. Napalakas ata ang tawa ko.

Pansin ko ang pagtingin nila sa akin sa gilid ng aking mga mata nang biglang pinisil ni Zion ang aking dalawang pisnge’t pilit na hinarap sa kanya.

“Feeling mo cute ka kapag tumatawa ka? Sige nga, isa pa,” nakangiting sambit ni Zion.

Sinamaan ko siya ng tingin at mahigpit na hinawakan ang limang libro na nasa braso. Pagtalaga nahulog ‘to magkakalimutan kami! Agad siyang tumigil nang pansin niyan ang hawak ko’t kinuha iyon sa akin saka bumaling sa kanyang ina.

“Babalikan ko na lang ‘yong iba. May pupuntahan lang kami,” pagpapaalam niya sa kanyang ina.

Ngumiti naman ito sa amin at tumango, “Ako na ang bahala sa mga gagawin para kasal niyo, ha?”

“I know you’ll make it the best, Ma!”

Tumungo ako sa harap niya bilang pagrespeto at nagpaalam, “Aalis na po kami. Maraming salamat po.”

“Baby Ames, ang apo ko ha!”

Naiiling na lamang kami ni Zion na lumabas sa kanyang opisina, mabigat ang mga librong hawak ni Zion kaya’t hanggang sa makarating kami sa parking lot, sa kanyang sasakyan ay ako ang nagbubukas ng pinto.

“Saan tayo pupunta?”

“Condo.”

“Akala ko naman gagala. Anong gagawin natin do’n?”

“Gagawa ng baby—”

“Gago ka ba?”

“Tapos mabubuntis ka nang hindi ko alam, maghihiwalay tayo kasi aagawin ako sa’yo ni Yvonne. Aalis ka na lang basta at tataguan mo ako ng anak tapos magkikita ulit tayo pagkatapos ng ilang taon… magpapa-hard-to-get ka tapos babagsak ka ulit sa akin.”

Pinaningkitan ko siya ng mga mata. Hindi siya tumatawa, tila ay seryoso siyang mangyayari iyon nang ihampas ko sa kanya ang dyaryo na nasa harapan ng sasakyan.

Binabawi ko na ang sinabi ko sa nanay niya. Nasa plano kong saktan ang anak niya! “Para kang siraulo!”

“Nagbibiro lang naman ako! Uy, tama na!”

“Wala akong planong iwan ka, okay?!”

Bigla ko na lamang natikom ang bibig ko’t natigil sa paghampas sa kanya, maging siya ay natigil hanggang sa tumigil na rin ang buong paligid namin sa aking paningin, na tila ba ang oras ay kusang tumigil para lamang sa amin.

Dahan-dahan niyang hinawakan ang palapulsuhan ko’t marahan na hinigit palapit sa kanya dahilan upang makaramdam ako ng kakaibang kiliti sa aking dibdib. At habang pinagmamasdan ang kanyang mga kumikislap na mga mata, hindi ko maiwasan na mahiwagan sa kakaibang epekto niyon sa akin.

“Z—zion…”

“Hmm?”

Kakaibang uhaw ang naramdaman ko nang binitawan niya ang palapulsuhan ko’t kinulong niya sa kanyang kamay ang aking kamay hanggang sa bumaba ang kanyang mga mata sa aking labi.

“Amelia… will you be my Mrs. Martinez?”

Muli ang oras ay tila sumang-ayon sa aming munting sandali, gumala ang kamay niya sa aking pisnge, marahan iyong hinaplos habang ang mga mata niya’y muling nakipagpaligsahan sa mga mata ko. Sa bawat paglipas ng sandali, ang pagitan sa amin ay mas lalong kimikipot, sumisikip hanggang sa tuluyan nang magwala ang aking dibdib.

At nang maglapat ang aming mga labi, ang kakaibang sensasyon sa aking dibdib ay nagmistulang isang sumpa, na siyang mismong sisira sa mga binitawang salita ko noong nakaraan.

“I will.”

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top