Chapter 7: The Dark Tunnel

"Minikki? Anong ginagawa mo rito?!" gulat na tanong ni Kireina nang makita ang kaniyang unica hija sa Prohibited Garden. Agad nitong nilapitan ang kaniyang anak. "Paano ka nakapunta rito?" dagdag pa nito.

Hindi sinagot ni Minikki ang kaniyang ina sa halip ay nagtanong siya. "Nasa'n ho ba tayo?"

Napatingin si Kireina sa lalaking kausap niya na ngayo'y lumapit din pala kung saan sila naroroon.

"Nandito tayo sa Prohibited Garden," sabat ng lalaki. May katangkaran ito at makisig din ang pangangatawan. Mukhang kasing edaran ina ni Minikki.

"P-prohibited Garden?" Naalala ni Minikki ang tinuran sa kaniya ng lalaking nakakakita sa kaniya kanina.

"Ito ang ipinagbabawal na lugar ng Grand Office dahil malapit ito sa mga normal na tao. Makakapunta ka rito gamit ang Forbidden Chamber."

Kumunot ang noo ni Minikki.

"Normal na tao? Forbidden Chamber?"

Hindi kapanipaniwalang bagay ang naririnig ni Minikki ngayon na nagiging sanhi ng pagkagulo ng kaniyang utak. Napagtatanto niyang hindi siya nananaginip at nakapunta talaga siya sa ibang lugar gamit lang ang pinto ng Karaoke Booth.

"Kung saan ka dumaan-that was the Forbidden Chamber," sabat naman ng lalaking nakakita sa kaniya.

"Haylan, what are you doing here?" tanong ng lalaking kasama ni Kireina kanina.

"I saw this girl near the Forbidden Chamber, Professor Gener. I thought she was one of us and she disobeyed the law so I planned to bring her to Gaol," paliwanag ni Haylan.

"Hindi niyo na siya kailangang dalhin sa Gaol dahil aalis na kami rito," matigas na sambit ni Kireina. "At hindi siya papasok dito, Gener. Maliwanag ang pag-uusap natin. Huwag ka nang magpadala sa akin ng mga significa dahil hindi na kami babalik dito."

"But you can't prevent what is bound to happen, Kireina."

Masama ang tingin ni Kireina sa lalaking iyon. Hindi na ito sumagot pabalik sa halip ay hinawakan niya ang braso ng kaniyang anak bago ito hinila palayo sa mga lalaki.

Hindi na nakaapela pa si Minikki dahil nababakas niya ang galit sa mukha ng kaniyang ina. Kahit marami siyang tanong ay mas pinili niyang sarilinin na lamang ito.

Nakita niya nag nakaukit na The Dark Tunnel sa arko ng daan kung saan sila papasok. Madilim ang kapaligiran. Ni walang ilaw kahit isa. Walang ideya si Minikki kung saan ito patungo. Kukunin na sana ni Minikki ang phone niya upang buhayin ang flashlight nang tabigin iyon ng kaniyang ina.

"Deretso lang."

"Ngunit wala akong makita, ina," sagot ni Minikki.

"Lalo kang hindi makakalabas kung bubuhay ka ng ilaw."

"B-bakit po?"

"May mga pagkakataong hindi mo kailangan ng mata para makakita. Ang kailangan mo lang ay magtiwala at sumunod."

Tumango na lamang si Minikki at sinabayan ang mabilis na paglakad ni Kireina. Nananatiling nakahawak siya sa braso nito.

Halos mag-iisang oras na silang naglalakad ngunit hindi pa rin sila nakakaalis sa lugar na iyon. Nangangamba si Minikki na baka hindi na sila makalabas ngunit pinili niyang pagtiwalaan ang kaniyang ina. Kung ano man ang mangyari basta kasama niya ang kaniyang ina ay magiging maayos ang lahat.

Napapikit siya nang matamaan ng liwanag ang mga mata niya. Tila ba naninibago ito dahil nasanay sa dilim. Agad na umusbong ang galak sa kaniyang puso nang mapagtantong pamilyar ang lugar kung saan sila nakalabas. Sa bakuran ng kaniyang lola Alyana.

"Nagkita na naman ba kayo ni Gener?" Nagulat si Minikki nang marinig niya ang lola Alyana niya.

"Lola!" pagbati ni Minikki at saka ito sinalubong ng mahigit na yakap. Nagmano rin siya rito. Matagal na rin niyang hindi nakikita ang lola niya kaya totoong nagagalak siya nang masilayan niya itong muli.

"Minikki, ngayon lang uli kayo napadpad rito. Ngayon ko lang nasilayan muli ang iyong ganda," sambit ni Lola Alyana bago bawian ng mahigpit ding yakap ang dalaga. Napasimangot naman si Minikki dahil naalala niyang malabo na nga pala ang mga mata ng kaniyang lola at nangangailangan na itong maoperahan bago pa ito tuluyang mabulag.

"Hindi ko rin ho inaasahang dito kami mapupunta, lola. Na-miss ko po kayo."

"Na-miss din kita, hija. Sige na, pumasok ka muna sa loob, apo. Iyong batiin ang iyong lolo."

Tumango si Minikki bago sumunod rito. Bago pa siya pumasok sa bahay ay nilingon niya ang mga ito na sa kasalukuyang nakaupo sa hardin ay taimtim na nag-uusap.

Tuluyan nang nakapasok si Minikki sa loob at nadatnan niya ang kaniyang Lolo Julian na sa kasalukuyang nagbabasa ng libro sa sala. Kung paano niya binati ang kaniyang Lola Alyana ay ganoon din ang kaniyang ginawa sa kaniyang lolo Julian.

"Minikki apo, nakabisita ka. Akala ko'y nakalimutan mo na ako," biro nito at saka isinara ang librong binabasa.

"Syempre, hindi, lolo. Mabuti nga ho't dito kami napadpad," tugon ni Minikki.

"Bakit? Saan kayo nanggaling?"

"Sa Prohibited Garden po tapos dumaan kami sa Dark Tunnel na isa rin palang lagusan papunta sa labas... dito," nakangiting paliwanag ni Minikki. Hindi maitatago ang pagkabilib niya sa kaniyang nasaksihan kanina. Kahit na nilamon siya ng takot noong mapunta siya sa isang lugar, tila ba napapalitan iyon ng kuryosidad.

"Bakit? Sa Occoii University ka na ba mag-aaral?"

"P-po? Occoii University?" nagtatakang tanong ni Minikki.

"Oo, iyon lang naman ang naiisip kong dahilan kung bakit kayo naroon sa Prohibited Garden."

Naalala ni Minikki ang narinig niyang pag-uusap ng kaniyang ina at ni Professor Gener kanina.

"Kung gano'n ang Occoii University ang tinutukoy nila kanina," sambit ni Minikki sa kaniyang sarili. "Ayaw ho akong papasukin ni ina roon. Hindi ko ho maintindihan kung bakit."

Napabuntong-hininga si Julian bago hinagod ang likod ng kaniyang apo. "Mas makabubuti sigurong sundin mo ang kagustuhan ng iyong ina."

Ngumiti na lamang si Minikki. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng lungkot. Hindi pa man niya nakikita ang Occoii University, nagkaroon na sa kaniyang puso ang pananabik na makita iyon. Lalo na nang makasalamuha niya ang dalawang lalaki kanina: si Haylan at si Professor Gener, na kapwa naninirahan sa lugar na hindi niya inakalang nag-e-exist. Tila ba umusbong sa damdamin ni Minikki ang pagnanasa na makapasok sa Occoii University. Kung papayag lang sana ang kaniyang ina.

Maya-maya pa ay pumasok na si Lola Alyana at pati na rin ang ina ni Minikki.

"Kireina, kumain na ba kayo?" tanong ni Lolo Julian.

"Sa bahay na kami maghahapunan, tay."

Tumango si Lolo Julian tsaka tumayo mula sa kaniyang kinauupuan. "Hindi ulan ang nagpapabaha sa lupa, kundi ang mga pumipigil sa pagdaloy nito," litanya ni Lolo Julian bago ito tumalikod sa kanila at pumasok sa kwarto.

"Sige na Kireina, baka gabihin kayo. Mag-iingat kayong mag-ina," sambit ni Lola Alyana habang hinahagod ang likod ng dalawa.

Tahimik lang si Minikki sa byahe at iniisip kung anong ibig sabihin ng kaniyang lolo Julian sa winika nito kanina. Maraming tanong sa kaniyang isipan at isa na roon ang dahilan kung bakit ayaw siyang pag-aralin ng kaniyang ina sa Occoii University ngunit mas pinili niyang huwag na munang magtanong at hayaan na lang ang kaniyang ina dahil mukhang malalim din ang iniisip nito.

Ilang oras ang tinagal ng kanilang byahe bago sila nakabalik sa kanilang bahay. Huminga nang malalim si Minikki bago nagdesisyong magsalita.

"Ina."

Lumingon si Kireina nang tawagin siya ng kaniyang anak.

"Kung tumigil na lang kaya ako sa pag-aaral?"

###

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top