Chapter 46: Those Eyes and the Blue Moon
Agad na hinanap ni Minikki ang president nila sa Dreamers Association—si President Darwin. Natuwa naman siya nang makita niya itong lumabas sa Dreamers Lodging House kasama ang iba pang dreamers.
"Sige na, alalayan ninyong mabuti ang mga bata. Hindi naman tayo nagmamadali pero sana matuklasan na nila ang kanilang mga kakayahan para kung sa gano'y makasangkapan na sila sa laban," sambit ni Darwin.
"Nakakalungkot lang na kailangan na nilang lumaban sa murang edad pa lang," wika naman ng isa habang nakatingin sa kalawakan ng Occoii University.
"Wala tayong magagawa. Mas mabuti nang matuto sila para kaya na nilang maprotektahan ang kanilang sarili," sabi ni Darwin at tsaka naglakad palayo sa lodging house.
Lihim na sinundan ni Minikki ang presidente nila. Binabagabag pa rin siya ng katotohanang isa sa Alpha Team ang posibleng nagbibigay ng impormasyon sa persona non grata. Ang tanong ay sino, bakit at paano?
Sumunod lamang siya sa lalaki at kung saan saan ito sumuot. Tila ba nagche-check ito ng mga estudyanteng pakalat-kalat sa Occoii University gayong mag-gagabi na rin.
Dumaan ito sa underground alley upang sitahin ang mga estudyanteng nagtatago roon at pinauwi ang mga ito sa kani-kanilang lodging houses.
"Mag-a-alas sais na, ano pang ginagawa niyo rito? Oras na para magpahinga!" sita ni Darwin sa mga estudyanteng agad rin namang nagsitakbuhan pauwi. Ang iba kasi ay iyon ang ginagawang daan papunta sa Buried Emporium na siyang ginagawa ring kitaan ng ibang kabinataan at kadalagahan. Simula nang sumugod ang mga PNG, tila ba nawala na ang bisa ng utos sa pagbabawal ng relasyon. Lalo na't nagkakaroon ng bulong-bulungan na kung pinayagan lamang ang relasyon ni Alondra at Theo ay hindi ito magkakaroon ng dahilan para maglaho at mamatay. Ngunit marami pa rin namang parte sa mga kabataan ang may takot na sumusunod sa utos dahil ayaw nilang mawala sa paaralan na ito kahit na nasa masalimuot na itong kalagayan.
Natigilan sa paglalakad si Minikki nang mapansin niya kung saan tumigil sa paglakad si Darwin—sa Blue Graveyard. Wala na ang mga taong narito kanina sa seremonya. Maging ang kabaong ni Alondra ay nailibing na.
Malakas at malamig na hangin ang umihip dahilan upang magsitayuang muli ang kaniyang mga balahibo. Doon niya napansin ang bilog at maliwanag na buwan.
"Ang bilis ng oras," wika ni Minikki at nang dagling ibalik niya ang atensyon sa lalaki ay wala na ito. Luminga-linga siya para hanapin si Darwin ngunit wala na ito sa kaniyang paningin. Agad siyang nabahala.
"Bakit mo ako sinusundan?"
Halos mapatalon sa gulat at kaba si Minikki nang may bumulong sa kaniya sa bandang likuran.
"H-hindi po," pilit na pagsisinungaling ni Minikki ngunit hindi siya nakatakas sa presidente.
"I can trace your power, Minikki. Nakikita kong kanina mo pa ako sinusundan." Naglakad si Darwin papunta muli sa lugar kung saan inilibing si Alondra.
"Anong kailangan mo?" tanong nito sa makapal at malalim nitong boses. Matipuno ang lalaki at hindi na ito katulad ng dati. Nang lumabas ang kapangyarihan ni Darwin ay kasabay rin ng pag-angat ng porma ng pangangatawan niya. Mas naging mukhang kayang prumotekta sa buong dreamers.
"G-gusto ko lang makitang muli si ate Alondra," pagdadahilan ni Minikki. Wala talaga sa kaniyang kakayahan ang paglilihim ng katotohanan.
"Ako rin," sambit nito habang tumango-tango. Kumuha ito ng pala at nagsimulang maghukay.
"A-anong ginagawa mo?" gulat na tanong ng dalaga bago ito mabilis na lumapit kay Darwin. Bakas sa mukha ni Minikki ang pagkabahala sa ginagawang paghuhukay ni Darwin sa lupa kung saan inilibing ang kaniyang ate Alondra.
"Hindi ko masyadong nasilayan ang kaniyang katawan noong natagpuan namin siya sa pugad ng mga persona non grata," sagot nito.
"P-pero, bakit mo hinuhukay muli? Anong gusto mong makita?"
"I told you. I can trace powers. Ito lang ang magagawa ko para kay Alondra at para na rin kay Theo."
Hindi na nagawa pang pigilan ni Minikki si Darwin nang bigla niyang naintindihan ang pakay ng lalaki. Doon nga ay nakita nila ang kawawang bangkay ng dalaga. Awa ang naramdaman ni Minikki ng mga oras na iyon lalo na sa sinapit ng kaniyang kaibigan.
"Hindi ako makapaniwalang wala na s-siya," sambit ni Minikki habang pinipigilan ang mga luhang nagbabadyang pumatak dahil sa kalungkutan.
"Ganoon na lang din siguro ang nararamdaman ni Theo ngayon. Marahil ay nagsisisi siya gayong tama lang ang kaniyang ginawa."
"Tama?" Halos matawa si Minikki nang sabihin iyon ni Darwin.
"Oo, Minikki, tama ang kaniyang pinili. Dahil hindi niyo alam ang pwedeng mangyari kung pareho niyong ipinilit ang isa't isa. Baka pareho kayong mapahamak."
Umupo si Darwin bago ikinumpas ang kaniyang kamay. Ipinasada niya sa hangin ang kaniyang palad na para bang naghahanap siya ng bakas ng kung anong kapangyarihan ang naging sanhi ng pagkamatay ni Alondra.
"Pero minsan, ang tamang desisyon ay magdudulot sa 'yo ng walang hanggang kalungkutan at labis-labis na pagsisisi."
Napansin ni Minikki ang sandaling pagtigil ni Darwin sa kaniyang ginagawa.
"M-may problema ba? Bakit ka tumigil?" kinakabahang tanong ni Minikki na para bang nakalimutan niya na agad ang pinag-uusapan nila at nabaling ang atensyon sa biglaang paghinto ng lalaki sa ginagawa.
"Minikki, siguraduhin mong walang makakaalam sa ginawa nating pagpunta rito," utos ni Darwin. Napaigting pa ang mga panga nito habang nakatitig sa makapangyarihang dalaga.
"B-bakit?"
Deretsong tumingin si Darwin kay Minikki kasabay ng pagsambit sa mga katagang ito, "Hindi persona non grata ang pumatay sa kaniya. Kundi isa sa atin."
"H-ha? Anong ibig mong sabihin? Sino ang pumatay kay ate Alondra?" sunod-sunod na tanong ni Minikki habang hindi maialis sa dibdib ang kaba.
Nakarinig sila ng yabag ng mga paa kaya sandaling naputol ang kanilang pag-uusap.
"M-may tao."
Agad na tinulungan ni Minikki si Darwin sa pagbalik ng takip ng kabaong. Pati na rin sa pagtatabon ng lupa. Bago pa sila matunton ng taong paparating ay hinawakan ni Minikki si Darwin at agad silang nag-teleport sa loob ng Dreamers Lodging House.
"Sino 'yon?" tukoy ni Minikki doon sa taong paparating sa Blue Graveyard.
"Hindi ko nakita. Sige na, magpahinga ka na," utos ng presidente.
"P-pero sino ang tinutukoy mo kaninang pumatay kay ate Alondra? Anong nalaman mo? Bakit ganiyan na lang ang naging reaksyon mo?"
Umiling ang binata. "May isang traydor sa atin, Minikki. Siya ang pumatay kay Alondra ngunit bago ko sabihin sa 'yo ay kailangan ko munang makasiguro. Baka ginamit lang din siya ng PNG."
Hindi na napigilan pa ni Minikki ang pag-alis ng presidente. Gusto man niyang pilitin ang lalaki sa pagsabi ng kaniyang nalaman ay hindi niya na ginawa. Kung hindi niya ito sasabihin ay siya nang bahalang umalam.
Sumakay si Minikki sa elevator pero hindi para bumalik sa kwarto niya at maramdaman na nag-iisa siya. Bumukas ang pinto at isang liwanag ang sumalubong sa kaniya—lagusan papunta sa Blue Graveyard.
Doon nakita ni Minikki ang isang babae. Nakaharap sa lapida ni Alondra. Hindi niya ito masyadong maaninagan ngunit natatanaw niya ang buhok nito kung kaya't alam niyang babae ang nakatayo roon.
Doon niya napagtanto ang mga napag-usapan nila kanina ng kaniyang mga kaibigan. Maging ang sinabi ni Darwin.
"Tama, imposible ngang PNG ang pumatay kay ate Alondra dahil lumusob sila lahat rito," bulong ni Minikki sa kaniyang sarili. "Isa sa amin ang pumatay sa kaniya." Nagngitngit ang ngipin ni Minikki habang naiisip na posible pala sa lugar na ito ang magkaroon ng isang traydor. Iyon ang pinakamahirap na kalaban sa lahat—ang mapagkunwaring kakampi ngunit pailalim kung gumanti.
"Kung hindi mo lang sana nalaman ang totoo tungkol sa akin ay baka buhay ka pa, Miss Penegrino," sambit ng babaeng nasa harap ng lapida ni Alondra.
"Kung hindi ka lamang nangialam ay hindi sana kita kailangang patayin."
Napaatras si Minikki nang marinig niya iyon. Halos madurog ang kaniyang puso at hindi niya alam ang dapat niyang gawin.
"Ikaw, ikaw ang pumatay kay ate Alondra?" bulong ni Minikki habang pinipigilan ang kaniyang nag-uumapaw na emosyon. Nakakuyom ang kaniyang mga kamay habang pinipigilan ang kaniyang sarili sa nais niyang gawin. Gusto niyang magalit. Gusto niyang sumabog.
Akmang susugurin niya na ang babaeng iyon nang may pumigil sa kaniya. Isang lalaki. Ang kamay nito'y nakatakip sa kaniyang bibig na para bang pinipigilan siyang huwag lumikha ng anomang ingay lalo't tila ba'y nakaramdam ng kakaiba ang babaeng nasa harap ng lapida ni Alondra na para bang may napansin sa paligid. Nakita nila kung paano ito nagmadaling umalis mula roon.
Doon lamang namalayan ni Minikki na nakasandal siya sa isang malaking puno habang nakaharap sa isang lalaki. Tumutulo ang kaniyang mga luha dahil sa pigil na damdaming kaniyang nararamdaman. Hindi niya maatim na walang gawin at huwag ipaghiganti ang kaniyang kaibigan. Gusto niya ng hustiya—katarungan sa pagkamatay ni ate Alondra.
Ilang minuto bago kumalma si Minikki sa pag-iyak, nagtagpo ang mga mata nila ng lalaking kanina pa hinihintay ang kaniyang mga tingin. Napakunot ang noo niya nang makilala kung sino ang lalaking nasa harap niya. Ngunit hindi siya kaagad umalis sa ganoong kalagayan dahil pinagmamasdan niya ang mga mata nitong pamilyar. Kumikislap ang mga ito dahil sa liwanag ng magandang buwan.
Malapit sila sa isa't isa. Rinig niya ang bawat paghinga nito kasabay ng bilis ng tibok ng kaniyang puso. Hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya ang mga matang ito.
"Haylan..." bulalas ni Minikki. Muli na namang tumulo ang luha ng dalaga. "Ikaw..."
Ibinaba ni Haylan ang kamay niya mula sa bibig ni Minikki at inayos ang sarili at akmang aalis na nang hawakan ni Minikki ang kamay niya. Hinila siya nito at iniharap sa kaniya.
Iniharang ni Minikki ang kaniyang kamay sa labi ng lalaki at doon niya sinuri ang mga matang tila ba matagal na niyang kilala.
"Haylan, ikaw 'yong kasayaw ko."
At sa pagkakataong iyon, mas lalong bumilis ang tibok ng puso ni Minikki para sa binata. Sigurado na siya sa kaniyang nararamdaman. Hindi na ito maaari pang ikubli. Nahuhulog na siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top