Chapter 32: Miracle Light in the Darkness
"Katulad ng dati."
Paulit-ulit sa isip ni Haylan ang sinabing iyon ni Minikki. Bumalik sa kaniyang alaala ang nangyari ilang taon na ang nakalipas. Noong nag-aaral pa siya sa labas. Magkasama sila noon ng kaniyang pinsan nang makita nila ang isang babaeng pinagtutulungan nga mga estudyante. Sinundan nila ang mga ito hanggang sa makarating din sila sa rooftop.
"Ang lakas ng loob mo at dito ka pa talaga lumipat? Anong akala mo sa 'min? Koral? Kung inaakala mong magiging paraiso ang lugar na 'to para sa 'yo, nagkakamali ka! Dahil ang tunay na paraisong makakamit mo ay kapag tumalon ka sa building na 'to!"
Tinuro ng babaeng 'yon ang dulo kung saan isang talon lang ay tapos na ang buhay mo. Nakapalibot ang ilang mga estudyanteng nakikisabay sa panunudyo at pang-aasar sa kawawang babae. Walang gustong tumulong. Lahat gusto siyang tumalon sa lugar na iyon. Walang gustong magligtas sa kaniya.
"Talon na! Tatalon lang! Ano bang mahirap do'n?"
"Oo nga! Tingnan natin kung gaano nga ba kataas ang building na 'to!"
Malalakas ang sigaw ng mga iyon na tila ba kampon ni satanas na walang pakialam kung may mamatay man sa lugar na ito.
"Tatalon ka o itutulak kita?"
Nanahimik ang mga taong naroon at kapwa hinihintay ang sagot ng babae.
"T-tatalon."
"Oh, ano pang hinihintay mo?"
Tumalikod ang babaeng iyon at tumungtong sa parapet wall.
"And you'll do it because they told you to? Are you crazy?!" Hindi na napigilang tanong ni Haylan na naging dahilan ng paglingon ng lahat. Maging ang babaeng iyon ay nakatitig sa kaniya ngunit hindi siya nito nakikita pagka't bukod sa wala itong suot na salamin, basang-basa ng luha ang mga mata nito.
Kailanman ay hindi malilimutan ni Haylan ang mukhang iyon.
Nabalik sa reyalidad si Haylan nang makasalubong nilang dalawa ni Minikki si Jaeson at Gellie. Sumenyas ang mga ito sa kaniya na para bang niyayaya siya sa kung saan. Tumango na lamang si Haylan samantalang napakunot-noo naman si Minikki.
"Nga pala Miniks, may practice daw ng production number para sa Miss and Mr. Occoii University. Pwede bang ikaw muna ang pumunta at ituro mo na lang sa akin?" tanong ni Jaeson.
"H-ha? Bakit? Saan ka pupunta?"
"May inuutos lang sa amin si Professor Gener. Gusto mong sumama?" tanong naman ni Gellie na naging dahilan ng pagsulyap ni Jaeson at Haylan sa kaniya.
"H-hindi na," sambit ni Minikki nang marinig ang pangalan ng propesor. "Sige ako na lang muna ang magpa-practice. Ingat kayo," paalam ni Minikki bago siya pumunta sa auditorium hall kung saan gaganapin ang pageant na sasalihan niya.
Naglakad na siya papasok doon at sumalubong sa kaniyang tanawin ang mga estudyanteng nagmula sa iba't ibang section. Matatangkad ang mga babae at ganoon din ang mga lalaki. Napanganga na lamang si Minikki sa dami ng kasali at sigurado siyang sa liit niya kumpara sa mga iyon ay wala na siyang panama sa mga ito.
Natahimik ang lahat nang para bang may dumaang anghel, hindi, dahil presensya lang pala iyon ni Professor Selene na naglalakad sa gitna papunta sa stage. Suot niya ang kaniyang malaking sombrero at ang sopistikadang bestida na animo'y dadalo sa isang engrandeng pagtitipon.
"Everybody!" pagbati ni Professor Selene sa madla. Talagang ang mga lalaki ay napapahanga sa kakaibang dating ng propesor. "Dinig niyo ba ako?"
Sumagot ang mga bata. Si Minikki naman ay nagmadali na ring pumunta sa stage at nagsumiksik sa likod upang hindi siya mapansin ng mga tao ngunit talaga yatang kahit anong pilit niyang tago ay makikita siya ng propesor na wari niya'y mainit ang dugo sa kaniya. Sa pagtitig palang nito na parang sinusuri ang buo niyang pagkatao ay talagang napapayuko na lang sa hiya ang dalaga.
"Oh well, kasali ka rin pala rito, Miss Umali."
Tumango si Minikki at napatingin sa mga katabi niya na ngayo'y nakuha niya rin ang atensyon.
"So tell me, what is the essence of production number in a pageant?" tanong ni Professor Selene sa dalaga na ngayo'y totoong nagulat sa surprise quiz ng propesor. Napakamot naman si Minikki pagka't ni minsan ay hindi siya nanood ng pageant dahil pinagbabawalan siya ng kaniyang mga kaklase noong nasa labas pa siya. Hindi raw nararapat ang katulad niyang panget sa mga paligsahan ng pagandahan dahil baka maumay ang manonood o kaya naman ang mga kasali kung siya ay makikita.
"Sorry po, hindi ko po alam."
Ni wala ngang ideya si Minikki sa production number na gagawin nila dahil ang tanging tinuro lang sa kaniya ni Jaeson ay ang mga basic steps na sasayawin nila ngunit ngayo'y parang nalimutan niya na dahil sa kaba. Pinanliitan siya ng mata ni Professor Selene at saka naghalukipkip.
"Kung gano'n, bakit naman sumasali ang isang tao sa pageant? Tell me a valid reason."
"Dahil po napilitan o kaya naman ay napag-trip-an?" sagot ni Minikki na ikinausok ng ilong ng propesor. Nagsitawanan naman ang mga kapwa candidates dahil sa isinagot ng dalaga habang si Minikki ay inosente at iniisip kung anong nakakatawa sa sinabi niya gayong iyon naman ang kaniyang naranasan kung bakit siya naroon sa kinatatayuan niya.
"Silence!" sigaw ni Professor Selene na dumagundong sa buong auditorium hall.
"Miss Umali, pumwesto ka sa unahan para kita ko ang mali mo."
Napanganga si Minikki at agad na umakyat sa dibdib ang kaba lalo't inilagay siya sa unahan. Mukhang isa iyong pagkakamali.
"Nasa'n ang partner mo?" tanong pa ni Professor Selene.
"W-wala po," simpleng sagot ng dalaga habang kinakain ng takot at kahihiyan.
"Bakit wala? Who's your partner?"
"Si Jaeson po," sagot ng dalaga.
"Mr. Zalazarres? I see."
Inayos na ni Professor Selene ang formation ng mga candidates at totoong nangliliit sa unahan si Minikki. Kitang-kita siya ng propesor at ganoon din ng mga kasama niyang nakapwesto sa kaniyang likod.
"Okay, 'yan ang formation niyo after your entrance. So you'll be coming from the backstage and then you'll go where I placed you. Miss Umali, dahil ikaw ang nasa unahan, you should give us a strong stage presence and a catwalk na kukuha ng atensyon ng madla. So, when you hear this beat, you'll come out from the side," mahabang paliwanag ng guro na nagpapasiklab lalo ng kaba ng dalaga.
Pinapunta ni Professor Selene ang lahat sa backstage at sinimulang patugtugin ang background music na magiging hudyat ng pag-entrada nila sa stage.
"Entrada!" sigaw ng propesor at kasabay no'n ay ang pagpasok ni Minikki na walang kalato'y lato'y na naglakad sa unahan. Malakas na bulungan at tawanan ang pumuno sa hall lalo na nang mag-posing si Minikki na akala mo'y exotic model sa kaniyang mga ginagawang poses. Mayroon pang akala mo'y masakit ang tiyan, masakit ang ulo, may pagnguso pa siyang nalalaman na talagang ikinainit ng dugo ni Professor Selene.
"Miss Umali, are you kidding me?!" Napapaypay ang propesor sa sarili at halos hindi makapaniwala sa nasaksihang nakadidiring pangyayari. Tila ba siya'y masusuka at magkakalagnat nang isang linggo. "What are you doing?!"
"S-sorry po, mali po ba ang ginawa ko?" nahihiyang tanong ni Minikki.
"Anong mali? Kung pwede lang akong manakit, sinakal na kita, Miss Umali. Sisirain mo lang ang event na pinaghandaan ko!" Nanglalaki ang mga mata ni Professor Selene. "Doon ka! Doon ka sa likod! Hindi ka pwede sa unahan! You'll just turn this event to a cheap one!"
Wala nang nagawa si Minikki kundi ang sumunod sa propesor. Nakakahiya man sa mga nakakakita ngunit parang mas pabor na sa kaniyang sitwasyon ang mapunta sa likod upang hindi siya tampulan ng atensyon sa araw ng Mr. and Miss Occoii University.
Mabuti na lamang at mababait ang mga katabi niya at pinagagaan ang kaniyang loob. Ang iba pa'y pinupuri siya sa pagiging komedyante na siyang hindi alam ng dalaga kung matutuwa ba at tatanggapin.
Aminado si Minikki na hindi siya makasabay sa steps na tinuturo ng guro. Isang sayaw na kailangan ng kapareha. Hindi niya alam kung dahil ba wala siyang kapares kaya hindi niya matutunan 'yong steps o talagang mahina siya pagdating dito.
"Miss Umali, I can see you at the back! Paano mo maituturo 'yan sa partner mo kung ikaw mismo hindi mo matutunan?" sigaw ni Professor Selene.
Kahit pa turuan siya ng ibang candidates ay hindi niya talaga masundan at mabilis niyang nalilimutan ang steps. Kung saan ilalagay ang kamay, kung kailan hahakbang at tatalon. Hindi niya talaga maipagtagpo ang dalawa niyang kaliwang paa. Kahit siya ay suko sa kaniyang sarili.
"Alright. Let's meet again at the dress rehearsal before the day of the event. Make sure na-master niyo na'ng maigi ang steps dahil kung hindi, hindi ko kayo isasalang sa mismong event. I want this to be perfect at kung ikaw ang makakasira ng production number, I should dispatch you before you do that. All must be perfect!"
Tila ba si Minikki ang kinakausap ng guro sa paratang niyang iyon.
Naglakad na papalabas ang propesor at ganoon din ang ibang mga estudyante. Naiwan si Minikki sa gitna ng stage. Kahit siya ay nadi-disappoint sa kaniyang sarili. Hindi man niya gusto ang sumali sa ganitong pageant, hindi niya gugustuhing mapahiya ang kaniyang section at lalo na si Jaeson na kaniyang ka-partner.
Napansin niyang mag-isa na lamang siya sa auditorium hall. Tila ba nakaramdam siya ng lungkot at nagsimulang pumasok ang mga isiping lalong nagpapalugmok sa kaniya. Ano nga bang kaya niyang gawin?
"Hindi mahanap sa lupa ang pag-asa."
Naalala ni Minikki ang paborito niyang awit noong bata pa siya. Bigla itong pumasok sa kaniyang isipan at hindi niya napigilang awitin dala ng bugso ng kaniyang damdamin.
"Nakikiusap na lang."
"Himala... Kasalanan bang humingi ako sa langit ng isang himala?"
Hindi na napigilan ni Minikki na umiyak. Lalo na't dumadaloy sa kaniyang sistema ang takot ngunit lingid sa kaniyang kaalaman na sa madilim na kwartong iyon ay nagliliwanag ang maputi niyang balat.
Muli siyang nakapaglikha ng liwanag.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top