Chapter 28: Dreamer to Defender

Hindi ganoon karami ang mga tao sa Buried Emporium siguro'y dahil tulog pa ang mga ibang estudyante ng ganitong oras.

"Tamang-tama ang punta natin, Minikki!" masiglang sambit ni Alondra.

Itinuro ni Alondra ang isang kalye kung saan nakahanay ang mga food stores. "Alam mo ba na nagbabago ang itsura ng mga store na 'yan sa gabi? Sayang lang at hindi natin masasaksihan dahil may curfew na."

Nagpatuloy sila sa paglakad hanggang sa nakarating sila sa tapat ng isang maliit na store na kahit nasa labas ka ay amoy na amoy mo ang bango ng niluluto. "Dito tayo kumain, masarap ang soup dito. Talagang mawawala ang mga sakit mo sa katawan. Lalo na kung may pagkaing hindi natunaw sa tiyan mo," paliwanag ni Alondra sabay hila kay Minikki.

Pumasok na sila at um-order ng agahan. Doon sila sa gitnang lamesa umupo.

"Sakto, hindi pa tayo nag-a-almusal," komento ni Minikki habang hinihintay ang in-order para sa kaniya ni Alondra. Ipinapadyak niya ang kaniyang mga paa dahil sa sobrang excitement.

"Here's your Bava soup," sabi ng waiter tsaka inilapag sa harap ni Minikki ang isang bowl ng kulay yellow green na soup. May pagdududa pa siyang tumingin kay Alondra dahil kung titingnan, hindi ito kaaya-aya.

"Try it."

Napalunok na lamang si Minikki bago isinalok ang kutsara sa mangkok. Pigil hininga siya nang tikman ito. Napanganga siya nang magustuhan ang hinihigop niyang sabaw.

"Ano? Masarap ba?"

Tumango si Minikki habang suot ang ngiti at patuloy na humigop. "Masarap! Ngayon lang ako nakatikim nito, Ate Alondra!"

Sandali namang natigil si Alondra dahil ito ang unang beses na tinawag siya ni Minikki. Marahan siyang ngumiti habang itinatanim sa kaniyang puso ang kaligayahan na sa wakas ay nagiging komportable na ito sa kaniya.

"Bakit Bava soup, ate Alondra?" tanong ng inosenteng dalaga.

"Mixture ng banana and guava." Napa-oooh naman si Minikki nang mapagtantong may lasang saging at bayabas nga ang sabaw na kaniyang ininom.

"Sabi na, eh, magugustuhan mo. May in-order din akong toasted bread. Wait mo lang."

Maya-maya lang ay dumating pa ang mga additional nilang orders ngunit papasubo na si Minikki nang may pumasok sa pintuan at napatingin sa kaniya. Agad siyang natuliro nang makita si Haylan na nakasuot ng simpleng kasuotan. Ngayon lang niya ito nakitang hindi naka-uniporme.

Binati siya nito sa pamamagitan ng isang pagtaas ng mga kilay bago ito tumuloy sa loob ng kusina. Nagtaka pa si Minikki kung bakit ito nagdere-deretso sa lugar kung saan pinupuntahan ng mga waiters ngunit nasagot din ang kaniyang tanong nang lumabas si Haylan na may suot ng apron na katulad ng sa ibang nagsisilbi.

"Huwag mong sabihing may gusto ka kay Haylan?" mahinang tanong ni Alondra sa dalaga habang suot ang mapanudyong ngiti.

"H-ha? W-wala!" nahihiyang sambit ni Minikki tsaka muling itinuon ang kaniyang atensyon sa kinakain.

"Wala? Alam ko 'yang mga ganiyang tingin, Minikki. Wala kang maitatakas sa akin."

"Pero wala naman talaga, ate Alondra. Pumunta ako rito para mag-aral at hindi mag—"

"Sige, sabi mo, eh. Hindi na kita aasarin." Alondra pursed her lips as she tried herself to stop blushing, knowing that her friend is clearly showing symptoms of being into someone.

Natapos na sila sa pagkain kung kaya't napagdesisyunan nilang lumabas na upang ipagpatuloy ang kanilang gala.

"So, saan mo gustong pumunta? Sa Light Market o Dark Market?"

Paulit-ulit na kumurap si Minikki dahil hindi niya alam ang pagkakaiba ng dalawa. "Mas maganda sa Dark Market, dahil naroon ang mga librong pinagkakaguluhan ng mga babae," humahagikgik na bigkas ni Alondra. Napapaisip tuloy si Minikki kung tama bang desisyon ang pagsama niya rito dahil mukhang iniimpluwensyahan lamang siya nito sa hindi magandang bagay.

Ngunit hindi pa man sila nakakahakbang palayo kung saan sila kumain ay biglang nagsalita si Alondra.

"T-teka, Minikki, sumasakit ang tiyan ko," inda ni Alondra habang hawak ang kaniyang tiyan. Napakapit din siya sa dalaga. "Nawala sa isip ko. Ito nga pala ang side effect ng kinain natin," natatawang komento ni Alondra habang namimilipit sa sakit ng tyan.

"Pasensya ka na Minikki, mukhang hindi kita masasamahan sa Dark Market. Kailangan ko nang ilabas ito. Basta dumeretso ka lang doon at pumasok sa loob. May makikita ka nang mga itim na bulaklak, iyon na 'yong lugar. Susunod ako sa 'yo."

Agad na tumakbo si Alondra papasok sa lugar kung saan sila kumain kanina. Doon siguro ito magbabanyo.

Ngunit hindi rin nakagalaw si Minikki dahil umarya ang kaniyang tiyan. Walang anu-ano'y kumaripas na rin siya ng takbo papasok muli sa lugar kung saan pumunta si Alondra. Dali-dali niyang hinanap ang palikuran ngunit hindi ito makita.

"Where are you going?"

Nagulat si Minikki nang kausapin siya ni Haylan.

"Why do you look so tense and sweaty?" dagdag pa nito.

"Saan? Nasaan ang c.r.?" Kung kanina, pumapadyak si Minikki dahil sa excitement, ngayon naman ay dahil sa takot na maabutan ng tawag ng kalikasanan. Mabuti na lang at agad na naintindihan ni Haylan ang ipinupunto ng dalaga kung kaya't itinuro nito ang palikuran.

Isang oras na namimilipit si Minikki sa loob ng banyo. Daig niya pa ang pinurga. Para siyang inaagawan ng buhay sa nangyayari sa kaniya.

"Ayos ka lang?" tanong ni Haylan nang makalabas si Minikki mula sa palikuran na punong-puno ng pawis.

"Akala ko mamamatay na ako. Hindi na ako kakain ng Bava Soup kahit kailan," reklamo ni Minikki. Natawa naman si Haylan.

"It's okay. Maginhawa naman 'yan sa pakiramdam pagkatapos."

Magsasalita pa sana si Minikki nang marinig niya ang pagtikhim ng isang babae—si Alondra.

Kapwa naman napatingin ang dalawa sa babae. Nagpaalam na si Haylan kung kaya't naiwan si Minikki sa mga mata ni Alondra na ngayo'y naniningkit at nagsusuri.

"Naku Minikki, mag-ingat ka, ha? Alam ko, wala ako sa lugar para sabihin sa iyo 'to kasi ako rin naman hindi ko napigilan ang sarili kong umibig. Gusto lang kitang paalalahanan." Bakas sa tono ng babae ang pagkabahala.

"Tungkol saan, ate Alondra?"

"Sa pagiging malapit niyo sa isa't isa ni Haylan. Alam ko at naririnig ko ang mga balita tungkol sa inyo. Hindi maiiwasan na mahulog ang loob mo sa kaniya kung palagi mo siyang nakakasama. Hindi naman sa pinipigilan kita, Minikki, pero kung hindi mo kayang panindigan, huwag mo nang simulan."

Ang mga salitang iyon ang gumulo sa utak ni Minikki noong araw na 'yon kung kaya't hindi rin siya masyadong nag-enjoy sa gala nila ng kaniyang roommate.

***

"Minikki! I've heard what happened! Delikado talaga sa River of Wendigos at sa Gold Mountain na 'yon! Kung alam ko lang na pupunta kayo roon ay pinayuhan kita tungkol do'n," nag-aalalang sambit ni Gellie nang makita si Minikki na papasok na ng kaning classroom.

"Okay lang ako. Kayo? Kumusta kayo?" nakangiting tanong ni Minikki.

"Mabuti naman kami, Miniks. Nagpractice na nga pala kami kaninang hapon tungkol sa gaganaping Association Week. Grabe, ang daming kasali pero for sure panalo tayo ro'n," mayabang na komento ni Jaeson na nagpangiwi kay Minikki.

"Oo nga pala, kasali nga pala ako riyan. Hindi ko talaga inaakalang sa buong buhay ko ay mararanasan kong sumali sa pageant," banggit ni Minikki na naging dahilan ng paghagikgik ng kaniyang mga kaibigan. Napapailing pa si Minikki dahil kahit siya ay kinikilabutan sa kaniyang naiisip. Hindi niya inakalang sa buong buhay niya ay mapapasabak siya sa ganito.

"Mabuti pa, Jaeson, after ng class turuan mo si Minikki. Mukha namang marunong sumayaw itong kaibigan natin at madali siyang turuan. Isang kembot nga d'yan, Minikki!"

"Kembot? Naku po! Hindi ako marunong!" natatawang sabi ni Minikki habang umiiling. "Ipagawa niyo na lahat sa akin, huwag lang ang sumayaw dahil parehong kaliwa ang paa ko!"

At katulad nga ng napag-usapan ay tinuruan ni Jaeson si Minikki pagkatapos ng kanilang klase. Wala nang tao sa room nila kung kaya't malayang nakakagalaw ang dalawa. Habang si Gellie naman ay nanonood.

Tinuruan siya ng mga ito sa steps para sa production number nila sa Association Week. Lahat pala talaga ng kasali sa Ms. and Mr. Occoii University ay kailangang sumayaw. Tila ba para patawanin ang lahat.

"Oh ano? Kaya pa?" tanong ni Gellie habang hawak-hawak ang tiyan.

"Ikaw dapat ang tinatanong ko riyan! Kanina ka pa tawa nang tawa. Baka maubusan ka ng hininga!" sagot ni Minikki. "Ano bang nakakatawa sa ginagawa ko? Eh, kumekembot lang naman ako? Ginagaya ko lang si Jaeson!"

Napahalakhak naman si Jaeson. "Miniks, hayaan mo 'yan si Gellie! Inggit lang 'yan! Dapat ang focus natin dito ay mapasaya ang manonood. Hindi naman pagandahan dito kaya mananalo talaga tayo."

Kusang tumaas ang gilid ng labi ni Minikki at tiningnan nang masama ang lalaking kaharap niya. "Ah, gano'n? So, parang sinabi mo na ring katawa-tawa ako! Eh, kung suntukin kaya kita d'yan!"

"Kahit suntukin mo 'ko, hindi ko mararamdaman 'yan! Baka defender 'to," mayabang na sabi ni Jaeson habang fine-flex ang kaniyang bisceps. "Para ka lang paper."

"Ah, gano'n!" Kinuha ni Minikki ang buhok ni Jaeson at sinabunutan. Tawa naman nang tawa si Gellie habang pinapanood ang dalawa niyang kaibigan na halos magpatayan na sa gitna ng classroom. Ganoon din ang nangyari sa mga nakalipas na araw. Kahit sa umaga, maaga silang pumapasok para maturuan si Minikki sa pagsasayaw habang si Gellie naman ay abala sa pagtawa at pang-aasar sa dalaga.

"Guys! Halikayo! Tingnan ninyo!"

Parehong napalingon sina Minikki sa lalaking nagmamadali sa pagtakbo papunta sa room nila na para bang hindi na siya mapakaling sabihin ang balitang nalaman niya.

"Si Haylan! Lilipat na siya ng lodging house!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top