Chapter 19: Disobedience Brings Destruction

"H-haylan?" nagtatakang tanong ni Minikki.

Hindi niya inakalang sa lahat pa ng taong nandito sa Occoii University, si Haylan pa ang mabubunggo niya—ang lalaking nagligtas sa kaniyang buhay na ngayo'y naparurusahan dahil sa kaniya.

"Are you okay?" tanong ng binata.

Laking gulat ni Minikki nang kausapin siya nito. Hindi siya nakapagsalita at sa halip ay agad siyang lumayo dahil sa pagkabahalang baka may makakita sa kanila. Nilampasan niya na lamang ang binata lalo't natatandaan niya ang bilin sa kaniya ni Gellie na huwag pansinin ang lalaki.

"Where are you going? It's getting late, Minikki!"

Napatigil sa paglalakad si Minikki nang marinig ang kaniyang pangalan mula sa bibig ng lalaki. Rinig na rinig ni Minikki ang tibok ng kaniyang puso. Wala pang kahit na isang taong tumawag sa kaniya nang ganoon.

"K-kay Professor Gener," matipid niyang sagot sa pag-aakalang lulubayan na siya nito kung sakaling sumagot siya.

"Samahan na kita."

Lalong nanlaki ang mga mata ni Minikki sa tinuran ng binata at napalingon sa lalaki.

"H-ha? H-hindi na! Baka may makakita pa sa atin!"

"What's wrong with that?"

Napanganga si Minikki. Gusto niyang sampalin ang sarili upang malaman kung tama ba ang kaniyang narinig.

"You're a woman. Who knows what would happen if I left you alone?"

"P-pero."

"No buts."

Hindi na nakasagot si Minikki. Mabuti na lamang at madilim na kung kaya't hindi makikita ni Haylan ang namumulang pisngi ng dalaga. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang reaksyon ng kaniyang sarili kapag napapalapit sa binata. Dahil ba ito sa nangyaring paglalapit ng kanilang mga labi?

Pero parang wala lang iyon kay Haylan dahil kung tumingin ito sa kaniya ay parang nakalimutan na nito ang ginawa niya. Napabuntong-hininga si Minikki. Pinigilan niya na lamang ang kaniyang sarili na mag-isip at hinayaan si Haylan na samahan siya. "S-sige."

Alam niyang nakasunod si Haylan sa kaniya habang naglalakad. Animo'y isang bodyguard na kung saan siya dumaan ay nakabuntot ito sa kaniya. Ilang sandali lang ay nakarating na sila sa Lodging House ng faculty members. Hindi naman ito kalayuan sa lodging houses ng mga estudyante.

Lumapit si Minikki sa receptionist samantalang nagpaiwan sa labas si Haylan.

"Good evening, Miss Umali, how can I help you?"

Nagtataka man kung bakit siya kilala nito ay sinagot na lamang niya ang tanong kung anong pakay niya sa pagpunta rito.

"Si Professor Gener po, pupuntahan ko po siya," sagot ng dalaga.

"I'm sorry, Miss Umali, hindi pa umuuwi si Mr. Gener."

Napasinghap si Minikki. "Ganoon po ba? Sige po, maraming salamat."

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Minikki bago siya nagpaalam sa receptionist. Nakita niyang naghihintay sa kaniya si Haylan habang nakasandal ang likod sa pader. Hindi niya napigilang pagmasdan ito kung hindi pa yata ito lumingon ay hindi siya mababalik sa wisyo.

"Kumusta?" bungad nito sa dalaga sabay lapit. "Have you met him?"

Umiling si Minikki. "W-wala pa raw si Professor Gener. Bukas ko na lang siguro siya kakausapin," nauutal na sabi ng dalaga.

"Ano bang kailangan mo sa kaniya?"

"Ha? Ahh...baka lang kasi mapapadalhan niya ng significa si ina. Marami kasing gumugulo sa utak ko at gusto kong itanong kay ina."

Napayuko si Minikki. Hinihintay niya ang isasagot sa kaniya ng binata ngunit ilang segundo na ang nakalipas ay hindi ito nagsasalita kung kaya't muli siyang tumunghay.

"What is it that bothers you?"

Nagtagpo ang kanilang mga mata at sa sandaling iyon, tila ba may namuong pakiramdam sa dibdib ni Minikki na dapat niyang pigilan. Hindi maitatangging parang diyos ang kagwapuhang taglay ni Haylan na kahit sinong tumingin dito at katagpuin ng mapupungay nitong mata ay tiyak na mahuhulog.

"I'll ask the professor if I saw him around," dagdag pa ng binata. "For sure, he's there at the Prohibited Garden."

"Prohibited Garden? Bakit siya naroon?" Naalala niya ang unang beses niyang makita si Professor Gener. Hindi kaya para makipagkita sa ina ni Minikki?

"To see if there's students disobeying the rules."

Napasinghap si Minikki dahil sa katiting na pag-asang biglang nawala. "Ahh...Sa susunod na lang siguro," sambit ni Minikki lalo na nang maisip niyang ayaw niyang maging abala sa para sa iba. "Babalik na ako sa Lodging House."

Tumango lang si Haylan. "Tatanawin na lang kita."

Gusto pa sanang tanungin ni Minikki kung bakit iyon gagawin ni Haylan pero mas pinili niya na lang huwag kuwestyunin ang mga bagay-bagay na ginagawa ng binata at huwag nang bigyan ng ibig sabihin ang mga iyon.

"Ikaw? Hindi ka pa ba uuwi?" tanong ng dalaga.

"Hindi pa. I need to go somewhere."

"Saan?"

Hindi sumagot si Haylan kung kaya't wala nang nagawa si Minikki kung hindi ang magsimula nang maglakad.

Tuluyan nang nakalayo si Minikki kay Haylan at bago siya pumasok sa Lodging House ay muli niya itong nilingon at sa unang pagkakataon ay natanaw niyang naroon pa ito. Napapaisip na naman tuloy siya lalo na't nasanay siyang tuwing dumadalawang lingon siya rito ay nawawala na ito. Bakit ngayon ay hindi?

Itinapak niya ang kaniyang paa papasok at tuluyan nang tumuloy sa Lodging House nang may maalala siya. Hindi pa nga pala nakakapagpasalamat dito tungkol sa pagliligtas nito sa kaniyang buhay!

Nagmadali siyang lumabas at doon niya nakitang wala na ito. Hinanap niya ang binata at agad na kumunot ang kaniyang noo nang mapansing nagmamadali itong naglalakad papunta sa daang hindi dapat tinatahak ng kahit na sinong estudyante—sa Prohibited Garden.

"Magche-check ang Highest Defenders sa Prohibited Garden kung may mga sumusuway pa rin at pumupunta r'on. Halika na! Bilisan mo! Kailangan nating makatiyak na walang Dreamer na nabibilang sa mga 'yon!"

Mabilis na nagtago si Minikki nang marinig si President Darwin. Kasama nito ang iba pang mga lalaki na kapwa nagmamadali kung kaya't hindi rin nila napansin ang dalaga.

Agad na bumaling sa isip ni Minikki ang nakita niya kanina. Si Haylan.

Mabilis na tumakbo si Minikki upang hagilapin si Haylan. Maingat lang ang kaniyang kilos upang walang makapansin. Totoong nakatulong ang paglibot at pagkabisado niya sa buong universidad dahil alam niya na kung saan ang pinakamalapit na daanan para makatawid sa Prohibited Garden nang hindi makikita ng iba pang mga estudyante.

Pursigido na siyang alamin kung naroroon nga ba ang taong nagligtas sa kaniya at kahit na alam ni Minikki na panganib ang naghihintay sa kaniyang pagpunta sa ipinagbabawal na hardin ay desidido na siyang puntahan ang binata.

Lakad-takbo ang ginawa ni Minikki hanggang sa marating niya ang pintuan kung saan siya unang pumasok para makarating sa lugar na ito. Hindi na siya nagdalawang isip pa at binuksan niya na ang pinto.

Sumalubong sa kaniya ang nakakapanindig balahibong kadiliman, ang malakas at malamig na hangin na para bang nagsasabing nasa paligid lang si kamatayan. Ang nakabibinging katahimikan na kung may magkakamaling gumalaw ay mararamdaman at maririnig ng kung sino mang nagbabantay dito.

Dahan-dahang naglakad si Minikki. Wala man siyang maaninagan masyado ay kahit papa'no nakatutulong ang tanglaw ng bilog na buwat upang makita niya ang nilalakaran.

Nakarinig siya ng mahinang kaluskos dahilan para makaramdam siya ng kaba. Lumalakas ang pandinig ni Minikki kaya mas lalong umuusbong ang takot niya sa kaniyang dibdib. Lalo pa nang mapagtanto niyang nasa gitna siya ng kagubatan at parang hindi niya na alam ang daan pauwi.

"May nakita ba kayo?"

Naestatwa si Minikki nang makarinig siya ng boses. Mahina lang ngunit nakakatakot.

"Wala pa ngunit sigurado akong nasa paligid lang sila. Isa sa mga araw na ito'y makakakuha rin tayo ng taga-loob na pwede nating gamitin laban sa kanila."

Sinilip ni Minikki ang dalawang taong nag-uusap. Parehong lalaki at sakay ng mga kabayo. Nakapagtatakang kahit pumapadyak ang mga kabayong iyon ay walang nalilikhang ingay. Nakakatakot!

"Hindi pwedeng basta-basta lang tayong kumuha ng taga-loob. Dapat ang makuha natin ay ang babaeng nasa cronica."

Napalunok ng laway si Minikki. Hindi niya alam kung dapat bang marinig niya ang mga bagay na iyon. Malaki ang kaniyang pagsisisi sa pagtapak niya sa lugar na ito.

"Babaeng nasa cronica? Pero kahit mahanap natin ang babaeng nasa Cronica, hindi natin siya magagamit kung wala ang libro dahil matagal nang nawawala ang cronica."

"Kaya nga kailangan muna nating mahanap ang babae, Laxamana. Sigurado akong nakabalik na ang dalaga sa loob dahil nararamdaman ko na ang kapangyarihan niya. Ang kapangyarihang nararapat sa akin."

Sumilip ang matalim na pangil nito nang ito'y ngumisi. Hindi masyadong tanaw ni Minikki ang mukha nito sapagkat may talukbong ang ulo ng lalaking sakay ng kabayo ngunit kahit na gano'n ay umaapaw ang kaba sa dibdib ng dalaga dahil tila ba mayroon sa puso niyang naniniwala na siya ang tinutukoy ng mga ito.

"Kung gano'n, aalamin ko kung sino siya."

Napaatras si Minikki dahilan para makalikha siya ng ingay.

"Ano 'yon?"

"May tao. May lihim na nakikinig sa atin, Rama."

Napatakbo si Minikki dahilan upang mas mapansin siya ng mga ito. Kumaripas ang mga kabayo para habulin ang dalaga. Lalo siyang natakot dahil hindi niya naririnig ang mga yabag ng kabayo at hindi niya alam kung nakasunod nga ba ang mga ito sa kaniya.

Abot-langit ang kaba sa dibdib ni Minikki. Hindi niya alam kung saan siya pupunta. Masyadong malawak ang kagubatan para mahanap niya ang landas pabalik.

Lumingon siya para tingnan ang mga ito na patuloy pa rin sa paghabol sa kaniya.

"Tulong! Tulungan niyo ako!" sigaw ni Minikki, nagbabakasakaling may makakarinig sa kaniya. Wala na siyang pakialam kung mahuli siya ng mga defenders na posibleng nagbabantay sa prohibited garden ngunit 'yon lang ang naiisip niyang paraan para makaligtas at lubayan ng dalawang lalaking sakay ng kabayo. Wala na siyang pakialam kung maparusahan siya ng Grand Office dahil mas mahalaga sa kaniya ang buhay niya na maaaring mawala kung sakaling makuha siya ng mga ito.

"Minikki!"

Napalingon si Minikki sa lalaking tumawag sa kaniyang pangalan.

"Haylan!"

Agad niyang naramdaman ang kamay nito na humawak sa kaniya kasabay ng mahigpit na yakap.

Bago siya pumikit ay nakita niya ang paghila sa kaniya ng binata sa arch of utopia.

Nakarating sila sa ibang lugar.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top