Chapter 7: Words of Mouth
Chapter 7: Words of Mouth
Isang linggo na ang nakalilipas simula noong namalagi ako sa palasyo, simula rin no’n ay hindi ko na muling nakita pa si Nikolai. Marahil dahil sa pagtitipon nila upang paghandaan ang biglaang pagsugod ng mga rebelde.
Sa Hilagang bahagi ng emperyo nakadestino sina Prinsipe Nikolai at Carsten, samantalang sina Prinsipe Alexander at Cayden naman sa Kanluran. Ang mga squires ay pinandagdag sa depensa ng Silangan at Timog upang maging balanse ang bilang ng mga Knights.
Nakanguso kong binaon sa lupa ang rapier at saka kinuha ang aking inumin sa malilom na bahagi ng kuwartel. At kahit wala ang mga squire at si Cayden, patuloy pa rin akong nag-eensayo upang mahasa ang paggamit ko sa espada. Bagamat malapit ito sa Kanluran na lagusan, tiyak akong hindi papayag ang grupo nina Cayden na may rebelde na makapasok dito.
Nang makarinig ako ng isang kaluskos sa ‘di kalayuan ay agad naman akong napangiwi. Okay, binabawi ko na ang sinabi ko. Mabilis akong tumakbo patungo sa aking rapier, halos madapa pa ako sa kaba makuha lamang ito.
Agad naman akong napatigil nang dumausdos ang isang palaso sa aking binti kasabay nito ang pagpapakita ng isang estranghero mula sa aking likuran.
Wala sa sariling akong napaluhod nang maramdaman ko ang hapdi ng aking sugat, daplis lamang ito ngunit ubos ng hapdi nito sa aking katawan.
“Hinihingi ko ang iyong katahimikan.” Mula sa aking likod ay tinutukan niya ako ng isang matulis na kutsilyo dahilan upang mapahawak ako ng mahigpit sa rapier.
Tangina naman, wala bang darating d’yan upang iligtas ako?
Alam ko sasarili ko na hindi pa ako bihasa katulad ng lalaking ito, ngunit kailangan kong manatiling buhay upang makabalik ako sa modernong panahon.
Hindi n’ya inaasahan na aking tatapakan ang kaniyang paa dahilan upang mabitawan n’ya ang kutsilyo. Mabilis kong nilingon ang kaniyang kutsilyo at sinipa iyon palayo sa amin.
Taas-noo kong tinutok sa kaniya ang rapier dahilan upang ngumisi siya’t umayos ng porma. At mula sa kaniyang gilid, dahan-dahan n’yang kinuha ang nakahanda niyang espada.
Kung ikukumpura ko sa edad, tiyak na hindi nalalayo ang edad niya sa aking ama. May kakaibang awra siya na tila ba’y isa siyang mataas na tao at ang mga mata niyang nanonood sa ‘kin ay tila ba nagpapahayag na kilala niya ako.
Saglit akong napalunok ng kahit isa sa amin ay walang sumugod. Tila ba’y naghihintay kung sino ang unang susugod, at ang mauuna ang siyang matatalo.
“Ano… Ano ang iyong nais? Bakit kayo sumugod sa emperyo?” Kinakanahan kong tanong.
“Mawala ang mga ganid na nagpapatakbo sa emperyo,” sambit n’ya.
Gulat akong umilag nang bigla na lamang siyang sumugod, mabilis niya akong sinundan dahilan upang sanggahin ko ang mabigat niyang espada gamit ang manipis na rapier.
Nakangiwi ko s’yang tiningnan. Marahil ay pagod na ako kaya’t nanlalambot na ang aking katawan sa pakikipagpatibayan sa kaniya ngunit kailangan kong manatiling nakatayo.
“Saglit lang ha… Hindi naman ako ang pinuno ng emperyo. Pero bakit ako ang inaaway mo?” Sa true lang talaga.
Gusto kong putulin ang matabil kong dila dahil sa pandidilim ng paningin ng lalaki sa aking harapan. Muli kong naramdaman ang hapdi sa aking binti dahilan upang mapaluhod ako’t matalo sa patibayan.
“Huhu, ang sakit naman e,” naiiyak kong sambit dahilan upang mapatitig sa akin lalaki. Pinagmasdan niya nang sugat sa aking binti na puno na ng mga gabok saka lumipat ang mga mata niya sa palaso na nakatama sa akin, “Tingin-tingin ka pa ro’n. E, ikaw naman ang may gawa ng sugat ko.”
“Mapapahiya ka lamang kung sasabihin kong hindi ako ang dahilan ng iyong sugat, Binibing Clarabelle.” Okay, famous din ako pati sa mga rebelde. Kinuha niya ang kulay asul na tela na nakakabit sa dulong bahagi ng palaso at nilagay iyon sa aking palad, “Isang guwardya ang may gawa niyan sa iyo. Hindi ako gumagamit ng palaso.”
“Ba’t ako maniniwala sa’yo… E, rebelde ka?”
Isang mayabang na ngisi ang binigay niya sa akin kasabay nito ang pagkuha niya ng tela sa kaniyang bulsa, inabot niya rin ang inumin kong hindi naubos saka iyon binuhos sa aking sugat, “E, bakit ka naniniwala sa kanila gayong sinungaling sila?”
“Sila?”
“Tila ay wala kang alam sa katarantaduhan ng mga namumuno sa emperyo.” Kaniyang tinali sa aking binti ang tela n’ya upang matakluban ang sugat ko. “Ija, alam mo ba ana ang mga taong walang alam sa mundong kaniyang ginagalawan ay mas masahol pa sa isang hampaslupa?”
Pinagmasdan ko lamang siya hanggang sa pinatong niya ang hintuturo niya sa aking noo, “Ang pagiging walang muwang mo sa kanilang kasakiman ay nagsisilbing lakas upang ipagpatuloy nila ang kanilang kasamaan.”
“Hindi ko maintindihan… Alam kong hindi kayo maglalakas ng loob na maghimagsik sa emperyo kung wala silang maling ginawa sa inyo. Ngunit kung pupunan niyo lamang ang aking isipan ng mga palaisipan ay hindi ko magagawang maintindihan ang iyong sitwasyon.”
Buntong-hininga siyang tumingin sa akin, “Ngunit oras na marinig mo ang aking istorya ay hindi mo na sila magagawang tingnan katulad ng dati.”
“Makikinig pa rin ako. H’wag niyo pong isipin na isa akong Marquez o ‘di kaya’y ang magiging asawa ng prinsipe. Ihayag niyo po sa akin ang inyong mga hinaing na tila isa akong karaniwan na mamamayan.”
Biglang kumislap ang mga mata niya’t may binulong sa hangin bago niya ako bigyan ng isang malungkot na ngiti, “Kinuha ng kasalukuyang hari ang aking asawa at ang aking dalagang anak, maging mga asawa at anak ng aking mga kasama—”
“Clarabelle, lumayo ka sa lalaking ‘yan!” Parehas kaming gulat na napalingon sa aming gilid, umalulong ang malakas na yabag ng mga kabayo dahilan upang mapatayo ang lalaki.
Sa ‘di kalayuan ay ang prinsipe, nakasakay ito sa kabayo’t may dalawang kasama sa kaniyang gilid. Inangat ng mga kasama niya ang mga palaso’t tinutok iyon sa lalaki, mabilis ang mga itong lumipad sa ere ngunit agad din itong nahiwa ng lalaki.
“Tumakbo ka na, Ginoo,” nangungusap kong sambit. Saglit niya akong tinitigan saka matulin siyang umalis sa aking harapan.
Nang makarating si Nikolai sa aking tapat ay agad siyang bumaba sa kabayo at lumuhod sa aking harapan, agad niyang napansin ang telang nakabalot sa aking binti dahilan upang pukulan niya ng masamang tingin ang direksyon kung saan tumakas ang lalaki.
“Hindi niya iyan—”
“Sundan niyo ang lalaking iyon!” Galit na utos ni Nikolai, mabilis na sumunod ang dalawang lalaki.
Wala sa sarili kong kinuyom sa aking palad ang tela na mula sa palaso upang itago iyon sa kaniya. Masyado siyang abala sa aking sugat kaya’t hindi niya rin iyon napansin.
Maraming bagong detalye ang aking nalalaman na wala sa kuwaderno. Kaya’t sisiguraduhin kong itatala ko ang nangyari ngayon sa talaarawan katulad na lamang ng mga bagong impormasyon na aking nalalaman, naging kasanayan ko na rin naman na sulatan ang nabuburang bahagi ng kuwaderno kaya’t ayos lamang iyon.
At sa ngayon, nais kong malaman kung totoo ang impormasyong nalaman ko ukol sa hari.
“Mabuti na lamang at patungo ako sa kampo nina Cayden… Ano na lamang ang mangyayari sa iyo kung hindi ako nagawi rito?” Makakachismis pa sana ako.
Buntong-hininga niya akong niyakap, nang humilay siya’y inalalayan niya akong makatayo sa aking puwesto.
“Bakit ganiyan ang itsura mo?” Nagtatakha kong tanong.
Hindi maipinta ang kaniyang itsura, tila ba ang nagpipinta ng obra maestrang nasa harapan ko ngayon ay hindi makapagdesisyon kung nais niya bang magalit, malungkot o masaya ang damdamin na ipapakita.
Ngunit sa lahat ng emosyon… Takot ang pinakanangingibabaw sa kaniya.
“Mabuti na lamang na hindi siya…” bulong niya sa hangin, hindi ko nagawang marinig pa ang iba pa niyang sinabi dahil mas humina pa ang boses niya. Seryoso niya akong hinarap at mga salitang hindi ko inaasahang sasambitin niya ang nagpaggulo sa aking utak.
“Takot ako, Clarabelle. Natatakot akong mawala ka sa ‘kin dahil simula ngayon ay ipagdadamot na kita.”
#
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top