Chapter 44: The Lifetime Oath

Chapter 44: The Lifetime Oath

Kasabay nang pagyakap ng malamig na hangin sa aking balat ang pagkalunod ko sa mga mata ni Nikolai, tila may nais siyang ihayag sa akin ngunit pinipigilan lamang niya ang kanyang sarili. Dahan-dahan na dumausdos ang mga mata niya sa aking suot na singsing saka nag-iwas ng tingin sa akin.

“Peste! Ibalik mo sa kanyang kulungan ang babaeng ‘yan, Nikolai!”

Isang sandal pa’t naramdaman ko ang hagpit na kapit sa akin ni Nikolai dahilan upang mabitawan ko ang rapier. Ang malamlam niyang mga mata’y nawalan ng emosyon ngunit unti-unti rin nawala ang pagkakapit niya sa akin at kinuha ang rapier na aking nabitawan.

“Humihingi ako ng tawad…” hindi iyon mensahe para sa akin, iyon ang natitiyak ko.

Walang buhay na hinarap ni Nikolai ang kanyang ama’t sinipa iyon upang lalo itong mabalik sa pagkakalupasay, “Humihingi ako ng tawad sa aking gagawin… ngunit nais kong humingi ka rin ng dispensa sa dating hari, sa aking lolo.”

Naguguluhan kong pinagmasdan si Nikolai, alam kong nasa tama siyang pag-iisip ngunit tila umaakto siyang nahihibang.

Kumubra ang isang ngiti sa labi ni Nikolai, “Natatakot ka ba, Ama? Natatakot ka bang mangyari sa iyo ang ginawa mo sa iyong Ama?”

“Nahihibang ka na naman ba, Nikolai?!”

Bigla na lamang akong naestatwa sa aking puwesto nang makaramdam ako muli ng isang malamig at matulis na bagay na nakatutok sa aking leeg. Dahan-dahan na lumingon sa aking direksyon si Nikolai kung saan takot ang unang sumakop sa kanyang mga mata.

“Clara…” sambit niya.

Naging lagpas ang tingin ko sa kanya nang makita ko ang pagtayo ng kanyang ama kasabay nito ang pagdama ng aking leeg sa isang mahapding halik na kutsilyo na hawak ng tao sa aking likod.

At ginamit ni Ginoong Nicholas ang katahimikan ni Nikolai upang agawin ang rapier sa kamay nito at sinipa niya ang kanyang anak hanggang sa mapasubsob ito sa lupa.

“Punyeta…” singhal ni Ginoong Nicholas, nang lumingon s’ya sa kaliwa niya’y napalingon din ako kasabay ang pagkubra ng isang mapait na ngisi sa aking labi, “May dala ka bang pangtali r’yan, Cassimo?”

Nag magtama ang mata namin ng aking ama’y kanyang hinagisan ng lubid si Ginoong Nicholas samantalang sa gilid naman ng aking mata’y pansin ko ang matigas na ekspresyon ng aking ina habang hawak ang kutsilyo.

“Clara! Kailangan mo—”

Ang talukap ng aking mga mata’y kusang sumuko nang may humapas sa aking batok dahilan upang tuluyan na dumilim ang buong paligid.

At sa muling pagmulat ko sa aking mga mata’y nakita ko na naman ang aking sarili na nakakulong sa selda, ang kaibahan nga lamang ay kasama ko sina Beatrice at Nikolai. Kung saan taimtim na pinapanood ni Nikolai ang anim na pigura sa aming harapan.

Lumingon sa akin si Nikolai nang mapansin na akong gising na’t pinapanood siya.

“Pasensya na…” bulong n’ya, “Muli ka na naming napahamak dahil sa akin.”

Isang maliit na ngiti ang binigay ko sa kanya’t tinuon ang atensyon sa aming mga magulang na tila hindi pansin an gaming prisensya.

“Nabalitaan ko ang nangyari sa’yo…” muli siyang nagsalita ngunit nanatili ang mata ko sa aking pinapanood, “Masaya ako na gumaling at bumalik ka sa dati mong ayos.”

Nang lingunin ko siya’y lihim na nakangisi siya habang ang pares ng mga mata niya’y nakatuon sa aming mga magulang at habang pinupuno ng pagtatakha ang aking isipan, isang pagsabog mula sa labas ang umalulong sa buong lugar.

Nakuha nito ang atensyon ng aming mga magulang kaya’t isa-isa silang kumuha ng sandata bago tuluyan na lumabas sa silid ngunit bago sila makalabas ay napansin ko ang nagungusap na mga mata ng ina ni Alexander na sumilay sa akin.

Agad naman na nawala ang atensyon ko nang marinig ko ang pagkaluskos sa direksyon ni Nikolai. Ilang beses pa akong napakurap habang pinapanood siya na inaalis ang pagkakatali sa kanya.

“Ah… paanong—”

“Kailangan na nating umalis bago pa sila ay bumalik dito,” sambit n’ya. Kinapa niya ang kanyang bulsa’t naglabas ng maraming susi ro’n at pinakawalan si Beatrice at nang akma niya itong bubuhatin ay pinigilan ko siya.

“Isasama mo siya?”

Tumango siya sa akin, “Alam kong siya ang dahilan kung bakit ka naririto ngunit hindi ko maaaring iwan na lamang basta ang aking pinsan.”

Buntong-hininga ko siyang tiningnan at hinablot ang susi sa kanya’t binuksan ang rehas dahilan upang mapangiti siya. Alam kong hindi kasalanan ni Beatrice kung bakit ganoon na lamang siya mag-isip ngayon, ngunit ang sitwasyon namin ay lubos na mapanganib.

At natitiyak ko, oras na siya’y magising at wala siya sa tamang kaisipan ay mapapahamak lamang kami.

Kinuha ko ang isang lampara sa gilid upang magbigay liwanag sa aming tinatahak na daan.  Sa aming dalawa, ako ang nauuna dahil buhat niya si Beatrice.

“Bakit ka tumalikod sa iyong mga magulang?” Tanong ko.

“Hindi ako tumalikod sa kanila, Clara…” Mahinang sambit niya. Saglit kaming nabalot ng katahimikan hanggang sa muli siyang nagsalita, “Sadyang simula pa lamang ay na kay Columbus na ang aking katapatan.”

“Bakit?”

Mahina siyang humalakhak, “Sa pagkakaalam ko’y nabalik na sa iyo ang iyong alaala… dapat ay alam mo ang kasagutan sa iyong tanong, Clara.”

“Dahil siya ang taong iniidolo mo…” nakangiti kong sambit.

Sinabayan niya ako sa paglalakad at habang nakatuon ang atensyon niya sa aming daanan ako’y palihim na napasulyap sa kanya.

“Ang kasal natin ay isang malaking palabas lamang namin… oras na ibigay sa akin ang trono’y isusuko’t ibibigay kong muli iyon sa taong karapatdapat sa posisyon na iyon,” sambit ni Nikolai, “Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana…”

Nang makarating kami sa tapat ng pinto’y tumigil siya at nakangiti akong nilingon habang dahan-dahan na hinihilig si Beatrice sa may pinto.

“Simula pa lamang ay alam kong talo na ako,” nakangiti niyang sambit habang binubuksan ang pinto. Ang malamig na hangin ay sumalpok sa aming mga balat, “Dahil kahit ilang taon na siyang hindi nagpapakita, nagpaparamdam sa’yo ay nanatili kang tapat sa kanya.”

“Nikolai…”

Lumapit siya sa akin at dahan-dahan na inabot ang aking pisngi saka pinatong ang kanyang noo sa akin dahilan upang unti-unting tumulo ang aking mga luha.

“Ito ang una’t huling beses na babanggitin ko ang mga katagang ito sa iyo…” malalim siyang suminghap sa hangin saka niya marahan na niyakap ang aking ulo’t sinuklay ang aking buhok, “Minahal kita, minamahal kita, at mamahalin pa rin kita kahit hindi ako ang lalaking maghihintay sa’yo sa altar, Clarabelle Marquez.”

Nang kumalas siya sa yakap ay naiwan akong luhaan dahilan upang siya mismo ang mag alis ng mga luha na umaagos sa aking pisnge, “Hinihintay ka na nina Columbus, Clara.”

At kahit na nakaramdam ako ng sikip sa aking dibdib dahil sa kanyang ginawa ay pilit namin na umalis sa lugar na iyon. Habang kami ay nagmamartsa palayo ay mas lalong bumubigat ang pakiramdam ko sa paligid.

“Isang oras…”

Wala sa sarili akong napatigil sa pagtakbo nang marinig ko ang boses ni Cynthia. Lumingon ako sa paligid ngunit wala naman siya hanggang sa hinigit ako ni Nikolai papasok sa matataas at makakapal na talahib.

“H’wag kang gagawa ng ingay…” bulong ni Nikolai.

Nabalot ng pagtatakha ang aking isipan ng makita ko ang mga magulang ni Alexander na palayo sa pinangyarihan ng pagsabog. Patungo sila sa kasalungat na direksyon nito.

“Anastasia, saglit lamang!” Dinig kong pagsigaw ni Ginoong Charles.

May bahid ng galit na nilingon siya ng kanyang asawa, “Una pa lamang ay binalaan na kita na h’wag kang tatalikod kay Adelio ngunit sumama ka pa rin kayna Nicholas at Cassimo! At ngayon, hindi ko nagagawang masilayan ang mga anak ko!”

“Anak ko rin sila—”

“Sila? H’wag mo akong ginagago, Charles!” Singhal ni Aling Anastasia, “Aalis ako sa lugar na ito—”

“Sasama ako. Sasamahan kita…”

Galit na nagmartsa paalis ang ina ni Alexander at sumunod naman dito si Ginoong Charles. Ilang sandali pa ang hinintay namin bago tuluyan na umalis sa aming pinagtataguan at pinagpatuloy ang aming pagtakas.

At habang kami ay tumatakbo, muli kaming napatigil ni Nikolai nang mapasulyap kami sa gawing silangan namin. Nandoon sina Columbus maging ang aking mga kapatid at nang akmang lalapit na ako sa direksyon nila ay pinigilan ako ni Nikolai at umiling siya.

Sinuri kong mabuti ang direksyon nila saka ko napagtanto na matigas ang ekspresyon nila’t tila may kaharp silang hindi kanais-nais—ang aking ama.

“Ano pa ang ginagawa niyo rito?” Paghalakhak ng aking ama, “Patay na si Clarabelle kaya’t wala ng silbi ang inyong pagsugod sa akin o sa lugar na ito.”

Mayabang ang kumubrang ngisi sa labi ni Columbus habang inaangat niya ang kanyang espada, “Nasa mabuting kamay ngayon si Belle kaya’t hindi mo ako matatakot.”

Palihim akong lumingon kay Nikolai at ang pagkislap ng mga mata niya habang pinagmamasdan si Columbus. Marahil ay sadyang nakakaantig ng damdamin kapag narinig mo na pinagkakatiwalaan ka ng taong hinahangaan mo.

Hindi ko inaasahan na magiging bukas pa rin si Columbus kay Nikolai kahit nagkaroon ng anomalya at lamat sa kanilang dalawa.

“Kung si Nikolai ang iyong tinutukoy mo… isang sipa lamang ang katumbas n’ya,” ani ni Cassimo.

Bumuntong-hininga sa Columbus at nakangising tinuro ang kanyang sentido, “Planado ko na lahat ng ito… h’wag mong minamaliit ang aking utak.”

Dahan-dahan na sumilay sa direksyon naming si Columbus at ngumiti ngunit unti-unti rin iyong nagbago nang mabalot ng takot at pangamba ang kanyang mga mata. Namilog ang mga mata niya’t habang lagpas ang tingin sa akin.

“Belle!”

Bigla na lamang akong tinulak ni Nikolai dahilan upang mapasubsob ako sa damuhan at mapapikit. Nang marinig ko ang isang malakas na kalabog sa aking tabi ay pabigla kong minulat ang aking mga mata.

Ang mabagal na pag agos ng dugo sa damuhan ang saglit na nagpatigil sa akin. Umalingawngaw ang paulit-ulit na pagtawag sa pangalan ko ngayon ngunit nanatiling nakapako ang mga mata ko sa lawa ng dugo.

At sa pagpikit ko’y mabilis na tumulo ang aking luha kasabay nito ang paglingon ko sa direksyon ng taong sumalo ng tadhanang dapat ay sa akin.

“Nikolai…”

Nakalagpas sa kanyang dibdib ang isang espada, dahan-dahan akong inabot ng duguang kamay nito’t akin iyong hinawakan at tahimik na pinakiramdaman ang paligid.

“Clara… A—akala ko ba’y hindi mo ako iiyakan kahit kailanman?” Nakangiti niyang tanong. Mas lalong umagos ang mga luha ko habang pinagmamasdan siyang umubo ng dugo.

“Nikolai… pakiusap h’wag kang susuko. Hintayin natin si Amelia! Alam kong magagamot ka niya…”

“Pakawalan mo na ako, Clara.” Nanghihinang ngumiti sa akin si Nikolai dahilan upang higpitan ko ang pagkakahawak ko sa kanyang kamay, “Tandaan mong… hindi man ako ang piliin mo sa panahon na ito o isa pa man, gagawin at gagawin ko pa rin ang bagay na ito para sa iyong kasiyahan.”

Malalim akong napasinghap sa hangin nang kusang bumitaw ang kanyang kamay sa akin kasabay nito ang pagpikit ng kanyang mga mata.

May bahid ng lungkot at galit kong nilingon ang taong dahilan kung bakit nawala si Nikolai, ngunit siya ay tila wala na naman sa kanyang sarili at nakalupasay sa sahig habang pinagmamasdan ang kanyang pinsan na nakahandusay sa damuhan dahil sa kanyang kagagawan.

“Beatrice…” mapait kong sambit saka dahan-dahan na nilingon ang taong dahilan kung bakit ganito umasta ngayon si Beatrice, ang dahilan kung bakit nandito kami sa sitwasyon na ito, “Cassimo Marquez…”

Pikit-mata kong kinuha ang nakabaon na espada kay Nikolai at hinarap ang aking ama, nginisian lamang niya ako nang sumugod ako sa direksyon niya.

Walang kasikapsikap niyang sinalag ang aking atake na tila ba’y inaasahan niyang palpak ang aking gagawin na hakbang. At dahil sa hindi kasanayan sa ganitong espada ay basang-basa ng aking ama ang aking ekspresyon ngayon.

“Ah… ang aking munting unija ija ay nais matamasa ang kanyang katapusan sa aking mga palad,” nakangiting sambit n’ya. Matalim na tingin lamang ang binigay ko sa kanya’t sinipa ang kanyang paa ngunit bago pa iyon magawa ay umatras na siya.

Muntik ko nang malimutan na siya ang pinakamahusay na knight sa emperyo. Siguradong pinaglalaruan lamang ako ng taong ito.

Nang sumugod siya sa akin ay wala sa sarili akong napaatras dahilan upang hindi maging maayos ang aking balanse ngunit bago pa man ako tuluyan na matumba ay may yumakap sa aking baiwang at sinalag nito ang espada na muntik nang tumama sa akin.

“Clara…” Dahan-dahan akong nag angat ng tingin kay Carsten habang siya’y masama ang tingin na pinupukol sa aming ama, “Responsibilidad kita kaya’t hayaan mong ako mismo ang tumapos sa kasamaan ng ating ama.”

“Ngunit—”

Ngumiti siya sa akin, “Hindi lamang ikaw ang nasasaktan… kaibigan ko rin si Nikolai. At bilang panganay sa ating magkakapatid ay hayaan mo akong humarap sa nag-iisang problema natin.”

Nang dahan-dahan niya akong binitawan ay hinigit ako ni Cayden palayo sa kanila at kinuha niya rin ang espadang hawak ko. Marahan kong pinikit ang aking mga mata’t iniisip ko ang bigat sa dibdib ng aking mga kapatid.

Ang taong kaharap namin ngayon ay ang taong bumuhay sa amin. Alam kong kahit gaano siya kasuklam ay siya pa rin ang aming ama at hindi namin iyon mababago.

Nang pinanood ko sila’y seryoso lamang ang ekspresyon ni Carsten samantalang ang aming ama ay tila problemado dahil sa pantay nilang husay. Bawat atake ni Cassimo ay walang hirap na sinasalag ni Carsten ngunit ganoon din naman sa aming ama.

Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin ng ngumiti ang seryosong mukha ni Carsten, umabante siya at inakala ni Cassimo na ikukumpas nito ang kanyang espada sa kanyang direksyon ngunit sinipa ni Carsten ang kanyang baiwang ngunit hindi iyon naging sapat upang patumbahin ang aming ama.

Nanatiling nakatayo si Cassimo, iniinda ang sakit dulot ng kanyang anak. Naging mas matalim ang tingin n’ya kay Casrten, “Desidido ka na bang tapusin ang taong bumuhay sa’yo? Kung gano’n habang buhay kang babangungutin ng memoryang ito.”

Hindi natinag si Carsten sa mga salita nito at muli niyang sinipa ang aming hanggang ito ay matumba sa damuhan.

“Oras nang magpaalam, Belle…”

At sa pagkawala ng atensyon ko sa kanilang dalawa ang dahan-dahan na pagpatak ng aking mga luha’t pagluhod sa damuhan. Ang kakaibang lungkot na naramdam ko sa aking dibdib ay pilit na pinasisikip ito hanggang sa may naramdaman akong pagyakap mula sa aking likuran.

Nakayuko lamang ako’t naluluhang pinagmasdan ang damuhan hanggang sa may lumuhod sa aking harapan at hinaplos ang aking pisnge.

“Alam namin…” dinig kong sambit ni Cayden kasabay ang paglapat ng isang halik sa aking noo, “Nabasa namin ang iyong talaarawan…”

Nang bahagya siyang umipod ay may panibagong anino ang tumapat sa akin kasabay nito ang pagkawala ng yakap sa aking likuran. Marahan kong inangat ang aking ulo’t nakita ang nakangiting imahe ni Carsten, mabilis ko siyang niyakap nang mahigpit at hindi binigyan ng pansin kung ano na ang nangyari sa aming ama.

“Patawad… Patawad…” pauli-ulit kong sambit.

Kanyang sinuklay ang aking buhok at mahigpit akong niyapos dahilan upang mas lalong bumilis ang agos ng mga luhang kumakawala sa aking mga mata, “Mahal na mahal kita… mahal na mahal ka namin ni Cayden.”

Nang punasan niya ang mga luha sa aking pisnge ay pinakawalan niya ako’t tumango sa taong nasa likuran ko na marahan na hinapit ang aking baiwang upang mayakap sa kanya.

“Columbus…”

“Ako naman ang maghihintay sa’yo, Belle.”

Gulat kong kinalas an gaming pagkakayakap, “Walang kasiguraduhan kung—”

“Hindi patas na ikaw lamang ang maghihintay… kung nagawa mong maghintay sa aking pagbabalik ng ilang taon ay makakaya ko rin.” Ngumiti siya sa akin at tinitigan ako gamit ang nangungusap niyang mga mata, “Kahit ilang dekada o siglo pa ang lumipas ay hihintayin ko ang iyong pagbabalik.”

“Pakiusap—”

Siniil ako ni Columbus sa isang malalim at puno ng pagmamahal na halik, na tila ba’y nais niyang hanap-hanapin ko iyon. At kahit hindi niya iyon gawin ay natitiyak kong araw-araw kong siyang hahanapin—hahanapin ng aking mga mata, puso at buong pagkatao si Columbus Hamilton.

At sa pagbitaw namin sa isa’t-isa ay napansin ko ang pagliwanag ng aking katawan kasabay nito ang paghaplos niya sa aking pisnge.

“Columbus…”

Ngumiti siya’t sinandal ang kanyang noo sa akin at pumikit, “Maghihintay ako sa iyong muling pagbabalik. Hindi kakayanin ng isang daigdig na lumiwanag ng wala ang kanyang araw…”

“Patawad, Columbus…”

“Hanggang sa muli nating pagkikita, Clarabelle Marquez… Belle Martinez.”

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top