Chapter 41: Magical

Chapter 41: Magical

Walang tigil sa pagtulo ang aking luha na tila ba’y isang sirang poso iyon at ang tanging sigurado lamang ako’y bumalik na kami sa himapapawid ngunit ang sakit at hapdi sa aking dibdib ay hindi ko magawang pagaanin.

“Clarabelle Marquez…” muli kong narinig ang sarili kong tinig, marahan kong minulat ang aking mga mata’t nalulungkot na pinagmasdan ang aking sarili sa salamin, “Tandaan mong tayo’y iisa lamang ngunit tayo’y magkaiba rin.”

“Paano kung—”

“Ako’y isang hamak na alaala mo na lamang at ikaw na mismo ang may hawak ng susi upang ikaw ay manatiling buhay. Alam kong hindi mo na hahayaan na maulit mo ang iyong kasalanan…”

Wala sa sarili kong kinagat ang nanginginig kong labi. Matapang kong sinambit noon kay Cynthia na handa na akong harapin ang aking kaparusahan, handa na akong baguhin ang trahedyang dinulot ko noon. Ngunit ngayon na alam kong bilang na lamang ang araw na mananatili ako sa panahon na ito’y hindi ko maiwasan malungkot sa panibagong sakit na idudulot ko sa mga minamahal ko.

“At dahil ako’y muling tinanggap mo… tiyak akong natatandaan mo na lahat.” Pagngiti niya, nanghihina lamang akong tumango sa kanya, “Sa unang araw mo rito… hindi lahat ng iyong alaala’y nabubuksan pa kaya’t inakala mong si Nikolai ang taong kumitil sa’yo.”

At isa ‘yon sa aking pinagsisihan. Ang pagtrato sa kanya bilang isang kalaban.

Ngunit ngayo’y hindi ko maitatanggi ang katotohanan na nagkagusto sa akin si Nikolai, dahil sa karakter ko bilang si Belle Martinez siya ay nahulog sa akin. Marami ang aking nabago at kasama ro’n ang nararamdaman niya.

Bukod do’n ay paulit-ulit ko siyang sinisisi sa bagay na kanyang hindi ginawa. Ilang beses ko siyang tinuring na masamang tao gayong isa siya sa tumutulong kay Columbus nang mapalayas sila rito.

Dahana-dahan kong inabot ang salamin at ngumiti sa aking repleksyon, ang walang buhay niyang mga mata ay unti-unting kumikislap. Hindi ko na ulit pa hahayaang mangyari ang nakaraan.

Hindi ko na hahayaan ang aking sarili na maging mahina upang sumuko’t kitilin ang aking buhay.

At hinding-hindi ko na rin hahayaan na sirain ang pangako ko kay Columbus.

“Limang araw na lamang ang mayroon ka sa panahong ito, Belle…” malungkot niyang sambit.

“At hindi ko na muli pang kikitilin ang aking buhay.”

Malungkot siyang ngumiti at pinagmasdan ang aking mga mata, “Alam mo sa sarili mong marami kang nabago. At ang nais ni Cynthia ay manatili kang buhay hanggang sa araw ng iyong pagkamatay. Sa dami ng iyong binangga, sa pagbubukas mo sa mga mata ng mga bulag ay maraming nais na mawala ka. Marami ang nais na mawala ka, Belle.”

Marahan akong tumango sa kanya, pinararating na tinatatak ko sa aking isipan ang kanyang munting mga bilin.

Pinagmasdan ko lamang ang aking repleksyon at malungkot na inabot ang mukha nito, “Lilisan pa rin tayo kahit anong mangyari, hindi ba?” At dahil sa tanong na iyon ay bigla na lamang siyang nag-iwas ng tingin sa akin.

“Pasensya na…” marahan niyang pinikit ang kanyang mga mata at sa pagmulat nito’y umaapaw ang lungkot sa kanyang mga mata, “Nais ko man na manatili tayo sa piling nina Columbus… hindi ako si Cynthia na kayang panatilihin ka sa panahon na ito.”

“Naiintindihan ko…”

“Mabuhay ka man o mamatay sa panahong ito… iiwanan at iiwanan mo pa rin si Columbus.”


═════◈♔◈═════

Nang idilat ko ang aking mga mata, isang mahigpit na yakap ang aking agad na naramdaman. Ang malamig na simoy ng hangin ng gabi ay yumakap din sa akin, nakatalikod ako sa kanya ngunit kilalang-kilala ko na siya upang hindi pa mapansin kung sino siya.

Wala sa sariling umagos ang aking luha nang maalala ang mapait na katotohanan. Iiwan ko pa rin si Columbus kahit anong mangyari.

Mariin kong kinagat ang aking labi’t pinipigilan na gumawa ng kahit anong ingay na maaaring gumising kay Columbus.

Nang takpan ko ang aking bibig ay naramdaman ko ang mas lalong paghigpit ng kanyang yakap. Nang lumuwag ito’y pilit niya akong hinaharap sa kanya hanggang sa magtagumpay siya.

Agad na sinakop ng pag-aalala ang kanyang mukha habang inaabot ang aking mga pisnge, pinupunasan ang mga luhang umaagos do’n, “May masama ka bang napanaginipan?” nag-aalala niyang tanong, hindi ako kumibot dahilan upang halikan niya ang aking noo.

Paulit-ulit akong umiling sa kanya dahilan upang ngumiti siya sa akin.

“Mawawala rin ‘yan sa isip mo, Belle…”

Ang liwanag na buwan ang nagbigay ilaw sa buong silid maging sa kanyang ngiti. Nang dahan-dahan na tumigil ang aking mga luha ay malalim ang pagsinghap sa hangin ang aking ginawa.

Paulit-ulit n’yang inaalo ang aking pisnge hanggang sa hinawakan ko ang kanyang mga kamay at ngumiti sa kanya, “Columbus…”

Ilang beses siyang kumurap, tila ba’y sinisigurado kung tama ba ang kanyang narinig. Wala sa sarili akong napakagat sa aking labi at pinipigilan ang matawa dahil sa kanyang reaksyon.

“Sino ako?” Tanong n’ya.

At dahil gumana na naman ang pagiging siraulo ko’y nais ko siyang pagbwisitin, “Ikaw ay si Bobo.”

“Belle naman…”

“Ah, si hambog?”

Nang bumusangot siya’y kumawala na ang mga halakhak na kanina ko pang pinipigilan saka mahigpit na niyakap. Siniksik ang sarili ko sa kanyang dibdib saka dahan-dahan na inangat ang aking ulo upang siya’y makita, “Ikaw si Columbus Hamilton… ang taga-pagmana ng Emperyo ng Pilipinas. Ang lalaking pipiliin ko sa araw-araw…”


Unti-unti siyang ngumiti’t bahagyang bumangon saka ako pinagmasdang mabuti.

Magsasalita pa sana siya nang kumatok sa pinto umagaw sa aming atensyon. Tumitig lamang siya sa akin habang gusot na gusot ang mukha n’ya at tila ba’y wala siyang balak na pagbuksan ang taong ‘yon.

“May nakatok, Columbus…”

“Pakiramdam ko’y si Amor lamang ‘yan,” bulong n’ya habang dahan-dahan kong inaabot ang kanyang pisnge, “Hindi ako papayag na sirain niya ang sandaling ito.”

Mas naging marahas ang pagkatok sa pinto, “Hoy! Columbus, gising na ba si Clara? Ngayon na nga lang ako dadalaw ay pagsasarhan mo pa ako ng pinto!” Nang marinig namin ang boses ni Amor ay mayabang siyang nagkibit-balikat sa akin.

“Amor, napakaingay mo! Marahil ay natutulog na sila. Bumalik ka na lamang sa iyong silid!” Dinig kong sambit ni Amelia dahilan upang matigil ang pagkatok ni Amor.

Nang mawala ang atensyon ko sa pinto’y muli akong bumaling kay Columbus, ang nakalulunod niyang mga mata ang agad nagparamdam sa akin ng kakaibang pakiramdam sa aking tiyan. Dahan-dahan siyang lumapit sa akin habang diretso pa rin ang mga mata sa akin.


At sa pagsakop niya sa aking labi ay malugod kong sinabayan ang kanyang ritmo. Malalim ngunit puno ito ng pag-iingat tila ba’y binubuhos niya sa kanyang halik ang kanyang intensyon, nang mas diinan niya ito’y dahan-dahan niya akong inangat at inupo sa kanya.

Halos maubusan ako ng hininga nang maghiwalay ang mga labi namin. Malambing siyang ngumiti sa akin at sinuklay ang aking buhok.

“Ah… sabi ko na nga ba’t may gusto ka sa akin,” mayabang niyang sambit sa akin.

Taas-noo ko siyang nginisian, “Sino kaya ‘yong halos mapatay na si Alexander nang yakapin ko ‘yon noong nakaraan?”

“Sino kaya ‘yong makapal ang mukhang inaya ang isang prinsipe na pakasalan siya?”

Pabiro ko siyang tinulak at dinaghanan, “Iyong magandang babae sa harap mo ngayon.”

“Napakahambog mo—”

“Hambog ka rin naman… kailan ka ba nagpatalo?” Nang humalakhak ako’y binigyan niya ako ng isang mabilis na halik na agad nagpatahimik sa akin.

Ang mga mata n’ya ay dumapo sa aking kuwintas, inabot niya iyon at ngumiti sa akin. Pinisil n’ya iyon hanggang sa tuluyan na bumukas ito, ilang beses akong napakurap dahil do’n. Hindi ko alam na isang locket pala ang kwintas ni gago.

Sa loob no’n ay may isang asul na dyamante na mas lalong nagpalaki sa aking mga mata.

“Hoy! Napakadaya mo!” Ani ko sa kanya.

Natatawa niyang hinalikan ang aking noo’t ginawi kaming dalawa upang umupo, “Bakit? Hindi ba’t tanda mo naman lahat? Noong binigay ko sa iyo ito’y alam mo ang nais kong ipahiwatig.”

“Ang kuwintas na iyan ang patandaan na hindi lamang kita pipiliin sa araw-araw… kundi hanggang sa wakas.”

“Columbus…”

“At sa t’wing suot mo ‘yan… ang kuwintas na ‘yan ang paalala na babalik at babalik ka sa akin kahit anong mangyari. Na si Clarabelle Marquez ay babalik kay Columbus Hamilton.”

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top