Chapter 37: From the Start
Chapter 37: From the Start
Kagat-labi akong napatitig sa aking pirma, nilagdaan ko sa dulo iyon at ito ang tanging nagpapatunay na ako ang nagsulat ng mga bagay na aking nabasa. Bumuntong hininga na lamang ako sa hangin at saglit na pinagmasdan ang pagsilip ng buwan.
“Tangina… hindi lamang dalawang beses ako nagkagusto sa taong ‘yon…”
Pabiro kong tinampal ang aking bibig at lukot ang mukhang naupo sa kama habang hawak-hawak pa rin ang kuwaderno, marami pang mga kuwento ang nakasulat dito at karamihan do’n ay tungkol kay Columbus.
“Hala, putangina ang pangit magsulat,” gulat kong sambit habang pinagmamasdan ang mga kasunod na pahina na hindi na mula sa akin ang pagkakasulat.
Oktubre 12.
Columbus Hamilton
Ilang buwan na simula noong ikaw ay nawala na lamang bigla, hindi ko alam kung nakatakas ka ba o may tumulong sa’yo at sa ngayon, ang tanging hinihiling ko lamang ay ang iyong kaligtasan. Hindi rin ako magsasawang humingi ng kapatawaran dahil sa nangyari ng araw na iyon, batid kong binuksan ni Nikolai ang mga memorya mong nabaon sa limot. Patawad dahil sa nangyari, patawad, Belle.
Alam mo bang sinusuyod naming ang emperyo upang makita ka o ‘di kaya’y madakip ang iyong ama at aking mga tiyuhin? Batid kong oras na manauhan nila kami na makita ka ay malalagay sa peligro ang iyong buhay lalo na’t alam na namin na hindi ka talaga nakalimot, maraming hawak na alas ang iyong mga alaala na ikasisira nina Cassimo at Nicholas kaya’t hinihiniling kong nasa mabuti kang pangangalaga.
Hihintayin kita, Belle.
Hinihintay kita kaya’t hindi ako pumayag na ipasa sa akin ang trono ng Emperyo ng Pilipinas, marami ang pagtatalong naganap noong isang linggo ka pa lamang nawawala. Tutol sina Ama sa aking desisyon, sa tingin nila ay nagiging makasarili ako ngunit mabuti na lamang dahil sinuportahan ako ni Alexander at siya mismo ang nakiusap sa iba na maghintay. At ng araw na rin ‘yon ang huling beses ko siyang nakita, nagulat na lamang kami dahil nawawala ang mga gamit niya sa palasyo na tila ba’y hindi niya nais ipaalam na aalis siya.
At ngayon na apat na buwan na ang nakalilipas ay wala pa rin na balita sa inyo ni Alexander, may masama akong kutob at lagot sa akin ang gagong iyon oras na malaman kong siya ang nagtakas sa iyo.
Tandaan mo ito, Clarabelle Marquez. Oras na masilayan kitang muli ay hindi na kita pakakawalan, hindi ko hahayaan na malayo ka muli sa akin. At dahil ayokong ikaw ay mapahiya, sige, pakakasalan na kita kaya’t magpakita ka na muli sa akin.
At tinatatak ko sa buwan, ang oras ko maging ang pagkatao at puso ko’y para lamang sa nag-iisang daigdig ng aking kalawakan.
Para lamang sa’yo iyon, Clarabelle Marquez.
Ang pinakamatapang at matatag na Marquez.
Napasinghap ako sa hangin dahil buong lakas kong pagpipigil ng aking mga luha. Hindi naman iyon gaanong nakaiiyak lalo na ro’n sa parte ng kanyang kayabangan ngunit ramdam na ramdam ko ang bawat salitang nakasulat do’n.
Nang makarinig ako ng pagkatok ay dali-dali kong binalik ang kuwaderno sa kinalalagyan nito at mabilis na pinunasan ang aking mga luha. Puno ng kaba kong binuksan ang pinto, ang kunot na noo ni Columbus naman ang unang bumungad sa akin. Saglit niya akong kinilatis dahilan upang mag-iwas ako ng tingin sa kanya at tumingin kung saan.
Tangina…
Hindi ko naman tanda ‘yong pagkakaamin ko sa kanya ngunit hindi ko maiwasan ang mailang sa prisensya niya lalo na’t alam ko na parehas kaming may pagtingin sa isa’t-isa.
“Tara—”
Agad akong tumalon paatras nang akmang hahawakan niya ako, “Ba’t ka nang hahawak ng kamay?!”
“Anong iyong problema? Para kang siraulo r’yan,” natatawa niyang sambit.
“E, nang hahawak ka kasi!”
“Hindi pa kita hawak.” Bigla niyang hinawakan ang aking braso’t iniwasan ang aking palapulsuhan, “Ngayon ka magreklamo.” Tila na tameme ako nang higitin niya ako palapit sa kanya.
Kunot-noo niyang hinawakan ang aking noo saka tumingin sa akin at bahagyang tinagilid ang kanyang ulo, “Bakit ka namumula? Sigurado naman ako nawala kang sakit dahil hindi ka naman mainit—”
“Saan ba tayo pupunta?” Pag-iiba ko sa usapan.
Pabiro muna niya akong kinilatis habang ang ulo niya kung saan-saan pa pumapaling, “Kakain.”
“Sinong kakainin mo?”
Kagat-labi niya akong tiningnan tila ba’y mali sa aking sinabi. Nang ulitin ko sa aking utak ang mga katagang binitawan ko’y bigla na lamang akong nabalot ng hiya. Jusmiyo, Clarabelle. Umayos ka nga.
“Kakain tayo ng pagkain… ngunit kung may nais kang kainin na iba ay saka na ‘yon.”
“Ha?”
“Hatdog.” Bakit niya alam ‘yon?! At bakit niya ako binabara?!
Nakangiti siyang umiling-iling saka niya binaba ang kanyang kamay sa akin, nang magdikit ang mga palad ay mahigpit niyang hinawakan ang aking kamay. Puno iyon ng gigil kaya’t saglit pa akong napangiwi, nang maglakad kami sa pasilyo ay diretso lamang ang tingin niya sa unahan.
Tila ba’y malalim ang kanyang iniisip.
“Hamilton…”
Lihim niyang kinagat ang kanyang pang-ibabang labi na para bang pinipigilan ang kanyang pagngiti hanggang sa buong lakas niyang pinilit na ngumisi at bumaling sa akin, “Ano ‘yon, Marquez?”
“‘Yong kamay ko…”
“Hindi ka naman mabubuntis kung hahawakan ko ‘yan nang mahigpit.”
Ilang beses naman akong napakurap dahil sa mga katagang sinambit niya. Ano namang katangahan ‘yon? Sino namang may sabi na mabubuntis dahil sa paghahawak ng kamay?
“Pinagsasabi mong tanga ka?” Tanong ko dahilan upang umiling siya sabay pitik sa noo ko, “Bitaw na sa kamay ko… masyado ka ng tyansing.”
“Masabihan na nang tyatyansing basta’y hindi bibitawan ang iyong kamay…” bigla na lamang naging seryoso ang mga mata niya maging ang kanyang boses. Diretso lamang ang mga mata niyang nilulunod ako sa kanya, “Lalo na’t noong araw na nabitawan ko ang iyong kamay ang pinakamasakit na pangyayari sa aking buhay.”
Iyong mga salita na naman niyang sobrang umaantig sa aking damdamin. Bawat letra, bawat salita niya ay may kinukubling mga damdamin.
Wala sa sarili akong napatungo dahilan upang tumigil kami sa paglalakad. Kusang umagos ang mga luha ko, wala man lamang pasabi o pahayag na nais nilang kumawala sa akin.
Mahigpit kong hinawakan ang kanyang kamay at pilit na sumisinghap ng hangin. Hindi ko alam kung paano o saan ako magsisimula ngunit batid kong siya ang magiging susi ko.
“T—tulungan… Tulungan mo akong maalala sila…”
“Belle…”
“At higit sa lahat, tulungan mo akong maalala ang pinakamagiting na prinsipe ng mga Hamilton.”
At gamit ang isa niya pang kamay ay hinaplos niya ang aking pisnge, tinunghay niya iyon upang magtama ang aming mga mata. Malumanay siyang ngumiti sa ‘kin, isang sinserong ngiti na agad nagpalambot sa aking dibdib.
Dahan-dahan siyang lumapit sa ‘kin dahilan upang awtomatiko kong ipikit ang aking mga mata, ilang sandali pa’t lumapat ang kanyang labi sa aking noo’t nang imulat ko ang aking mga mata ay muli itong tumama sa kanya at kasabay nito ang pagkurba ng isang ngisi sa kanyang mga labi.
“Simula nang bumalik ka ay iyon na talaga ang plano. Hindi ko lamang ipaaalala sa’yo ang mga nawala mong memorya dahil gagawa rin tayo ng mga bago.”
#
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top