Chapter 29: Saudade

Chapter 29: Saudade

“Sa tingin mo ba’y masisindak ako ng iyong mga munting salita, Columbus?”

Dahan-dahan na kumubra ang isang ngisi sa aking labi habang ang kanyang tingin na pinupukol sa akin ay lalong dumidilim. Mayabang kong tinagilid ang aking ulo’t tinapakan ang kanyang unico ijo dahilan upang siya’y lalong magpuyos sa galit.


“Sinagot ko lamang ang iyong tanong… hindi ko alam na sapat na iyon upang masindak ka.”

Halos pumutok na ang kanyang mga ugat na dinuro ang dalawang kawal n’ya upang ako’y sugurin. Saglit kong sinulyapan si Carsten na agad humarang sa aking harapan at bago pa man mailabas ni Casrten ang kanyang espada, agad na tumigil ang dalawa dahilan upang lalong mapapadyak sa galit ang aking tiyuhin.

“Mga walang kwenta!” Galit na n’yang hinarap si Carsten, tila hinahanap ang mga salitang dapat niyang bitawan, “Isa kang traydor, Carsten! Tinatapon mo ang iyong titulo para sa taong—”

“Anong titulo ang iyong sinasambit?” Tanong ni Carsten na agad nagpatahimik sa hari, “Titulo, kaibigan o pamilya… walang kahit sino o ano ang makapipigil sa ‘kin upang pumanig sa tama. Kailangan nang magwakas ng inyong baluktot na sistema, masyadong mahaba na ang limang taong pagtitiis ni Haring Adelio sa iyong mga kahibangan.”

“Estupido!”

Ngumisi si Carsten at pinadausdusan ng tingin ang mga kasama ng hari bago muling tinuon ang atensyon do’n, “Hindi isang kahunghangan ang tumalikod sa mga taong nang aalipusta ng mga mahihirap.”

“Carsten,” pagpigil ko sa kanya. Ngunit imbes na ako’y pagtuunan niya ng atensyon ay mas lalong dumilim ang kanyang tingin sa hari.

“Oras na malaman kong isa ka sa dahilan kung bakit nawawala ang aking bunsong kapatid… asahan mong ako ang kikitil sa iyong buhay… sa mismong harap ng mga taong sinasamba ka.” Ngumiti si Carsten na nagging dahilan upang mapalunok ang hari dahil sa kaba, bahagya siyang humakbang paatras at nagtago sa kanyang mga kawal, “At ngayong alam na ng lahat na hindi nakalimot si Clara, marahil ay lalo kang natakot sa kanyang prisensya lalo na’t siya ang susi upang malaman ang iyong ginawa sa iyong sariling ama.”

Wala sa sarili akong napangisi sa hari, “Ah… nga pala, malapit na ang aking kaarawan. Gamitin mo na ang mga natitirang sandali mo upang ayusin niyo nina Cassimo ang inyong kulungan na tutuluyan.”

Ang mga butil ng pawis sa kanyang sentido’y dahan-dahan na umagos at bago pa man kami tuluyang makaalis ni Carsten sa silid ay sinipa kong muli si Nikolai. Wala lang, naiinis lang talaga ako sa kanyang mukha.

Nakapamulsa akong nagmartsa palabas ng palasyo, walang kahit na sino ang sumubok na ako’y dakipin marahil ay dahil na rink ay Carsten na inaangat ang kanyang espada tuwing may titingin sa amin. Sa tagal nang tiniis ng aking ama upang ako’y dumating sa tamang edad, marahil ito ay sapat na upang maibalik ang dating sistema.

“Anong ‘yong balak?” Tanong ko kay Carsten. Tiyak akong makararating agad kay Cassimo ang lihim naming matagal na kinubli.

Silang dalawa ni Cayden ang dahilan kung bakit marami ang lihim na lagusan ng mga rebelde, dahil sa kanilang posisyon sa emperyo ay mas marami silang kapangyarihan sa mga lupain. At maging ang sarili nilang pamamahay ay ginagamit naming lagusan dahil isa ‘yon sa lugar na hindi susubukin ng hari na silipin.


Pinagtaasan n’ya ako ng kilay tila pinahihiwatig na ako’y isang mangmang sa pagtatanong, “Hahanapin ko si Clara, at oras na hindi natin siya makita… malilintikan ka sa amin ni Cayden. Tandaan mong pinagkatiwala ko sa iyo ang kapatid ko.”


“Saglit…” ngiwi kong sambit.


“Ikaw ang dahilan kung bakit hindi tinuruan nina Cayden at Alexander si Clara upang gumamit ng rapier—”

“Mas mabuti pa’y hanapin na natin si Belle kaysa naman sumbatan mo pa ako r’yan,” naiilang kong sambit.


Nang mabalot kami ng katahimikan, kapansin-pansin ang mga lihim na pagsulyap sa akin ni Carsten hanggang siya’y tumikhim na, “Kumusta siya?”


“Hindi siya maayos… hindi ko alam kung bakit ngayo’y sinisisi niya ang kanyang sarili sa pagkawala ni Belle.”


“Ano ang iyong ibig sabihin? Bakit naman sisisihin ni Beatrice ang kanyang sarili lalo na’t ikaw ang may kasalanan kaya’t nawala ang aking kapatid.”

“Marahil dahil si Belle huli niyang nakausap…”

At ngayon, kailangan naming ituon ang buong atensyon namin sa paghahanap kay Belle. Hindi dahil takot ako sa naging banta ni Columbus kung hindi dahil hindi mapanatag ang aking loob lalo na’t tiyak akong pinahahanap din siya nina Cassimo.


Lalo’t siya si Clarabelle Marquez, ang babaeng palaging puno ng surpresa.

═════◈♔◈═════


“Ama, sino ba ang iyong mga bisita ngayon?” Puno ng kuryosidad kong tanong sa aking ama. Imbes na sagutin niya ang katanungan ko’y ginulo lamang niya ang aking buhok at humalakhak.


Nang sumulyap naman ako sa aking ina ay nginitian lamang niya ako dahilan upang parehas ko silang simangutan. At dahil sa pagkabagot, umalis ako ro’n at tumungo sa hardin upang asarin ang dalawa kong pinsan, nag-eensayo pa rin sila samantalang ako’y kanina pang tapos dahil sadyang mahusay ako sa lahat ng larangan.


At ako pinakamagaling sa aming tatlo.


Nang makarating ako sa hardin, sila ay nagduduwelo pa rin. Habang pinapanood sila’y, pangita na agad kung sino ang matatalo sa laban. Naging matalino ang naging hakbang ni Alexander nang pinaikog niya ang kanyang espada dahilan upanv pumilipit ang kamay ni Nikolai at mabitawan niya ang kanyang hawak.


Parehas kaming tumawa ni Alexander nang umalingangaw ang pagngawa ni Nikolai habang siya’y nakalupasay sa damuhan at nagpapadyak.


Saglit pa’y nawala na ang ngiti sa labi ni Alexander at iyon ay napalitan ng pagkaiyamot.


“Tumigil ka na sa iyong kaiiyak. Hindi ka na bata, hindi maaaring ngangawa ka na lamang tuwing matatalo kita. Umiiyak ba ako tuwing matatalo ako ni Columbus?”


Umiling si Nikolai dahil sa tinuran ni Alexander, pahikbing pinunasan ni Nikolai ang kanyang luha, “Ngunit bata pa ako! Pitong taong gulang pa lamang ako—”


“Isa kang Hamilton, Nikolai. Hindi ka lamang basta-bastang bata.”


Nakangisi akong lumapit sa kanila at tinapik ang balikat ni Alexander, “H’wag mo na munang pangaralan si Nikolai… At isa pa, parehas naman kayong talunan kumpara sa akin.”


Parehas nila akong nilingon dahilan upang tumakbo ako palayo sa kanila habang tumatawa.


Ang oras na dapat ay pahinga namin, ginagamit naming tatlo upang makapaglaro at magsaya. Bilang mga prinsipe ng emperyo, matagal nang nakuha sa amin ang pribelehiyo na magliwaliw at mamuhay katulad ng mga ka-edad namin.

Marami kaming tungkulin upang panatilihin na nasa maayos na pangangalaga ang emperyo at ang nasasakupan nito. Iyon ang pinanghahawakan ng aming pamilya, ng pamilyang Hamilton.


Agad akong napapikit at nawalan ng balanse. Kamot-ulo akong tumayo at tiningnan ang bagay na aking nabangga.


“Aray!”


Ilang beses akong napakurap nang masilayan ang isang batang babae sa aking harapan. Nakasalampak siya sa sahig, pilit na pinipigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha dahilan upang lumobo ang kanyang pisnge.

Dahan-dahan siyang nag angat ng tingin sa ‘kin kasabay no’n ang pagtalim ng kanyang mga mata. Mataray niyang pinagkrus ang kanyang mga braso dahilan upang ako’y panandalian na malibang kanyang itsura.

At dahil ayoko ng eksena, walang pasabi ko siyang hinigit patayo dahilan upang manlaki ang mga mata niyang nakatingin sa kanyang palad.

Nanatili lamang siyang tulala ro’n hanggang sa may isang matikas na lalaki na tumayo sa kanyang likuran. Saglit akong yumuko rito upang magbigay galang, “Magandang Umaga, Ginoong Cassimo.”


“Magandang Umaga rin, Columbus.”

Awtomatikong tumaas ang aking kilay ng hinigiy ng batang babae ang laylayan ng kasuotan ni Ginoong Cassimo dahilan upang lumuhod ito sa kanyang harapan, pinakiga naman niya rito ang palad na aking hinawakan at buong pagtatakha siyang tiningnan ng ginoo.

“Ama, hinawakan niya ang aking kamay!” Nakadurong sambit sa akin ng babae. Kunot-noo ko siyang tiningnan, kinukumbinsi niya ang ginoo na may ginawa akong kasalanan sa kanya kahit wala naman talaga.


May panibagong mga yabag akong narinig dahilan upang matuon ang atensyon ko sa likuran ng babae.

“Hoy, Columbus—”

“Kuya!” Halos lumuwa ang aking mga mata dahil sa pagkabigla nang salubungin ng babae sina Carsten at Cayden sa isang mahigpit na yakap.

At mas lalo akong nabigla nang muli niya akong dinuro sa harapan ng kanyang ama at mga kapatid, “Pakakasalan ko ang lalaking iyon!”

Ano raw?


“Ha?” Nagtatakhang reaksyon naming lahat. Nakabusangot akong nilingon ng babae habang salubong ang kanyang mga kilay at tila ako’y pinanliliitan ng mga mata. Hindi ba ako kilala ng bubwit na ito?

“Clara, ija!” Sabay-sabay kaming lumingon nang marinig namin ang isa’t pamilyar na boses.


Agad na tumungo ang babae sa direkyon na ‘yon at sinalubong ng yakap ang aking lolo, ang kasalukuyang hari ng Emperyo ng Pilipinas.

“Mahal na Hari, may nais akong isumbong sa inyo,” naiiyak nitong sambit sa aking lolo. Pinakita niya ang kanyang palad at sumimangot, “Nais kong pakasalan ang lalaking ‘yon.”

Nakangiwi akong nilingon ng aking lolo habang siya’y napapakamot sa kanyang ulo, “Bakit mo nais na pakasalan ang aking apo?”


“Hinawakan niya ang aking kamay! Mabubuntis na ako! Huhu!”

Anong sinasabi ng bubwit na ito? Mabubuntis? Sinong tanga ang mabubuntis dahil nahawakan ang kamay?

Humagalpak sa galak ang aking lolo kasabay nito ang pagkurot n’ya sa pisnge ng babae, “Ija, biro lamang iyon.”

Imbes na maniwala siya muli sa aking lolo ay tumakbo siya sa aking harapan at matapang akong dinuro.

“Simula ngayo’y paninindigan mo ang paghawak mo sa aking kamay! Pagdating ng panahon ako’y iyong pakakasalan, hindi ka maaaring magkagusto sa iba! Naiintindihan mo ba?”

═════◈♔◈═════

“Columbus?” Pagtawag sa ‘kin ni Carsten. Nahihiya akong lumingon sa direksyon at mabilis na pinunasan ang basa kong pisnge, “May problema ka ba?”


Umiling ako’t tumikhim, “Wala naman.”

Pagdating namin sa kampo’y agad kaming hinarap ng aking ama at iba niya pang kasamahan. Marahan na tinapik ni Carsten ang aking balikat at naunang umupo sa kanyang puwesto.

“Kailangan na nating maghanda para sa iyong koronasyon, Columbus.”

Ngunit… hindi ko nanaisin na maging hari ng emperyong ito na wala ang aking reyna.

Nasaan ka na ba, Belle?

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top