Chapter 24: Breathe In

Chapter 24: Breathe In

Makalipas ang isang linggo, lumipat ang aming grupo ng kampo upang muling ikubli ang aming sarili sa mga tauhan ng emperyo. Marami ang nagbago lalo na’t mas dumami ang aming bilang. Sinama namin lahat ng mga kababaihan na minaltrato at inalipusta ng mga nakatataas, nakahahabag lamang dahil karahiman sa kanila’y hindi magawang makabalik sa kanilang mga pamilya at ang lahat ng kanilang nakaraan ay habang buhay na nakaukit sa kanila. Mailap sila sa mga kalalakihan kaya’t ginagawa namin ni Amor ang halos lahat ng aming makakaya upang ang takot nila’y maibsan.

Samantalang, ang sinapit ng kapatid ni Columbus ang pinakamasakit. Ayon sa mga babae, s’ya lagi ang pagdidiskitahan ng mga knights maging ng Hari at Reyna at aking mga magulang. At ngayon, wala siyang kinakausap na kahit sino, kahit ang mismong mga magulang n’ya. Dahil mailap s’ya sa tao, may sarili kwarto si Beatrice kung saan magdamag siyang umiiyak sa madilim na gilid. Paulit-ulit siyang humihingi ng tulong at ang tanging kaya lamang naming gawin para sa kanya ngayon ay dalhan siya ng pagkain.

Ang ina naman ni Columbus ang pinakamalakas ang loob sa kanila, marahil ay dahil pinalaki siyang matapang ng pamilyang Montgomery kaya’t matibay ang loob niya. Maayos ang kalagayan n’ya at masaya siya ngayon sa piling ni Pinunong Adelio. Ngunit katulad ng ibang mga babae, marami rin ang marka ng latigo sa kanyang katawan at batid kong matagal iyon bago tuluyan na maglaho.

At ang trahedya’y pare-parehas naging lagim sa aming mga isipan. Tuwing gabi’y umuulit sa aking utak ang memorya kung paano nabahiran ng dugo ng ibang tao ang aking kamay. Hindi ko matanggap na nagawa ko iyon sa loob ng isang sagradong lugar.

Bukod do’n ay naiisip ko rin ang mga kapatid ko maging ang grupo nina Vivian. Marahil ay naguguluhan sila sa landas na aking pinili, ngunit kahit isang katiting ay hindi ako nagsisisi na ito ang landas na aking tinahak.

“Hoy.” Ilang beses akong napakurap nang may mapansin na anino sa harap ng puting tela na kakasampay ko pa lamang. Dahan-dahan akong tumingin sa ibaba at napansin na si Columbus ito.

Ano naman ang trip ng isang ‘to at nagtatago pa?

“Anong kailangan mo?”

Hinawi niya ang tela at sumimangot sa akin, “Ngayon ka na nga lamang kinausap ay magtataray ka pa.”

“O, ano ngang kailangan mong bobo ka?”

“Hoy, itong bobong ‘to ang nagligtas sa’yo!” Aba’t pumayag ngang bobo siya.

Inikutan ko siya ng mga mata at nang kukuhanin ko na sana ang timba ay inuhan niya ako ro’n. Binigyan ko siya ng isang nagtatakhang tingin samantalang nagpakunwaring inosente lamang siya, nauuang maglakad si Columbus kaya’t hindi niya napansin na hindi ako sumusunod sa kanya ngunit patuloy pa rin siya sa pagsasalita. Mukhang tanga, amputa.

Nang makarating siya sa lilom ay bigla naman siyang tumigil sa paglalakad at pinatong ang timba sa sahig. Mabilis itong tumingin sa akin at pinanliitan ako ng mga mata, “Hoy! Mukha akong tanga ro’n!”

Mabilis akong kumaripas sa pagtakbo nang makita ko ang tingin na pinupukol niya sa akin, nang makapagtago ako sa isang puno ay agad niya akong nakita ngunit imbes na gumanti ay sumalampak siya damuhan at sinandal ang kanyang sarili sa puno.

“Siraulo ka talaga,” aniya at pinikit ang kanyang mga mata.

Natatawa akong tumabi sa kanya’t pinagmasdan ang kanyang na mukha, “Anong nangyari sa’yo?”

“Ah! Napakadaming pinagagawa ni Ama kaya hindi ko magawang makaalis sa opisina niya—”

“O, ba’t ka nandito?”

“Bawal bang magpahinga kahit saglit lamang?” Singhal niya sa akin.

Kung tutuusin ngayon ko nga lamang siya ulit nakasama simula noong matapos pagsugod namin sa emperyo. Parehas sila ni Pinunong Adelio na naging mahirap hagilapin pagkatapos no’n. Saglit ko siyang pinagmasdan bago ko napansin sa sarili ko na may gagawin pa nga pala ako.

Nang binalak kong tumayo’y hinigit niya ang aking palapulsuhan habang siya’y nakapikit pa rin, “Saan ka pupunta?”

“Ako ang nakatoka sa pagpapakain kay Beatrice.”

Nagmulat siya ng mga mata at ngumuso sa ‘kin, “Bumalik ka ha,” sambit niya saka ako binitawan at muling pumikit. Naiiling ko siyang iniwanan at tumungo sa kusina kung nasaan si Aling Dalia, ang ina nila ni Beatrice.

“Aling Dalia!” Pagtawag ko. Nang makita niya ako’y agad niyang inabot sa akin ang panghalian ni Beatrice at inumin nito. Sila talaga ang ABCD Family. Napakalupit ko talagang mag-isip.

“Nako, pasensya ka na ha, Clarabelle… Tinutulungan ko lamang talaga ngayon si Adelio sa mga inaasikaso niya.”

“Ayos lang po ‘yon. Nasambit niyo na po ba kay Pinunong Adelio ang naisip kong libangan para sa kababaihan?”

Tumango sa akin si Aling Dalia, “Oo, ija. Nagustuhan iyon ni Adelio at tiyak akong magugustuhan din iyon ng mga kababaihan.”

Nang magpaalam ako kay Aling Dalia ay tinahak ko ang direksyon patungo sa silid ni Beatrice. May iilan pang bumati sa akin sa daan bukod sa tahimik na isang linggo’y naging maayos na rin ang pakikitungo sa akin ng ibang rebelde na noo’y duda sa akin. Nang dahil sa pagbibida ni Columbus ng aking ginawa at syempre ng kanyang kahambugan ay naging matunog ang aming pangalan sa kampo.

Saglit muna akong kumatok sa silid ni Beatrice bago tuluyang pumasok sa loob. Wala ngayon si Amor na laging nagpapakain sa kanya kaya’t ako ang natoka sa gawaing ito.

“Beatrice?” Pinatong ko sa lamesa ang kanyang pagkain at inumin. Hindi naman ganoong kadilim sa silid dahil katanghalian pa kaya’t nagagawa kong pang maaninag ang paligid.

Nang ginala ko ang aking paningin, napansin kong nasa sulok ng kwarto si Beatrice. Sinubukan kong lumapit sa kanya ngunit agad din akong tumigil sa paglalakad nang higitin niya ang kaniyang buhok at yo’n ay hinarang sa sarili.

“Tulong… Tulungan mo ako…” Sinubukan kong lumuhod upang lumebel sa kanya ngunit nag-umpisa rin siyang kalmutin ang kaniyang palapulsuhan sa marahas na paraan, “Patawarin niyo po ako! Ayoko na… ayoko na…”

Hindi ko kayang makita siya na ganito ang kalagayan niya.

Buntong-hininga akong tumayo at hinawi ang kurtina upang lumiwanag ang buong paligid. Umakto si Beatrice na nasaktan ang mga mata niya kaya’t agad akong lumapit sa kanya at inalo siya.

At mula sa malapit na lamesa’t inabot ko ang isang suklay upang imisin ang kaniyang buhok habang nakangiti sa kanya. Tumigil siya sa pananakit sa kanyang sarili at pinagmasdan lamang ako.

“Ikaw…”

“Ano iyon, Beatrice?”

“Ikaw… Ikaw…”

Patuloy lamang ako sa pagsuklay ng buhok niya hanggang sa nawala na ang harang sa mukha niya. Lumuluha ang mga mata niya ngunit iyon ay nagbabakas ng pagkabigla at admirasyon habang tinititigan ako.

“Ikaw ang babae sa hagdan…” Nagulat ako nang bigla niyang binagsak ang kanyang sarili at kinulong ako sa isang yakap. Muli siyang humikbi kaya’t marahan kong hinagod ang kanyang likuran, “Ikaw ang babaeng umiiyak sa hagdan…”

Nang bitawan n’ya ako’y muli akong ngumiti sa kanya.

“Kailangan mo ng kumain, Beatrice.” Tahimik na sumunod sa akin si Beatrice nang tumungo ako sa lamesa kung nasaan ang pagkain niya.

Nang matapos siyang kumain ay nanatili siyang nakaupo ro’n. Nakatangin sa pader na tila ba’y may nakikita siyang hindi ko nakikita.

“Ligtas na ba ako?”

“Ligtas ka na, Beatrice. Hindi ka na nila magagawang saktan pa,” sambit ko.

Yumuko siya’t pinagdikit ang kanyang mga palad kasabay nito ang mabilis na pag-agos ng kanyang mga luha, “Hindi na ba ako pagsasamantalahan ni Ginoong Cassimo? Hindi na ba nila ako pasasayawin ng hari habang nakahubad? Hindi na ba ako lalatiguhin ng reyna?”

Kagat-labi ko siyang tiningnan, hindi ko alam kung karapatdapat ba akong tumayo sa kanyang harap lalo na’t mismong kadugo ko ang may dahilan kung bakit sinapit niya ito.

Pinagkaisahan siya. Pinagkaisahan sila.

“Wala… wala na sila rito, Beatrice.”

“Takot na takot akong mabuhay. Iyon ay dahil sa kanila…” paghikbi niya. Niyakap niya ang aking baiwang at do’n siya tumangis, “Paulit-ulit na lamang nila akong ginagawang kasiyahan… para bang isang laruan lamang ang aking katawan.”

Sinuklay ko ang kanyang buhok gamit ang aking mga kamay, “Tapos na ang iyong paghihirap, Beatrice. Kaya ang kailangan mo ngayon ay magpalakas dahil hinintay ka nina Aling Dalia.”

“T—talaga?”

“Oo.”

“Salamat. Maraming Salamat, Clarabelle…”

Nanlalaki ang mga mata kong tumigil sa aking ginagawa kasabay nito ang pagtayo ni Beatrice at harap sa akin. Pinagmasdan lamang niya ako hanggang sa hinaplos niya ang aking pisnge.

“Bago ako makulong sa lihim na silid ng palasyo… may isang lalaki na nagparanas sa akin kung gaano kasaya mabuhay. At iyon ang dahilan kung bakit ko kinayang tiisin lahat ng paghihirap sa lugar na iyon…”

“Beatrice… Ano ang—”

“At kamukhang-kamukha mo talaga siya. Kamukhang-kamukha mo si Carsten.”

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top