Chapter 22: Run Away

Chapter 22: Run Away

Diretso ang mga mata ko habang pinagmamasdan ang napakalaking pinto ng simbahan. At habang hawak-hawak ko sa aking mga palad ang kumpol ng puting mga bulaklak ay hindi ko mapigilan ang panginginig ng mga ito. Ang puti at may kakapalan na belo ay hinaharangan ang mukha ko na nagpapakita kung gaano ako katutol sa desisyon na ito.

Mariin kong kinagat ang aking pang ibabang labi nang dahan-dahan na bumukas ang pinto, ang bawat tipa ng piyano ay umalulong sa apat na sulok ng simbahan. Nang sumenyas sa akin ang isang babae ay walang gana akong naglakad papasok.

Alam ko sa sarili ko na walang kasiguraduhan kung maililigtas nila ako, ngunit pinapanalingin ko na kung hindi man nila ako magawang maligtas ay maitakas nila ang mga kababaihan sa palasyo.

Nang igala ko ang aking paningin, ang halos lahat ng knight ay nandito. Samantalang ang hari at reyna ay may sariling puwesto sa itaas kasama ang aking mga magulang. Namataan ng aking mga mata sina Vivian, tila ba’y si Thomas lamang ang nakabungisngis sa kanilang tatlo.

Pagdating ko sa dulo ay nakangiting nilahad ni Nikolai ang kaniyang palad, saglit ko muna iyong pinagmasdan hanggang sa inabot koi yon. Magkasabay kaming naglakad patungo sa altar kung saan may naghihintay na isang pari.

Nag-umpisa ang pari na magsalita, ang salitang hindi ko magawang intindihin dahil sa ayaw iproseso ng aking utak. Dahil ang tanging nasa isip ko lamang ngayon ay takot sa maaaring mangyari ngayon.

Sa likod ng belo ay kinukubli nito ang isang babaeng sawi, na pinipigil ang mga luhang nais na tumakas sa kanyang mga mata.

At sa gilid ng aking mata, napansin ko si Aling Maria na tumungo sa maliit na pinto patungo sa labas ng simbahan. Tumango sa ‘kin ito habang ang aking rapier ay kinukubli niya sa kanyang suot na bestida.

Saglit akong naguluhan nang biglang humarap sa ‘kin si Nikolai, wala sa sarili kong binaling ang atensyon sa kanya at siya’y hinarap din. Habang tinitingnan ang pagkislap ng kanyang mga mata, hindi ko mapigilan ang hindi mapangiwi dahil sa aking sitwasyon. Tila ba’y ipit na ipit ako’t hindi ko magagawa pang matakasan ito.

“Prinsipe Nikolai, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib si Binibining Clarabelle, na maging kabiyak ng iyong puso, sa habang buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin mo siya sa habangbuhay, gaya ng sagradong utos ng Panginoon?”

Saglit akong napayuko’t napamulaga sa marmol na sahig. Tinitigan ko lamang iyon na tila ba’y isang obra maestra ito upang pigilan ang pagpatak ng aking mga luha.

“Opo,” sagot ni Nikolai.

“Binibining Clarabelle, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib si Prinsipe Nikolai, na maging kabiyak ng iyong puso, sa habang buhay, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin mo siya sa habangbuhay, gaya ng sagradong utos ng Panginoon?”

Hindi ko magawang mabuka ang aking bibig dahilan upang mabalot ng katahimikan ang buong paligid. Nang mag-angat ako ng tingin sa kanya ay sinubukan kong muli na magsalita ngunit kahit isang letra ay walang lumabas dito.

“Clarabelle?”

Isang nakaririnding katahimikan ang bumalot sa buong simbahan. Marahan akong suminghap nang maramdaman ko ang dahan-dahan na pag-angat ng belo.

Natatakot ako. Natatakot ako kay Nikolai. Natatakot ako sa maaaring mangyari sa ‘kin oras na sumang-ayon.

At habang tinitingnan ang kanyang nangungusap na mga mata, hindi ko mapigilan ang alalahanin ang Nikolai sa dati kong buhay. Ang lalaking tumapos sa aking buhay.

“Ba—bakit… bakit sa tuwing titingnan ko ang mga mata mo’y tila ba ay palagi mo na lamang kinukumpara iba?”

Sinubukan niyang hawakan ang aking kamay ngunit umatras ako dahilan upang matapakan ko ang suot ko’t mawalan ng balanse. Sinubukan kong kumapit sa munting lamesa ng pari ngunit nahiwa lamang ako rito dahil ito’y gawa sa metal dahilan upang tuluyan akong matumba. Umalulong ang pagkagulat at sigawan sa paligid na naging dahilan upang mapatayo ang iba.

Nanginginig kong tiningnan ang aking palad, ang mga dugo nito’y tumutulo patungo sa aking trahe do boda. Kinakabahan na lumuhod sa aking harapan si Nikolai, ngunit natuon ang atensyon ko sa aligagang si Aling Maria na mabilis na tumungo sa aking gilid upang punasan ng bimpo ang aking sugat.

Kakaiba ang tingin na binibigay sa ‘kin ni Aling Maria, nang dahan-dahan kong tinagilid ang aking ulo’y napansin kong naikubli niya na sa ilalim ng aking suot ang rapier. At habang malapit pa sa ‘kin si Aling Maria ay mabilis kong tinulak si Nikolai palayo’t kinuha ang aking rapier na siyang tinutok ko sa leeg ni Aling Maria at tumayo.

“Pasensya na, Aling Maria.” Hinarang ko sa kanyang leeg ang rapier habang dahan-dahan kaming umaatras patalikod.

“Tulong! Binibining Clarabelle, ano ang iyong ginagawa? Pakiusap tulungan niyo ho ako!” Pag-arte ni Aling Maria.

Walang emosyon kong ginala ang aking mga mata at napansin ko ang pagkagulat ng lahat, maging ng aking mga kapatid at magulang. Nang magtama ang paningin naming ng hari ay hindi ko maiwasan ang hindi mapangisi dahil tila ganitong kapahangasan ko lamang ang kaniyang hinihintay.

Hindi ko hahayaan na masira ang pagkakataon na binigay sa akin ni Aling Maria. Lakas loob kong tinapyas ang aking suot hanggang sa aking tuhod kasabay nito ang pagtayo ng hari habang masama ang tingin na pinupukol sa akin. Kaniyang binagsak ang kaniyang mga palad at dinuro ang direksyon ko.

“Hulihin niyo ang babaeng ‘yan! Isang kalapastangan sa Pamilyang Hamilton at Marquez ang kaniyang ginagawa!”

Mas lalong lumawak ang aking ngisi nang mapansin ko ang mabilis pagkaalerto ng mga personal niyang mga bantay. Marahan kong tinulak palayo si Aling Maria nang sumugod sa ‘kin mga knights. Pinalibutan ako ng apat nila ako’t sinugod naman ako ng isa sa kanila.

Mahigpit akong kumapit sa aking rapier at tila lahat ng tinuro sa akin ni Columbus ay naging sariwa sa aking isipan. Umabante ako’t sinangga ang kanyang espada, ramdam ko ang bigat nito kaya’t buong lakas kong pinaikot ang rapier dahilan upang tumalsik ang hawak niya dahilan upang masipa ko ang dibdib niya.

At sa pagkatumba niya, sabay-sabay na sumugod ang natitirang tatlong knight nakapalibot sa akin. Saglit kong inuna ang aking paa at binaba ang buong katawan ko hanggang sa baiwang nila at ginamit ang aking isang paa upang tisudin ang isa sa kanila. Ngunit mabilis itong nakabangon at galit na sumugod sa akin.


“Putangina,” sambit niya. Isang matamis na ngiti lamang ang binigay ko sa kanya nang mapagtanto ko na pamilyar ang kaniyang boses. Escanor.

Umayos ako ng pagkakatayo at mayabang na tinagilid ang aking ulo. Umawang ang kanyang bibig kasabay nito ang pag igting ng kanyang mga panga na sumugod sa akin. Mabilis ko siyang iniwasan at muli ko siyang tinisod dahil upang mapasubsob siya, hindi ko na rin sinayang ang oras at hinila ko ang kanyang braso upang mabitawan niya ang kanyang hawak na espada habang nakatapak ang paa ko sa kanyang likuran.


Walang emosyon kong tinutok sa kanyang batok ang dulo ng rapier habang siya’y patuloy na nanlalaban. At sa gilid ng aking mga mata ay napansin ko ang dalawang knight na pasugod sa aking direksyon.

“Hindi mo ba inaasahan ito’y iyong sasapitin, Escanor?” Madiin kong binaon ang rapier sa kanyang batok dahilan upang marinig ang nakabibingi niyang sigaw sa buong simbahan, “Ito ang magiging kabayaran mo sa mga pambababoy na iyong ginawa sa nag-iisang prinsesa ng Pamilyang Hamilton.”


“Anong—”

Tinunghay ko ang aking ulo’t ngumiti sa direksyon ng hari na ngayo’y puno ng pangamba ang mga mata, “Ako ang babaeng inyong hinahanap… Ang babaeng nakakita sa inyong sikretong silid.” Walang bahid na kahit anong awa kong pinugot ang ulo ni Escanor at kanyang mga dugo’y binigyan ng panibagong kulay ang suot kong damit.

Binatawan ko ang braso ni Escanor at nilingon ko ang isang knight kung saan nadaplisan niya ang aking pisnge. Umatras ako saglit at muling umabante upang sugatan ang kanyang braso.

“Mga walang silbi.” Nakaramdam ng takot ang buong katawan ko dahil sa isang malamig na tinig.

Kinikilabutan akong lumingon sa aking likuran at ang mga nakatatakot niyang mga mata ang bumungad sa ‘kin. Tila ang buong katawan ko’y nanginginig dahil sa takot, dahan-dahan akong umatras palayo dahilan upang matapakan ko ang katawan ni Escanor at mawalan ng balanse.

Nang magsimulang humakbang si Nikolai ay mas lalo akong nabato sa aking puwesto. Nanggigilid na ang aking mga luha at ang kompiyansa ko sa aking sarili kanina’y unti-unting naglalaho.


“Hindi ko alam kung anong mga kahibangan ang iyong sinasabi kay Escanor ngunit…” Sambit niya’t ngumiti sa ‘kin, “Katulad ng palagi kong sinasabi sa’yo… sa akin ka babagsak, Clarabelle.”

At sa gitna ng takot, isang pangalan lamang ang naging laman ng aking isipan. Tahimik kong hinihiling na sana’y nandito siya upang ako’y iligtas sa panganib na nasa aking harapan. Kasabay nang aking pagpikit ay ang pag agos ng aking mga luha, mahigpit kong hinawakan ang aking rapier at hinanda ang aking sarili sa delubyo.


“COLUMBUUUUUUUUS!”


“Yes?”


#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top