Chapter 20: A Genuine Vow

Chapter 20: A Genuine Vow

Nakapako ang aking mga mata sa himpapawid habang nagpapahinga ako sa ilalim ng puno. Sinandal ko ang aking ulo sa puno’t marahan na pinikit ang aking mga mata.

Naramdaman ko ang pag-upo ng isang tao sa aking tabi ngunit nanatili akong tahimik sa aking puwesto. Pagod ang katawan ko dahil sa panibagong paraan ng aking pag-eensayo. Tangina kasi ni Alexander.

“Mainom ka ng tubig,” sambit ni Columbus kasabay nito ang pagmulat ko sa aking mga mata. Inabot n’ya sa akin ang isang bote at naupo sa aking tabi.

Saglit niya muna akong sinulyapan saka tumingin sa himpapawid, nagulat ako nang bigla niyang hiniga ang aking ulo sa kanyang balikat.

“Huwag ka nang mag-salita pa.”

At katulad nang sinabi niya’y nanahimik lamang ako’t ininom ang tubig na kanyang binigay.

“Uy, ano ‘yan?”

Naibuga ko ang tubig kay Columbus dahil sa biglaang pagsulpot ni Amor sa aming harapan. Ang mapanuksong niyang mga tingin ay mas lalong lumilitaw habang siya’y nakatingin sa amin.

Mabilis naman kaming tumayo ni Columbus na tila ba’y hindi namin alam kung ano ang sinasabi ni Amor. Malakas na tumawa si Amor ngunit agad nawala ang atensyon ko sa kanya nang makita ang kaniyang kasama.


Nanlalaki ang mga mata kong tinuro ang babaeng nasa likuran niya, “Aling Maria?”

Paanong… Hindi ko maintindihan.

Yumuko si Columbus sa kanya at niyakap ito, “Aling Maria, kumusta na po kayo?”

“Katulad pa rin ng dati, ijo.” Bumaling sa ‘kin si Aling Maria at tumingin ito sa aking mga mata na tila may nais siyang ihayag, “Kumusta ka naman, ija?”

“Maayos lang po ang aking kalagayan,” magalang kong sagot.

Ngumiti ito sa ‘kin, “Mabuti naman kung gano’n. Naulat ko na sa pinuno ang dahilan kung bakit ako nagsadya sa lugar na ito, ngunit sa tingin ko’y marapat kung ako mismo ang magbabalita sa’yo nito, ija.”

“Ano iyon, Aling Maria?”

Pinagmasdan ko siya habang malungkot at nangungusap ang mga mata niyang nakatingin sa ‘kin. Kahit saang anggulo ko talaga tingnan si Aling Maria ay hindi ko aakalain na miyembro siya ng mga rebelde. Napakagaling niyang magkubli ng kaniyang sikreto.

“Hinalughog ng pamilyang Hamilton at Marquez upang makita ka lamang, ija. Lalo na’t bigla ka na lamang nawala sa mismong gabi ng pagtitipon para sa inyong kasal ng prinsipe.”

Ayokong bumalik sa lugar na iyon!

“Paumanhin, ija. Nabigla lamang ako noong nakita ko tagpi-tagpi mong kasuotan kaya’t nagdahilan ako sa iyong ama na may iniwan kang isang liham na nag-uulat na ikaw ay babalik din. Hinayag kong ikaw ay naghahanda lamang sa nalalapit niyong kasal ni Prinsipe Nikolai.”

Kagat-labi ko siyang tiningnan, hindi ko alam kung magandang ideya nga ba ang bumalik sa lugar na iyon. Lalo na’t sa tingin ko’y gagawin ng hari na dahilan ang aking pagtakas sa emperyo upang ako’y mapaslang niya.

“At ngayon, kailangan kitang maiuwi sa pamamahay ng mga Marquez upang mapatunayan ang aking kasinungalingan.” Pagpapatuloy ni Aling Maria.

Napayuko ako dahil sa pagkadismaya, kung kailan mas maayos ang mundong aking ginagalawan ay bigla naman itong magwawakas agad.

At sa tingin ko’y magiging doble ang aking mga bantay oras na bumalik ako ro’n. Alam kong hindi na nila hahayaan na mawala ako sa kanilang mga paningin.

“Sasama ako. Ayos lamang ba iyon, Aling Maria?” Magalang na tanong ni Columbus. Nag-angat ako ng tingin at napansin ang pagkaseryoso niya habang nakatingin sa matanda.

Tinapik ni Amor ang balikat ni Aling Maria, “Babalik na rin ako, Inay. Nabalitaan ko kay Baron na hindi na ako hinahanap ng mga guwardya sa Miguelitas.”

Pinagmasdan ko lamang silang tatlo at tila ba’y walang kahit isang katiting na takot silang nararamdaman sa aming pagbabalik sa emperyo.

“Maghanda na kayong tatlo sa ating paglisan.”

═════◈♔◈═════


“Aling Maria,” pabulong kong tawag sa aking katabi. Nakangiting lumingon sa akin ang matanda habang palihim naman akong sumusulyap kay Columbus na nasa aming tapat, “Hindi ba mahuhuli ang hambog na iyan?”

Mahinang tumawa si Aling Maria dahilan upang silipin kami ni Columbus na may bahid ng kuryosidad ang mga mata niya.

“Sanay na ang batang iyan, ija. Palaging nagmamanman si Columbus sa emperyo.” At bago pa man ako muling makapagsalita’y tumigil na ang karwahe.

Saglit na kinausap ni Columbus ang kutsero na isa sa kanilang mga miyembro bago kami tuluyan na bumaba. Agad naman akong napangiwi nang makarating kami sa may hardin na pagmamay-ari ng mga Marquez.

“Saan ang iyong silid?” Tanong ni Columbus sa akin.

Nagtatakha kong tinuro ang bintana ng aking silid at tumango lamang siya. Walang pasabi siyang umalis sa aming harapan ni Aling Maria, nang bitbitin ni Aling Maria ang ilang gamit ko’y tumungo kami sa loob.

Batid kong sesermunan na naman ako ng aking ama, hinihiniling ko lamang sana ay nandito sina Carsten at Cayden upang makatakas ako kahit saglit lamang sa kaniyang matalak na bunganga.

Tahimik akong sumunod kay Aling Maria hanggang sa makarating kami sa opisina ng aking ama, ilang beses ko iyong kinatok bago ako tuluyan na pumasok.

At sa kasamaang palad, ang mukha ng mga taong kasumpa-sumpa ang bumungad sa akin. Walang bahid ng kahit anong emosyon kong minata ang aking ama at saglit na yumuko rito.

“Ama.”

“Ako lamang ba ang iyong babatiin, Clarabelle?” Tanong n’ya habang sumusulyap sa Pamilyang Hamilton. Labag sa loob kong lumingon sa pamilyang iyon at nagbigay galang bago muling bumaling sa aking ama.

“Bakit ako’y inyong hinahanap pa? Hindi niyo ba nakuha ang aking liham na pinaabot kay Aling Maria?”

“Nakuha namin iyon, ngunit—”

“Kung gano’n pala ay sana hindi niyo na ako hinanap pa.” Ang pagalit kong tono ang naging dahilan upang umusbong ang inis sa mga mata ng aking ama, “Alam niyo kung ano ang mga pinagdaanan ko noong nakaraan. Nais ko lamang na ihanda ang aking sarili upang ako’y maging presentable. Hindi ba’t iyong ang nais mo?”

Binagsak niya ang kaniyang mga kamay sa lamesa at pagalit itong tumayo, “Clarabelle!”

“Magpapahinga na ako sa aking silid,” matabang kong sambit. Saglit akong yumuko’t mabilis na tumalikod sa kanila upang lisanin ang silid.


At bago pa man ako makapasok sa aking silid ay may pumigil sa aking braso. Inis kong nilingon ‘yon at isang nalulungkot na ekspresyon ang bumungad sa ‘kin.

“Bakit ka umalis, Clarabelle?” Hindi ba nakikinig ‘to sa speech ko kanina?


“Mama mo alis.”

“Anong—”

Minata ko ang kanyang kamay napinipigilan ako’t winasiwas ko iyon ngunit mas humigpit lamang ang hawak niya sa ‘kin dahilan upang pukulan ko siya ng isang masamang tingin, “Ilang beses ka bang magbubulagbulagan na hindi mo alam ang dahilan?” Tanong ko.

“Clarabelle!”

“Alam mong ikaw ang dahilan! Alam mong ayokong maikasal sa iyo!”

Nag-aapoy ang mga mata niyang tumingin sa ‘kin kasabay nito ang paghigpit ng kanyang kapit, “Ngunit kahit ilang beses mong sabihin ‘yan. Alam mong wala kang magagawa dahil sa ‘kin pa rin bagsak mo, Clarabelle,” nakangisi niyang sambit.

“Bakit hindi ka na lamang magpakasasa sa mga babaeng minarkahan mo imbes na sa ‘kin?” Nakangisi kong tanong. Matapang kong inalis ang kanyang kamay at seryoso siyang tiningnan, “Tutal ako’y hindi mo naman namarkahan, hindi ba?”

“Hindi kita minarkahan dahil iba ka—”


“Ulol!”

Inis siyang napahilamos sa kanyang mukha at tila ba’y kinaklaro ang kanyang isip hanggang sa nakangisi siyang umiling, “Si Alexander ba? Si Alexander ba ang iyong tinatangis? Kaya ba nagpamarka sa kanya?”

Imbes na sumagot sa kanyang paratang ako’y tumawa dahilan upang umusbong ang mga nakakatakot niyang mga mata, pinanlilisikan ako nito na tila isang maling salita mula sa ‘kin, ako’y mapapahamak.


“Huwag mo akong itulad sa’yo—”

Nang humalakhak siya’y saglit kong naramdaman ang kanyang lungkot. Bahagya siyang lumayo sa akin at kinilatis ang aking mukha, “Siya pa rin ba, Clarabelle?”

“Anong sinasabi mo?”

Mapait siyang ngumiti sa ‘kin at pinagmasdan ang mga mata ko, “Hindi na dapat ako nagtatanong pa dahil alam kong siya pa rin.” Anong sinasabi ng gagong ‘to? “Ngunit tandaan mo, sa akin ka babagsak kahit anong mangyari, Clarabelle Marquez.”

Walang emosyon niya akong tinalikuran habang ako’y tahimik lamang na pinanood siya hanggang sa tuluyan siyang maglaho sa aking mga mata. Tahimik kong binuksan ang pinto patungo sa aking silid at nakapikit na sumandal sa pinto hanggang sa mapadausdos pababa upang maupo.

“Sa akin ka babagsak kahit anong mangyari, Clarabelle Marquez.” Gulat kong minulat ang aking mga mata at bumungad sa ‘kin ang isang pang-asar na halakhak mula sa hambog na lalaki.

Inis ko siyang inirapan at mas sinandal ang aking sarili sa pinto, “Hindi ka nakakatawa, Columbus,” singhal ko.

Naupo siya sa aking tabi at hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kanyang mga labi. Nanlalambot akong humilig sa kanyang balikat saka itinakip sa aking mukha ang braso, “At anong ginagawa mo sa aking silid?”


“Malamang ay nagtatago. Ano ba naman ‘yan? Nasaan ba ang utak mo?”

“Tangina mo.”

Muli siyang humalakhak at sumandal din sa pinto. Pabiro niyang sinuklay ang aking mga buhok at nagsalita, “Narinig ko ang pag-uusap niyo ni Nikolai—”


“Pinanganak ka sigurong tsismoso.”

“Pupurihin ko sana ang iyong katapangan ngunit nagbago na ang isip ko,” sambit niya’t inalis ko ang aking braso sa mukha at pinanliitan siya ng mga mata, “Lalaiitin na lamang kita. Napakapangit mo, Belle.”

“Ikaw rin naman.”

Ngumisi siya’t pinitik ang aking noo, “Kailan ang inyong kasal n’yo?”

“Tatlong araw mula ngayon.”

Nagulat ako nang humarap siya sa akin at nilagay sa gilid ng aking tainga ang mga hibla ng aking buhok, “Nais mo bang itakas kita sa mismong kasal mo?”

“Ha?”

“Sabihin mo lamang at pupunta ako ro’n upang kuhanin ka’t sumigaw na itigil ang kasal may utang sa ‘kin ang babaeng ‘yan—”

“Tsk.” Pag-irap ko sa kanya, “May sira talaga ang iyong utak.”


Saglit siyang humalakhak at muling sinuklay ang aking mga buhok.


“Seryoso na…”


“Ano ‘yon, Columbus?”

“Sa araw ng inyong kasal… Ang mga rebelde ay muling maghihimagsik.”

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top