Chapter 12: Unchangeable

Chapter 12: Unchangeable

Maaga akong umalis sa palasyo dahil hindi ko magawang masikmura ang mga prinsensya nila. Dala ko ang aking rapier at tumambay lamang ako sa kung saan ako dinala ng aking mga paa. Madilim ang kapaligiran dahil hindi pa sumisikat ang araw, sumandal ako sa puno at pinadausdos ko ang aking mga mata sa kapatagan. May mga magsasaka na nag-aaro at abala sa kanilang mga pananim, gumugising sila ng ganito kaaga para pagserbisyuhan ang mga hinayupak na namumuno sa kaharian na ito.

Marahan kong pinikit ang mga mata at sinandal ko ang aking ulo sa puno. Bakit ba naman sunod-sunod ang aking mga problemang kinahaharap?


Una, kahit na nais akong ipapatay ng Hari ay bilang na ang araw ng aming kasal ni Nikolai. Pangalawa, kailangan kong mapigilan ang pagkamatay ni Thomas. Pangatlo, ang mga nakakaawang babae na nakakulong sa lihim na silid. Pakiramdam ko’y kaunti na lamang at hindi ko na kakayanin ang lahat ng ito, kaunti na lamang ang sasabog na ang dibdib.


Niyakap ako ng malamig na sipol ng hangin. Isang konklusyon lamang ang paratang ko sa sitwasyon ni Thomas lalo na’t alam kong may dinaramdam na sakit ang mawawalang estudyante ni Cayden. Kumpara kayna Thaddeus at Theodore, si Thomas lamang ang mabilis na napagod sa kanilang paglalaro kahit na hindi naman ganoong kainit ang panahon at mahaba ang kanilang tinakbo.

Nang tuluyan na sumikat ang araw ay mas lalong naging klaro sa akin ang lugar. Mas maayos talaga mamuhay sa ganitong lugar, kahit na nahihirapan sa kanilang munting trabaho ang mga ngiti at tawanan sa kanilang masisiglang mga mukha ay hindi nawawala.

Agad naman akong naalerto nang may marinig akong mga yabag sa aking likuran, “Ate Clara?” Mabilis akong lumingon nang marinig ko ang isang pamilyar na tinig.


“Thomas?”


Nakangiti itong tumakbo at umupo sa aking tabi na tila ba’y natutuwa siyang makita ako. Nang tinagilid ko ang aking ulo ay pinunasan ko ang dungis ng putik sa kaniyang pisnge dahilan upang mapakapit siya sa saklob niyang suot-suot.


Nang mapansin kong tinubuan siya ng hiya ay bumaling ako sa mga magsasaka na kalaunan ay pinanood n’ya rin. Buntong-hininga kong pinanood ang mga nag-aararo, “Thomas… May nararamdaman ka bang kakaiba sa iyong katawan? Namumuong sakit?”


At mula sa gilid ng aking mga mata ay kitang-kita ko kung paano siya kumurao ng paulit-ulit.

“Po?”


“Kung may nararamdaman ka ba kako sa iyong katawan na kakaiba? Nais mo bang ipatingin kita sa isang espesyalista—”

Agad akong tumigil sa pagsasalita nang mahinang tumawa si Thomas kasabay nito ang pagkaway ng mag-asawang magsasaka sa ming direksyon. Nang harapin ko siya’y kumakaway si Thomas sa mag-asawa habang nakabungisngis.


“Marahil ito’y ukol sa aking inakto kahapon…” Sambit n’ya. Nang bumalik ang mag-asawa sa kanilang ginagawa ay humarap siya sa akin, “Simula madaling araw hanggang hapon nagtatrabaho ang aking mga magulang sa palayan na ito. Kami ni Theodore ay hindi kasing yaman nina Thaddeus at Vivian ngunit gumagawa ng paraan ang aking mga magulang upang suportahan ang landas na aking tinahak. Umuupa kami ng lupa upang pagtaniman ng mga gulay at palay. At dahil malapit na ang tagsibol ay sadyang marami ang kailangan naming anihin kaya’t simula noong nakaraang lingo ay tumutulong ako sa kanila bago ang umpisa ang pag-eensayo.”


Hindi ko napigilan ang sarili ko na maantig sa kaniyang kuwento. Marahan ko siyang hinigit saka niyakap, “Ngunit kailangan pa rin kitang ipatingin sa isang espesyalista.”


“Ate Clara naman…”


“Alam kong pinagmamalaki ka ng mga magulang mo, Thomas,” bulong ko sa kaniya, nang humiwalay ako sa yakap ay pinanliitan ko siya ng mga mata, “Kaya’t makinig ka sa akin dahil ate mo ako.”


Malakas na tumawa si Thomas, “Sige na nga, Ate Clara.”


Saglit na nagpaalam sa akin si Thomas upang makapagpaalam siya ng maayos sa kaniyang mga magulang. Nang umalis saglit si Thomas upang magpalit ng uniporme ay nagpakita at nakipagusap ako sa kaniyang mga magulang hanggang sa matapos siya. Magkasabay kaming tumungo ni Thomas sa kuwartel dahilan upang ulanin kami ni Theodore ng mga tanong niya.


Samantalang si Cayden naman ay lugmok na naman sa kaniyang opisina. At dahil ayokong lalong mabugbog ang katawan ni Thomas ay nilimitahan ko ang oras ng kanilang pag-eensayo.

“Napakagaling talaga ni Prinsipe Alexander sa pagpili ng inyong espada, Ate Clara,” nakangitinging sambit ni Vivian dahilan upang ngumiwi lamang si Thomas. Bakit ba kasi may mga manok kuno pa sila? “Bihasang-bihasa ka na.”

“Bakit hindi natin labanan si Ate Clara?” Tanong ni Thomas. Nagpalitan sila ng mga tingin sa isa’t-isa hanggang sa nag-unahan sila patungo sa aking harapan na kalaunan ay si Vivian ang nanalo.

Ngiting tagumpay si Vivian dahilan upang mapailing na lamang ako. Nang tumungo kami sa gitna ay yumuko muna kami sa isa’t-isa bago naghanda sa aming laban, nakaupo namna ang tatlong lalaki sa may lilom na bahagi ng kuwartrel at taimtim na nanonood. Seryoso sina Thaddeus at Thomas samantalang si Theodore lamang ang walang sawa na sumisigaw.

Naunang sumugod si Vivian, dumausdos ang kaniyang espada siya makapal na metal na aking suot sa aking ulo. Ramdam na ramdam ko ang saglit na pagkabingi ngunit agad na umikot upang salagin ang panibago niyang pagsugod.

Nang umatras siya ako naman ang naglakas ng loob na sugudin siya, ang dulong bahagi ng rapier ay tumama sa kaniyang metal plate sa kaniyang dibdib. Imbes na umatras ay umabante si Vivian at bago niya balakin na paikutin ang rapier upang mabitawan ko ito ay agad ko siyang pinatid.

Sinipa ni Vivian ang aking paa upang mawalan ako ng balanse at nang muli niyang balakin na paikutin ang aking rapier ay inunahan ko siya. Tumalsik sa ere ang kaniyang espada ngunit agad niya iyong nakuha sa pamamagitan ng pagtalon gamit ang malaking tipak ng bato malapit sa amin.

S’ya nga ang pinakamahusay sa lahat ng estudyante ni Cayden.

Mabilis na sinipa ni Vivian ang aking binti dahilan upang dumulas sa aking kamay ang rapier, agad niyang kinuha ang rapier at tinutok iyon sa akin. Parehas kaming natawa dahil sa kinahinatnan n gaming duwelo, kaniyang nilahad ang kaniyang palad ngunit bago pa man ako tuluyan na makatayo ay may narinig kaming pagbagsak sa lupa.

Gulat at takot kaming lumingon sa direksyon ng tatlong lalaki dahilan upang mabitawan ni Vivian ang dalawang espadang hawak niya.


Kagat-labi akong kumaripas sa direksyon nila habang umaagos ang aking mga luha. Nang makarating ako sa kanilang puwesto ay pilit kong ginigising ang munting squire na tila ba’y mahimbing na ang tulog.

“Tawagin ninyo si Cayden pati na rin ang doktor!”

Nanlalambot ang aking mga tuhod habang hinahaplos ang kaniyang mukha at pinipilit na gisingin siya. Mas lalo lamang bumaha ang aking mga luha ng makaramdam ako ng malumanay na paghagod sa aking likuran, maging ang marahan na yakap mula roon.


“Ate Clara… Tahan na…” bulong ni Thaddeus.


“Ka—kailangan niyang magising…”

Nang makarinig kami ng sunod-sunod na yabag ay mas lalong humigpit ang pagkakayakap sa akin ni Thaddeus. At sa aking pagtunghay ay nakita ko ang hindi maipintang mukha ni Cayden habang nakatingin sa taong nasa bisig ko’t pinipilit gisingin.

Nasa likod ni Cayden si Vivian na umiiwas lamang ng tingin habang kagat-labing tumatangis. Nang dumating ang doktor agad itong tumungo sa aming direksyon.


“Clara… Huminahon ka. Nakikiusap ako tumahan ka na—”


“Kuya… Si Theodore…”

#

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top