Chapter 8
NANGINGINIG ang kamay ni Tisay habang nakatitig sa kanyang class card. Alam naman niyang hindi siya makakakita ng A sa grade niya, hindi niya na iyon inaasahan pero laking gulat niya nang makita ang A+ sa subject na General Mathematics—excellent ang ibig sabihin niyon. Kahit A- lang magbubunyi na siya niyon pero hindi, eh. Talagang A+ ang naroon at katumbas niyon ay halos perpektong grade—97 to 100. Pero ang saya na naramdaman ay biglang nabawi nang may madaanan ang kanyang paningin na letrang sisira sa kaligayahan niya. Hindi lang binawi ang A+ niya, luging-lugi pa.
F? Seryoso ba ito? Hindi siya mahusay pero hindi naman siya nakakakuha ng ganito kababa na grade noong high school siya. Ano ang nangyari? Lahat naman na dapat gawin ay ginawa niya? Lahat ng activities at project sa subject na ito ay ginawa niya kahit ang hirap. Weakness niya talaga ang Oral Communication dahil sa maraming speech na pinapagawa pero hindi naman siya bumagsak doon. Kahit paano ay C+ naman iyon na ang katumbas ay 80 to 82. Salamat kay Klarity na lagi siyang tinutulungan.
Introduction to Philosophy of the Human Person. Iyon ang bagsak niya. F ang nakuha niyang grado. Hindi niya maunawaaan kung bakit nagkaganito? Ang kanyang kapatid ang inaalala niya. Tiyak na malulungkot iyon. Madi-disappoint.
Isinarado niya ang classcard at nag-angat ng tingin sa babaeng guro na nakaupo sa desk. Hindi niya maunawaan kung bakit ganito? Sobra naman ito. Nag-effort naman siya. Kahit pa sabihin na hindi papasa sa standard ng teacher ang reflection paper na ginawa niya hindi naman siguro makatarungan na ganitong grado ang ibigay sa kanya. Saka kumpiyansa siya na maganda naman ang nagawa niya. Tinulungan siya ni Klarity. Ideya pa rin niya iyon. Mga salita niya. Pina-translate lang niya kay Klarity dahil hirap nga siya sa grammar. Isinulat muna niya sa Tagalog.
"Tisay, what's wrong?" tanong ni Klarity. Umiling siya. Matamis naman itong ngumiti.
"Look at my grades. Ang tataas ng nakuha ko." Hindi naman iyon kataka-taka. Matalino talaga itong si Klarity kahit sa anong subject. Lalo na sa mga essay. Napakahusay nito. Sa speech lang lagi itong nakakakuha ng highest grade sa buong klase. Palibhasa mahusay mag-deliver ng mga salita. Masarap pakinggan. Iyong kahit hindi mo naiintindihan ang sinasabi makikinig ka pa rin hanggang sa matapos. Ganoon siya kasarap pakinggan.
"Congrats!"
"How about you?" Hindi na niya nasagot si Klarity nang makita ang pagtayo ng guro para lumabas na ng classroom.
"Sandali lang, Klarity." Nagmadali siya sa pagtayo saka sumunod sa guro na lumabas.
"Ma'am Borñeo!" tawag niya habang nakasunod na naglalakad sa hallway. Agad namang tumigil ang guro at pumihit paharap kay Tisay.
"Ramos?"
"Ma'am Borñeo." Itinaas niya ang hawak na classcard. "Itatanong ko lang po sana kung bakit nagkaganito ang grade ko. Bakit failed po?"
Nagpakita ng disappointment ang mukha ng babaeng guro. "Iyan ang gusto mo hindi ba? Hindi ka nagpasa ng reflection paper at hindi rin ganoon kataas ang nakuha mo sa exam."
Exam. Inaamin niya namang nagpabaya siya. Sumabay kasi ang raket niya kaya hindi siya gaanong nakapag-review pero nagpasa siya ng reflection paper.
"Ma'am Borñeo, nagpasa po ako."
Tumaas ang kilay ng babae. "Nasaan? Wala, Ramos. Nag-message pa ako sa group chat para bigyan ng palugit ang mga walang ipinasa...I've even mentioned you. Pinatawag kita para sana kausapin dahil alam ko ang sitwasyon mo sa buhay. Pero mukhang choice mo lang talagang hindi magpasa. Ayaw mong pumunta sa opisina at wala kang planong magpasa raw. Sa akin ka pa nagalit dahil makulit ako?"
"Ho? Hindi. Kanino mo po ako pinatawag? Wala namang nagsabi sa akin."
Umiling ang babae. "Wala na akong magagawa. Kung ayaw mong bumagsak ng tuluyan ayusin mo ngayong huling semestre." Tuluyang tumalikod ang babae at iniwan siyang naguguluhan. Sa group chat. Wala siyang nabasa, may nag-remove sa kanya at kay Klarity. Nabalik lang sila mga isang linggo na ang lumipas, aksidente lang daw silang na-remove. Pero sino naman ang nautusan ni Mrs. Borñeo para papuntahin siya sa opisina nito? Wala namang nagsabi sa kanya. Mukhang pinagmukha pa siyang masama. Kaya pala nitong mga nakaraan parang laging masama ang titig sa kanya ng guro. May galit pala sa kanya. Mabait ang adviser nilang iyon, nito nga lang ay nag-iba sa kanya. Dati rati ay nagpapatulong pa sa kanya sa pagbuhat ng gamit nito. Nagbabala na ito na may isang bagsak sa subject nito pero hindi naman niya akalain na siya 'yon. Kumpiyansa naman kasi siyang hindi siya babagsak. Ayon pala, siya pala 'yon.
Pucha! Ano ang gagawin niya? Paanong wala siyang project? Sa halip na bumalik ng klase ay dumiretso siya ng comfort room. Sa cubicle ay doon tinitigan ang classcard habang iniisip kong ano'ng paliwanag ang gagawin sa kanyang kapatid. Babawi na lang siya. Mahahatak pa naman siguro ito ng iba niyang grade. Hindi pa naman tapos ang buong klase para sa taon na ito. Unang semestre palang naman. Kaya pa ito.
Nag-angat ng tingin si Tisay nang marinig ang ingay ng mga estudyanteng pumasok sa comfort room. Mga kaklase niya. Sina Margot iyon. Nakilala niya agad ang tila sinisinok na tawa ni Cherry.
"I told you, girls! Si Joan ang sinasabi ni Ma'am Borñeo na bagsak." Napatuwid ng upo si Tisay nang marinig na binanggit ni Margot ang pangalan niya.
"Gaga ka talaga, Margot. Kawawa naman. Nagpapakapokpok ang kapatid para makapag-aral sa private school si Joan tapos ninakawan mo lang ng project." Sinundan ng malakas na tawa ni Melody ang sariling sinabi. Si Tisay naman ay nanigas sa kinauupuan sa narinig. Unti-unti niyang naramdaman ang paninigas ng kanyang daliri kasabay ng pagmanhid ng kanyang mukha at mabilis na pagtibok ng puso. Unti-unting pinuno ng muhi ang kanyang dibdib.
Hindi niya maunawaan kung bakit ganito si Margot sa kanya. Sobra ang pagnanais na sirain ang buhay niya. Hinahayaan niya ang pangbu-bully nito. Hindi naman iyon masisira ang buhay niya. Kaya niyang i-handle. Kaya niyang ignorahin ang lahat ng masasakit na sinasabi nito sa kanya at sa kanyang kapatid. Hindi naman siya madaling maapektuhan. Pero ito...ibang level na ang ginawa nito. Kinabukasan na niya ang maaaring sirain nito.
"Mabuti na lang at patay na patay sa akin si Danny, kaya napapayag kong ibigay sa akin ang project ni Joan. In fairness, maganda ang ginawa ng gaga. Sure, si Klarity ang gumawa. Iyon ang ipinasa kong project ko kaya mataas ang nakuha kong grade."
Lalo lang niyon pinatindi ang nararamdamang galit. Hindi lang nito bastang ninakaw para wala siyang maipasa kundi inangkin nito ang pag-aari niya. Ang kapal ng mukha. Dahan-dahang tumayo si Tisay. Habang nagtatawanan ay pabalibag niyang binuksan ang pinto ng cubicle Napaigtad ang apat na babae na nasa tapat ng salamin. Sabay-sabay pa itong napapihit paharap sa kanya. Gulat ang mga ito kahit si Margot, pero saglit lang iyon dahil muling bumukas ang mayabang at mataray nitong ekspresyon. Walang pagsisisi o pag-alala man lang na maaari nitong ikapahamak dahil narinig niya ang lahat.
Bumaba ang tingin ni Margot sa classcard na hawak ni Tisay. Ngumisi ito. "Hulaan ko grade mo...Failed?" Pagkasabi niyon ay malakas na nagtawanan ang magkakaibigan. Noon ay hindi na nakapagpigil si Tisay. Sinugod niya ang babae at habang tumatawa ay pinagsasampal niya sa magkabilang pisngi. Unli sampal. Ni hindi ito nakatili sa pagkabigla. Nagsimula lang itong tumili nang haltakin niya ang mahabang buhok nito. Kinaladkad niya ito palabas ng comfort room.
"Let go of me! You bitch! Isusumbong kita sa mommy ko!" tili nito, pilit inaangat ang ulo pero hindi magawa dahil madiin niyang hawak ang buhok nito at itinutulak pababa. Nang makalabas ay itinulak niya si Margot. Nadapa ito sa sementadong sahig. Ang mga estudyante na naroon sa paligid ay nagsilapitan. Kanya-kanyang hugot ng phone para kuhanan ang nagaganap na kumusyon.
"Halika! Ngayon mo ilabas ang tapang mong babae ka! Suntukan tayo!" Inilislis ni Tisay ang manggas ng uniforme. Ang hawak na class card ay inihampas niya sa dibdib ng miron na saksakan ng lapit sa kanya.
"Hawakan mo nang may pakinabang ka naman." Muli niyang hinarap si Margot na hawak ang nasaktang ulo habang nakasalampak sa sahig.
"Ano? Tayo. Suntukan na lang tayo." Ipinorma ni Tisay ang mga kamay pati ang mga paa sa paghahanda sa pagsuntok. Tumalon-talon pa siya habang paisa-isang sumuntok sa ere. Ang mga tao sa paligid ay nagsimulang mag-cheer. Isinisigaw pa ang pangalan niya.
"You are crazy!" tili ni Margot. Itinayo nito ang sarili. Pagtayong-pagtayo ay inundayan niya ito ng malakas na suntok kaya muli itong tumimbuwang. Hindi niya alam kung saan ito tinamaan pero nasaktan ang kamao niya. Mukhang sa ilong niya nadali. Dumudugo ang ilong. Kinapa ni Margot ang ilong at nang makita ang dugo sa kamay ay malakas itong tumili at ang kasunod ay nawalan ito ng malay.
Unti-unti niyang ibinaba ang kamao niya habang nakatitig kay Margot na walang malay. Ang lalaking pinagbigyan niya ng kanyang classcard ay lumapit sa kanya.
"Napuruhan mo yata."
"Wala na kayang buhay?" hintakot niyang usal. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang mapagtanto ang nagawa. Hinablot niya ang classcard sa lalaki at tumakbo nang mabilis patungo sa gate. Mabilis na mabilis. Walang lingon-lingon na para bang nakasunod sa kanya si Kamatayan.
***
"GAGA ka! Nagwawala si Aling Vina. Pinagbabato ang bahay ninyo!" si Tukyo pagpasok ng bahay na dalang supot. Sinabunutan ni Tisay ang buhok habang nakasalampak sa sahig sa sala ng bahay nina Tukyo. Hindi siya makauwi sa bahay kasi alam niyang susugurin siya ng nanay ni Margot doon. Buti na lang at wala pa ang kapatid niya. Hindi pa ito umuuwi mula sa out of town raket dahil kung nagkataon ay baka magkatagaan si Aling Vina at ang kanyang kapatid.
"Kumusta kaya si Margot? Hindi naman siguro 50/50 ano?" Sinundan niya ng tingin si Tukyo na tinungo ang hapagkainan na nasa likod lang ng mahabang sofa. Inilapag nito ang isang supot doon habang itinapon naman kay Tisay ang isa pa. Sinimulan naman nitong ayusin ang sa mesa ang biniling lutong ulam.
"Hindi naman 50/50 pero lumabas daw yung pekeng buto ng ilong." Oo nga pala. Retoke ang ilong niyon ni Margot. Sinilip ni Tisay ang supot. Isang oversized button down shirt iyon na kulay puti saka isang itim na boyleg. Damit ito ng kanyang kapatid na pangcover up kapag natapos sa pag-perform.
"Iyan lang nakuha ko sa bahay ninyo. Naka-lock, eh. Nakasampay 'yan sa may bintana." Nakalock ang pinto. Naiwan niya sa classroom ang bag niya. Nandoon ang susi pati na rin ang cellphone niya. Tinawagan ni Tukyo si Klarity para ipahatid na lang gamit ni Tisay.
"Paano na kaya ito. Tiyak pagbabayarin ako ni Aling Vina nito."
"Jusko! Mabuti kung iyon lang ang gawin. Eh, kung ipakulong ka. Physical injury 'yon. Siguradong hindi ka titigilan ni Aling Vina."
Bumuntonghininga si Tisay. Higit pang naproblema. Dapat talaga hindi niya idinaan si dahas. Nakakapikon na kasi. "Halika na muna. Kumain na muna tayo." Tumayo siya at naupo sa hapagkainin. Matapos maayos ang pagkain ay naupo na rin si Tukyo. Ito pa ang naglagay ng pagkain sa plato niya nang hindi siya kumilos.
"Lamon na! Hindi ka lalo makakapag-isip kung walang laman ang tiyan mo," angil sa kanya ni Tukyo kaya napilitan siyang kumain kahit wala siyang gana.
"Tarantada talaga 'yang si Margot at lagi kang napagti-trip-an. Letse na 'yan, grabe ang insecurity sa 'yo. Palibhasa hindi manalonalo sa pagka-muse sa liga sa 'yo. Kahit effort na effort sa Q&A, taob na taob sa bara-bara mong sagot." Napatawa si Tisay sa tinuran ng kaibigan.
Nagsimula nga ang galit nito sa kanya nang matalo niya sa muse sa liga. English speaking pa naman 'yon tapos siya kalokohan lang ang sagot. Ginaya niya kung paanong sumagot ang mga bakla sa Miss Gay. Simula niyon ay galit na galit na ang mag-ina sa kanya. Hindi raw niya deserve ang manalo. Akala mo naman Miss Universe ang titulong pinaglabanan. Eh, isang kinakalawang na trophy nga lang ang premyo. Wala naman siyang balak sumali talaga doon. Kinaladkad lang siya ni Cesar at Tukyo ng araw na iyon para maging muse ng team. Kasali rin kasi si Tukyo sa liga. Paano umaasa pa rin ang tatay nito maging ganap na lalaki si Tukyo.
"Inom tayo," yaya niya kay Tukyo.
"Sige. Red horse, Empe, Gin?"
"Pineapple Gin na lang."
"Gora!"
Matapos kumain ay naligo si Tisay. Paglabas niya ng banyo ay nadatnan niya si Tukyo na nagtitimpla na iinumin nila. Kasalukuyan na nitong sinisindahan ang bote ng gin. "Doon tayo." Inginuso nito ang sala. Kinuha niya ang isang supot na naglalaman ng sitsirya mula sa mesa at ang baso saka tinungo ang sala. Sumalampak siya sa sahig. Sumunod naman sa kanya si Tukyo. Inilapag nito ang pitsil sa sahig at naupo sa tapat niya. Agad siyang nagsalin ng alak na may juice at tinungga iyon. Gusto niyang maibsan ang takot at problema na kinasasangkutan.
"Gin 'yan, ah! Hindi 'yan juice, Accla! Inuna talaga ang paglaklak bago suklay!" sita ni Tukyo. Hindi na nga niya sinuklay ang basang buhok. Nagbukas ng isang DingDong si Tukyo. Inabot iyon kay Tisay.
"Wala ka bang Toblerone o kahit Cadbury na lang, puwede na 'yon."
"Shuta ka! Hanapan pa ako ng chocolate nito. Ano akala mo sa 'kin OFW? Balikbayan?" Dinukot ni Tukyo ang ilang piraso ng Haney tsokolate sa supot at ibinigay kay Tisay.
"Ayan! Mag-Hany ka. Support local products." Nagsalin si Tukyo ng alak at uminom.
"Text ko nga si Klarity. Hindi pa yata makatakas." Kinuha ni Tukyo ang cellphone nitong nasa sofa.
"Kanina ang sabi kapag pumasok na daw yaya niya sa kuwarto aalis na siya," ani Tukyo habang nagtitipa.
"Dito ka na lang matulog. Wala naman sina nanay ngayon nasa byahe." Muli nitong inilipag ang phone sa sofa.
"Sa Pangasinan ba byahe nila ngayon?"
"Oo." Driver ng truck ang tatay ni Tukyo na bumabyahe sa pag-angkat ng gulay habang sumasama naman ang nanay nito. Hindi may-ari ng truck sina Tukyo. Driver lang ito at hindi rin pag-aari nina Tukyo ang inaangkat na gulay pero sumasabay sa pag-angkat ang nanay ni Tukyo ng sapat na paninda sa palengke. Binuksan niya ang isang Hany at inilaglag sa bibig ng buo. Nilamukos ang balat at ibinalik sa plastik. Kinuha niya agad ang baso nang salinan iyon ni Tukyo at mabilis na ininom.
"Ang saklap ng buhay namin. Parang nawawalan na ako ng pag-asa na magkaroon ng maayos na buhay. Sinusubukan naman namin ni Ate Sey pero ang lupit ng mundo sa amin." Nangilid ang kanyang luha sa pagkaawa sa kanilang sitwasyon.
"Minsan nga iniisip ko ako yata talaga ang malas sa pamilya...isipin mo, noong ipanganak ako, hindi pa man ako nagkakaisip nilayasan na kami ng nanay ko. Nagkasakit ang kapatid ko ng Leukemia kaya ayon, napilitin si tatay na kumapit sa patalim." Si Tukyo na nakikinig kay Tisay ay muling nag-abot ng alak. Kinuha naman niya iyon at agad na ininom. Pinahid ang bibig nang tumulo ang ibang laman mula sa bibig niya.
"Nakulong si tatay, nasunog ang bahay kasama ang kapatid ko...pinalayas kami ng mga tao sa lugar natin noon. Si Kuya Bogs, iniwan kami, pinamigay...si Ate Sey ibinibenta ang katawan para lang mabuhay kami...para lang suportahan ako." Tuluyan siyang napahikbi. Agad na nagsalin ng alak si Tukyo at ininom iyon ng diretso. Muling nagsalin at ibinigay kay Tisay. Lumipat si Tukyo sa tabi ni Tisay at hinagod ang likod.
"Sige lang...ilabas mo lang lahat ng sama ng loob mo. Nandito lang ako, makikinig sa 'yo." Nahahabag si Tukyo sa sitwasyon ng kaibigan.
"Huwag mong isiping ikaw ang may dala ng malas. Gaga ka...kasalanan 'yan ng magulang mo. Aanak-anak sila 'di naman pala kayo kayang suportahan...lalo na ang mudra mo, kuhang-kuha niya ang gigil ko...nasaan na ba ang lintik na 'yon?"
Umiling si Tisay. "Hindi ko alam. Nang tanungin ko si tatay noon nag-Japan daw."
Bumuntonghininga si Tisay. "Alam mo sa lahat ng mga kamalasang nangyari sa buhay ko, si Nognog ang pinakamagandang konsulasyon." Sa gitna ng kalungkutang ay umusbong ang kaligayahan. Matagal niya kasing inasam na muli silang magkita ni Theus. Iyong hindi lang siya tumatanaw sa malayo. Hindi lang siya nang-e-stalk sa mga social media account nito. Iyong magkakausap talaga sila at nangyari na nga. Niyuko niya ang suot ng kuwentas at inabot ang pendant. Nakangiti niyang nilaro ang bilog na pendat na may letrang T at N.
"Ang tagal kong inasam na magkita ulit kami. Maging magkaibigan. Sayang lang 'no? Hindi ko puwedeng ipakilala ang sarili ko." Malungkot siyang ngumiti kay Tukyo.
"Puwede naman. Gusto mo ako ang magsabi sa kanya na ikaw ang girlfriend niyang hindi niya alam."
Marahang tumawa si Tisay. "Gagu!" Iniumang niya ang baso kay Tukyo para sa refill at nilagyan naman nito ng gin.
"Ayoko! Okay na sa akin ang ganito lang. Masaya na ako na kinakaibigan niya ako bilang si Joan at hindi bilang si Tisay. Baka bigla pa akong layuan. Magbago ang pagtingin niya sa akin...saka ayoko talagang malaman niyang ako 'yong anak ng taong muntik ng makapatay sa kapatid niya. Baka wala na akong mukhang maiharap sa kanya. Okay na iyong ganito."
Muli niyang ininom ang lahat ng laman sa baso. Muli siyang nagpakawala ng mabigat na paghinga. Tumingala siya sa kisame. Tinitigan ang bombilyang nakakabit doon. Liwanag. Iyon ang gusto niyang makita sa napakahabang madilim na tunel na kinaroroonan nilang magkapatid. Walang katapusang dilim. Iyong parang kahit ano'ng bilis nilang tumakbo hindi pa rin sila makausad. Ganoon ang buhay nila ng kanyang kapatid. Kung paano't kailan sila makakaalis ay hindi niya alam. Ginawa naman nila ang lahat ng paraan lalo na ang kanyang Ate Sey pero may mga tao talagang pilit silang hinihila para hindi makalabas sa kinasasadlakan madilim na buhay.
Gusto lang naman ng kanyang kapatid makapag-aral siya sa isang magandang paaralan. Pero bakit kailangan sirain ni Margot ang buhay niya. Bakit kailangan nitong guluhin ang buhay niya? Na kay Margot na ang lahat pero bakit siya ang gustong-gusto nitong guluhin. Ngayon, paano na? Tiyak na tuluyan na ang expulsion na ipapataw sa kanya at ngayon palang ay nasasaktan na siya para sa kapatid niya. Nakikita niya ang mukha nitong nasasaktan.
Tuluyang napaiyak si Tisay. Inilukot niya ang kanyang mga hita. Ipinatong sa tuhod ang braso at isinubsob ang mukha sa braso. Doon umiyak, ibinuhos ang matinding hinanakit sa mundo. Si Tukyo ay kinalma siya sa pamamagitan ng paghaplos sa kanyang likuran. Hinayaan siyang umiyak. Kailangan niya ito. Mababaliw siya kapag hindi niya nailabas lahat ng bigat sa dibdib niya.
"Theus?" Narinig niyang binanggit ni Tukyo ang pangalan ni Theus.
"Accla! Si Theus nandito." Niyugyog pa ni Tukyo ang kanyang braso. Iwinasiwas niya ang braso at nakaramdamam ng iritasyon dahil ito siya't umiiyak ay nagagawa pa nitong magbiro.
"Tigilan mo nga ako, Tukyo!"
"Accla, nandito nga si Theus." Sasakalin talaga niya 'to! Nag-angat siya ng tingin habang nakakunot ang noo at patuloy sa pagluha nang matigilang bigla. Napaawang ang kanyang bibig nang makita nga si Theus sa may pinto kasama si Klarity.
"Look who's with me," si Klarity na naglakad patungo sa kanila. Inilapag sa sofa ang bag ni Tisay na naiwan niya kanina sa school. Umupo ito sa sofa kung saan nito inilagay ang bag.
"Tinawagan ka ni Theus sa phone mo. Sinagot ko then I told him what happened. He's really worried. Sinundo nila ako ng mga friends niya sa house then sumama rito." May dalawang lalaki itong kasama. Nakita na niya ang mga ito sa birthday party nina Theus noon.
Si Tukyo ay itinulak siya. "Shutaca! Gandara yarn?" Tukso ni Tukyo habang kinikilig. "Hindi lang Toblerone ang dala. Ferrero pa, may bulaklak at teddy bear pa." Mula sa mukha ni Theus ay bumaba ang tingin ni Tisay sa mga hawak nito. Isang brown na Teddy Bear, bouquet ng bulaklak at malaking kahon ng Ferrero.
"Akin na lang ang box kapag naubos mo na ang laman, ah?" ani Tukyo at tumayo. Nilapitan nito sina Theus.
"Pasok kayo," yaya ni Tukyo sa bisita. "Pasensiya na bahay namin. Maliit masyado at mainit."
Itinulak ng isang lalaki si Theus nang hindi ito kumilos. Nakatitig lang ito kay Tisay. "Go!"
Tuluyang humakbang si Theus palapit kay Tisay. Naupo ito sa lapag sa tabi ni Tisay habang ang titig nito ay hindi inaalis sa kanyang mukha.
"Nandito ka?" unang salitang lumabas sa bibig niya habang hindi pa rin maka-recover sa pagkabigla. Inilapag ni Theus ang lahat ng dala sa sahig. Inabot nito ang kanyang mukha na higit pa niyang ikinabigla. Dahan-dahan na para bang natatakot nitong ikinulong ang kanyang mukha sa palad nito. Pinahid ang luhang bumasa sa kanyang pisngi. Napansin ni Tisay ang tila pagkislap ng mga mata nito dahil sa pamumuo ng luha. Kumibot din ang labi nito. Kapagkuwa'y bigla na lang siya nitong kinabig at mahigpit na niyakap. Rinig niya ang pagtili ni Tukyo, singhap ni Klarity at ang gulat pero natutuwang reakisyon ng dalawang lalaki na nagpakilala kay Tukyo na Miko at Frankus. Ipinikit ni Tisay ang mga mata habang ang mga bisig ay mahigpit niyang ipinaikot sa katawan ni Theus. Muli siyang naluha dahil sa napakasarap na emosyon na kumalat sa kanyang dibdib na kagagawan ni Theus. Comfort. Iyon ang una niyang naramdaman na tanging ang kanyang Ate Sey lang ang may kayang magbigay—noong bata pa siya. Nitong magdalaga siya mas pinili niyang magpakatatag at sarilinin ang lungkot at sariling problema dahil ayaw niyang dumagdag sa alalahanin ng kapatid. Akala niya ayos lang...iyong walang nagco-comfort kapag malungkot siya. Kailangan pa pala niya. Iba pa rin pala ang naibibigay niyon.
"Hindi ba ako nananaginip?" Nanatiling nakapikit ang kanyang mata. Naramdam niya ang paglapat ng labi ni Theus sa ibabaw ng kanyang ulo. Lalo siyang napahikbi. Ang sarap sa pakiramdam na nakakulong siya sa mga bisig ni Theus habang nakalapat ang gilid ng kanyang mukha sa dibdib nito, naririnig niya ang maingay at mabilis na tibok ng puso nito habang ang mga labi ay sa ibabaw ng kanyang ulo.
"Ganito pala mag-comfort ang friend lang 'no? Ano pa kaya kapag-jowa na kita?" Sa kabila ng pagluha ay nagawa niyang magbiro. Marahang natawa si Theus at lalong hinigpitan ang yakap.
"I like that...I want you to be my girlfriend."
"Aaahhh!" Malakas na tili ni Klarity at Tukyo ang umalingawngaw sa buong lungga ng pamilya Arcega dahil sa biro ni Theus. Iyon na yata ang biro na gusto niyang totohanin na lang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top