The Kingdom Behind
The Kingdom Behind
Genre: Action
Sa Bahay-Agila; isang maling tapak; isang maling salita; isang maling galaw mo lang, may kalulugaran ka. Sa teritoryo ng mga lobo, bawat ang mag-asal tuta. Halik ng makapal na kahoy sa katawan ang katumbas ng bawat paglabag sa mga batas. Mapapaisip ka na lang kung ano nga bang nagtulak sa gaya ko na pumasok sa ganoong patapong mundo na pinamumunuan ng mga taong asal-aso.
"Putangina!!" Napakalakas ng mura ni Jayson noong pinanonood ko siyang tino-torture nila Kalbo. Apat na karayom na ang naibaon sa dulo ng mga daliri niya. Ganoon talaga kapag may initiation sa Bahay-Agila. Sanayan na lang at patibayan ng sikmura. Susuka ka na lang kapag hindi mo na kaya ang nakikita ng iyong mga mata.
"Dex! Yung tropa ni Mac-Mac, gumanti!" Humahangos na lumapit noon sa amin si Paul. Madilim sa pwesto namin at malamyang ilaw ng bumbilya nila Mamay Luz ang nagsisilbing liwanag sa paligid. "Inabangan kami sa tulay! Si Poc, nadale nila! Nasumpak sa tagiliran!" Nakita ko sa malabong liwanag ang dugo sa mukha niya at ilang mga gasgas sa pisngi.
"Basag na mukha mo, brad, ah!" natatawa ko pang salita kahit na nagsisimula na akong mapikon.
"Pukinginamo! Ikaw kaya hampasin ng tubo sa ulo tignan natin kung buo pa iyang mukha mo pagkatapos!"
Nakaligtaan na namin si Jayson at mas inintindi pa si Paul.
Kanya-kanya nang labas ng sumpak, baril at mga pamalo. Gangwar na naman. Mga gago talaga ang grupo nila Mac-Mac, at handa kaming makipaggaguhan kung iyon ang habol nila. Inaagaw nila ang teritoryo namin, at bobo na lang ang papayag sa gano'n.
"Bantayan n'yo si Taison! 'Di pa tapos 'yan!" sigaw ko para huwag iwan si Jayson na nakatengga doon.
Magkakasama kaming grupo na sumugod sa tulay. Hatinggabi at tinatago ng ulap ang buwan. Pakialam namin sa mga punyetang Tanod na 'yon? Pakialam namin sa mga putanginang mga pulis? Ganoon ang buhay namin at kung mapapatay kami, wala nang pake doon ang mundo dahil wala kaming ibang pakinabang kundi mga patapong basurang isinuka na ng mga tao. Ganiyan binalot ng buhay namin ang buong isipan ko.
"Mga gago! Lumabas kayo r'yan!" Umalingawngaw ang sigaw ko bilang lider ng tropa.
"Dexter! Pukinanginamoka! Akin na 'tong teritoryo mo!" balik-sagot ni Mac-Mac sa akin.
"Ulul! Pakyu! Patayin mo muna 'ko, bago mo makuha 'tong lugar ko!" Talo pa namin ang mga karakter sa Counter Strike na nagkanya-kanya nang pwesto. Isang malaking bato ang pinakawalan ni Obet. Isang malakas na pagbasag ng salamin ang narinig namin at ilan sa mga bata ng TBS ang lumabas.
Malakas na putukan at murahan ang maririnig sa madilim na paligid na iniilawan lang ng malayong bumbilya na pagawa ni Mayor. Nakita ko ang isa sa miyembro nila na tumatakbo para magtago. Mabilis ko siyang sinumpak at agad itong bumagsak sa lupa. Kung saan man siya tinamaan, wala na akong pakialam.
"Bobby, sa dulo! Sa dulo!" sigaw ko upang antabayanan nila si Mac-Mac na malamang tatakas agad dahil may bumagsak na sa tropa nila.
"Putangina! Dex, si Caloy!"
Magulo. Maingay. Nakalilito ang nagaganap. Dito isang minutong matanga ka-- kahit pa gaano katigas ang bungo mo, madudurog nila.
Nakikita ko si Bobby, hinahatak ang isa sa barkada namin. Tangina, may bumagsak?! Tsk!
"Dexter! Tanginamo!" sigaw ng lider ng kalaban naming grupo.
"Tanginamo rin, gago!" pagbabalik ko ng salita.
Kung nakamamatay lang ang mura, malamang napaglamayan na kami sa kanya-kanya naming bahay.
"Dex!"
Sinisigaw nila ang pangalan ko. At sa ganoong pagkakataon, ang pagtawag sa pangalan ko ay hudyat ng isang masamang balita.
"Atras! Atras!" sigaw ko. Sa maliit na giyerang ito, mahirap sabihin kung sino ang llamado at dehado. Nagtago kami sa likod ng isang jeep habang litung-lito kami kung paano aasikasuhin si Caloy na may tama pala sa kaliwang dibdib.
"Tangina, 'tol, punta na tayo sa ospital!" suhestiyon ni Bobby na puno ng pangamba ang buong mukha.
"Dex! Dex! Sila Mang Boy!"
"Putangina! Bwisit!" Sinipa ko ang lupa dahil sa inis. "Ba't ngayon pa?!" Kinarga ko na si Caloy at pinasan sa likod. Ramdam ko pa rin ang mainit na likidong dumampi sa balat ko mula sa sarili kong tropa.
Payat lang si Caloy at madali sa aking buhatin siya. Bagay na mas lalo kong inalala dahil napakarupok talaga ng pangangatawan niya. Tinakbo na namin ang pinakamalapit na eskinita papunta sa Bahay-Agila para maasikaso ang kaibigan namin.
Ganoon talaga sa gangwar. Hindi mo masasabi ang pwedeng mangyari. At ako, bilang pinakamatanda sa grupo, kailangan kong makaisip ng alternatibong paraan sa mga ganoong sitwasyon.
Puno ng kabang dibdib. Namumutok na mga mukha. Dismayadong mga tingin. Walang lamang mga utak. Blangkong isipan sa magaganap ang mababasa sa amin habang pinanonood si Manong Erning na gamutin si Caloy. Albularyo siya sa kakaibang gubat sa loob ng siyudad. Makapangyarihan ang laway at dasal niya sa mga walang perang gaya namin.
Lalatuy-latoy na umuwi si Jayson sa kanila nang maisipan na naming tigilan na siya dahil kay Caloy. Tinago ng malaki niyang damit ang nangungulay talong niyang mga hita na gawa ni Nunoy. Wala talagang tahimik na araw sa kagubatang tinatago ng mapagkunwaring lipunan kung saan kami nananahan.
"Dalhin n'yo na sa ospital 'tong batang 'to," malungkot na sinabi ni Mang Erning. "Namumutla na. Mauubusan na 'to ng dugo. 'Pag 'di 'to umabot, patay 'to."
Mga linyang madalas dumaan sa aming mga tainga ngunit hanggang ngayo'y hindi pa rin kami handa upang marinig.
Nagprisinta na si Bobby na ihatid si Caloy sa ospital kasi may pedicab siya. Hindi nila ako pinatatapak doon kasi alam nilang wanted ako sa mga guwardiya. Sinapak ko kasi ang isa sa mga doktor doon dati nung sinabing hindi nila maasikaso ang isa sa mga namatay naming tropa. Putangina niya sana mamatay na rin siya. Sumalangit nawa ang kaluluwa ng barkada ko.
Lumung-lumo akong umuwi noon sa bahay namin. Madaling-araw at sabog ako dahil kailangan kong makalimot. Isang pakete ang sinolo ko sa Bahay-Agila kaya wala na namang diretsong linya sa paligid. Tahimik sa bahay. Madilim. Humiga ako sa sofa at tinakpan agad ang mata ko.
Paulit-ulit na bumabalik sa isipan ko lahat ng nangyaring masamang bagay na lagi ko na lang nasasaksihan. Mga bagay na tinatanggap ng isip ko kahit napakasama. Sabi nila, itinapon ko lang ang buhay ko. Sabi ko naman, wala akong buhay kaya ano ang itatapon ko?
Maykaya ang pamilya ko at ako lang ang napariwara sa aming apat ng mga kapatid ko. Ga-graduate na ng kolehiyo ang bunso namin, samantalang ako ni hindi nakatapak kahit 4th year high school. May trabaho ako. May sarili akong pera. May sarili akong pinagkakagastusan. Ilegal ang trabaho, ilegal ang pera kaya ilegal din ang pinatutunguhan.
Umagang-umaga, isang diyaryo ang humambalos sa mukha ko dahilan upang ako'y magising.
"Tanginang--!" Napabalikwas ako ng bangon at binigyan agad ng isang masamang tingin ang tatay kong retiradong sundalo.
"Punyeta ka!" Isang malakas na sampal ang isinukli niya sa akin. "Hindi parke ang pamamahay ko na bibisitahin mo lang kung kailan mo gusto!"
"Papa, tama na!" awat ni Mama at pinigilan ang tatay ko sa panibagong sampal na ibibigay nito sa akin. "Dexter, anak, umakyat ka muna... sige na, doon ka muna sa kwarto mo..."
Laging ganoon ang eksena sa bahay at natutulig na ako sa paulit-ulit na nangyayari. Umakyat ako sa kwarto at walang pagdadalawang-isip na binalot lahat ng gamit ko sa cabinet upang ilagay sa malaking bag.
Hindi iyon ang mundong gusto kong panirahan. At sa teritoryong pinamumunuan ko, iba ang depinisyon ng salitang lakas at batas.
Lumayas ako sa amin at pansamantalang tumira sa Bahay-Agila. Gabi-gabi mong maririnig ang mga ingay na hindi mo masasabi kung totoo pa ba o isipan mo na lang ang gumagawa. Mga sigaw ng nagmamakaawang miyembro na tumatanggap ng parusang wala namang matibay na rason kundi dahil iyon ang batas. Batas na hindi mo malaman kung maididikit mo pa ba sa salitang katarungan na hahambing sa kung paano ba tayo pinatatakbo ng pamahalaan.
Mga mura ang pumupuno sa madilim na lunggang pinamamahayan ng mga taong sa iba kumukuha ng panggatong sa namamatay nilang apoy ng pag-asa. Mga taong ikinatutuwa ang paghihirap at pagdurusa ng iba. Mga halang na kaluluwang binabansagang mga demonyong sadista. At sa isang parte ng aking buhay: napabilang ako sa kanila.
"Kuyaaa!!" malakas na sigaw ni Bamba habang pinaglalaruan nila Tan-tan. Dito, harap-harapan kang manonood ng kababuyan. Makikipila ka o manonood ka sa mga pinipilahan.
Makikita mo ang pawisan at nanginginig na katawan ng mga hubad na dalagitang pinagparausan na ng mga binatilyong mas bata pa nang di-hamak sa kanila. Mararanasan mong halikan ang mga babaeng sampung lalaki na ang humalik bago ikaw. Kasingdumi ng pagpapasa ng maliit na kendi mula sa isang bibig patungo sa isa pa ang masasaksihan ng iyong mga mata. Mga bagay na pandidirihan mo pero kinatutuwa ng buong tropa na talo pa ang nagkaroon ng piyesta.
May batas kami doon, at iyon ang kailangang tupdin. Gagawin ng mga bago ang ginawa namin. Gagawin namin sa mga bago ang ginawa sa amin noon ng mga pinalitan namin. At sa kaharian ko, ako ang haring kailangang sundin. Ngunit kasabay ng pribilehiyong iyon ay ang obligasyon na kailangan kong hawakan ang kaligtasan nila laban sa mga kalaban namin.
Iniisip ng iba ang tunay na rason kung bakit ako nasali sa ganoong kalakaran. Lahat sila, pinanghahawakan ang salita kong 'dahil gusto ko lang'. Ngunit alam ko naman sa sarili kong hindi iyon ang tunay na dahilan.
Gusto ko lang gumanti sa dating mundong pinilit lang akong pasukin. Gusto kong gumanti sa mga demonyong naging dahilan ng pagkamatay ng mag-ina ko.
At sa impyernong iyon, isa lang akong malaking suka ng aso na tinapak-tapakan ng mga gagong nagpasimuno ng kagaguhang ito.
Nahawakan ko na ang lugar na sumira ng mismong buhay ko. At, isa lang ang gusto ko habang hawak ko na ang sumpang nagpadilim sa aking maliwanag na mundo...
...ang maranasan din ng mga batang inosente sa mapait na katotohanan ng buhay ang lahat-lahat ng mapait na naranasan ko.
Pupunuin ka ng galit sa kabila ng kaisipang kailangan mong salain ang lahat ng maganda sa iyong paligid. Nakangiti ang buong tropa at mapupuno na lang ng tawanan ang buong Bahay-Agila, ngunit hindi pa rin maitatago ng bawat tawa ang katotohanang pagtalikod namin sa isa't-isa, ilang hakbang lang ang ilayo namin sa aming lugar, isa-isa na kaming tinataniman ng tingga at babagsak na lang nang walang laban sa lupa.
Sinira ang buhay ko. Nanira ako ng buhay ng ibang tao. Naubusan ako ng pag-asang pansamantalang ibinigay sa akin ng pag-upo sa trono ng Bahay-Agila. Ngunit, may hangganan ang lahat. Marunong din sumikat ang araw kapag alam na ng dilim na tapos na ang oras niya.
Si Ka Ama ang aking naging sandigan. Inalis niya ako sa madilim na mundong minsan ko nang pinamunuan. Pinakita niya sa akin na kahit na gaano pa kaliit ang liwanag; ang sinag ay mananatili pa ring sinag. Walang malaki o maliit na pag-asa sa taong marunong umunawa at sa mga tunay na binubuksan ang mata upang makakita.
Ngayon, ito ako. Tumino ako mula sa napakagulo kong mundo. At ngayon, ang nais ko'y baguhin ang kasalukuyan. Na sa likod ng napakagandang Palasyo ng Malakanyang, nandoon makikita ang kaharian kong sumasalamin sa magulong lipunan na pinamumunuan ng bulok na pamahalaan. Minsan na akong naging pariwarang kabataan, at kung magpapatuloy ang maling pamamalakad, mananatili na lang ang mapait na mundong sisira at sisira sa bawat kabataan at sa kanilang murang isipan.
Ako si Dexter, isang lalaking minsan nang naligaw ng landas at nagbalik uli sa tuwid na daan upang ipakita sa mundo na kahit na gaano pa kasalimuot ang iyong nakaraan, dadating din ang panahon na makikita mo ang liwanag at maitatama mo pa rin ang kahit anong nagawa mong kamalian.
________________________________________________________
THE STORY IS INSPIRED BY DEXTER, SCHOOLMATE KO PO SIYA. POLSCI STUDENT. AND ITO PO ANG NILALAMAN NG SPEECH NIYA NA NAPANOOD NAMIN SA MINI THEATER SA SCHOOL AS FINAL EXAM NIYA SA FIL 2. DAPAT PO, NAKALAGAY ITO SA EXAMINATION BOOKLET KASO WALA SIYANG NAISULAT KAYA NAG-IMPROMPTU NA LANG. AND MAPAPA-STANDING OVATION KA NA LANG SA KANYA HABANG PUMAPALAKPAK. ISA PA PO: REPRESENTATIVE SIYA NG PILIPINAS AS AMBASSADOR FOR YOUTH ORGANIZATION IN UNITED NATION(OPO, BUONG MUNDO).
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top