Special Chapters-2

Ang alaalang iyon ay nagdulot ng kalungkutan kay Hannah sa mga sumunod na araw. Hindi na lang siya nagpahalata kay Mady. Nagpatuloy lang siya ng dati niyang mga nakasanayan na gawain.

"Hannah, lalabas muna ako," wika ni Mady. "Makikipagkita muna ako kay Sam." Si Sam ay matagal ng kasintahan ni Mady.

"Okay, go lang," tugon ni Hannah, na may ginagawa sa kanyang laptop.

"Kung gusto mong lumabas para kumain, ayos lang, basta don't forget to lock the condo," paalala ni Mady.

Tumango si Hannah. Ngumiti si Mady at umalis din.

Tinapos lang ni Hannah ang ginagawa sa laptop. Maya-maya ay naisipan nitong lumabas.

Matagal na rin akong di nakakapaglibot dito sa Manila. Makapamasyal nga.

Nagbihis ang dalaga at ni-lock ang condo bago siya umalis. Naisipan niyang dumaan sa town center. Alam niyang may mga kainan doon at may malapit na shopping mall.

Nang makarating na si Hannah ay namalagi ito sa isang frozen yogurt shop. Nagmerienda siya doon at nagpalipas ng oras.

Pumasok siya sa mall pagkatapos. Nagtingin-tingin lang siya ng mga damit sa iba't ibang boutique, pero wala siyang nagustuhan.

Makauwi na nga.

Malapit lang ang kanilang condo sa nasabing lugar. Habang naglalakad ay nadaanan ni Hannah ang isang building na may photo exhibit sa loob. Pinasok niya ito at tinignan ang mga larawan.

Karamihan sa mga ito ay black and white photos ng iba't ibang mga eksena na kinunan sa kamaynilaan. Mayroon mga lumang buildings, mga bata, mga scenario sa kalye, at sa Rizal Park. Naglakad pa si Hannah, at narating niya ang mga larawan na mga tao naman ang kuha. Colored naman ang mga larawan.

Puro sa Ayala Triangle ito ah, napansin niya. Dati siyang nagtrabaho sa nasabing lugar bago siya lumipad patungong Pransiya.

Kaharap na ngayon ni Hannah ang isang larawan ng babaeng nakatalikod. Mahaba ang buhok nito at nililipad ng hangin.

Bakit parang ako yata iyan? May cardigan ako na ganyan dati.

Natawa si Hannah sa iniisip. Bigla siyang napatingin sa maliit na description sa ibaba ng larawan, na nakatype sa itim na plate.

Humans of Makati Project by Niccolo Jacinto.

"Niccolo Jacinto," bulong ni Hannah. "Hmmm.... Sounds familiar. Jacinto."

"Hi, miss. Thanks for visiting my photo exhibit."

Lumingon si Hannah at nagulat nang nakita ang nakatayong lalaki sa harapan niya. Ngunit mukhang mas nagulat ang nasabing lalaki nang makita nito si Hannah.

"Ha... Hannah?" Tanong niya.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga.

"Bakit mo ako kilala?" Tanong niya.

"Hannah... You're back." Halata ang pagkamangha sa boses niya.

"Sir, baka ibang Hannah po tinutukoy niyo. Baka kamukha ko lang." Nagtataka si Hannah kung bakit ganito na lang umasta ang lalaki nang makita siya.

"No, it can't be. It's really you!" Sigurado niyang sagot.

Napa-urong si Hannah at agad siyang tumakbo papalabas ng building. Nagtatakbo siya palayo sa weird na lalaki.

Sumakay siya ng jeepney at umuwi sa kanilang condo. Agad siyang  nagkulong sa kanyang kwarto pagkarating niya.

Bakit ako kilala ng lalaking iyon? Alam ko ngayon ko lang siya nakita. Pero bakit parang pamilyar siya sa akin? Si Niccolo Jacinto... Siya ba iyon? Siya ba yung kumuha ng photographs sa exhibit, lalo na yung babaeng nakatalikod?

Maraming tanong ang gumugulo sa kanya ngayon.

Sino kaya ang makakasagot ng mga ito?

Naisip niyang tanungin si Mady tungkol dito, pero baka wala rin siyang maisagot.

---

Nanahimik na lang si Hannah pagkatapos ng mga pangyayari. Ilang araw ang dumaan bago siya naglakas-loob na lumabas muli. Inaya siya ni Mady na magtanghalian kasama si Sam.

Sa isang kainan ng chicken wings sila nagpasiyang kumain. Masaya ang naging usapan, at natutuwa si Hannah na makita si Sam.

"Ako bridesmaid niyo kapag kinasal kayo, ah?" Sabi ni Hannah.

"No problem! Basta ikaw," sagot ni Sam.

Ngumiti si Hannah kay Mady. "Gawin niyong May ang kasal, para di maulan."

"April na lang, para summer," wika ni Mady.

"May," suhestiyon ni Sam.

"April," sagot ni Mady.

"Oy, huwag kayong mag-aaway!" Biro ni Hannah.

Natapos ang pananghalian nila nang matiwasay.

Nagpaalam si Sam kina Mady at Hannah, dahil didiretso pa siya sa trabaho pagkatapos. Nang makaalis na si Sam ay nag-aya si Mady na mamili ng make-up. Pumayag naman si Hannah.

Habang nasa make-up store ang dalawa ay nasa loob lang si Mady. Nakatayo malapit sa labas si Hannah at abala sa pagtingin ng lipstick nang inangat niya ang kanyang ulo at tumingin sa labas.

Halos napanganga siya nang makita ang lalaki sa photo exhibit ilang araw na ang nakararaan.

Anong ginagawa niya dito?

Ramdam ni Hannah ang kanyang mga titig. Para bang matagal na siyang kilala nito.

Agad lumakad si Hannah papunta kay Mady.

"Ano iyon?" Tanong ni Mady.

Hinila ni Hannah ang kaibigan papunta sa exit.

"May lalaking nakatingin sa akin."

Tinignan ni Hannah kung saan nakatayo ang lalaki, ngunit laking gulat niya na wala na pala ito.

"Sinong lalaki?" Tanong ni Mady

"Nawala siya. Pero totoo, Mady, may nakatingin sa akin kanina. Nakakatakot. Ang weird."

Nag-isip si Mady. "Baka napagkamalan ka lang noon."

"Sana nga."

"Gusto mo na ba umuwi?" Alok ni Mady.

"Sige."

Umuwi na ang dalawa. Nagtrabaho ulit si Mady sa laptop habang nagkulong muna si Hannah sa kwarto.

Sino kaya ang lalaking iyon? Bakit kilala niya ata ako pero di ko siya maalala? May nangyari ba 3 years ago? Ang alam ko lang, pagkatapos ko magtrabaho sa Makati ay lumipad ako ng Paris para doon magtrabaho.

Mas lalong dumami ang mga katanungan sa kanyang isipan.

May sumagi na solusyon sa isipan niya. Baka sakaling matulungan siya ng taong ito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top