Chapter 9-Kinabukasan
A/N: Pawang kathang-isip lang ang eksena tungkol sa mga protesta. Di ako magbabanggit ng mga pangalan na pamilyar sa mga mata at pandinig niyo.
(Sabado ng umaga)
"Ano ito?"
"Ti-Vi."
"Ito naman?"
"Radyo."
"Anong pagkakaiba ng dalawa?"
"Nakakapanood ka ng mga palabas sa ti-vi. Sa radyo, nakikinig ng musika at mga balita."
Nagsimula nang turuan nila Hannah at Mady ang bagong-salta sa modernong mundo na si Emilio Jacinto. Oo, walang iba kundi ang isa sa mga bayani at tinaguriang "Utak ng Katipunan" na si Emilio Jacinto. Hanggang ngayon ay misteryo pa rin kung paano siya napaadpad sa taong 2013 sa Pilipinas. Walang tiyak na paraan para makabalik siya sa panahon niya, kaya sa ngayon ay nagpasiya ang dalawang magkaibigan na ibahagi ang kanilang kaalaman sa mga makabagong bagay. Tiyak na makakatulong ito sa kanilang kakaibang bisita para makasabay siya sa paraan ng pamumuhay sa kasalukuyan.
Di naman naiirita ang Katipunero sa pagre-"review" na binibigay sa kanya ng mga kasama. Sa katunayan nga ay natutuwa ito at naaaliw sa mga bago niyang nalalaman, mula sa TV ("ti-viiii", ika nga niya) hanggang sa water dispenser na may pang-mainit at pang-malamig na naiinom. Halos lahat ay naintindihan na niya kung paano gamitin. Pero di maipagkaila ang pagka-aliw niya nang inabutan siya ni Hannah ng cellphone na Samsung Corby na kulay asul.
"Parang iyong sa iyo," pangiting nasabi ni Jacinto habang pinagmamasdan niya ang cellphone na nakatawa.
"Ganito gamitin iyan," at pinakita ni Hannah nang binuksan niya ang cellphone. Pagkatapos ng kinse minutos ng pagpapaliwanag tungkol sa gamit ng cellphone ay nakakapag-text na si Jacinto kay Hannah.
"Salamat!" sabi ng text message.
"Uy! Marunong na siyang mag-text, Mady!" tuwang-tuwang nasabi ni Hannah. "Naka touch-screen siya ah!"
"Yey!" Pinalakpakan nila ang bagong kaibigan.
"Ganito na pala kadali makipag-usap ngayon," sabi ni Jacinto. "Noon, kailangan mo pang sumulat at matagal bago ito matanggap."
"Ganyan kadali!" masayang pahayag ni Hannah. "Siguro kung meron kayo niyan noon, mas madaling makipag-usap tungkol sa mga plano ng Katipunan."
"Ay, siyang tunay! Pero walang nakaka-alam na iba na nakikipag-usap ka dito?" tanong ng binata.
"Wala, kasi sa inyong dalawa lang," sagot ni Mady. "Pwede mo rin i-text si Hannah ng I love you kung gusto mo!" Kinindatan niya si Jacinto.
"Anong salita iyon?" inosenteng tanong ni Jacinto, na ngayon lang narinig ang Ingles na kataga.
"Ano ka ba, Mady?!" panggigigil ni Hannah. "I love you ka diyan!"
"Weh!" pabirong sagi ni Mady.
"Ah, wala iyon," pagdadahilan ni Hannah. "Mamaya na yung mga Ingles na salita, kasi minsang sinakop ng Amerika ang Pilipinas at natuto kaming ng bagong wika. Ingles."
"May manananakop na naman ulit?! Teka.... di ata tama iyan." Biglang ninais ni Jacinto na bumalik sa panahon niya para supilin ang bagong banta ng panibagong mga dayuhan. "Dapat makabalik na ako!"
"Ei, kalma lang. Ibang kwento naman iyon. Sa susunod mo na malalaman kung anong nangyari," pagpipigil ni Hannah sa kanya.
Kumalma si Jacinto. "Siguro nga di ko pa dapat malaman sa ngayon." Wala pa rin siyang paraang naiiisip kung paano makakabalik sa panahon niya. Pero ano kayang nangyari tungkol sa sinabi ng dalagang si Hannah? Bigla siyang nag-isip ng malalim, ngunit binasag ni Mady ang kanyang katahimikan.
"Kain tayo sa labas!" pagyayaya ni Mady.
"Ok na ideya iyon!" pagsang-ayon ni Hannah. Tinignan niya si Jacinto at nakangiting sinabing, "Magugustuhan mo mga makikita mo sa labas ng kwartong ito."
Walang nagawa ang batang heneral kundi pumayag.
---
Natuloy ang lakad ng dalawa kasama si Jacinto. Nakalabas sila ng dormitoryo na di nakita ang kasama nilang lalaki dahil dumaan sila sa likod pababa sa mga hagdan na nagsisilbing fire exit. Isa pa, karamihan sa mga lady boarders ay umuwi sa kanila at kaunti lang ang natira sa dorm, bukod pa sa walang CCTV sa may panig ng kwarto nila na malapit lang sa fire exit. Napaka-swerte nga naman ng natuluyang bahay ng Katipunero.
"Sakay na tayo ng dyip," sabi ni Hannah habang pumara at sumakay sila dito. Pag-upo nila sa loob ay tahimik na nagmasid si Jacinto sa mga kaganapan.
"Manong bayad po. Tatlo." May inabot na pera si Hannah at napunta ito sa lalaking nasa harap, na nagmamaneho ng tinatawag na dyip.
"Ito ang sinasakyan ng karamihan sa mga Pilipino kapag may pupuntahan," paliwanag ni Hannah sa katabi niyang si Ginoong Jacinto. "Mura lang bayad dito. Marami ka nang mararating sa isang sakay ng dyip."
"Ganoon pala." Tumungo ang binata. Patuloy siya sa kanyang pagmamasid. Ibang-iba ang mga Pilipino sa kasalukuyan. Marami siyang natutunan sa isang sakay niya ng dyip papunta sa lugar na kung tawagin ay Cubao. May mga pasyalan daw dito, ayon kay Hannah.
Halos pareho ang bihis ng mga babae at lalaki. Pati pala mga kababaihan ay nakakapag-pantalon na sa ngayon. Pero may isang nakasakay na babae na napaka-iksi ng saya at walang manggas na bestida, at medyo ilang siya na tignan ito nang matagal. Hindi siya makapaniwala na nakakalabas ng bahay ngayon ang mga babae na kita na halos ang kaluluwa.
May mga hawak din na selfon ang ilan habang nagpapadala ng mensahe. Pawang wala silang napapansin sa paligid habang nakatitig sa selfon.
Nag-isip din siya sa bihis niya ngayon, na pangitaas na may mga guhit at kwelyo, maong na pantalon, at sapatos na may mga sintas. Galing ulit sa nobyo ni Mady. Naisip niya bigla ang reaksyon ni Hannah nang una siyang makita, na pawang kilala na siya agad. Naging sikat ba ako? tanong niya sa sarili. Pero wala namang reaksyon sa kanya ang mga tao sa dyip. Di kaya dahil sa ginupitan siya ni Mady ng buhok para ayusin ito? Hinimas niya ang noo niya na ngayon ay may tinatawag na "full bangs".
Pero bakit kilala na ako ni Hannah?
Natigil ang kanyang pag-iisip nang bumaba na sila ng dyip.
---
Isa pang panibagong karanasan sa kanya ang pagpasyal niya sa Cubao, na puro mga gusali na tinatawag na malls. Namangha siya nang pumasok sila sa loob. Ang daming pwedeng bilhin, gaya ng mga damit, sapatos, at iba-ibang mga bagay. Sa katunyan nga, binili siya ng isang kamiseta nila Mady at Hannah. Pagkatapos ay kumain sila sa isang kainan na pawang mga kanluranin ang pagkain. Nabusog naman siya sa pananghalian niyang ispagetti, French fries, at Cola.
Naglakad-lakad pa sila at tahimik lang siyang nakinig habang kinuwentuhan siya ng dalawa tungkol sa mga nakikita nila sa paligid. Maraming taong namamasyal, dahil siguro walang pasok pag Sabado.
Nagpagpasiyahan na rin nilang umuwi maya-maya. Sumakay sila ng dyip at bumaba sa kalye kung saan nandun ang dormitoryo ng dalawa. Nagpa-alam muna si Mady dahil kakausapin ang nobyo niya tungkol sa pagtuloy ni Jacinto sa dormitoryo nito. Balak nilang ipakilala si Jacinto bilang nawawalang pinsan ni Mady, si "Emilio Dizon" (na nagkataong apleyido sa pagkadalaga ng nanay niya), na nanakawan kuno sa bus papuntang Maynila. Siyempre, walang maniniwala na galing siya sa panahon ng Kastila.
Iniwan muna ni Mady sila Jacinto at Hannah. Dahil nasa dulo ng kalye ang dormitoryo, medyo mahaba-haba nilakad nila. Di sila nag-usap habang naglalakad.
Napansin ni Jacinto ang TV na nakabukas sa isang karinderya sa malapit. Napatigil siya at nanood. May malaking kilos-protesta na nangyayari noong araw na iyon.
Hinanap niya si Hannah para magtanong, pero di niya namataan ang dalaga. Nagtanong na lang siya sa isang kumakain. "Ano pong nangyayari?"
"Ah.... yung sa TV?" sagot ng matandang lalaking kumakain. "May protesta sa Quirino Grandstand sa Luneta, tungkol diyan sa binulsang buwis ng taong bayan. Grabe talaga mga buwaya sa gobyerno, tayo lang na-a-agrabyado."
Nagkataong tumatagay ang lalaki habang nanonood. Inalok niya si Jacinto ng brandy. "Tagay muna, anak."
"Di po ako umiinom ginoo," tanggi niya.
"Ayos lang iyan! Maupo ka." Inabot niya sa binata ang baso ng brandy at naupo nga si Jacinto habang nakikinig sa mama tungkol sa mga anomlaya sa paghawak ng buwis na dapat sa taong bayan napupunta. Sa unang lagok pa lang niya ng alak ay pawang nahilo na siya.
"At ganoon na nga... talagang walang-hiya sila!" lasing na nasabi ng mama sa gitna ng kanyang pagkukwento. "Tagay pa!" Binigyan siya ulit ng baso ng alak.
Iinom na sana si Jacinto nang bigla niyang narinig si Hannah sa likuran niya.
"Hoy! Kanina pa kita hinahanap, andito ka lang pala! Tayo ka diyan! Ang aga-aga, umiinom ka na! Tayo!" galit na sabi ni Hannah. Hinatak niya patayo si Jacinto sa may braso. "Tayo na! Uwi!"
"Naku, mukhang nagagalit na siyota mo!" nakangising sabi ng matandang lalaking lasing. "Uwi na anak!"
"Salamat sa pagpapaliwanag ginoo!" pahabol ni Jacinto habang tumakbong palayo na kinakaladkad siya ni Hannah. Tumakbo sila hanggang makarating sa sulok kung saan nandun ang mga hagdan paakyat ng dormitoryo nila Hannah. Pagtigil nila ay pinagalitan siya ng dalaga.
"Wag ka nakikipag-inuman dun sa mamang iyon! Kilalang lasenggo iyon dito! Di ka pwede maging lasing sa kalye kasi baka kung anong mangyari sa iyo!"
"Ay pasensiya na, may napanood ako sa TV tungkol sa kilos protesta at nagtanong lang ako sa kanya," paliwanag ni Jacinto.
"Umiinom ka pala ah!" malditang nasambit ni Hannah. Baket wala ito sa mga history books? Si Emilio Jacinto ay marunong tumagay kasama ang mga kapwa niya Katipunero.
"Naka-inom naman ako dati kahit di madalas. Wag kang mag-alala, di pa ako lasing."
"Ah, sige, di naman halata. Pinapatawad na kita. Meron palang kilos-protesta ngayon na nasa TV."
"Teka, anong ibig sabihin ng syota?" biglang natanong ni Jacinto.
"Huh? Umm... nobya. Girlfriend," sagot ni Hannah.
"Kaya ka pala nakakapit pa rin sa braso ko hanggang ngayon," biro nito habang nakatitig sa kamay ni Hannah na hawak pa rin ang braso niya. Di niya ito pinawalan habang tumatakbo sila hanggang sa makarating sa eskinita.
Pinawalan siya ni Hannah. "Huwag kang magkaroon ng ideya diyan! Pilyo!"
Unang pagkakataon na napangiti ng wagas ang Katipunero sa nakangising mukha ni Hannah.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top