Chapter 8-Kinagabihan

Maayos ang naging unang gabi ni Jacinto sa poder nila Hannah at Mady. Naghapunan sila ng pizza na binili ni Mady. Nagagalak ang Katipunero na makakain ng pizza, dahil ngayon lang siya nakakain ng ganitong klaseng tinapay sa buong buhay niya. Masarap! ika niya.

Pagdating sa usapan ng matutulugan, pinahiram muna ni Mady ang higaan niya sa bisita. May folding bed naman na nakakabit sa higaan ni Hannah at dun muna siya malapit sa tabi ng kanyang kaibigan. Di naman problema ang pagiging pribado, dahil may kurtina naman na naghihiwalay sa dalawang espasyo kung saan nandun ang kanilang mga tinutulugan.

Ngunit may isa lang munting reklamo ang ating Katipunero.

"Talaga bang ganito kaiksi ang pantalong ito? At pawang hapit yata ang aking pangitaas."

Tinutukoy niya ang suot niyang maong na bermuda pants at v-neck t-shirt na kulay asul, na pinahiram ni Mady sa kanya.

"Iyan kasi ang uso sa mga lalaki," paliwanag ni Mady. "Tignan mo rin kami ni Hannah, naka tokong din." Kulay berde at rosas naman ang suot ng dalawa na kamiseta rin ang pangitaas.

"Huwag kang mag-alala, ihahanap kita ng pantalon. Bagay naman sa iyo iyan. Sexy!" pilyang tawa ni Mady.

"Ha? Ano ibig sabihin ng huli mong sinabi, binibini?" pagtataka ni Jacinto. 

"Naku, maraming mga bagong salita ang dapat mong matutunan," dagdag ni Hannah. "Yung salitang seksi, ibig sabihin noon ay--"

"Nakakadagdag sa alindog ng pagkalalaki mo! Seksi!" May kislap sa mga mata ni Mady sabay pamewang at nguso kay Ginoong Jacinto.

Nailang ang binata sa pabirong tingin ni Mady. "Naku, di naman ako kagwapuhan para masabihan ako ng ganoon," namumula niyang nasambit habang nakatingin sa malayo.

"Hoy! Huwag mo siyang landiin!" pabirong sagi ni Hannah kay Mady. "Pasensiya na Emilio, sadyang may kalandian ang babaeng ito!"

"Woo! Kunwari ka pa! Ganyan din naiiisip mo!" sagot ni Mady.

"Di kaya!"

Di mapigilan ni Jacinto na mapatawa. Kakaiba mga babae ngayon. Sinasabi nila ang nasa isip nila, at di sila nahihiya sa lalaki na sabihin ang gusto nila. Sa totoo lang, ngayon lang siya nabigyan ng ganoong klaseng atensiyon mula sa isang babae.

Nang oras na para matulog at nakapatay na ang mga ilaw, maraming sumasagi sa isipan ni Jacinto habang sinusubukan niyang makatulog. Hanggang ngayon ay naninibago pa rin siya sa kakaibang mundo na kanyang napasukan. Bakit kaya ako dito napunta? tanong niya sa sarili. Anong kadahilanan at nakapaglakbay ako sa hinaharap, sa isang bagong Pilipinas? Lahat ay bago sa kanya, mula sa pagkain, bahay, mga kagamitan, at pati kilos ng mga babaeng kanyang nakilala. Siguro nga tataba siya dito kasi ang sasarap ng kanyang mga kinakain. Napangiti siya sa sarili niya, pero binawi niya agad ang ngiting ito. Di dapat maging panatag ang kalooban ko dito. Kailangan kong makaisip ng paraan para makabalik sa panahon ko.

Paano nga ba? Sa ngayon ay mukhang imposible, gaya ng mga mata niyang balot sa kadiliman ng kwarto.

O sige, tignan ko muna ang dapat kong malaman sa buhay ng mga Pilipino ngayon.


Sa totoo lang, mabubuti ang mga dalagang kumupkop sa kanya. Isa pa, nag-aaral sila, kaya mukhang mabuti na ata ngayon ang buhay ng mga dalagang Pilipina. Pero minsan lang, nakakailang mga kilos nila, lalo na ang pilyang si Mady. Mady nga pangalan niya, tama. At yung isa, si Ana--ay hindi--Ha... Ha--nnah, yung una kong nakilala...


Medyo nakakahiya ang una nilang pagtatagpo, pero ayaw na niyang isipin iyon. Magalang siya sa mga babae. At nangako siya na magiging mabuti sa kanila.

Pero noong ningitian siya ni Hannah bago siya umalis kaninang umaga, di rin niya mapigilan na ngumiti. Ikinaganda niya ang pagngiti.

Naku, Emilio, matulog ka na! Dapat handa ka sa mga bagong mga bagay na matututunan mo.

May isa siyang naisip pa bago tuluyang nakatulog.

Hinahanap kaya ako sa simbahan kung saan ako tumuloy noong nasugatan ako?

---

(Laguna, 1898)

"Padre, nawawala po ang pasyente!"

Nagmamadaling tumakbo ang sakristan sa kura paroko, na ngayon ay naglalakad sa may pasilyo ng simbahan. Napatigil ito at nagulat. "Ano kamo?"

"Wala na siya sa kwarto Padre. Tumakas ata!"

Tumakbo agad ang pari habang sinundan siya ng sakristan tungo sa bahay ng mga prayle. Pagbukas niya ng pinto, nadatnan niya na wala na ang sugatang binata sa silid.

"Hinalughog ko ang buong simbahan at nagtanong sa mga parokyano kung may napansin silang lalaking sugatan na gumagala, pero wala naman silang nakita, kahit anino niya," paliwanag ng sakristan.

Gumala ang kura-paroko sa buong kwarto. "Nakakapagtaka... walang bakas ng dugo sa sahig o kahit anong palatandaan na tumakas siya. Paano ba iyan, di pa rin maganda ang lagay niya," pag-aalala ng prayle.

"Pero baka tumakas nga..." sabi ng sakristan. "Siya nga pala, may nakita akong bagay malapit sa labas ng simbahan, sa may puno." 

May dinukot ang sakristan sa loob ng kanyang abito at pinakita ang isang punyal na may mga bakas ng natuyong dugo. "Ito ata ang pinansaksak ng humahabol na sundalong Kastila kay Heneral Jacinto." 

Nagkaroon kasi ng engkwentro sa panig ng dalawa nang mamataan ng Kastilang sundalo si Jacinto. Naubusan ito ng bala at ginamit niya ang dala niyang punyal para saksakin si Jacinto sa kanang tagliran, na naging malala dahil ang lalim ng pagkakasaksak dito. Pinilit siyang gamutin ng paring nakakita sa kanya, ngunit nasa alanganin pa rin ang Katipunero, na ngayon ay namumuno sa mga hukbo ng Katipunan sa lugar ng Maimpis sa Magdalena, Laguna.

Nagaalala ang pari na baka namatay ito sa daan. 

"Ipagbibigay alam ba natin ito sa kinauukulan?" tanong niya sa sakristan.

"Naku, padre, tumahimik na lang tayo. Huwag na tayong makigulo dito," mungkahi ng bata.

Napa-krus ang pari at nagdasal. "Diyos ko, ilayo niyo sa kapahamakan si Heneral Jacinto, kung nasaan man siya ngayon.

Di nagtagal at kumalat sa buong bayan ang misteryosong pagkawala ni Heneral Emilio Jacinto. Walang nakakaalam kung patay na ba siya o nabubuhay pa at nagtatago lang.

(itutuloy)

A/N:


Ang totoong nagyari ay:

Noong Pebrero 1898, ay nakipagtuos si Jacinto sa mga Espanyol na cazadores sa Barrio Maimpis sa Magdalena, Laguna. Nasugatan siya sa hita at hinuli ng mga Kastila, ngunit pinawalan din siya agad nang malaman na siya kuno ay si Florentino Reyes, isang espiya sa mga Kastila na nahuli ni Jacinto sa Pasig bago mangyari ang kaganapan sa Maimpis.

(source: http://pinoyfolktales.blogspot.com/2013/01/filipino-martyr-emilio-d-jacinto.html)


Hahabaan ko nang konti ang susunod na chapter. Salamat sa pagbasa!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top