Chapter 5-"Kalerky!"

Kumalma si Hannah bago niya natanggap ang dalawang bagay: Na hindi nagsisinungaling ang lalaki na siya si Emilio Jacinto at totoo ang kanyang sinasabi: wala siyang alam kung paano siya napunta sa modernong panahong ito sa Pilipinas.

Kinuwento ulit ni Jacinto (a.k.a. Kuya) kung anong nangyari sa kanya habang taimtim na nakinig si Hannah. 

"Naglakbay ako sa kasalukuyang panahon mo?" tanong nito.

"Oo."

"At sabi mo, wala na mga Kastila?"

"Oo naman, matagal na!"

"Paano nangyari iyon?"

"Secret!" pabirong sagot ni Hannah.

Napangiti ng konti itong si Jacinto. Mukhang nagbunga ang ginawa nila ni Gat Andres para sa bayan. Pero gusto pa niyang malaman kung ano pa nangyari. "Pwede bang malaman ang iba pang mga detalye kung paano napaalis mga Kastila dito?"

Pilyang ngumiti si Hannah. "Sikretong malupit pa rin! Di mo pwede malaman! No no!"

"Bakit?"

"Kasi, baka magkasala tayo sa batas ng panahon kung ipapaalam ko sa iyo mga kaganapan pagkatapos mamatay ni Gat Andres!"

"Isa pa rin iyong dahilan na gusto kong malaman," malungkot nitong wika.

"Sorry pala," sagot ni Hannah. Biglang naisip ni Hannah na pakainin muna ang kanyang bisita. Tumayo ito at naghanda ng pagkain mula sa ref: gatas at breakfast cereals. Inayos niya ang lamesita niya na ginagamit sa pag-aaral. "Kain ka muna. Baka gutom ka na."

Tumayo ang lalaki (okay, si Jacinto) at lumapit. Pinakita ni Hannah kung paano kainin ang isang pagkain na bago sa paningin ng Katipunero. "Ilagay mo ang mga ito sa mangkok at buhusan mo ng gatas. Tapos kainin mo nang ganyan."

Ginawa ni Jacinto ang sinabi ni Hannah. Napalasap ito at napangiti sa unang subo niya ng breakfast cereals na may gatas.

"Pasensiya na, iyan lang maihahanda ko. Di pa ako nakabili ng pagkain".

"Masarap ito... Salamat binibini." Naubos niya ang kalahating kahon ng breakfast cereals na ikinagulat ni Hannah. Ang lakas pala kumain nito! Sa totoo lang, wala siyang masyadong alam tungkol kay Jacinto, kahit sa mga history books. Pagkatapos ay nag-usap na ulit sila kung paano makakabalik ang binata sa tama niyang panahon.

"Wala ka bang anting-anting na suot diyan? Baka iyon ang dahilan kung bakit ka napunta dito," tanong ni Hannah.

"Wala naman. Mukhang di pa ata ako agad na makakabalik sa panahon ng Kastila," malungkot nitong wika.

"Kung gusto mo, bakasyon ka muna dito," mungkahi ni Hannah. "Magugustuhan mo ang makabagong panahon," pangiti nitong dagdag.

"Naku, may mga responsibilidad ako na dapat gawin sa amin."

"Pero wala talaga akong alam kung paano ka makakabalik."

Natahimik ang dalawa.

"May pasok pa pala ako." Napatayo si Hannah. "Pwede bang maiwan kita dito? Babalik ako nang maaga, may eksamen lang ako ngayong umaga."

Tumungo si Jacinto. "Hindi ko guguluhin kwarto mo. Mamaya na tayo mag-usap."

Bago umalis si Hannah ay naisipan niyang turuan muna ang binata kung paano gumamit ng modernong palikuran. Napanood niya sa isang Koreanovela na may mga taga lumang panahon na ininom ang tubig sa toilet bowl at ayaw niya itong mangyari kay Ginoong Jacinto. Buti na lang mabilis itong matuto.

"Maari mo na akong iwanan, Binibining..."

"Hannah. Pangalan ko iyon. Ha-nnah," dahan-dahan niyang sinabi.

"Paalam, Binibining Hannah."

Ningitian niya si Hannah at di mapigilan ng dalaga na ngitian din ito.

---

Paglabas ni Hannah ng dormitoryo, maraming bagay ang tumatakbo sa isip niya. Wala muna siyang magagawa kung paano niya ibabalik si Emilio Jacinto sa panahon niya, pero sa ngayon, pwede siyang makituloy sa dorm nila ni Mady. Pero kailangan di siya matagpuan, kasi nga ladies' dorm ito. At paano niya ito sasabihin kay Mady? Siguro maiintindihan naman niya, bagama't di ito makakapaniwala sa una.

Hindi siya makapaniwala na ang bayani na sa history book lang niya nababasa ay nakita niyang buhay sa harapan niya. Kumakain pa nga ng cereals!

Kalerky!  Pero medyo cutie siya ah!

Cute? Teka, bakit ko naisip ito?

Ngayon ay may tungkulin siyang itama ang landas ng kasaysayan.

(itutuloy)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top