Chapter 4-Weh, di nga!

Nagbihis si Hannah ng kanyang unipormeng pamasok at hinarap ang kakaibang lalaki para kausapin ito. Hinila niya ang isang upuan sa di-kalayuan at umupo siya kaharap nito, na ngayon ay naka-upo sa gilid ng kama niya.

Isang nakakailang na katahimikan ang bumalot bago nakapagsalita si Hannah.

"Kuya, paano ka nakapasok sa kwarto ko?" tanong niya.

Hindi agad nakasagot ang lalaki. Napatungo siya at malalim na iniisip kung ano ang sasabihin.

"Tungkol dun... sa totoo lang, hindi ko alam," mahinahong sagot ng lalaki.

"Anong hindi mo alam?" irap ni Hannah. "Style lang iyan! Magnanakaw ka at may balak ka rin gawin kawalang-hiyaan sa akin!" Kinilabutan siya sa ideya na iyon.

"Binibini, katotohanan ang aking sinasabi," sagot niya. "Wala akong alam kung paano ako napunta sa silid na ito, kung sino ka, at kung anong panahon ito."

"Twenty first century na kaya... Bangag ka ba?" May sumagi sa isipan ni Hannah. "Teka... anong panahon ito? Kuya, hindi mo alam ang taon ngayon o nagkukunwari ka lang?"

Masinsinan niyang tinignan ang lalaki. Teka, may kakaiba sa damit niya... Nakabihis ito ng damit-heneral na makikita lamang sa mga lumang larawan sa mga Philippine History books. Payat ito ngunit di naman sobra, at napansin din niya na mas matangkad ito sa kanya nang kaunti. Isa pa, kakaiba rin itong magsalita at may puntong makaluma. Halata sa mga kilos niya na wala siyang muwang kung anong ginagawa niya sa dorm room nila ni Mady.

Naisipan ni Hannah na tumayo at tignan ang pinto. Paglapit niya, nagulat ito nang malaman na naka-lock ito mula nang maunang umalis sa kanya si Mady.

Walang senyales sa buong kwarto na pinasok siya o may nagalaw na gamit para nakawin. Andun pa rin ang kanyang iPad at cellular phone na Alcatel One Touch Glory.

Lahat ng kagamitan ay nasa ayos. Nagsisimula na ulit kilabutan si Hannah. Binalikan niya ang lalaki at umupo kaharap nito. "Wala ka pang ninanakaw ah..." simula niya.

"Binibini, pawang katotohanan ang aking sinasabi, Wala akong balak gawin na masama laban sa iyo," singit nito. Kalmado siya na nagpatuloy. "Hindi ko talaga alam kung paano ako napunta rito at paano ako nagising sa ibang kwarto."

"Anong paano ka nagising dito?"

"Ang huli kong natatandaan ay nasugatan ako habang nakikipaglaban sa mga hukbo ng Kastila at dinala akong palihim sa kwarto ng pari sa isang simbahan para ako gamutin. Tapos nakatulog ako at dito na ako nagising."

Hukbo ng Kastila? Huh? "Ano iyan mga sinasabi mo Kuya? Naka-drugs ka ba? Bangag ka ba? Kuya, matagal nang wala mga Kastila dito sa Pilipinas! Nasobrahan ka lang siguro sa pagco-cosplay mo ng Katipunero at nang-gate crash ka dito!" Nagsisimula nang kabahan si Hannah sa mga narinig niya. Mukhang totoo nga sinasabi ni Kuya sa harapan niya. Pero di muna agad ito maniniwala.

"Ano iyan sinabi mo na salita? Cos... Cos..."

"Cosplay," sagot ni Hannah para sa kanya. "Iyong nagbibihis ka ng mga costumes at kunwari isa kang bida sa pelikula o comics. Sa kaso mo, mukhang Katipunero ang trip mong i-cosplay," maldita niyang dagdag.

"Katipunero akong tunay," sagot ng lalaki. "Kakilala ko si Bonifacio at nagtrabaho ako para sa kanya."

"Hay naku, bangag talaga itong si Kuya! Umuwi ka na sa inyo at magpatingin ka sa doktor. Di normal iyang delusions of grandeur mo!"

Tumayo si Hannah at tatabuyin na sana nito ang lalaki nang bigla siyang kumapit sa braso ng dalaga. "Hindi ako nagsisinungaling binibini." Diretso siyang tumingin sa mga mata ni Hannah. Ngayon lang nakita nang mabuti ni Hannah ang mukha nito at lalo kumabog ang dibdib niya.

Mukha siyang pamilyar sa akin. Iyong mga matang iyon... nakita ko na dati. Pero saan?

"Bitawan mo nga ako!" sigaw ni Hannah. Nakawala ito sa kapit ng lalaki at tinitigan niya ulit ito nang mabuti. "Parang nakita na kita somewhere..." mahina nitong sinabi. "Anong... anong pangalan mo?"

Sumagot ang lalaki.

"Ako si Emilio Jacinto."

Napanganga si Hannah. 

"Sino ka ulit?" Gusto niyang makasigurado.

"Emilio Jacinto."

Nagpigil si Hannah sa pagtawa. "Si Emilio Jacinto ka? Weh, di nga?! Sure ka, sigurado ka, iyan pangalan mo?"

"Oo, sinabi ko na nga," pabuntong-hiniga niyang sagot.

Pinuntahan ni Hannah ang history book niya sa may lamesa at hinanap ang parte tungkol sa Katipunan. Buti na lang may larawan dun ang nasabing bayani at tinignan niya ito, sabay tingin sa mukha ng lalaki na kasama niya.

Magkamukhang-magkamukha nga sila! Ohmygad, totoo ba ito? Ibig sabihin siya itong nasa harapan ko ngayon? Time traveler siya? 

Kumalma si Hannah. "So, sabi mo si Emilio Jacinto ka. Pwede kong makita braso mo?" Alam niyang may mga marka ang mga Katipunero sa kaliwang braso mula sa sandugo nila para makasali sa samahan.

Inangat ng lalaki ang manggas ng damit niya at pinakita kay Hannah ang kaliwa niyang braso. Dali-daling lumapit si Hannah at kinuha ang braso nito. Totoo nga, meron siyang pilat na parang hiniwa ng kutsilyo. Parang matagal na rin itong ginawa, at mukang guhit na lang ang pilat.

"Hindi ako nagsisinungaling, binibini."

Napalakad palayo si Hannah. Takot at pagkamangha ang bumalot sa kanya.

Ermagherd siya nga!

Sigurado siya na hindi siya nananaginip. May konting sakit siya na nadama sa binti mula sa pagkakadulas niya kanina.

Si Jacinto nga!



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top