Chapter 3-Sino Ka?!

Kinabukasan, isa na naman ordinaryong araw ang nagsimula para kina Hannah at Mady. Gumising, pumasok sa school, nag-exam, kumain, at umuwi sa kanilang dormitoryo. Ang dormitoryo na ito ay pag-aari ng mga magulang ni Mady, at dito rin siya tumutuloy kasama ni Hannah, na kaibigan niya mula pagkabata. OFW sa Norway ang ina ni Hannah. Hindi naman alam kung nasaan ang ama nito. 

Kinagabihan, nag-aaral ulet si Hannah sa kanyang desk, na katabi lang ng kama niya. Lumapit ulit sa kanya si Mady. "Tama na iyan, matulog ka na!" pabiro nitong tukso.

"Isang chapter na lang, Madz," sagot ni Hannah, habang nagpipigil ng antok.

"Sus! Tama na! Walang papasok sa utak mo pag nag-aral ka at inaantok ka!"

Sinarado ni Hannah ang libro. "Okay. Tulog na tayo."

Humiga na si Hannah sa kama. Sa kabilang dulo naman ng kwarto ay nandun ang pwesto ni Mady. Sa kanila napunta ang pinakamalaking kwarto sa buong dorm, na nasa third floor. Pawang mga babae lang ang pinapayagan na tumuloy sa dormitoryo ng mga magulang ni Mady.

---

Gising na.

Gaano ako katagal nakatulog?

Unti-unting nagkamalay ang nasugatang Katipunero. Dahan-dahan niyang minulat ang kanyang mabibigat na mata at ang unang bumungad sa kanya ay ang sinag ng araw sa umaga. Napansin niya na di na gaano masakit ang katawan niya at di niya rin naramdaman ang sugat niya sa tagliran. Isa pa, pawang napakalambot ng kanyang hinihigan at mas gugustuhin niyang mamalagi muna dito.

Bakit di kasing-tigas ng papag na pinaghimlayan sa akin sa kwarto ng pari sa simbahan? pagtataka nito.

Pinilit niyang dumilat. Nang makakita na siya ng maayos, ibang eksena ang tumambad sa kanya.

Hindi ito ang kwarto ng pari sa simbahan.

Ang kwartong ito ay maliwanag, maaliwalas, at merong lamesa at upuan sa tabi. Ang mga dingding ay kulay rosas at may larawan na naka-pastel; isang grupo ng kababaihan na makakapal ang kolorete sa mga mukha. Hindi rin sila mga mukhang tipikal na mga dalagang Pilipina. Siguro mga Haponesa.

Ano ito? Nasaan ako? Bakit kakaiba itsura ng mag babaeng iyon?

Narinig niya ang yabag ng mga paa sa di-kalayuan. "Sarap maligo!" Isang tinig ng babae ang kanyang narinig.

Sa harap niya ay naglakad ang isang dalaga na bagong paligo at nakabalot lang ng tuwalya.

---

"Sarap maligo!"

Masayang lumakad si Hannah papunta sa kanyang kwarto. Enjoy siya sa cold shower niya. Gumising siya nang umagang iyon at napakainit ng dating ng hangin. Nakapag-papresko sa pakiramdam niya ang paliligo.

Ngunit pagpasok niya sa kanyang silid, nagulat siya sa kanyang nakita sa kama niya.

Isang binata ang nakahiga sa kama niya.

Nagulat si Hannah, maging ang binata. 

"Si.... sino ka?" Tanong ni Hannah. 

"Sino ka rin?" tanong ng nagulantang na binata.

"Ikaw, anong ginagawa mo rito?" Papalayong lakad ni Hannah. Pinulot niya ang isang libro sa mesa niya; baka kailanganin niya ito kung may gagawin ang lalaki sa kanya. "Paano ka nakapasok dito? Akyat-bahay ka ba o manyakis?" Kumakabog ang dibdib niya sa sobrang kaba. Baka kung ano nga gawin ng lalaki sa kanya.

"Ano kamo?" tanong ng lalaki habang bumabangon ito at tumayo.  "May naganap bang hindi karapat-dapat sa ating dalawa?"

"Sus! Anong may naganap?" Kutya ni Hannah. "Ako nga nagtatanong kung ano ginagawa mo rito sa kwarto!"

"Di ko nga mawari kung bakit ako nandito!" sagot ng lalaki. "At bakit iyan lang ang suot mo?" Tinuro niya si Hannah na nakabalot sa twalya at basa pa ang buhok mula sa paligo. "Siguro may kabalastugan kang ginawa kaya ka naligo pagkatapos!"

"Che! Basta, umalis ka! Ngayon din! Now na!" Ihahampas na sana ni Hannah ang libro sa mukha ng lalaki nang bigla siyang mapatid sa kurdon ng kuryente sa sahig. Nadapa ito at ang kanyang tuwalya ay sumabit sa dulo ng kama. Sa maikling salita, nahubaran siya at nakabulagta sa sahig.

Biglang napapikit ang binata at tumalikod. 

"Hoy! May nakita ka!" Sigaw ni Hannah. 

"Anong may nakita at nakatalikod naman ako!" Sagot nito.

"Teka... huwag kang sisilip! Diyan ka lang!" Inabot ni Hannah ang tuwalya at binalot niya ito bago siya tumayo. "Kuya, umamin ka na. Anong ginagawa mo sa kwarto ko?"

"Pwede na ba ako humarap?"

"Sige."

Humarap ang lalaki habang kailangan pa rin niyang tiisin ang babaeng nakabalot ng tuwalya. 

"Umamin ka na kung bakit ka nandito," giit ni Hannah.

Ano sasabihin ko? Pagtataka nito. Hindi rin niya alam kung bakit siya nandito sa lugar na ito. Ngayon lang niya naisip na hindi na niya ito kapanahunan. Paano nangyari iyon na nakatulog siya sa kwarto ng pari at nagising siya sa ibang lugar o panahon?

May naisip siyang sabihin. 

"Magbihis ka muna bago tayo mag-usap."

Napatingin si Hannah sa sarili niya. At nagmamadali niyang kinuha ang damit niya bago ito lumabas ng kwarto.

(itutuloy)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top