Chapter 22-Tuluyang Paglisan
A/N: Brace yourselves. I'm breaking my own heart. T____T
Naghapunan sila Hannah at Emilio sa rooftop ng dorm nila Hannah. Wala si Mady noon dahil umuwi sa bahay nila, kaya na-solo ng dalawang magsing-irog ang isa't isa. Pagkatapos ng hapunan ay sabay ulit silang nag-sipilyo at nanatili lang sa rooftop na magkatabi habang nakatitig sa mga bituin.
Hindi na sila masyadong nag-usap, bagkus, ay nakayakap lang si Hannah sa mga bisig ng binata sa pagkaka-upo nila. Napawi ang katahimikan ng gabi nang sinabi ni Emilio, "Maraming salamat, mahal ko."
Napatingin si Hannah sa kanya. "Salamat din, mahal ko," ngiti nito.
Binaling ni Emilio ang ulo niya sa mukha ni Hannah at matagal niyang hinalikan sa labi.
Balewala ang mga salita dahil naunawaan nila ang kanilang mga pusong nangungusap. Magkahalong lungkot at ligaya ang nadarama nila. Hindi na mababawi ang panahong kailangang lumisan ni Jacinto upang maitama ang kasaysayan. Sa maiksing sandaling nanatili siya sa hinaharap, marami siyang natutunan at doon niya nalaman na hindi bale wala ang kanilang ipinaglaban na kalayaan. Hindi perpekto ang kalagayan ng Pilipinas sa hinaharap, ngunit isang paalala si Hannah na may mga tao na mabuti at karapat-dapat matamasa ang bunga ng pakikipaglaban.
"Pwede ba akong sumama sa iyo?" tanong ni Hannah matapos siyang mahalikan.
"Mas mabuti kang manatili dito sa panahon mo. Bilang isang babae, karapat-dapat para sa iyo ang mga pribilehiyong nakukuha mo sa kapanahunang ito, kagaya ng edukasyon at magandang karera pagkatapos," seryosong sagot sa kanya ni Emilio. "Sana gumanda buhay mo, at maging matatag ka kahit na ako'y lumisan. At... makahanap ka ng lalaking karapat-dapat magtagal sa iyo at mamahalin kang tunay gaya ng pag-ibig ko sa iyo," hiling nito.
Pinigilan ni Hannah ang maluha. "Sisiguraduhin kong maipagmamalaki mo ako kapag naiisip mo ako."
"Isa pa... ayusin mo relasyon mo sa ama mo," bilin sa kanya ng binata.
"Ayoko siyang makita," sutil na sagot ni Hannah.
"Kahit anong mangyari, ama mo pa rin siya. Bigyan mo siya ng pagkakataong makilala ka at makilala mo rin siya. Hindi lahat ng mayaman ay pera lang ang pakay."
"Wow ah, parang alam mo sinasabi mo."
"Ang tiyuhin ko, may kaya, pero maayos akong tinarato. Baka kagaya ng ama mo ang Tiyo Jose ko."
"Wish ko lang, pero..."
"Wala nang pero. Bigyan mo siya ng pagkakataon," giit ni Jacinto. Humalik siya ulit kay Hannah.
Napapikit si Hannah at dinama ang halik niya. Tuluyan na siyang nakatulog sa bisig ng binata.
---
Nagising si Hannah kinabukasan na nakahiga sa kanyang kwarto. Ramdam niya ang kawalan na bumabalot sa paligid. Una niyang ginawa ang bumangon at nagpunta sa may rooftop. Umaasa siyang nandoon pa si Jacinto.
Ngunit pag-akyat niya ay nakakabinging katahimikan ang sumalubong sa kanya, kasabay ng pagsikat ng araw.
"Yong?" bulong nito.
Matagal siyang nakatayo. At doon niya naintindihan ang lahat.
Tuluyan na siyang lumisan para hindi na bumalik.
Tumulo ang mga luha sa mga mata ni Hannah. Hindi na niya ulit makikita ang minamahal.
Naabutan siya ni Mady na kauuwi lang. Hindi na kailangang magpaliwanag ni Hannah sa nangyari. Yumakap si Mady sa kaibigan at hinayaang siyang tumangis sa mga balikat nito.
Naging mahirap para kay Hannah ang mga sumunod na araw at linggo. Tanggap niya na mauuwi sa ganito ang pag-iibigan nila ni Emilio, ngunit sadyang masakit ang paglisan. Sa klase ay pinilit niyang magmukhang maayos, ngunit pag uwi ay iiyak na ito sa kama. Wala na ang kanyang taga-sundo na palagi siyang hinahatid pauwi galing sa unibersidad.
Minsan ay dumalaw din si Sam para kamustahin si Hannah. Paliwanag ni Mady sa nobyo ay kailangang mag-abroad ni Emilio at dahil doon, ay tinapos nila ang kanilang relasyon. Walang kamalay-malay hanggang sa bandang huli itong si Sam na nagpatuloy siya at nakipag-kaibigan sa isang time traveler na Katipunero. Sila Mady at Hannah lang ang nakaka-alam ng lihim na ito.
Nakabalik si Jacinto nang matiwasay sa panahon niya, at laking gulat ng mga tao na malaman na buhay pa pala ito. Wala siyang sinabi nang tinanong kung anong nangyari sa kanya sa loob ng mahigit tatlong buwan. Tanging ang prayleng tumulong sa kanya ang nakakaalam ng lahat, at wala siyang pinagsabi ukol dito.
Hindi niya nakalimutan ang lahat ng kanyang pinagdaanan sa hinaharap. Ito ay mga matatamis at mapapait na alaala na mananatili sa kanya. Pinilit din niyang bumalik sa normal ang lahat. Inayos niya ang hukbo sa Magdalena at nagbalak siyang bumalik sa pag-aaral ng abogasya. Ngunit sa gabi, tahimik itong tatangis sa loob ng kanyang kwarto. Nang di na siya makatagal, nagsulat siya ng isang liham kay Hannah. Kahit di niya mababasa ito ay ginawa niya para sa kanya.
Marami siyang plano, ngunit lahat ng ito ay naudlot nang mamatay siya sa sakit na malaria.
Siya ay namatay sa sakit na malaria sa gulang na bente-tres.
Ito ang huling pangungusap sa talambuhay ni Emilio Jacinto.
Binasa ulit ni Hannah ang tungkol sa binata. Isang buwan na siyang mahigit na parang tulala at umiiyak parati. Dumating na rin siya sa puntong napagod na rin siya sa pagiging malungkot, at naalala niya ang pangako niya kay Jacinto na gusto niya na maipagmalaki ito ng binata tuwing maiisip siya nito. Sige na, Yong, move on na ako.
Isasara na niya sana ang aklat ng kasaysayan nang may mahulog na nakaluping papel mula sa mga pahina nito. Dinampot ni Hannah ang papel at nang buksan niya ito, nalaman niyang galing pala ito kay Yong. Para sa kanya ang sulat, na may taong 1898 sa ibabaw.
Ang nilalaman ng sulat ay:
Mahal kong Hannah,
Sinulat ko ito sa gitna ng aking hinagpis at kalungkutan. Hindi ko inaasahan ang mga pangyayaring ito sa buhay ko, na mahahantong sa ganito ang lahat.
Ngunit wala akong pagsisisi na makilala ka. Ikaw ang nagbigay ng ligaya sa mga panahong nalulungkot ako sa mundo niyo, lalo na't nang malaman ko ang kalagayan ng Inang Bayan matapos ang lahat ng aming pinaglaban. Minsan akong natukso na huwag nang bumalik pa dahil ang daming oportunidad na gumanda ang buhay ko diyan, lalo na ang makapiling ka habambuhay. Ngunit nang sabihin mong kailangan ako ng Inang Bayan, doon ko nalaman na higit ka pa sa inaakala ko. Hindi ka maramot, at busilak ang iyong puso.
Nagpapasalamat ako sa kabutihan mo. Wala na akong masasabi pa. Mananatili ang mga alaala mo hanggang sa huling sandali ng aking buhay.
Paalam, at hiling ko na maging maayos ka palagi.
Mahal kita, Hannah.
-Yong (Emilio Jacinto)
Ngumiti si Hannah sa kabila ng kanyang pagluha habang binabasa ang sulat. Oo na, hindi na ako iiyak pagkatapos. Magiging okay na ako.
May isa pang papel na nakalakip sa sulat. Tinignan niya ito at bigla siyang natawa sa nakalagay:
Yuri, Yoona, Jessica, Sunny, Tiffany, Seo Yun, Hyo Yeon, Te Yeon, at Soo Young.
-mga myembro ng Gerls' Generation
Natandaan ko pa! -Yong
"Loko-loko ka Yong! Nag-iwan ka pa nito!" Matalino siya talaga at kabisado pa rin niya ang mga pangalan ng Girls' Generation na tinuro sa kanya ni Hannah.
Ito ang unang beses na ngumiti siya at natawa mula nang umalis si Jacinto sa piling niya. Alam niyang wala na ito, pero naalala niya ang pangako niya kay Yong na aayusin niya sarili niya kahit hindi na niya ito kapiling.
Mahal din kita, Yong.
A/N: Song for this chapter "Huling Araw" by DJ Myke.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top