Chapter 21-Mga Nalalabing Oras
Sinulit na nila Hannah at Emilio na makasama ang isa't isa. Ramdam na ni Emilio na nalalapit na ang kanyang araw ng paglisan, kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang makapiling si Hannah. Naisipan na rin niyang subukan ang mga bagay na bago sa kanya, gaya ng pag-aaral magbisikleta (na agad niyang natutunan), at pagbili ng frappe sa isang mamahaling coffee shop. Ni-libre niya si Hannah ng frappe, at sa bandang huli, nag-reklamo ang binata na ang 150 pesos na kanyang pinambayad ay katumbas na ng isang buwan niyang baon sa unibersidad noong kapanahunan niya.
"Ikaw kasi, nagpumilit kang bumili ng frappe!" patutsada ni Hannah habang magkatabi silang nakaupo sa isang parke sa loob ng kolehiyong pinapasukan nila Hannah.
"Sabi mo, magiging 'sosyal' ako, kaya sinubukan ko! Hay, kay sakit sa bulsa ng kapeng iyan!" patawang wika ni Jacinto. "I'm like, sosyal!" dagdag niya sa wikang Ingles.
"Marunong ka nang mag-Ingles?!" gulat na nasambit ni Hannah.
"Aba naman, sa araw-araw na nilagi ko sa kopi shop, hindi mo maiiwasang magaya sa mga maaarteng kababaihan doon! I'm speaking English! I'm so sosyal!" Pilit ginaya ni Jacinto ang mataas na timbre ng boses ng mga babaeng tinutukoy niya.
"Tigilan mo na iyan! Baka mahipan ka ng hangin at ganyan ka na magsalita forever!" natatawang sabi ni Hannah. "Ang kyot mong mag-Ingles!"
"Oh, it's okay!" sagot ni Jacinto, natatawa. Natahimik siya at sinabing, "Walang pinagkaiba ang mga babaeng iyon kay Donya Victorina sa Noli Me Tangere. Ngayon naman, Ingles ang batayan ng pagiging sosyal!"
"Sinabi mo! Pero mas importante, alam mo ang tamang dahilan sa paggamit ng wikang Ingles," masusing obserbasyon ni Hannah.
"At isa pa, hindi ko maintindihan ang pagkahumaling ng mga tao sa Ke-Pop! Sinakop na ba tayo ng mga Koryano?" pasaring na tanong ni Jacinto.
"Huwag mong laitin ang Kpop! Maganda naman kasi mga drama at musika nila," depensa ni Hannah.
"Kaya pala para sa iyo, maganda ang mga retokadang babae na nasa larawan sa kwarto mo?" Tinutukoy ni Jacinto ang poster ng grupong Girls' Generation na nasa kwarto nila Hannah.
"Grabe ka manlait! Saan mo nalaman ang bagay na iyan?" Naningkit ang mga mata ni Hannah sa nobyo.
"Kay Sam ko narinig!" pakantang sagot ni Jacinto. "Buti pa mga babae noong panahon ko, hindi kailangan magpaayos ng mukha para lang gumanda! At isa lang ang maganda sa grupong iyan, iyong si Soo Young ang ngalan!"
"Wow, memorized na agad ang pangalan!" matalas na wika ni Hannah. "Fanboy ka rin pala ah!"
"Dahil si Soo Young ay kamukha ng dati kong nobya," pangiting sabi ni Jacinto.
"Kaya naman pala." Tinalikuran ni Hannah si Emilio.
Yumakap si Emilio kay Hannah. "Huwag kang magselos diyan! Maganda ka naman para sa akin. Kapag nandoon na ako sa panahon ko, maaalala rin kita sa ganoong paraan. Ngayon pa lang, kahit katabi kita, nangungulila na ako sa piling mo."
Humarap si Hannah at napangiti. "Love mo ako talaga."
"Oo naman."
"Kahit wala akong kamukha sa Girls' Generation?"
"Oo."
"Kahit di ko kamukha ex-gf mo?"
"Ang pag-ibig, binabalewala ang itsura. Nagkataong sinuwerte lamang ako sa magagandang babae na kagaya niyo," biro ng binata.
Palaro siyang binatukan ni Hannah. "Tse! May ipapagawa ako sa iyo, Senyor Jacinto. Kabisaduhin mo mga mukha at pangalan ng myembro ng Girls' Generation! Hindi lang si Soo Young ah!'
Madali lang para kay Jacinto ang magkabisa ng mga mukha at pangalan ng tao. Bilang isa sa mga pinuno ng Katipunan, kailangan niyang alamin ang mga itsura ng halos lahat ng kasapi sa kanilang lugar sa Tondo, at pati na rin sa Laguna. Kaya parang wala lang sa kanya na alamin ang mga itsura at ngalan ng siyam na miyembro ng Kpop group na Girls' Generation.
"Soo Young... tapos eto sila Yuri, Yoona, SeoHyun, Jessica, Tiffany, Sunny, at HyoYeon," turo ni Jacinto sa mga miyembro ng Girls' Generation sa poster sa kwarto nila Hannah kinabukasan.
"May kulang," bira sa kanya ni Hannah.
May tinuro na babae sa larawan si Jacinto. "Siya ay si..." Nagpipigil siya ng tawa.
"Sino nga iyan?"
Tuluyan nang hinimatay si Jacinto sa kakatawa. "Hindi ko masabi pangalan ng magandang dilag na ito dahil di kanais-nais sa pandinig!"
Nabatid agad ni Hannah ang ibig niyang sabihin. "Haha! Hoy, iba ibig sabihin ng salitang iyon sa wika nila!" Iba nga naman ang dating ng pangalang Tae Hyeon sa isang taong walang alam sa Kpop. "Huwag mong bigkasin ang letrang Ah sa Tae Hyeon! It's Te-Yon!"
"Oh siya na! Te... Te Yon!" bigkas ng binata. "Paumanhin, iba pala ibig sabihin ng salitang iyon sa wika nila. Napaka-interesanteng malaman ang wika ng mga Koryano!"
"Ayan kasi, hater ka ng Ke-pop. Nakarma ka tuloy!" biro ni Hannah sa kanya.
Tumitig si Jacinto sa larawan ni Tae Hyeon. "Paumanhin, Binibining Te-Yon!" Bumaling siya kay Hannah at sinabing, "Alam mo kung kailan ako huling tumawa ng ganito?"
"Kailan nga ba?" Ngayon lang kasi niyang nakitang humagalpak sa tawa si Jacinto.
"Dati, dumating ang Supremong Andres sa pinagtataguan namin sa Balintawak na naka bihis babae. Para hindi siya mahuli ng mga Gwardiya Sibil. Nakita namin siya ni Ka Oryang na naka-saya, at hinimatay kami pareho sa kakatawa! Hindi kami kinausap ni Supremo ng isang araw," kwento nito.
"May alam na pala akong lihim kay Bonifacio," pangiting saad ni Hannah.
"Naku baka pag nalaman niyang kinuwento ko, baka magalit siya sa akin sa kabilang buhay!"
"Huwag mo munang sabihin iyan!" paalala sa kanya ni Hannah. Napayakap tuloy ang dalaga sa likuran niya. "Hindi ka pa mamamatay, makakabalik ka lang sa panahon niyo."
Pinatong ni Jacinto ang mga kamay niya sa mga braso ni Hannah na nakabalot sa baywang niya. Kung pwede lang tumigil ang oras ay sana mangyari ito. Ngunit ang dapat mangyari ay nakatadhana na.
"Hannah, mamaya, samahan mo ako sa bubungan ng bahay na ito," hiling niya.
"Sige ba. Kain tayo doon ah?"
"Libre ko hapunan," pangako ng binata.
Nalungkot si Jacinto. Baka ito na nga ang huli niyang hapunan na kasama si Hannah.
A/N: May pagka laitero itong si Jacinto dahil minsan niyang na trash talk si Apolinario Mabini. Nayayabangan kasi siya dito. #fact Ito ay ayon sa bio ni Gregoria De Jesus na asawa ni Bonifacio.
Pasintabi sa mga Kpoppers ah! Nag sorry naman si Jacinto kay Tae Hyeon. At naalala ko ang isa kong ka-opisinang lalaki na natatawa sa mga Koryanong pangalan na may salitang T-A-E. :P Kim Tae Woo at Kim Tae Hee!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top