Chapter 20-Dating a Katipunero
Isa itong suhestiyon ni Mady na kailangang tuparin ni Emilio para kay Hannah.
Tahimik na pinag-aralan ni Emilio Jacinto ang listahang binigay sa kanya ni Mady. Ito ay mga munting bagay tungkol kay Hannah.
1. Mahilig si Hannah sa food trip-kumain kung saan-saan (pero hindi halata sa katawan niya-kainggit!)
2. Gustong makapanood ni Hannah ng paglubog ng araw sa may tabing dagat.
3. Hindi hilig ni Hannah na manood ng sine. Ayaw niya kasi ginawin siya. Malamig sa loob ng mga sinehan.
4. Gustong manalo ni Hannah ng premyo mula sa isang makinilya sa arcade (Sabi mo, nakapunta ka na sa arcade, di ba, Emilio?)
5. Kahit maglakad ka lang kasama siya ay ayos na iyon para makilala mo siya.
Tumango si Emilio sa sarili niya. Alam na niya ang gagawin kasama si Hannah.
"Buti nandito ka na! Kay aga mo!"
Kinabukasan ay pumunta si Hannah sa apartment nila Sam kung saan naghihintay sa kanya si Emilio. Handa na sanang umalis ang dalawa, ngunit may konting puna si Emilio sa kasuotan ni Hannah.
"Bakit nakalabas iyan?"
Tinutukoy ng binata ang kasuotan ni Hannah, na tank top at skater skirt with sneakers. Pinitik ni Emilio ang strap ng bra ni Hannah, na labis ikinagulat ng dalaga.
"Hoy, bastos ka! Bakit mo pinagdidskitahan ang bra ko?"
"Hindi dapat nakikita iyan! Magpalit ka ng kasuotan!"
"Ikaw ang unang nakakita! Sus, kunwari pa ito!"
"Hindi ako ganoon gaya ng iniisip mo!" pakikipagtalo ni Jacinto. "Hindi magandang tignan na nakalitaw ang mga bagay na di dapat makita sa kasuotan ng mga babae! Huwag kang gumaya sa mga dalaga sa kopi shop! Pati yung mga di dapat bumakat, nakabakat! Hay, bakit ba mga dalaga ngayon, ang hilig mag-PK shorts?" buntong-hininga nito.
Sinimangutan ni Hannah ang nobyo. "Sige na, magpapalit na ako ng damit. Gusto mo ata akong makita na bra lang ang suot. Hot pink ito, Yong! Victoria's Secret pa ang brand!" Kinindatan niya ang binata.
"Bilisan mo magbihis."
"Sungit..."
Hindi naman ikinasira ng lakad ng dalawa ang naging pagtatalo nila tungkol sa damit ni Hannah. Nag-cardigan na lang siya at mas nagustuhan ng binata ang ayos nito.
Nagawa ni Emilio ang nasa listahan. Iyon pala ay kung paano ide-date si Hannah. Nagsimula ang araw sa food trip sa isang kilalang kalye na puro kainan. Kumain sila ng isaw, fishballs, at kikiam. Tapos nagtanghalian sila sa isang Italyanong restaurant, at nagpunta sa kalapit na mall para mag-arcade. Nanalo si Hannah ng isang stuffed toy na minion doon sa machine, na labis ikinatuwa ng dalaga. "Minion Jacinto ang ipapangalan ko dito!" natutuwa niyang nasabi sa nobyo.
"Bakit ka-apleyido ko iyan?" usisa ng binata. "Mas gwapo ako diyan ha!"
"Huwag kang manglait ng minions! Paborito ko sila! Cute kasi eh!" Niyakap ni Hannah ang napanalunang stuffed toy na minion.
"Pinagseselos mo ako!" pabirong sambit ni Jacinto.
"Eto naman!" Lumapit si Hannah sa binata at hinalikan ito sa pisngi. Lihim na natuwa si Jacinto, at nagpatuloy ang kanilang date.
Nagkataong may pelikulang Tagalog, at nag-aya si Hannah na manood. "Akala ko ba ginawin ka?" tanong ni Jacinto sa kanya.
"Yayakap na lang ako sa iyo pag giniginaw ako," sabi ni Hannah habang papasok ito sa sinehan na akay-akay ang binata. Totoo nga, nakayakap sa braso niya si Hannah habang pinapanood ang pelikula. Buti nagustuhan ito ni Jacinto, na unang beses makapasok sa loob ng sinehan. Mas lalo niyang naintindihan ang modernong kultura ng mga Pilipino dahil sa pelikulang tungkol sa mag-nobyo napilit pinaghihiwalay ng pagkakataon.
Mahilig pa rin ang mga Pilipino sa pag-ibig at romansa. At masyadong mahilig ang mga babae ngayon na pumorma at mag-kolorete.
"Ilang araw na ba tayo?" tanong ni Jacinto sa kanya. Nakaupo sila sa isang bench sa harap ng Manila Bay habang pinapanood ang paglubog ng araw.
"Siguro... halos isang buwan na at kalahati. Salamat, inaya mo akong lumabas ngayon," pangiting wika ni Hannah. Napasandal ito sa balikat ng binata. "Hindi ba sila nag-aalala sa iyo doon sa panahon mo?"
Hindi naka-imik si Jacinto.
"Takot ka ba na mawala ako isang araw?" tanong niya kay Hannah.
Tumango ang dalaga. "Oo, ayoko pa rin mawala ka sa akin. Sana normal tayong mag-boyfriend, iyong pwedeng humantong sa kasal ang lahat ng ito. Ngunit... tanggap ko ang iyong sitwasyon, at may pananagutan ka sa kasaysayan at sa bayang ito. Kaya hindi pwede na ipagmaramot kita sa mga higit na nangangailangan sa iyo sa nakaraan." Nagdilim ang ekspresyon ni Hannah. Pero ngumiti pa rin ito at sinabing, "Kung hindi dahil sa inyo, sa Katipunan, wala ang ganitong kalagayan ngayon dito sa Pilipinas."
"Sinasabi mo nang..."
"Handa ako kung aalis ka isang araw para hindi na bumalik, Emilio," malungkot na sambit ni Hannah. "Sa maikling panahon na magkasama tayo, napasaya mo ako."
May kinuha si Hannah sa kanyang handbag, at inabot niya kay Emilio ang isang nakaluping papel. "Siguro ako nga ang dahilan kung bakit hindi ka namatay sa punyal na iyon."
Kinuha ni Emilio ang papel. Nakalgay doon ang tinagalog na report ni Hannah. Liwanag at Dilim.
"Ikaw nagsulat nito. Isang araw bago ako mapunta dito sa panahon mo."
"Oo. Nabanggit mo ang tungkol sa prayleng tumulong sa iyo, di ba? Na baka ako raw ang dahilan kaya hindi ka namatay. Ako yata iyon. Malaking karangalan na mailigtas kita mula sa bingit ng kamatayan. Sabi mo wala ka sa mga pahina ng kasaysayan, di ba? Mali ka."
Binasa ni Emilio ang ginawa ni Hannah. Ngumiti ito. Hindi niya akalain na ganoon pala siya kahalaga sa bayan ng Pilipinas, at sa minamahal niya.
A/N:
Song-"Tayong Dalawa" (Kiss Jane)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top