Chapter 15- Lagi
Naging maayos ang kalooban ni Hannah matapos ang ilang araw lang. Salamat kay Jacinto na palagi siyang sinasamahan pauwi galing unibersidad. Maraming beses na hindi sila nag-uusap habang naglalakad, at ginalang naman ng binata ang hindi pagiging madaldal ni Hannah ng mga panahong iyon. Nag-aalala kasi si Hannah na baka bigla na namang sumulpot ang ama nito nang walang pasintabi. "Ayoko na siyang makita ulit," wika nito.
Dumaan ang isang linggo na hindi pinagalitan ni Hannah ang Katipunero dahil may nagawa siyang nakakainis. Sa totoo lang, medyo nabahala si Jacinto, pero pinalipas lang niya ito. Talagang naapektuhan siya sa pagkikita niya ng ama niya.
Noong araw ng Linggo, nasa apartment lang si Ginoong Jacinto kasama si Sam. May kumatok sa pintuan at tumayo si Sam para buksan ito. "'Milio, nandito si Hannah," tawag niya kay Jacinto, na nakaupo sa sofa at nagbabasa. Agad sinarado ni Jacinto ang aklat at sinalubong si Hannah, na papasok pa lamang.
"Naparito ka," tanong niya. Ito ang unang beses na nakita ni Jacinto si Hannah na dumalaw sa kanila.
"Wala lang!" pangiting wika ni Hannah. "Eto oh, nagdala ako ng meryenda niyo, guys." Lumapit siya at binuksan ang plastic bag na dala niya. Bibingka at puto-bumbong ang laman nito.
"Ang aga naman ng Pasko! Wala pang simbang gabi!" natutuwang pahayag ni Sam.
"Masarap daw ito. Malapit lang sa simbahan na pinuntahan ko," sagot ni Hannah. "Si Mady pala, susunod mamaya. Kasabay ko lang siya nagsimba."
Naupo ang tatlo at nagsimulang mag meryenda habang nag-uusap. Inobserbahang mabuti ni Jacinto si Hannah at ramdam niya na bumalik na ang kanyang sigla. Ngayon lang niya ulit nasilayan ang ngiti nito at ikinaligaya niya iyon.
Pagkatapos ng masarap na meryenda ay inaya ni Jacinto si Hannah na umakyat patungong roofdeck ng kanilang unit. "Meron din palang bubungang paakyat ang gusaling ito, kagaya ng dormitoryo niyo," masayang wika nito nang makarating sila sa itaas.
"Karamihan kasi sa mga ganitong gusali, mga dormitoryo o apartment," sabi ni Hannah sa kanya. "Karaniwan na ang mga ganitong tirahan sa lugar na ito, dahil malapit sa unibersidad."
Tumingin si Jacinto sa malayo. Ang langit ay napapaliguan ng kulay pula na sinag ng papalubog na araw. May mga bubong ng bahay at matataas na gusali na halos abot na ang alapaap. "Ibang-iba ang panahon na ito mula sa panahon ko," pahayag niya. "Hindi ko akalaing nakaakyat na ako ng bubong ng gusali. Sana maging mas matayog pa dito ang estado ng bansang ito."
"Sana nga maging totoo iyang sinabi mo," sagot sa kanya ni Hannah.
"Anong pangarap mo?" tanong ni Jacinto.
"Ha? Ah... makatapos ng kolehiyo. Tapos magka-disenteng trabaho. Sana meron akong makita dito, o kaya makikipagsapalaran ako sa Norway, kasi andun mama ko. Pero malamig daw dun. Napakalamig, dahil may nyebe. Snow. Baka di ko matagalan ang malamig na bansa," ngiti niya.
"Wala kang balak na magka-pamilya?"
Nagulat si Hannah sa tanong. "Huh?! Oy, masyado na iyang personal, Emilio Jacinto! Baket mo natanong? Boyfriend nga wala, asawa pa kaya?"
Nagsisi si Jacinto sa tanong na ito. "Ay, paumanhin..."
"Ayos lang. Basta, ayokong magaya kay mama. Pumatol sa boss niya at ako naging anak."
"Ngunit magka-iba naman kayo ng pagkatao ng nanay mo. Di porke't nangyari sa kanya, mangyayari rin sa iyo," giit ng binata.
Nag-isip si Hannah. "Sa bagay, tama ka. Bigla naman napasok iyan sa usapan."
"Nakapagtataka lang, kasi parang wala kang manliligaw, gaya ng ibang babaeng estudyante na nakikita ko sa paaralan niyo. Palaging may nakalingkis na lalaki sa mga braso nila!" biro niya.
"Hoy ah, ligawin kaya ako," sagot ni Hannah. "May mga sumusubok, pero di ko sila sinasagot," mayabang niyang sambit. 'Gusto ko munang mag-aral."
"Sige ka, baka malagpasan ka," pagbibiro ni Jacinto.
"Hoy! Ayoko iyang tono ng pananalita mo! Baka ikaw ang nalagpasan ng pag-ibig!"
"Ang totoo niyan, nagka-nobya na ako." At ikinuwento sa kanya ni Jacinto ang sawi niyang kapalaran sa pag-ibig. Napanganga lang si Hannah nang matapos ito.
"Oh my gosh, kawawa naman kayo ni girl..." Hindi makapaniwala si Hannah. "Wala naman kasi sa history books yung love life mo, Emilio Jacinto!"
"Hindi kasi ako madaldal. At si Supremo Andres lang nakaka-alam nito."
"Wow naman, love guru din pala si Andres Bonifacio!" kinikilig na nasabi ni Hannah. "Hindi ko ito ikukwento sa mga historyador ah? Sikretong malupit natin tatlo ni Supremo." Kumindat siya sa binata.
Natahimik sila saglit.
"Malungkot pa rin, pero nakayanan ko. Maayos siyang namayapa," wika ni Jacinto habang iniisip ang kanyang dating nobya.
"Pasensiya na sa nangyari sa iyo," sagot ni Hannah.
Napakunot ng noo si Jacinto. "Ay, teka lang," sabi nito. Bumalik siya sa unit nila ni Sam at umakyat ulit ng may dalang gitara.
"Uy! Para saan iyan? Manghaharana ka ba?" pabirong tanong ni Hannah.
"Naalala ko, si Sam kasi mahilig mag gitara at kumakanta minsan. Nasabi rin sa akin ni Mady dati. Nagpaturo ako sa kanya, dahil halos limot ko na ang pagigitara."
Nanlaki ang mga mata ni Hannah. "Gitarista ka?!" Halatang natutuwa siyang malaman ito.
"Natutunan ko kay Macario kung paano tumugtog ng gitara."
"Si Macario Sakay? Bayani rin iyon ah!"
Ngumiti na lang si Emilio sa dalaga at nagsimulang mag-gitara. Lalong nagulat si Hannah nang marinig ang kanta niya.
Sa tuwing ika'y nakikita,
Anong saya
Pag lumapit na kausap sya
natutulala
Ibang iba ang nadarama
Anong kaba
Aaminin ko na...
Sa 'yo na lagi na lang
Lagi na lang,
Lagi kang nasa isip ko
Lagi na lang
Lagi na lang
Lagi kang nasa puso ko...
Natapos ang kanta.
"Si Sam nagturo sa iyo niyan?" tanong ni Hannah. Di pa rin siya makapaniwala na marunong palang mag-gitara itong si Jacinto. Di naman problema ang pagkanta, dahil nakakasabay naman siya sa tono.
"Oo, narinig kong minsan kinakanta niya ang awitin, at na-engayo akong matutong kantahin ito pati ang pagigitara. Pasado ba sa iyo?" sabik na tanong ng Katipunero.
"Oo naman, sige nga isa pang kanta diyan! Tapusin mo ah?"
---
Palihim na nakinig si Sam sa pagigitara ni Jacinto. Agad siyang napatawag kay Mady. "Baby, alam mo ba, kinantahan ni Joaquin si Chichay?" pambungad niya.
"Sinong Joaquin at Chichay pinagsasasabi mo diyan?" Napaisip si Mady. "Hah? Yung pinsan ko na si Emilio, nangharana kay Hannah?"
"Oo! Impressed na impressed si Hannah! Hanggang ngayon, dinig ko, nag-gigitara pa rin si 'Milio!"
"Aaaaaaaaaaaaaah!" sabik na pagtili ni Mady na ikinabingi ni Sam. "Oh my gosh, baka this is it! Sana maging sila na! Eeeeeeeeeeee!"
"Ano ba, nakakabingi na pagtili mo Amanda!" paalala ni Sam sa kabilang linya.
"Yes! Magkaka-love life na si Hannah!"
"Matagal ko nang pansin iyan si 'Milio na nagugustuhan si Hannah. Medyo nerdy at silent type siya, pero pag gabi, palaging si Hannah ang kwento niya!"
"Anong kinanta niya?" tanong ni Mady.
"Lagi na lang, lagi na lang, lagi kang nasa isip ko..." pakantang sagot ni Sam.
"Eeeeeeeeeeeee! Umamin na siya kay Hannah! Ganoon na rin iyon!"
"Pero bakit parang di pa rin sila?"
"Maghintay ka Sam! Pustahan tayo, aamin ang dalawang iyan!"
---
Bago makatulog si Hannah ay di niya ma get-over ang pagigitara at pagkanta ni Jacinto. Ramdam niya na para talaga sa kanya ang awiting iyon. Pero baka nagpa-praktis lang iyon at may iba siyang haharanahin bukas. Baka may di siya sinasabi sa akin. Medyo nadismaya siya sa ideyang iyon. Ayaw niyang isipin agad na siya ang gusto ng binata.
May napansin siyang pagbabago sa sarili niya.
Palaging nasa isipan niya si Emilio Jacinto. Hindi kumpleto ang araw niya kapag di siya naglalakad pauwi galing unibersidad na hindi siya kasama.
Ilang beses na rin siyang nagsisinungaling sa sarili niya na wala siyang nararamdaman para sa kanya. Ilang beses na siyang hindi nagpapahalata kay Mady na kinikilig siya tuwing galing sa unibersidad dahil kasama niyang umuwi ang Katipunero.
Bakit ganito nararamdaman ko?
Unti-unti nang lumilinaw sa isipan niya na papunta na siya sa puntong iyon.
Ano nga bang ibig sabihin kapag lagi na lang niyang naiisip ang binata at may kilig pang kasama?
Natakot si Hannah para sa sarili niya.
Dahil hindi naman pwede maging sila. Isang araw, aalis din siya at posibleng di na makabalik.
---
Naalimpungatan si Emilio Jacinto at nagising. Parang may naramdaman siyang masakit na guhit sa kanyang kanang tagliran. Bigla niyang naalala ang kanyang pilat mula nang saksakin siya ng Kastilang sundalo na tumutugis sa kanya. Inangat niya ang kanyang kamiseta at kinapa ang pilat.
Matagal nang humilom ang sugat at pilat na nga ito. Pero bakit parang sariwa pa ang kirot mula sa kanyang pilat?
Agad din nawala ang sakit at di na niya ulit naramdaman ito.
Ano kayang ibig sabihin ng pangitaing ito?
A/N: Lyrics borrowed from "Lagi by Kiss Jane. Song for this chapter.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top