Chapter 13-Bugso ng Init ng Ulo
"Eto naman, nag-e-effort pa talaga para lang masamahan mo ako pag-uwi!"
Ganito ang naging simula ng usapan nila Hannah at Jacinto nang minsang sinundo ulet siya ng Katipunero sa unibersidad. Unti-unting napapansin ng dalaga na panay ang sundo sa kanya ni Jacinto pagkagaling nito sa trabaho. Mukhang memorized na niya schedule ko., naisip niya. Pag Monday at Tuesday, dumadaan siya ng mga 5pm. Pag Wednesday, Thursday, at Friday, mga 6 o 7 pm. Napangiti si Hannah nang di niya namamalayan. Sweet. At ngayon, pangatlong linggo na niya ng pagsundo sa akin.
Bigla niyang na-realize sa sarili niya na medyo kinikilig siya. Kahit di naman dapat.
"Anong ningingiti mo diyan?" biglang tanong sa kanya ni Jacinto habang naglalakad pauwi.
"Ah... eh... wala lang!" sagot ni Hannah habang tinatago ang ngiti niya. "Kasi... kasi..." Kasi palagi mo akong sinusundo at di ko alam kung bakit ako kinikilig. Iyon ang gusto niyang sabihin pero nahihiya siya. Iba si Jacinto sa makabagong binata at siguradong ayaw niya ng babaeng presko ang dating. Baka naman maisip niya gusto ko agad siya! Haler!
"Wala lang. Masaya lang ako kasi ngayon lang ako may nakakausap na kasabay umuwi. Di naman kasi magkatugma ang oras namin ni Mady, kaya di ko na siya nakakasabay palagi, ayun." Ayan, medyo desente sagot ko at di malandi ang dating, buntong-hiniga niya.
"Kailangan may kasama ka at di ka dapat mag-isa naglalakad sa kalye, lalo na pag ginagabi ka," mahinahong sagot ni Jacinto. "Tama lang na samahan kita." Sa di malamang kadahilanan, pinipigilan ni Jacinto ang kanyang pagngiti.
"SNATCHER!"
Isang malakas na tinig ang bumasag sa katahimikan ng mga naglalakad na mga tao. Sa di-kalayuan ay may isang dalaga na balisa dahil inagawan siya ng bag.
Napatigil sila Hannah at Jacinto sa paglalakad. "Ano iyon?" tanong ni Jacinto.
"May nadukutan ng bag," mahinang sagot ni Hannah.
Nagkagulo rin ang mga tao at di alam kung anong gagawin. May mga natigilang maglakad at may mga pilit di pinansin ang babae. Ngunit nasulyapan ni Jacinto sa kanang bahagi ng kalye na may lalaking tumatako na may dalang itim na bag. Alam niya ang dapat gawin.
"Diyan ka lang!" sabi niya kay Hannah. Kumaripas ng takbo si Jacinto at naabutan din niya ang mandurukot, sabay mabilis na kuha sa bag. Hinablot niya ang kwelyo ng mandurukot at binigyan ito ng suntok sa kanyang mukha. Agad natumba ang mandurukot at dinaganan pa ito ni Jacinto at pinagsusuntok.
May mga lalaking naglapitan at nakisali sa pagbugbog sa tulisan. Napatabi na lang si Jacinto at di nagtagal ay may mga lumapit na rin na dalawang pulis. "Tama na!" sigaw ng isang pulis. "Aarestuhin na natin siya!" Nilapitan nila ang duguang mandurukot at agad nilang pinosasan. "Sa presinto! Pang-ilang aresto mo na ito, g*go ka!"
Dinakip na nila ang mandurukot at nilayo na nila mula sa naipon na mga manonood, na tuwang-tuwa sa nangyari sa lalaking nang-agaw ng bag. "Buti nga sa iyo!" sigaw ng isang lalaki. Nagpalakpakan ang mga tao.
Nandoon din ang babaeng inagawan ng bag, na dinala ni Hannah sa eksena ng pangyayari. Agad siyang nakita ni Jacinto at lumapit ito para ibigay ang nanakaw na bag sa kanya.
"Salamat kuya!" nagagalak na sinabi ng babae.
"Walang anuman," pangiting sabi ni Jacinto.
Bumaling ang babae kay Hannah at sinabing, "Ang tapang ng boyfriend mo!"
"Uuuuuy!" kinikilig na hiyaw ng mga tao. "Yeeeeee!"
"Kiss naman diyan!" pang-aasar ng isang lalaki. "Girlfriend, halikan mo naman si boyfriend mo!"
"Kiss!"
Inakbayan ni Hannah si Jacinto sa braso at sinabing, "Di ko pa nga siya sinasagot eh!"
"Sagutin mo na!" sabi ng estudyante mula sa unibersidad.
"Di ko naman siya nililigawan," nahihiyang pahayag ni Jacinto. "Magkaibigan lang kami, at ginawa ko lang ito para tulungan ang babaeng biktima."
"Halika na nga, alis na tayo," bulong ni Hannah sa kanya. Tahimik nilang iniwan ang umpukan ng mga tao na akala ay mag-nobyo sila at hanggang ngayon ay naghihiyawan sa kilig. "Ligawan mo na si girlie!" sabi ng isang manonood.
"Kunwari pa kayo! Bagay kayong dalawa!"
"Yeeeee!"
Naglakad ang dalawa nang di lumilingon. Tahimik sila pareho hanggang makarating sa harap ng dormitoryo ni Hannah. At di na siya nakapag-pigil ng damdamin.
"Ano ka ba?! Bakit mo ginawa iyon?!" galit niyang tanong sa binata na may panlilisik sa mga mata.
"Kawawa naman ang babae at dapat maibalik ang ninakaw sa kanya," diretsong sagot ni Jacinto.
"Hindi Kastila kalaban mo! Pigilan mo muna pagiging Katipunero mo kasi sa panahon ngayon, ibang klase mga mandurukot! May mga bantay pa iyan sa publikong lugar kung saan sila nagnanakaw at pwedeng atakihin ng mga bantay na iyon ang mga taong pumapalag! Kahit sa dyip, may mga nangho-holdap at may mga patalim at baril pang dala pag di mo ibibigay mga gamit mo! Di mo gets?!" galit na paliwanag ni Hannah. "Pwede kang mapahamak sa pagtulong mo!"
"Naunawaan ko. Patawad," paumanhin ni Jacinto. "Pangako, di na ako gagawa ng kahit anong bagay na makakabagabag sa iyo."
"Dapat lang! Tandaan mo, dayo ka lang dito!" patutsada ni Hannah. "Ayokong mag-alala at baka kung anong mangyari sa iyo, tapos kasalanan ko pa! Baka magalit sa akin si Ambeth Ocampo at Xiao Chua pag nalaman nilang sinaksak si Emilio Jacinto ng snatcher! Insulto iyan sa pagiging Utak ng Katipunan mo, kasi nagmatapang ka!" Wala bang nararamdaman ang mga historyador na ito na may kakaiba sa time-space warp?!
"Hay, napasok na naman ang pagiging bayani ko sa usapan," bagot na sagot ng binata.
"Eh ano ba iyang ginawa mo? Nag-fi-feeling bayani ka nga!"
"Kung ordinaryong tao lang ba ako at wala sa mga pahina ng kasaysayan, mag-aalala ka ba sa akin nang ganito?" tanong ni Jacinto.
Natigilan si Hannah. "Huh? Ah, eh, oo naman!"
"Hindi kaya dahil may pagtingin ka sa akin?" pabirong tanong ni Jacinto. "Alam ko na ibig sabihin ng boypren, gelfren, at kiss." Pilyo siyang napangiti kay Hannah.
"What?! Hoy, kaibigan lang turing ko sa iyo! Masyado kang assuming! Nag-iisip ng di dapat isipin!" pabalang na sagot ni Hannah. "Natural, bilang isang kaibigan, mag-aalala ako. Maiwan ka na nga diyan! See you tomorrow, Mister Jacinto! Ay... Sabado pala bukas. Di mo ako kailangang sunduin sa school!"
Tumalikod na si Hannah at nagdabog papasok sa gusali.
Napatawa na lang si Jacinto. Aba, kinagalitan niya ako! Matindi pala magalit si Hannah! Parang bulkang sumasabog! Pero kay sarap niyang asarin tungkol sa aming dalawa.
Natigilan siya. Bakit ko na naman naiisip ang bagay na iyon? Tanong niya sa sarili. Sandali, bakit ko nagustuhan na napagkamalang kaming magsing-irog?
Hindi niya makalimutan ang aburidong mukha ni Hannah nang tinukso sila ng umpukan at sinabihan sila na maghalikan.
---
Kinabukasan, Sabado, ay nagtungo si Jacinto kina Hannah at umakyat sa fire exit patungo sa kanilang kwarto. "Mady, nandito ba si Hannah?" una niyang tanong nang pinagbuksan siya ni Mady ng pintuan.
"Ssssshhhh, kausap ni Hannah nanay niya sa Skype. Wag nating istorbohin," paalala ni Mady. "Parang telepono ang Skype, pero kita mo kausap mo," paliwanag nito.
"Oo, nakita ko amo ko na may gamit niyan noong isang araw," mahinahong sagot ng binata.
"Mukhang aburido si Hannah sa pag-uusap nila ng nanay niya. Tapos kagabi, hirap makatulog. Panay ang ikot sa kama. Matanong lang, may nangyari ba sa kanya?"
Bago pa nakasagot si Jacinto ay natigilan ito nang marinig ang galit na tinig ni Hannah. Gamit niya ang iPad niya at nakaharap dito habang kausap ang nanay niya sa Norway. Patuloy na nanood sila Mady nang di napapansin ni Hannah.
"Ma, sabi mo dati ayaw natin na makipag-konek sa kanya, tapos ngayon nakikiusap ka na makipagkita ako sa kanya sa hotel?! Di ba sabi mo kaya nating tumayo nang tayo lang? Ma... ma.... Mama, kung akala niya pera ang habol natin at gusto niya akong makita ay nagkakamali siya!"
Mahinang narinig ang sagot ng nanay ni Hannah. "Anak, tatay mo pa rin siya kahit ano pa man. Nakiusap lang siya sa kin... kausapin raw kita... gusto ka niya makita..."
"Bakit ngayon lang?! Minsan na tayong tinaboy, tapos ngayon atat siya na makita ako?!"
"Ngayon lang, pagbigyan mo na siya... Malaki ka na."
"Sige. Ngayon lang. Tsaka na tayo mag-usap." Inend call ni Hannah ang Skype session at pinatay ang iPad. Galit siyang tumayo at may kinuha sa kabinet. Tumungo siya sa banyo upang magbihis at paglabas niya ay hinanap niya si Mady.
"Saan ang punta mo at bihis na bihis ka?" tanong ni Mady nang nagpakita ito kay Hannah. Nasa likuran niya si Jacinto at di man lang bumati si Hannah sa kanya.
Nakasuot si Hannah ng dress na watercolor print na may katernong chambray jacket at flat shoes. Naka-puyod ang buhok nito at bakas sa mukha niya ang blush on, lipgloss, at mascara. Nagandahan sa kanya si Jacinto, ngunit di niya ipinakita ang paghanga, dahil ang galit na mukha ng dalaga ay mas matingkad pa sa ganda ng bihis niya. Walang pinagkaiba sa mukha niya kahapon.
"Aalis lang ako Mady. Nakalimutan ko, may tatay pala ako. Babalik ako kaagad."
Umalis si Hannah nag di man lang nagpa-alam sa dalawa.
"Wala namang binaggit si Hannah na may tatay siya," komento ni Jacinto.
"Naku, galit siya talaga", pahayag ni Mady. "Hindi naman niya kasi kilala tatay niya. Totoong tinaboy sila dati ng nanay niya. Anak si Hannah sa pagkadalaga. Mayaman tatay niya."
Natigilan si Mady at sinabing, "Naku, bakit ko ba naikwento sa iyo?! Ang daldal ko! Lagot ako kay Hannah pag nalaman niyang dinaldal ko sa iyo!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top