Chapter 12-Tamis at Pait ng Unang Pag-Ibig
A/N: Ang mababasa niyo rito ay kathang-isip lamang. Maraming salamat sa pag-unawa.
(Isang pahina mula sa talaarawan ni Jacinto)
Halos isang buwan na akong nandito sa hinaharap, na ngayon ay kasalukuyan na ngayon para sa akin. Nasasanay na ako sa takbo ng pamumuhay sa mundo ng mga makabagong kagamitan at makabagong Pilipinas. Araw-araw ay may mga bago akong natututunan. Nakakatulong ito sa akin at mabuti naman ay nakakasabay ako sa agos kahit papano.
Ngayon ko lang natanto na may mga bagay na dapat tanggapin na di na mababago pa. Gaya ng masalimuot na kasaysayan ng Pilipinas. May mga bansang nanlupig, may mga bansang tumulong sa Inang Bayan. Sa ngayon ay halos limot na ng karamihan sa mga Pilipino kung paano maging Pilipino. Mas may importansya sa kanila ang mga maliliit na bagay, gaya ng pakiki-uso sa kung ano ang uso at kawalan ng malasakit sa bayan. Ayaw nilang kumilos, dahil ayon sa usapang narinig ko sa kapihan, "Kahit sino naman maupo diyan sa Malacanan ay ganun pa rin ang sitwasyon."
Sa aking palagay ay di mo kailangan magpaka-bayani para makatulong sa bayan. Ang simpleng disiplina ay malaking bagay na, ngunit ang dami talagang walang disiplina, mula sa batas-trapiko hanggang sa paghawak ng kapangyarihan sa gobyerno.
Ano ba itong lugar na napuntahan ko? Anong nangyari sa Pilipinas?
Ngunit may mga bagay na nakapagpapangiti sa akin. Mayroon pa rin mga mabubuting tao dito.
Kagaya ni Hannah, at ang kanyang sipag sa pag-aaral. Sana maging maganda ang kanyang kinabukasan. Nabigyan ko siya ng pagkakataon dahil sa ipinaglaban namin noon.
Tumigil si Emilio Jacinto sa pagsusulat at napahiga sa kama. Tulog na si Sam sa malapit na kama sa kanya. Pinatay niya ang lampshade sa tabi. Gising pa rin ang diwa niya hanggang ngayon at ayaw siyang patulugin nito. Dahil ba naiiisip niya ang kalagayan ng bansang Pilipinas?
O dahil ba ito kay Hannah?
Nagka-nobya ka na ba?
Baka gusto mong malaman kung may boypren ako.
Natural, magtataka siya, lalo na't sinabi niyang walang nakaka-alam sa aking personal na buhay. Totoo nga ang nabasa niya tungkol sa buhay pag-ibig ni Dr. Rizal, at namangha si Jacinto. Pati pala buhay pag-ibig ay nasa pahina ng kasaysayan.
Naalala niya si Supremo Andres at kahit siya ay di lingid kay Jacinto ang mga babaeng minahal nito. Ngunit si Supremo lang ang nakaka-alam sa pinagdaanan ni Jacinto sa pag-ibig:
---
(1893)
"Hindi ko pinagsisisihan na tanggpain ka sa lihim na samahan. Maayos kang kasapi, Senyor Jacinto."
Kasama ni Jacinto ang Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio habang naglalakad sila pauwi galing sa lihim na pagpupulong ng Katipunan. Sa likod nila ay nakasunod sila Macario Sakay, Teodoro Plata, at Ladislao Diwa, na malalapit na kaibigan ng Supremo. Kapwa sila nagagalak sa ipinakitang talino at katapatan ng bagong kasapi na si Jacinto.
"Makaka-asa kayong ako'y iyong mapagkakatiwalaan," sagot ni Jacinto sa kanila.
"Maiba naman tayo ng usapan," singit-pambungad ni Macario Sakay habang sinabayan sila Bonifacio at Jacinto sa paglalakad. "Senyor Jacinto, estudyante ka pa pala?"
"Oo. Nag-aaral ako ng abogasya sa Santo Tomas," magalang niyang sagot.
"Napakabata mo pa para maging Katipon," komento ni Ladislao Diwa. "Dapat sa iyo ay nag-aaral na lamang! O nanliligaw."
"Nawa'y aking karangalan na tumulong sa bayan, kaya ako'y sumali sa Katipunan. Kasama na rin ang aking adhikain na mag-aral nang mabuti."
"Ikaw ay mabuting Katipon," sambit ni Teodoro Plata. "Ngunit matanong ko lang, wala ka bang babaeng napupusuan?"
Biglang pinalibutan si Jacinto ng tatlo niyang kasama. Ito na ang pangalawang beses na may nang-usisa sa buhay pag-ibig niya. Kamakailan lang ay iyon din ang tanong sa kanya ng bagong-kasal niyang pinsan na si Marina Dizon kay Jose Turiano Santiago.
"Kailan ka may ipapakilalang babae, Emilio?"
Hindi naka-imik ang binata habang nasa handaan pagkatapos ng kasal.
Bakit ba lahat ng tao ay mga usisero't usisera kung may nobya ba ako o wala?
"Aba! Hindi siya maka-imik! Namumula siya o!" tukso ni Sakay sa binata.
"Magkwento ka nga diyan Senyor Jacinto! Hindi namin iyan ipagkakalat!" dagdag pa ni Plata.
"Baka naman nato-torpe ka?" tanong ni Diwa. "Kay Macario ka paturo kung paano manligaw! Bihasa na iyan!"
"Ang paghalik muna ang ituturo ko sa iyo, Senyor Jacinto!" Ngumuso sa kanya si Sakay sabay hawi ng kanyang abot-balikat na buhok. Humagalpak sa tawa ang tatlong Katipon, at kahit ang Supremo ay pilit pinigilan ang tawa dahil nahihiya siya para kay Jacinto. Napayuko na lamang si Jacinto sa pamumula at kahihiyan.
"Magtino ka Macario!" natatawa niyang paalala. "Sinisindak mo naman si Emilio sa istilo mo sa panliligaw!"
Inakbayan ni Bonifacio si Jacinto at inilayo siya sa mga Katipunerong hinihimatay pa rin sa kakatawa. "Huwag mo na silang pansinin, torpe din ang mga iyan. Kung ayaw mong pag-usapan ang tungkol dun, ayos lang."
---
Naalala pa rin ni Jacinto ang tagpong iyon ngunit di na siya nahihiya sa sarili niya. Ayaw lang niya talagang pinag-uusapan ang kanyang pribadong buhay.
Ang totoo niyan, may naging nobya siya. Isa itong lihim na pilit nilang tinago dahil ayaw ng mga magulang ng babae kay Jacinto. Gusto nila ng isang may-kaya bilang asawa ng anak nila.
Naging sila ng babae kasabay ng pagsali ni Jacinto sa Katipunan. Kaibigan ito ni Marina mula pagkabata at dahil sa pinsan niya, ay nagkakilala silang dalawa. Habang tumatagal ay nagkaroon sila ng damdamin para sa isa't isa. Ngunit maaga pa lang ay pinigilan na ng tatay ng babae na makipagkita kay Jacinto, kaya nag-uusap sila sa pamamagitan ng mga lihim na sulat. Nagkikita rin sila kung may pagkakataon.
Ang tagpuan nila ay sa ilalim ng punong narra sa isang malawak na bukid. Malayo ito sa mga bahay nila. Kahit saglit lang ang pagkikita nila ay tama na ito para sa lihim na magsing-irog.
Isang araw, nagkita sila pagkagaling ni Jacinto sa unibersidad.
"Mabuti nakarating ka," yakap ng babae sa kanya. "Baka ito na ang huli nating pagkikita."
"Bakit naman? May nangyari ba?" pag-aalala ni Emilio.
"Emilio, ikakasal na ako..."
Binalot ng katahimikan ang paligid.
"Pupuntahan ko ang tatay mo." Tatakbo na sana si Emilio ngunit pinigilan siya ng babae.
"Huwag mong gawin iyan!"
"Pero ako ang mahal mo! Mahal natin ang isa't isa! Ayaw mo bang ipaglaban ang pag-ibig natin?"
"Kapag ginawa mo iyan, damay pati ang tiyuhin na nagpapa-aral sa iyo. May kapangyarihan ang aking ama sa gobyerno at pwede niya kayong siraan. Ayoko mangyari na ilagay ka sa kapahamakan dahil sa akin. May pag-asa ka na gumanda ang buhay mo dahil nasa Santo Tomas ka at magiging magaling kang abogado. Hindi ko nais na sirain ang buhay mo dahil sa pagmamahal mo sa akin."
Tumulo ang luha ng babae at hinawakan ni Emilio ang mga pisngi nito. Gusto niyang pawiin ang sakit na nararamdaman nila, pero...
"Mabuti pang kalimutan mo na ako!" pagtangis niya sa nobyo. "Mahal na mahal kita, pero kapag pinagpatuloy pa natin ito, pareho tayong mapapahamak ng mga puso natin."
Walang nasabi si Emilio at napayakap na lang siya sa nobya. Unti-unti na ring tumulo ang kanyang mga luha. Matagal rin silang nakayakap sa isa't isa hanggang pumiglas ang babae sa mga bisig ng binata. Tinignan niya ito sa huling sandali bago niya ito hinalikan sa labi.
"Ikaw lang ang hinalikan ko sa labi na mahal kong tunay," lumuluhang sambit ng dalaga sa kanya.
At umalis na nga ito nang hindi lumilingon.
Nakapirme lang si Emilio at umiiyak siyang napasalampak sa damuhan.
Iyon na ang huli nilang pagkikita. Pagkatapos noon ay naging abala na si Emilio sa mga responsibilidad niya sa paaralan at sa Katipunan. Hindi agad nawala ang sakit, lalo na ang halik na di niya malimutan.
Noong 1896, pagkatapos nilang mabigo sa pagkuha kay Dr. Rizal sa isang barkong nakadaong sa Manila de Bay, ay napadaan si Emilio sa isang lamay. Laking gulat niya kung sino ang iniiyakan ng mga dumadalo.
Namatay sa panganganak ang dati niyang kasintahan pati ang sanggol nito.
Hindi na niyang kinaya na sulyapan ang bangkay nito at nagmadali siyang umalis. Nagtago siya sa isang eskinita at naabutan siya ng Supremo na tumatangis. Doon niya ikinuwento ang lahat ng nangyari sa kanilang dalawa. Walang sinabi sa kanya ang Supremo at napayakap na lang siya sa binata.
---
Ang halik niya at larawan sa isipan niya ang siyang alaala niya sa tamis at pait ng unang pag-ibig.
Kaya siya natatakot na magmahal muli.
At sumagi ulit si Hannah sa kanyang isipan.
May nais bang iparating na mensahe ang paglalakbay niya sa hinaharap?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top