Chapter 11-Meryenda sa Unibersidad
Kagagaling lang ni Hannah sa kanyang klase noong hapon at naglalakad na sana palabas ng university gate, nang biglang nakita niya si Ginoong Jacinto sa malayo. Tumatakbo itong papalapit sa kanya at nang maabutan niya si Hannah, humahangos siya. "Mabuti at naabutan pa kita!" wika nito.
"Naku, may nangyari bang di maganda?" pag-aalala ng dalaga. Bakit bigla siyang susugod dito?
"Wala naman," sagot sa kanya ni Jacinto. "Nasabi lang ng iyong kaibigan na malapit ka nang umuwi, kaya nagbaka-sakali akong abutan ka pa dito. Nga pala, may gusto akong ibigay sa iyo."
May inabot siya kay Hannah. Isang munting kahon ng cake na kulay baby pink. "Binigay nga pala sa akin ng boss ng kopi shop dahil tinulungan ko siya sa kanyang kliyenteng Kastila. Nagsilbi akong taga-salin ng kanilang usapan mula wikang Kastila na Tinagalog." At kinuwento ng Katipunero kung paano siya nakatulong na magkaroon ng kasunduan ang may ari ng kapihan na magtayo ng isa pang branch sa loob ng gusali na pagmamay-ari ng nasabing Kastilang negosyante.
"Hindi raw masyadong marunong ng wikang Ingles ang negosyanteng iyon at wala nang oras para maghanap ng taga-salin. Nagkataong narinig ko ang usapan ng aking amo at ng isa niyang katiwala at sinabi ko na bihasa ako sa wikang Kastila. Pumayag ang aking boss at mukhang tuwang-tuwa siya sa nagawa ko para sa kanya. Ngayon ay magkakaroon na ng pangalawang kopi shop sa gusali ng negosyanteng Espanyol. Condo ang tawag sa gusali," kwento ni Jacinto.
"Yung condo ay gusali ng mga kwarto na tirahan na rin. Parang dormitoryo, pero mas malaki ng kaunti,' paliwanag ni Hannah. "Oo nga pala, marunong ka palang mag-Kastila!" Nag-aral si Jacinto sa Letran at UST!
"Pinalad ako na pag-aralin ng aking tiyuhin at nagsumikap bilang estudyante," wika ng binata. "Hindi ganoon kadali, lalo na pag Pilipino ka at mga kaklase mo ay mga Kastila at mestizo na matapobre," pag-alala ni Jacinto sa mga araw niya bilang estudyante.
"Ala, sinalbahe ka ata nila," sambit ni Hannah.
"Pero lumalaban ako pag kailangan," pangiting nasabi ni Jacinto.
"Buti naman! Teka, balik nga tayo sa loob ng school," pag-aaya ni Hannah. "Kainin natin itong nasa loob ng kahon."
"Pagkain pala iyan?" gulat na nasabi ni Jacinto.
"Oo kaya! Keyk iyan! Pang-meryenda!"
Matagal pang namalagi si Hannah sa unibersidad, dahil inaya niya si Ginoong Jacinto na magmeryenda. Naupo sila sa ilalim ng puno kung saan tanaw ang malawak na football field. Nasarapan si Jacinto sa meryenda nilang cheesecake na sinamahan ng iced coffee na nasa lata.
Libre naman ito sa kanya ni Hannah galing sa di-kalayuang vendo machine. Hindi malimutan ni Hannah ang pagkamangha ni Jacinto nang una niyang makita ang vendo. Pinaliwanag sa kanya ni Hannah kung paano ito ginagamit, at nang sumubok si Jacinto na bumili ng kape gamit ang paglagay ng bente pesos, hindi niya mapigilan na matuwa nang makuha na niya ang lata ng kape sa gilid. "Muy bien!" Napa-Kastila siya tuloy sa sobrang kagalakan.
Patuloy ang kanilang pag-uusap habang nagmemeryenda. "Maliit na halaga pala ngayon ang bente pesos," wika ni Jacinto. "Noong panahon ko, malaking halaga na sa akin ito. Siguro yung tatlong libong dagdag bayad sa akin kanina ng amo ko sa kopi shop, hindi pa ganoon kalaki para marami kang mabili."
"Oo, kaya tipirin mo iyan at mag-ipon ka," paalala sa kanya ni Hannah.
"Tipid na tipid nga ang sahod namin ni Sam."
Natahimik ang binata at nagpatuloy sa pag-inom ng kapeng de-lata.
"Anong iniisip mo?" tanong ni Hannah.
"May nabasa akong lumang aklat ng kasaysayan sa bahay nila Sam." Kaka-lipat lang ni Jacinto kina Sam kahapon. "Ngayon ko lang nalaman ang ginawa kay Supremo, at di ko akalaing kapwa Pilipino ang nagtaksil sa kanya. Tama lang ginawa ko na di sumanib sa pangkat na iyon. Iba talaga ang nagagawa ng ganid sa kapangyarihan."
Napatingin si Emilio Jacinto sa malayo at bakas ang matinding kalungkutan sa mga mata niya.
"Huwag kang malungkot diyan. Ginawa mo naman ang lahat ng makakaya niyo," sabi ni Hannah sa kanya. "Kahit ngayon, Pilipino na ang may hawak sa Pilipinas, pero marami pa ring mga pagkukulang. Pero ang mga kagaya mo, nagmalasakit sa bayan at nakatulong kahit papano. Ngayon ko lang na-unawaan ang nagawa ng Katipunan para sa bayan."
Ningitian siya ni Hannah at saglit na napawi ang kalungkutan ng binata.
Hindi man perpekto ang kasaysayan ay may mga mabuti rin nangyari. Isa nang patunay dito ang kalayaan ng mga kabataang Pilipino na makapag-aral at maging maayos ang kanilang mga buhay. "Kung nabuhay ka noong panahon ko, hindi ka makakapag-aral sa ganitong unibersidad," wika ni Jacinto kay Hannah. "Napaka-swerte mo nandito ka." Mukhang nagbunga naman ang kalayaan na pilit nilang pinaglaban.
"Oo naman, kaya ngumiti ka diyan!" sagot ni Hannah. "Sikat nga kayo ni Bonifacio!"
"Sikat?" Nabigla si Jacinto sa salitang iyon.
"Mga bayani kayo dito sa Pilipinas!" Nilabas ni Hannah ang kanyang phone at nag search para ipakita niya ang listahan ng mga Pilipinong bayani. Pinakita niya kay Jacinto ang webpage at nanlaki ang mga mata ng binata nang makita niya pangalan niya sa listahan:
Emilio Jacinto-Utak ng Katipunan
"Paano buksan iyan?" sabik na tanong ni Jacinto. Inabot niya kay Hannah ang phone niya at sinubukan niyang buksan ang link tungkol kay Jacinto. Pero hindi ito gumana at sa halip, "404-Not Found" ang tumambad sa kanila.
"Ay... mukhang inaayos ang page tungkol sa iyo. Hindi ko mabuksan ang link," dismayadong pahayag ni Hannah.
"Hindi na bale," sagot ni Jacinto. "Di ko naman kailangang maging sikat. Nagmalasakit lang ako sa bayan. Pero salamat, tinangkilik naman ang aming mga nagawa," pangiti niyang sambit. "Utak pala ako ng Katipunan." Di niya mapigilan ang pagtawa.
"Di basta-bastang titulo iyan! Huwag mong pagtawanan iyan loko ka!" biro ni Hannah. "At pasensiya na, cheesecake lang ang nabigay sa iyo bilang pasasalamat."
Nagtawanan sila pareho at gumaan din ang kalooban ng binata. "Kaya ka pala nabigla sa akin nang una mo akong nakita, noong narinig mo pangalan ko."
"Oo, nakakagulat. May kasama kang Katipunero sa kwarto mo. Pero nasanay na ako at parang sa ngayon, taga-dito ka na rin sa kasalukuyan."
Nagkasalubong ng tingin sila Hannah at Emilio, at biglang naramdaman ni Hannah na tumigil saglit ang tibok ng kanyang puso. Nilayo niya ang tingin sa binata.
"Hay naku, kumain ka na lang ng cheesecake!"
---
Nagpasya na nilang umuwi sa kanilang mga dormitoryo. Naglakad sila Hannah at Emilio at nag-uusap pa rin sila.
"Binibini, maari ka bang magkwento ng tungkol sa buhay mo?" magalang na tanong ni Jacinto. "Puro na lang kasi ako ang paksa ng mga usapan natin."
"Eto naman, Hannah na lang!" sagot sa kanya ni Hannah.
"Ah... Hannah... wala ako masyadong alam sa buhay mo bilang babaeng estudyante sa unibersidad."
"Naku, kita mo naman, aral ako ng aral. Pero masaya rin, kasi may mga ibang ginagawa, gaya ng programs at foundation day. Boring... Hmmm... baka gusto mong malaman kung may boyfriend ako." Kinindatan niya si Jacinto.
"Huh? Naku, nakakahiya naman na tanungin kita sa personal na buhay mo," dyaheng sagot ng binata.
"Wala ka bang naging nobya?" tsismosang segway ni Hannah.
"Ah, bakit mo natanong?" Ayaw ipakita ni Jacinto ang pamumula ng kanyang mukha.
"Wala lang, kasi alam ko lahat ng lovelife-buhay pag ibig ng mga bayani sa Pilipinas. Lalo na kay Rizal! Pero pagdating sa iyo, misteryoso pa rin. Sayang pagiging magandang lalaki mo!" pabiro niyang dagdag.
"Pati ba naman iyong bagay na iyon, kasama sa mga aklat ng kasaysayan?" iritang tanong ni Jacinto.
"Oo naman. Oh, bakit ka nahiya diyan?" Napansin ni Hannah ang pagka-tameme ni Jacinto. "Ay, pasensiya na, masyado akong diretso! Sige, Senyor Jacinto, di na kita kukulitin sa buhay pag-ibig mo."
Tumigil sila sa may harap ng dorm ni Hannah. "Maari mo na akong maiwan dito. Bukas ulit!" masayang sabi ni Hannah bago siya pumasok sa dorm.
Nanatiling nakatayo si Jacinto. Bakit bigla siyang naging interesado na malaman ang buhay ni Hannah?
Halatang wala siyang nobyo dahil di naman siya nagkukwento tungkol sa bagay na iyon.
Ano ba itong naisip ko?
Pilit niya itong kinalimutan at naglakad siya sa kabilang kanto pabalik ng kanyang tinutuluyan.
(itutuloy)
A/N: Pasensiya na kung iyong ibang detalye sa history ay magkaroon ng pagkakamali. Feel free to correct me. Thank you.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top