Chapter 10-Ang Habagat
Nagsimulang magsulat ni Jacinto ng kanyang tala-arawan (diary) para matandaan niya ang lahat ng kanyang mga karanasan sa modernong Pilipinas. Bukod pa diyan, tuwang-tuwa siya sa makabagong estilo ng mga papel, lalo na ang notebook at ballpen na kanyang ginagamit sa pagsusulat. Narito ang ilan sa kanyang mga tala:
#1
(matapos ang isang linggo)
Ngayon ay nandoon pa rin ako sa dormitoryo nila Hannah at Mady. Pero nagsimula na akong magtrabaho sa isang kapihan ("Kopi Shop"-Coffee pala ang tamang baybayin) kasama ang nobyo ni Mady na si Sam. Mabait si Sam at tinulungan niya akong malaman ang lahat tungkol sa trabaho namin-ang maghatid ng mga pastries (tama ang baybayin ko!) sa mga bumili nito. Bukod doon ay kami rin ang naghahatid ng mga kagamitan para sa mga kape atbp. mula sa nagbibigay nito hanggang sa kapihan. Hindi naman nakakapagod, dahil nakasakay kami sa isang sasakyan na "van" na si Sam ang nagmamaneho.
Nagpasalamat ako kay Sam sa mga damit at iba pang kagamitan na pinahiram niya sa akin. Humingi rin ako ng pasensiya sa kadahilanang nanakawan (daw) ako sa bus papuntang Maynila. Balewala lang iyon sa kanya at masaya siyang nakatulong.
Sa makalawa ay doon na ako kay Sam tutuloy. Mabuti at isang kalye lang ang layo mula kina Hannah, kaya madadalaw ko pa rin sila kapag ginusto ko. Mukhang hahanap-hanapin ko ang kakulitan ni Hannah. Nagalit siya sa akin noong isang araw dahil sinita ko siya nang lalabas siya ng bahay at ang kasuotan niya ay "shorts"-isang napaka-iksing pantalon na kita na lahat ng hita niya.
Bakit bigla kong naiisip na kakatuwang tignan si Hannah pag nagagalit siya sa akin?
Kahit anong pilit kong tanggapin ay di ko matanggap na napaka-moderno ng mga dalagang Pilipina. Pero walang sinabi si Hannah sa mga kababaihang nakikita ko sa kapihan. Ano yung ginagawa nila sa selfon nila pag nakatapat sa mga pagmumukha nila at pinipilit maging kaakit-akit?
#2
Hindi natuloy ang paglipat ko kay Sam sa dormitoryo niya. Biglang umulan ng napakalakas at bumaha ang buong paligid. Dahil daw sa habagat, isang biglaang ulan. Maaga na kaming pinauwi ng may-ari ng kapihan dahil sa sama ng panahon.
Bahain pala ang lugar na ito. Buti na lang naka-uwi na si Mady nang maaga. Tinanong ko siya kung anong oras uwi ni Hannah...
---
"Ay naku! Hanggang alas-nueve ang klase ni Hannah ngayon! Panggabi kasi ang klase niya!" nag-aalalang nasambit ni Mady nang tanungin siya ni Emilio tungkol sa kaibigang si Hannah.
"Paano na siya makakauwi at baha ang paligid?" tanong ng binata. Mukhang ayaw pang tumila ng ulan. Sa loob kasi ng isang oras ay baha na ang paligid ng dormitoryo nang sumilip siya sa bintana.
'Siguro magpapatila muna siya ng ulan. Dapat kasi nag-suspend na sila kaagad kung ganito pala magiging panahon ngayon."
"Gaano ba kalayo ang unibersidad na pinapasukan niyo?"
"Malapit lang kaya dito. Pero bahain talaga. Naranasan na namin ni Hannah na matulog sa paaralan at umuwi kinabukasan dahil binaha talaga kami, at imposibleng lakarin mula doon papunta rito," kwento ni Mady. "Uy, nag-aalala siya!" pangiti niyang tukso. Kahit naiilang si Jacinto sa maya't mayang tukso ni Mady sa kanya tungkol kay Hannah ay tinatawanan lang niya ito.
"Hindi dapat naiiiwan sa labas ang isang dalaga kapag malakas ang ulan," sabi niya. "Pero paano siya makakauwi?"
Tumunog ang cellphone ni Mady at binasa niya ang mensahe. "Si Hannah ito. Sabi niya magpapatila muna siya ng ulan at dun siya magbabalak umuwi. Baka wala nang masyadong baha pag ganon."
"Anong sagot mo?"
"Nakauwi na tayo pareho. Sabi ko mabuting ideya iyan na doon muna siya sa college building niya."
Parehong hindi mapakali ang dalawa habang naghihintay sa pagtila ng ulan. Inaliw na lang ni Mady si Jacinto at kinuwentuhan siya ng tungkol sa mga teleserye sa TV na palabas ng oras na iyon. Sabi ni Jacinto sa kanya ay halos iisa lang ata ang kwento ng mga palabas ngayon sa TV. At pinilit niyang maaliw ang sarili habang nanonood ng balita sa TV at pagkatapos noon, ang isang sikat na teleserye na sinusubaybayan nila Hannah at Mady.
Patuloy ang pagtakbo ng mga oras.
Napaidlip si Mady habang patuloy sa pagsulat si Jacinto sa kanyang talaarawan.
Nang sumapit ang alas dose ng gabi ay doon lang tumigil ang ulan. Sumilip si Jacinto at nagpasalamat na wala nang ulan. Pero baha pa rin ang paligid.
Naisip niyang padalhan ng mensahe si Hannah sa kanyang selfon.
Kumusta na ang kalagayan mo diyan, Binibining Hannah?
Nag-send ang text message.
Maya-maya ay wala pa rin sagot si Hannah.
Nag-atubili na si Jacinto na sunduin si Hannah. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at di na rin niya ginising si Mady.
---
Namalagi si Hannah at ang kanyang mga kasama sa canteen. Pawang mga basang sisiw ang karamihan sa kanila, dahil sinubukan nilang umuwi nang maaga, ngunit bumalik din dahil sa baha at sinabihan din silang huwag muna mangahas na umuwi.
Nagpalipas sila ng gabi at nag-usap buong magdamag, habang si Hannah ay gumawa ng isang assignment sabay kain ng instant noodles na libre nang binibigay ng kanilang college department. Nakipag-usap din siya sa isa nilang kaibigan, na sa Cainta pa ang uwi at walang masakyan. Pangalawang beses na nangyari ang pagka-stranded ni Hannah sa unibersidad, pero ngayon ay wala si Mady at siya lang mag-isa.
Sa ngayon ay naidlip siya ng konti ngunit nagising din. Mamaya pa akong umaga makakauwi. Kumusta na sa bahay sila Mady at Lolo Jacinto?
Natawa siya sa sarili niya. Parang lolo talaga umasta si Heneral Jacinto at sinisita siya dahil sa mga suot niyang damit. Minsan ay nagko-komento rin siya tungkol sa mga modernong Pilipina at sinasabing masyado silang mapangahas, mula sa mga damit hanggang sa kilos.
"Pasensiya ka na, at sa modernong panahon ka napunta! Tapos na panahon ni Maria Clara, hoy!" minsan niyang nasabi sa binata.
Medyo guilty siya pagkatapos noon dahil di na siya kinibo ng Katipunero. Dapat medyo gentle ang trato ko sa kanya, heehee! Sige, Lolo, babawi ako sa iyo minsan. Magiging mabait na ako.
Biglang nag ring ang cellphone niya at agad itong sinagot ni Hannah.
"Hello?"
"Hannah!" Si Emilio Jacinto ang nasa kabilang linya. "Nasan ka?"
"Nandito, sa Literature building. Literatura. Sa canteen sa basement. Teka, bakit ka napatawag? Pasensiya na wala akong load di ko nasagot ang text mo--"
"Papunta na ako diyan. Susunduin kita." Seryoso ang kanyang boses.
"Hah?! Hoy, nasaan ka na?"
"Nandito sa paaralan mo."
"Lumakad ka sa baha?"
"Ganoon na nga. Basta, di na mahalaga iyon. Iuuuwi kita para makatulog ka na."
"Ano, ilulusong mo ako sa baha na iyan?! Ano ka ba lolo, nag-abala ka pa! Makakauwi akong mag-isa!"
Nanahimik ang kabilang linya. Nag-beep ulit ang cellphone ni Hannah.
Nasa labas na ako ng kantina. -Emilio
Kinuha agad ni Hannah ang mga gamit niya at tumakbo palabas ng canteen. Nadatnan niya ang Katipunero na basa ang pantalon hanggang tuhod. Naka jacket siya at dalawang payong ang hawak.
"Ito naman! Nag-abala ka pa! Pero salamat!" Pasigaw na nasambit ni Hannah.
"Nakatulog na si Mady at wala na siyang pakialam sa iyo, kaya ako na lang sumundo," paliwanag nito.
"Ano ka ba, uuwi naman ako pag madaling araw na! Bakit lumusong ka pa sa baha?"
"Sa tingin ko ay dapat makauwi ka na kahit lalakad ka sa baha. Humayo na tayo."
Napa-buntong hininga si Hannah. Sige na nga. Nag-effort pa ang lolo mo, kahiya naman kung tatanggihan ko pa siya.
Lumabas na sila ng gusali at dahan-dahang sinuong ang ngayo'y mababahang kalye na hanggang tuhod na lang ang lalim ng baha. May mga ambon na lang, at di naiwasang mabasa ang mga paa at binti ni Hannah dahil naka-tsinelas lamang ito, bukod pa sa palda na uniporme niya. Hindi niya maiwasang kumapit sa kaliwang braso ni Ginoong Jacinto habang sinusuong ang baha, dahil medyo nakakadapa nga ito.
"Ngayon ka lang nakapaglakad sa baha?" tanong ni Hannah sa kanya habang naka-akay siya sa kasama.
"Binabaha na rin sa amin sa Tondo, pero di ganito katindi. Bakit konting ulan lang, baha na agad dito?"
"Bahain kasi ang lugar na ito, lalo na ang unibersidad. Malas lang. Pero natatapos din ito," sabi ng dalaga. "Sana di ka na nag-abala na sunduin ako, kasi umuuwi naman ako pag umaga na at wala nang ulan at baha."
Natahimik si Jacinto. Di lang niya masabi na ayaw niya na nasa labas ang isang dalaga sa dis oras ng gabi at di makauwi dahil sa baha.
"Salamat ha."
Iba na ang tinig ni Hannah. Malambing at totoong nagpapasalamat sa kanya. Lalong napakapit ng mahigpit ang dalaga sa kanyang braso habang sinusuong ang baha pauwi sa dormitoryo.
---
Kinaumagahan ay nagsing si Mady at naabutan sila Hannah at Emilio na nakabulagta sa sahig. Parehong tulog ang dalawa at sa di-kalayuan ay nandun ang mga basang payong, tsinelas, at jacket,
Aba, sinundo siya ni Jacinto! Aba naman! Mukhang pagod na pagod sila ah! Impressed ako sa lalaking ito, nilakad ang baha masundo lang si Hannah! Ang cute niyong dalawa diyan sa sahig! Teka, di ko muna kayo gigisingin.
Naramdaman niyang mukhang magkakabutihan ang dalawa. Napangiti si Mady.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top