Volume 3: Journey to Arciana
Nakaupo ngayon si Steffy sa tutok ng pader na siyang ginawang hangganan ng Zi kingdom sa Krotoria kingdom habang hinihintay sina Izumi at Izu.
Ilang oras din ang lumipas bago sumulpot sa tabi niya ang dalawa.
"Steffy. Cool ba ako kanina? Ano? Ayos ba yun?" Tanong ni Izumi at tinapik pa ang dibdib.
"Kulang pa rin yon. Pero parang di na ikaw si Izumi kanina ha." Nakangiti niyang sabi at tinaas ang isang palad na tila magha-high five. Tinaas din ni Izumi ang isang palad upang salubungin ang palad ni Steffy. Tinampal lang pala ni Steffy ang noo ni Izu na muntik na nitong ikalaglag pababa. Buti nalang at hawak parin siya ni Izumi.
"Ano na naman ba?" Reklamo niya.
"Kala ko kasi may lamok. Noo mo lang pala." Sagot ni Steffy sabay tawa na ikinasimangot ng dalawa.
Bago pa man ulit makapagsalita si Izu naglaho na siya sa paningin nina Steffy at Izumi.
Bumagsak siya sa isang lugar na nauuna ang mukha. Narinig niya ang tawanan nina Spyd at Sparr. Kaya mabilis siyang tumayo at inalis ang dumi sa kanyang mukha.
"Saan ka ba nagpunta ha? Bigla ka na lang sumusulpot at nawawala." Sabi ni Spyd.
"Tatlong araw ka kayang nawala." Sabi naman ni Sparr na ikinalaki ng mata ni Izu.
"Tatlong oras lang ako sa labas. Paanong naging tatlong araw na?" Dahil sa sinabi niya may ideya na sila kung bakit dito sila pinagsanay ni Steffy.
Hindi lang pala sagana sa pure Mysterian energy ang lugar na ito, kundi iba din ang araw at gabi sa lugar na ito. Mas mapapabilis ang pagpapalakas nila sa lugar na ito kumpara sa labas.
Saka kung kailangan nilang lumabas, tatawagin lamang nila si Steffy at kausapin kung ano ang gusto nilang gawin. Makakalabas agad sila at mapupunta sa lugar na iisipin nila. Kung gano'n maaari silang umuwi sa kanilang tahanan at bumalik muli sa lugar na ito.
"Ang tatamad-tamad sa pagsasanay magsilayas na dito." Sabi ni Histon.
Kahit malaya silang pumunta sa kani-kanilang mga tahanan hindi nila yun gagawin hanggang di pa sila bibigyan ng free time ng kanilang Heneral.
Samantalang nasa Raimon Kingdom na ngayon sina Steffy at Izumi. Pagdating nila sa hangganan ng Raimon, natanaw na agad nila ang isang lalaking nakasuot ng gintong roba. Nakasakay ito sa isang puting unicorn. May tig-aanim na mga kawal sa bawat gilid niya.
"In fairness, ang poge nga talaga ni Lucid kapag nakaporma." Sambit ni Steffy at kinawayan si Lucid na naghihintay sa kanilang pagdating.
"Kamahalan." Sambit niya at yumuko habang nakalagay ang isang kamao sa dibdib.
Mapansin na yumuko ang itinuturing nilang hari mabilis namang nagbigay pugay ang labingdalawang mga kawal na kasama niya.
"Nandito nga pala ako para maibalik sayo ang kapangyarihan mo dahil aalis na kami sa lugar na ito." Sabi ni Steffy.
Mabilis namang lumuhod sa tapat niya si Lucid. "Kamahalan. Ayaw ko po sanang maiiwan sa lugar na ito. Kung maaari po isasama niyo ako. Pangako, gagawin ko ang lahat ng gusto niyo. Susundin ko ang lahat ng iuutos niyo." Mabilis niyang sabi.
"May kaharian ka na at nakapaghiganti ka na rin. Ayaw mo ba sa lugar na ito?" Tanong ni Steffy.
Dati, gusto lamang ni Lucid na gawing miserable ang buhay ng mga Mysterian dahil sa galit niya sa mga ito. Ngunit nang makilala niya ang grupo ni Steffy, ginusto na lamang niyang makaganti sa mga Mysterian na nagpahirap sa kanya at sa mga magulang niya noon. Pero nang makapaghiganti na at nabawi na ang kaharian nila napagtanto niyang mas gusto na niyang makasama ang grupo ni Steffy sa kahit saan mang mundo sila mapadpad.
Gusto din niyang malibot ang buong mundo at marating ang mga lugar na inaakala niyang hindi nag-eexist dati. Pakiramdam niya, kapag kasama niya ang mga kabataang ito mapupuno ng adventure ang buhay niya. Marami mang panganib ang haharapin nila sa hinaharap, ngunit handa siyang harapin iyon kasama ang mga makukulit na mga kabataang ito. Ayaw niyang makulong at mananatili sa maliit na kaharian kung saan siya nanggaling at magiging hari sa kahariang magpapaalala sa kanya sa masasakit niyang mga alaala noong bata pa siya.
"Maaari kang sumama ngunit hindi pa sapat ang lakas mo." Sabi ni Steffy na ikinadismaya ni Lucid.
Ang mga kawal na nakakakita kung paano lumaban si Lucid at kung paano nito tinalo ang mga expert level na mga kalaban na walang kahirap-hirap ay di makapaniwala. Ang kinatatakutan nilang bagong hari na kayang talunin ang libo-libong eksperto tinawag na mahina ng batang kaharap nila? Gaano ba kalakas ang munting shidang ito at tinawag na mahina ang bago nilang hari?
"May paraan pa para magiging invincible level ka bago tayo makakarating sa lugar na iyon." Sabi ni Steffy at ikinumpas ang kamay.
Naglaho agad si Lucid.
Tinawag naman ni Steffy sina Heran at Spyn at sinabi rito ang magiging bagong tungkulin niya. Pinakilala niya ang mga dating kawal ni Lucid kina Heran at Spyn na siyang bagong tagapamahala sa Raimon habang magpapalakas pa si Lucid sa loob ng Healer's Paradise.
At dahil maaari namang maglabas-pasok si Lucid sa loob ng space at bumalik sa Raimon, nakakausap rin niya ang kanyang mga nasasakupan at naipapaliwanag rin sa kanila ang ang pansamantala niyang paglisan. At ang Raimon Kingdom ay kabilang na sa Arizonian States. Isa sa mga lugar na under sa proteksiyon ng mga Arizonian.
Binigyan din ni Steffy ng mga kakayahan sina Heran at Spyn tulad ng mind reading, manipulation, summoning, and controlling na isa sa mga kakayahang nakuha lang din niya mula sa iba.
Nag-iwan din siya ng mga Mysterian ore para magamit nila upang mas mapabilis ang kanilang pag-angat sa Invincible level. At mga magic artifact na nakuha nila noon mula sa Ruined palace na magagamit nila sa pakikipaglaban kahit mga invincible level pa ang makakalaban nila.
Kinausap din ni Steffy si Elder Winfrey at sinabing isa ito sa magiging advisor ni Heran sa Raimon Kingdom. Papayag man ito o hindi, hindi naman niya pipilitin kung ayaw. Sinabihan lamang niya ito dahil may tiwala siya sa Elder na ito. Ipinaalam din niya sa Emperador ng Wynx Empire na ang City Lord na ng Servynx ang mamahala sa Raimon Kingdom. Katuwang naman ng Servynx ang Myrtle City. Habang Naicronian naman ang namamahala sa Myrtle City na siyang dating Exiled land at Hanje City noon.
Matapos ayusin ang mga bagay sa Raimon naglakbay ng muli sina Steffy at Izumi patungo sa Arciana. Ito ang hangganan ng Wynx Empire at sa isang misteryosong kalupaan.
Kalahati ng Arciana ay malawak na lupain at ang kalahati ay isang malawak na dagat.
Sa Arciana naninirahan ang apat na misteryosong clan. Ito rin ang lugar na sakop ng Hariatres ngunit hindi napapasok ng kahit sinong Mysterian na hindi kabilang sa misteryosong angkan. Tinagurian silang misteryoso dahil walang nakakaalam kung gaano sila kalakas at kung ano pa ang mga impormasyon tungkol sa kanila.
Napatingin si Steffy sa makapal na fog na nakabalot sa Arciana.
"Kailangan mo munang pumasok sa loob ng dimension dahil hindi ka makakapasok sa mga harang na nakabalot sa lugar na ito. Tatawagin ko na lamang kayo kapag natagpuan ko na ang Arciana." Sabi ni Steffy kay Izumi.
"Sige. Mag-iingat ka." Sabi ni Izumi at naglaho na.
Napatingala si Steffy sa fog na abot langit. Kumuha siya ng isang pirasong sanga ng kahoy at tinapon niya sa fog. Nalusaw ang sanga ng kahoy na parang tinutunaw na bakal.
"Kaya naman pala walang nakakapasok sa lugar na ito dahil sa fog nilang kakaiba." Sambit ni Steffy.
Itinutok niya ang paningin sa iisang direksyon. Nakita na niya kung ano ang nasa loob ng mga fog na ito. May nakikita siyang mga Mysterian beast na palakad-lakad sa paligid. Ang mga Mysterian beast na ito ay isa sa mga hayop na may mga nakakalusaw na lason sa katawan.
Ten thousand miles mula sa kinaroroonan niya ay isang lugar na nababalot ng pulang aura. Ang sinumang mga Mysterian beast na napapalapit sa aura ay manginginig sa takot.
"Katulad na katulad sa aura ni mama Seyria." Sambit niya.
Sa unahan ng pulang aura ay isang black hole. Kasunod ng black hole na ito ay isang kagubatan na nababalot ng mga halaman na kumakain ng mga kapwa halaman o mga may buhay na nilalang.
"Sa tinagal-tagal ko na sa mundong ito mukhang ngayon lamang ako makakasagupa ng mga pananim na kumakain ng kapwa pananim o mga nilalang na may buhay." Sambit niya at naglaho na.
Sumulpot siya sa tapat ng isang kahoy na isa sa mga dambuhalang halaman. Nakalutang siya sa hangin kaya naman wala siyang nadidikitan na kahit anong mga halaman na nasa paligid. Naka-invisible din siya sa paningin ng iba kaya hindi siya nakikita ng mga halamang nakakakita ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi siya narararamdaman.
Mabilis siyang umiwas dahil sa isang sanga ng kahoy na humampas sa katawan niya. Lulutang na sana siya patungo sa himpapawid nang makitang may mga bagin ng tumakip sa itaas na bahagi sa kanyang kinaroroonan. Napapaligiran na rin siya ng mga bagin. Agad siyang nagteleport palabas bago man makulong sa dambuhalang bagin na ito.
Napangiti siya sa bagong naisip na plano. Naghanap siya ng supling ng dambuhalang bagin na ito kaso wala siyang makita.
Pansin niyang may lumilim na naman sa kanya at nakita ang isang higanteng bulaklak na nakabuka ang mga petals nito at may malaking bunganga sa gitna. May mga vines na rin ang biglang pumaikot sa baywang at mga paa niya. Mabilis siyang nagpakawala ng aura.
Red aura.
Agad namang nagsiatrasan ang mga halamang ito na parang mga batang takot mapalo ng nanay. Lumiit namang bigla ang higanteng bulaklak kanina maging ang naglalakihang mga vines kanina.
Ang kaninang humahabang mga ugat ng puno ay nagsiliitan din. Kahit ang mga nakikita niyang naglalaguang mga damo ay nagsiliitan hanggang sa maging kasing pino na ng bermuda grass.
Naglakad siya palapit sa maliit na vines na parang bagong tubo lang na halaman. Ilulubog na sana nito ang katawan sa lupa ngunit nahawakan na ni Steffy ang katawan niya at hinila. Para itong halaman na nalanta nang mapasakamay na siya ni Steffy.
"Hahaha. Ang lakas ng loob mong ikulong ako kanina, lagot ka ngayon." Sabay pitik ni Steffy sa munting dahon ng carnivorous vines na ito na may apat na dahon na lamang ang natitira. Tinakpan pa ng halaman ang dalawang maliliit na mga dahon gamit ang dalawang malalaking dahon para di matamaan ng pitik ni Steffy.
"Kala mo makakatakas ka." Napalingon si Steffy kay Rujin na bigla na lamang sumulpot. Hawak na ngayon ang dating higanteng bulaklak na ngayon ay kasing laki na lamang ng mga daliri nila. Tatakas na sana ito nang bigla na lamang sumulpot si Rujin at dinampot siya.
"Susunugin ba natin ang mga halamang ito?" Tanong naman ng kalilitaw lang na si Aya. Nagsiatrasan naman ang mga puno sa paligid. Halatang takot masunog.
"Gusto ko to." Sabi ni Izumi na may hawak ng isang supling ng kulay silver na punong kahoy.
"Waaah!!! Tulong. Ayoko sa kanya." Sigaw ni Hyper habang tinatanggal ang mga bulaklak na nakakapit sa katawan niya ang mga ugat nito habang pinaghahalik-halikan naman siya ng kulay pulang mga bulaklak nito.
"Tulungan niyo ako. Ayokong magahasa ng manyak na halaman." Naiiyak na niyang sabi ngunit tinawanan lamang siya ng mga kasama.
"Pwede tayong manguha ng mga halaman dito at ipasok sa loob ng dimension mo. Magagamit natin sila kapag may panganib." Suhestiyon ni Arken.
"Paano kung di natin sila mapapasunod?" Tanong ni Geonei.
"E di gawin natin silang sangkap ng potion niyo or elixir di ba?" Sagot ni Sioji.
Ang maliit na halaman na hawak ni Steffy nakatuwid na sana ang katawan ngunit muling nanlanta ang mga dahon at nabaluktot ang tangkay nito dahil sa narinig.
Natawa na lamang si Steffy sa reaksyon nito.
"Mamili ka, gagawin kitang potion o susundin mo ang sasabihin ko?" Tanong ni Steffy.
Muli namang tumuwid ang katawan ng munting halaman at tinaas baba pa ang dalawang maliliit na dahon.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top