Journey to Arciana 7: Meeting Dioseyn

Natigil ang kulitan ng magkakaibigan makita ang paparating na grupo. Isa sa grupong ito ang may-ari ng blue flame na muntik ng tumama kay Steffy.

Dumidilim na ang langit at ilang sandali nalang babagsak na ang malakas na ulan. Walang ibang lugar na masisilungan sa lugar na ito maliban sa abandonadong pavilion kung saan nagpapahinga ang grupo nina Steffy. Kaya lang, siguradong hindi sila magkakasya kapag sisiksik pa ang paparating na grupo.

"Ang lalakas ng mga aura nila." Sambit ni Aya at sumiksik sa likuran ni Steffy. Kapag kasi malapit sila kay Steffy hindi nila mararamdaman ang pressure na nagmumula sa mga Mysteriang mas malalakas pa sa kanila.

"Siya yung may-ari ng blue flame di ba?" Matapang na hinarang ni Daerin ang papalapit na mga grupo ngunit hinila siya ni Haejae sa likod ng kuwelyo niya at hinila pabalik sa gawi nina Steffy.

"Bitiwan mo nga ako gagantihan ko ang mga walangyang yan." Sigaw ni Daerin habang tinuturo ang lalaking may-ari ng blue flame.

Binatukan naman siya ni Sunami kaya bigla itong tumahimik at naiiyak na lumapit sa gilid ni Steffy.

"Steffy pinagtulungan ako ng mga yan. Ipaghiganti mo'ko." Sumbong niya at nakalabas ang ibabang labi.

Hinimas naman ni Steffy ang kanyang ulo. "Wag ka kasing padalos-dalos. Gusto mo bang mamamatay ng maaga?"

"Teka. Pinapakalma mo ba ako o minamaliit?" Napanguso na si Daerin.

"Nilalait."

"Uwaaah!" Nagngawa na sana pero nabatukan na naman ni Sunami na ikinatikom ng bibig niya.

Binubuo ng labing anim na lalake at dalawang babae ang paparating na grupo. Nakasuot ng mamahaling blusa ang dalawang babae habang nakasuot naman ng kulay asul na mga uniporme ang labing apat na mga lalake. Sila ang mga kawal ng dalawang babaeng ito.

Nakasuot ng berdeng cloak ang lalaking may dala-dalang espada sa likuran habang nakasuot naman ng coat na may hawig ng pea coat ang lalaking may-ari ng blue flame. Gawa sa makapal na tela ngunit malambot sa balat ang coat na suot niya. Nagmukha din siyang payat tingnan sa suot na ito ngunit hindi nito naitatago ang kanyang charisma at gandang mukha na nakakaagaw pansin sa sinumang nasa paligid.

"Hindi niyo ba nakikita na sumisikip na ang lugar na ito kaya umalis na kayo ngayon din." Mataray na sabi ng babae at nagcross-arms habang kaharap sina Steffy. Unti-unti ng pumatak ang ulan sa paligid kaya nagsipagsilungan na ang iba sa maliit na pavilion.

Si Steffy ang nasa pinakaharap kaya siya ang unang makakaharap ng mga bagong dating. Naiangat ni Steffy ang tingin saka pinagmasdan niya ang babaeng kaharap. Bigla itong napatulala makita ang buong mukha ni Steffy.

Hindi inaasahan ng babaeng ito na may mas maganda pa sa itinuturing nilang pinakamagandang babae sa buong Arciana.

Tumikhim ang babae at iniwas ang tingin. Saka niya nakita ang mga mukha ng mga kabataang hindi niya pinagtuunan ng pansin kanina. Lahat sila may kakaibang mga ganda na kaiinggitan ng iba at papangarapin na sana magkaroon ng ganitong ganda.

Kahit ang mga kalalakihan sa sa grupo ng mga kabataang ito, kapansin-pansin ang kanilang mga tindig, aura, lalong-lalo na ang mga mukha na isa sa mga mukhang pagkakaguluhan ng mga kababaihan.

Mga mukhang anak maharlika ang mga kabataang ito kaya lang makita ang uniporme nina Daerin na mula sa Sai School naglaho agad ang anumang paghangang meron siya.

Dati kasi isa ang Sai school sa prestihiyosong paaralan at sikat ngunit magmula noong nagkaroon ng injury ang Young master ng Sai clan sunod-sunod na ang pagkatalo ng Sai School sa mga ginaganap na school battle competition. Pakunti ng pakunti na rin ang nag-eenrol sa Sai School lalo na nang magsialisan ang mga magagaling na mga guro sa paaralang ito.

Kadalasan sa mga pumapasok rito ay ang mga kabataang mula sa mahihirap na pamilya na hindi kayang tustusan ang mga bayarin sa paaralan. At mga ulilang mga kabataan na kinupkop ng sino man sa mga guro sa Sai School. At posibleng isa ang mga kabataang ito sa mga ulilang nag-aaral sa Sai School.

Ang kanina'y pagkamangha na makikita sa mga mata ng babae ay napalitan ng panghihinayang.

"Di bale na. Magsialis na kayo dahil ang sikip-sikip na dito." Taboy niya kina Steffy.

Bumuhos na ang ulan at papalakas na rin ang hangin sa paligid.

"Tara." Sabi ni Steffy sa mga kasama.

"Pero ang lamig kaya." Reklamo ni Daerin habang yakap ang sarili dahil sa nararamdamang lamig.

"Umandar na naman ang pagkakambing ng isang to." Sambit ni Sunami. Si Daerin kasi ang mahirap paliguin. Parang laging takot sa tubig dahil ayaw maligo. Kaya ginawan siya ni Sunami ng palayaw na kambing.

"Bakit tayo aalis? Tayo kaya ang nauna dito?" Angal ni Nana. Si Nana ang tipo na ayaw inaapi at ayaw makatanggap ng pagmamaltrato.

"Kung gusto mong maiwan dito magpaiwan ka. Wala namang namimilit sa'yong sumama." Sabi naman ni Kyujin na ikinasama ng mukha ni Nana.

Makitang papaalis na ang grupo ni Steffy wala siyang ibang nagawa kundi ang sumunod na lamang.

"Lalakas din ako. Kapag nangyari yun hinding-hindi na mauulit ang ganitong pangyayari." Sambit niya at padabog na sumunod sa mga kasama.

Napatingin naman si Sanjie sa mga kabataang dumaan sa gawi niya. Siya ang lalaking nakasuot ng berdeng cloak. Hindi niya nakikitaan ng takot ang mga mukha ng mga kabataang ito. Ang mas ikinagulat niya dahil hindi tumatama ang patak ng ulan sa katawan nila.

Napatingin siya sa mga paa ni Steffy. Hindi tumatapat sa basang lupa ang sapatos nito kaya hindi nadudumihan. Hindi naman lumulubog sa daang may tubig ang mga paa ni Izumi na tila ba isang matigas na tubig lang ang inaapakan. Natutuyo naman ang basang lupa kapag naaapakan ni Aya. Nagiging yelo naman ang bawat apakan ni Shaira kaya ito ang naging tulay ng mga sumunod sa kanya.

Sina Asana, Arken at Sioji parehong naglalakad ngunit hindi rin lumalapat sa lupa ang mga paa. Para silang naglalakad sa hangin. Hindi ito mapapansin kung hindi pagmasdang mabuti ang kanilang mga paa.

Napailing si Sanjie maisip kung anong klaseng kalaban ang ginalit ng grupo niyang ito. Nagkasalubong ang mga paningin nila ni Dioseyn na parang katulad niya, iniisip din na hindi pangkaraniwan ang mga kabataang ito.

Napatingin sila sa abandonadong pavilion kung saan naghahanap na ng mauupuan ang dalawang babae at ang mga bantay nila. Iisa lang ang lugar na pupuntahan nila kaya napasabay sila sa grupo ng dalawang babaeng ito. Ngunit hindi naman sila tunay na magkakasama.

"Shide. Malakas ang ulan bakit hindi muna kayo pumasilong dito?" Malambing na sabi ng mataray na babaeng nagtaboy kina Steffy kanina. Siya si Shida Daya. Ang anak ng ministro ng pananalapi ng Saidore.

"Salamat na lang po pero kailangan ko ng umalis." Sagot ni Dioseyn at bahagyang yumuko saka sumabay sa paglakad kina Steffy. Sumunod naman si Sanjie sa kaibigan. Dumilim naman ang ekspresyon ng mukha nina Daya at sa pinsan niyang si Dasya.

Napatingin si Arken kay Dioseyn na nakasabay na niya sa paglalakad.

"Ipagpaumanhin niyo ang anumang nagawang kasalanan ng grupo namin kanina. Hindi namin hangad na tratuhin kayo ng hindi maganda kaya humihingi ako ng pasensya." Mabilis niyang sabi sabay yuko.

Napatigil naman sa paglalakad si Steffy kaya napatigil din sa paglalakad ang iba at napatingin lahat kina Sanjie at Dioseyn.

Napakunot ang noo ni Steffy makitang nasa alaala rin ni Dioseyn ang mukha ng kapatid niya. Ang hitsura nito sa alaala ni Dioseyn at ang hitsura rin nito sa alaala ni Daerin ay magkakapareho.

"Daerin, kilala mo ang Mysterian na ito?" Tanong ni Steffy kay Daerin.

Sumimangot naman si Daerin at iniharap ang mukha sa ibang direksyon.

"Hindi ko siya kilala. Hummp!"

"Siya si Dioseyn. Ang anak ng may-ari ng Saynah Academy. At fiance ni Haria Saiyura." Paliwanag ni Hasim.

"Sino naman iyang si Saiyura?" Tanong ni Steffy.

"Nag-iisang anak na babae ng Sai clan. At maituturing na isa sa apat na pinakamagandang babae sa Arciana." Sagot ni Sunami.

Nakita ni Steffy sa mga alaala nila ang isang magandang babae na may gintong buhok at kulay blue na mga mata. Nakita din niya mula sa alaala ni Daerin na magkasama ang batang babaeng may gintong buhok na iyon at ang batang babaeng may silver na buhok. Ang di niya maintindihan dahil masyadong magkalapit ang may gintong buhok sa batang babaeng may silver na buhok.

Nakita din niya ang pagdaan ng lungkot sa mga mata ni Dioseyn at narinig niya ang mahinang sambit nito ng Hakuah. Nang banggitin niya ang salitang Hakuah, larawan ng batang babaeng may silver na buhok ang makikita sa alaala niya.

Nanlaki naman ang mga mata ni Steffy. Napasinghap siya at napatakip ng bibig.

"Hakuah? Bakit tinatawag nilang Hakuah ang silver haired girl na iyon?"

Napatingin siya kay Daerin.

"Hakuah. Iyon ba ang pangalang gamit niya sa lugar na ito?" Naikuyom ni Steffy ang kamao.

Oras na makilala na niya kung sino ang dumukot sa kapatid niya at ang tunay na dahilan kung bakit naglalaban-laban ang mga Mysterian papagbayarin niya ang tunay na may pakana ng lahat ng kaguluhang ito. Di bale ng hindi siya mapupunta sa Mystika bilang kaparusahan.

"Mahahanap ko rin kayo at makikilala. Kahit saang lupalop pa kayo ng Mysteria nagtatago." Puno ng determinasyon na sambit niya sa isip at napapikit ng mariin.

Kailangan niyang makabalik sa Chamni para malaman kung ano na ang kalagayan ng mga magulang niya sa lugar na iyon, kaya lang nagdadalawang isip parin siya. Alam niyang malapit sa pamilya niya ang tunay na kalaban. Kapag nakabalik na siya tiyak na gagawa ulit ito ng paraan para mawala siya. At maaari pang mapahamak ang mga kapatid niya. Kaya bago mangyari yun kailangan muna niyang maging mas malakas pa.

"Steffy." Tawag ni Asana sa kanya makitang palakas ng palakas ang aura sa paligid ni Steffy. Bigla namang naimulat ni Steffy ang mga mata. Naglaho din agad ang aurang nakapaligid sa katawan niya.

"Tara na." Sabi ni Steffy at muli ng nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod naman agad ang mga kasama maging sina Sanjie at Dioseyn.

Ilang sandali pa'y nakarinig sila ng malakas na tunog. Napalingon sila at nakita ang pavilion na gumuho nalang bigla. Nadaganan ng mga poste at bubong ang mga Mysteriang nasa ilalim nito.

Napatingin tuloy sila kay Steffy.

"Gawa mo ba yon?" Tanong ni Asana.

"Hindi a. Pero yung poste tinadyakan ko nga kanina. Pero kung pati bubong masira, hindi na ako yon." Bago kasi siya umalis tinadyakan muna niya ang poste na nasa gitna ng pavilion.

"Paanong di masira ang bubong kung sinira mo ang poste?" Sagot ni Rujin. "Patamaan ko nga sana ng kidlat ang lugar na iyon kaso gumuho na." Dismayado niyang sambit.

"Yung isang poste lang kaya tinadyakan ko. Pwede mo namang patamaan kahit ngayon pa." Sabay nguso sa mga kawal na nahihirapang iahon mula sa gumuhong maliit na pavilion.

Napailing naman si Asana. Alam kasi niya kung gaano kalakas ang kaibigan kaya kung may ginawa nga ito sa isang poste nakapagtataka na nagtagal pa ang pavilion na iyon ng ilang minuto. Kaya naman pala pumayag ng umalis.

Nagkatinginan naman sina Sanjie at Dioseyn. Sinasabi na nga bang hindi pangkaraniwan ang mga batang ito. Kaya naman pala hindi sila umangal at kusa na lamang umalis. Kahit mukha naman silang malalakas.

Nakita nilang umaahon sa mga tipak ng mga bato at debris ang mga kawal at tinulungan ding makaalis ang dalawang babae na nadaganan din sa loob.

"Buti nga sa kanila. Yabang-yabang kasi." Natutuwang sambit ni Nana. Abot tainga na ang kanyang ngiti ngayon. Inaakala pa naman niya na pumapayag lang sina Steffy na hamakin at pagtabuyan ng iba iyon pala may ginawa na sa pavilion.

"Paano kung gagantihan kayo ng ministro dahil sa ginawa niyo?" Tanong ni Sanjie.

"Gagawin ko silang palaka." Sagot ni Izumi.

"Tapos ipiprito ko sa apoy." Sagot naman ni Aya.

"Alam niyo bang nasa level 3 na ng Syanra stage ang ministro ng pananalapi?" Tanong ni Dioseyn. Gusto lang niyang ipaalam sa grupo nina Steffy na hindi basta-bastang kalaban ang ama nina Daya. At kailangan nilang mag-ingat dahil kinalaban nila ang anak ng ministro.

Sa halip na matakot nagkibit-balikat lamang si Steffy at muli na namang naglakad.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top