Chamni 81: Warrior beast ng Bratty Gang

Hinanap agad ni Channer ang mga kapatid matapos humiwalay sa kanyang mga kagrupo. Nang matagpuan na ang mga ito, iuuwi na sana kaso ayaw umuwi ng pasaway niyang kapatid.

Nakayakap ngayon si Kwetsy sa binti ni Steffy.

"Sige na, sama na ako sa inyo please. Ayaw ko munang umuwi." Pagsusumamo niya.

"Wag ngang matigas ang ulo. Kailangan na nating umuwi." Sabi ni Channer habang hinihila ang kuwelo sa likuran ni Kwetsy.

"Pupunta kami sa Vergellia kaya hindi ka maaaring sumama. Hindi ka rin makakapasok sa harang nila." Sagot ni Steffy.

"Vergellia?" Nagliwanag ang mga mata ni Kwetsy sa narinig. Ngunit saglit lang ito. "E bakit kayo nakakapasok naman?" Tanong ni Kwetsy.

"Dahil may ibang paraan kami para makapasok." Paliwanag ni Steffy.

Ayaw mang bumitaw ni Kwetsy ngunit makitang seryoso si Steffy, binitiwan na lamang niya ito.

"Magkikita tayong muli. Dumalaw naman kayo sa amin kapag may oras kayo." Sabi pa ni Kwetsy na may ngiti na sa labi.

Tumango naman si Steffy at hinawakan ang tuktok ng ulo ni Kwetsy na ikinanguso nito.

"Di na ako bata." Reklamo niya at inalis ang kamay ni Steffy sa tuktok ng kanyang ulo. Ngunit nabigla siya dahil niyakap siya ni Steffy at naramdaman niya ang malakas na enerhiyang dumaloy sa kanyang katawan.

"Gamitin mo sa mabuting paraan ang kapangyarihang meron ka. At magsanay kang mabuti para kahit saan mo man gustong pumunta, hindi na sila mag-aalala at makakaya mo na ring protektahan ang iyong sarili." Rinig niyang boses ni Steffy sa kanyang isip na ikinamilog ng kanyang mga mata ngunit mabilis na tumango.

Kumalas na rin si Steffy at lumayo na kay Kwetsy.

"Bakit siya lang? Ako din dapat." Angal ni Chinde ngunit hinila ni Channer ang kanyang tainga para di makalapit kay Steffy na ikinatawa nila.

Nilapitan naman ni Steffy sina Channer at Chinde.

"Nakikita kong sasabak kayo sa isang mapanganib na misyon. Inaakala ng lahat na hindi gaanong mapanganib ang misyon na ito ngunit nagkakamali sila. Kaya naman, may ibibigay ako sa inyo."

Itinaas ni Steffy ang kanyang isang palad. Isang liwanag ang lumabas mula rito at nagtungo sa katawan nina Chinde at Channer.

Ramdam na ramdam nila ang enerhiyang pumapasok sa kanilang mga katawan at nanunuot sa kanilang mga kalamnan. Gumaan bigla ang kanilang pakiramdam. Naririnig na nila ang mga tunog mula sa malayo at lumawak rin ang naaabot ng kanilang paningin. At kahit ipikit nila ang mga mata, nakikita nila kung ano ang mga nakapaligid sa kanila.

"Ano ang nangyayari?" Nanlalaki ang mga matang sambit ni Channer habang tinitingnan ang kamay at katawan.

Isang ngiti lamang ang isinagot ni Steffy bago tingnan sina Daelan at Merrah.

"Gusto ko ng sabihin sa inyo ito sakali mang makakalabas kayo ng Chamni sa hinaharap." Sabi niya sa dalawa na nakatulala parin habang nakatingin sa kanya. Nakaawang pa ang mga bibig nila. "Nasa Arciana si Daerin at nasa Saidore ang Saynah clan na hinahanap niyo. Ngunit bago kayo pumunta, kailangan niyo munang makontrol ang mga kapangyarihan na meron kayo."

Mas lalo namang namilog ang mga mata ni Daelan sa narinig. "Kung gano'n, buhay nga ang kapatid ko? Buhay siya?" Napahalakhak siya ngunit naiiyak sa narinig. Hindi niya alam pero naniwala agad siya sa sinabi ni Steffy kahit hindi pa niya nakukumpirma kung totoo ba ang sinasabi nito sa kanya.

Napaluha naman si Merrah nang marinig na buhay pa ang mga kalahi niyang ipinatapon sa labas ng Chamni dahil nagpakasal sa isang Mysterian. Natutuwa siya dahil may pag-asa pa siyang makitang muli ang kanyang pinsan.

Napayuko naman si Lyanric. May balita na kung saan ang mga hinahanap ng mga kaibigan niya. Ngunit siya, wala pa. Hindi nakakalahati ang Chamni sa mga kontinente sa labas, at hindi lang iisa ang mga kaharian sa bawat kontinente. Kaya saan niya posibleng hahanapin ang mga pinsan niya?

Natigilan siya maramdaman ang palad na nakapatong sa tuktok ng kanyang ulo na ikinaangat ng kanyang tingin at nakita ang nakangiting mga mata ni Steffy. Nanlaki ang mga mata ng lahat dahil bigla siyang niyakap ni Steffy.

"Ang laki mo na, Lyanric."

"A-ano?"

Humiwalay na agad si Steffy at ginulo ang buhok ng naguguluhang si Lyanric.

Tinawag ang kani-kanilang mga magic beast.

"Warrior beast!" Gulat na sambit ni Channer at napaatras.

Mga Warrior beast na sa Norzian lamang matatagpuan. Ibig sabihin, galing sa labas ng Chamni sina Steffy. Ang di niya inaasahan dahil mga hari ng mga Warrior beast ang inilabas nina Asana at iba pa.

Ang blue scaled bird ni Asana na may kakayahang lipulin ang isang kaharian gamit ang kapangyarihan nitong hangin at maituturing na siyang pinakamakapangyarihang wind magic user na warrior beast.

Ang warrior beast ni Arken na may kakayahang maglabas ng light thread na ang matatamaan nitoy magkakapira-piraso. Ang Chitaro ay isa sa pinakamapanganib na Warrior beast sa buong Mysteria.

Ang Thunder warrior beast ni Rujin na may pagkakahawig sa isang peacock ay may kakayahang maglabas ng kuryente at polbuhin ang isang kaharian. At ang mukhang mahinang higanteng agila nito ay may kakayahang maglaho, at kuryentehin ang sinumang kalaban nito.

Ang Dermon ay isang warrior beast na nagmumula sa lahi ng mga sacred beast at may napakalakas na light and wind magic. May kakayahang pumatay ang liwanag na inilalabas nito ngunit may kakayahan ding manggamot. Ito ang Warrior beast na meron si Izumi.

Kaya namang sunugin ng isang Fire Phoenix ang isang Emperyo lalo na ang mutated fire Phoenix na meron si Aya.

Kaya namang gawing estatwang yelo ang sinumang matatamaan ng kapangyarihan ng Snow bird ni Shaira.

Kahit ang Red scaled Warrior beast ni Hyper ay may kakayahang sunugin ang isang kaharian gamit ang ruby red na apoy nito.

Ang mutated na Metal user magic beast ni Geonei ay isa sa mga pinaka-makapangyarihang metal user warrior beast sa buong Mysteria.

Isang white horned unicorn naman kay Sioji na mukhang mas mahina kumpara sa iba ngunit may kakayahan ang white unicorn na ito na kopyahin ang kapangyarihan ng iba at gamitin na parang kanya. Hindi lang yun, ang tunog na ilalabas nito ay maaaring ikabasag ng mga bagay sa paligid at sa sinumang makakarinig. Mukhang mahina ngunit mas pinakamapanganib.

At ang puti at gintong mga mukhang agila na meron si Steffy. Ay ang dalawang tagapagmana ng Warrior beast kingdom at Sacred beast kingdom. At maituturing na siyang King and Queen of all the beast clans.

Nakasakay na ngayon sa mga magic beast nila sina Steffy. Kasama ni Rujin si Ruhan, kasama naman ni Geonei sina Liwei at Shawn.

"Sa uri ng mga sasakyan niyong iyan, parang pupunta kayo sa isang giyera." Sambit ni Chinde.

"Gusto lang naming gulatin ang mga Vergellian." Sabi ni Steffy sabay tawa.

"Nga pala, may portal palabas ng Chamni. Makikita niyo ito sa Jinoma. Nasa Haru Island din si Stacey at nasa Arciana sina Daerin at ang iba."

Lumipad na palayo ang sinasakyan nina Sioji at sa iba. Lilipad na rin sana si Gellian nang tumawag si Kwetsy.

"Sandali. Bakit mo kami binigyan ng kapangyarihan mo? At bakit mo kami niyakap?" Tanong niya.

Isang malungkot na ngiti ang binigay ni Steffy.

"Dahil kailangan niyo ng sapat na kapangyarihan. Maglalaro ulit tayo sa gitna ng disyerto at magbigay sakit sa ulo sa mga Elders ng Zaiferia School." Sabi nito at para ng shooting star na naglaho lang bigla sa kanilang paningin.

Nagkatinginan naman sina Kwetsy at mga kuya niya. Ilang sandali pa'y sabay-sabay na sumigaw sina Lyanric at Kwetsy.

"Steffy, bumalik ka dito. Ang daya mo. Ang daya-daya mo." Sigaw ni Kwetsy at tumakbo ngunit napatigil din dahil di na niya makikita pa sina Steffy.

"Si Steffy. Siya si Steffy Myrtle." Sambit ni Lyanric na tumakbo rin ngunit alam niyang di na niya maaabutan pa sina Steffy. " Bakit ba palage mo nalang kaming iniiwan ha? Ang sama mo. Ang sama-sama mo, Haira." Sambit niya at napayuko. Iilang mga butil din ng luha ang pumatak mula sa kanyang mga mata.

"Bakit ganyan ka? Bakit ka ba laging nang-iiwan ha? Ang sama mo." Sambit ni Lyanric na yumuyugyog ang mga balikat habang patuloy sa pag-agos ang kanyang mga luha.

"Kung gano'n siya nga ang Steffy na hinahanap niyo?" Namimilog ang mga matang sambit ni Merrah at napatakip sa bibig.

Nakanguso namang tumango si Kwetsy. Matalim ang tingin sa direksyon kung saan naglaho sina Steffy kanina. Ngunit may namumuong mga luha sa mga mata na hindi pumapatak.

"Palage niyang sinasabi na hindi ako maaaring sumama sa kanya dahil malalagay sa panganib ang buhay ko. Malakas na ako." Nakanguso nitong sambit.

"Kung malakas ka, kaya mo na bang kalabanin ang isang Mystic level na Deiyo beast?" Tanong naman ni Channer.

Lalo namang tumulis ang nguso ni Kwetsy. "Lalakas din ako. Ipinapangako ko." Sambit niya ngunit bumagsak ang kanyang balikat maalala ang hell training nilang magkakapatid.

"Narinig niyo ba yung sinabi niya? Nasa Haru Island si Stacey." Sabi ni Chinde.

"Steffy! Ayaw ko ng makipaglaro sa'yo. Si Myrrhia nalang ang mamahalin ko. Hmmmp!" Sigaw pa ni Kwetsy habang tinuturo ang himpapawid kung saan naglaho sina Steffy at Gellian.

Napayuko naman si Channer. Ilang taon na ang lumipas, marami ng nagbago kay Steffy. Napakalakas na rin nito kumpara sa kanila. Noong una, naghinala si Channer na posibleng ang Steffy na hinahanap nila ay ang Steffy na kaibigan nina Asana ngunit ibang-iba kasi ang inaasahan niyang posibleng hitsura ng Steffy na hinahanap nila sa Steffy ngayon.

Ang ipinagtataka lang niya kung bakit hindi nila nakikita sina Ariel at ang mga step parents ni Steffy.

"May nangyari ba sa kanila?" Tanong niya ngunit napaungol dahil sinapok siya ni Chinde. Sinamaan niya ng tingin ang kakambal na ngayon nagtatago na sa likuran ni Daelan.

"Kanina pa kita tinatawag kaya lang nasa labas ng Chamni pa ang utak mo." Sambit ni Chinde.

"Umuwi na tayo." Sabi niya. Tumango naman sila.

Biglang nagliwanag muli ang mga mata ni Kwetsy maalalang posibleng magkikita pa silang muli ni Steffy.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top