Chamni 68: Reyna Alvara at Concubine Adira

Tinutubuan ng mga halaman ang lahat ng mga lupang madadaanan sa liwanag na likha ni Izumi na ikinagulat ng limang Ecclescian lalong-lalo na sina Erwan at Jinju.

Ang tinagurian nilang patay na lupa ay para ng maliit na gubat ngayon. Wala na ang palatandaan ng nasusunog na syudad.

"Wow! Ang galing mo Izumi." Naningkit muli ang mga mata ni Aya dahil sa pagngiti niya.

"Ako pa. Tara na." Bumalik na sila sa karwahe.

Hinawakan ni Erwan ang malagong dahon ng halaman. Malulusog ang mga dahong ito na hindi aakalain ng sinuman na katutubo lang nito sa araw na ito.

"Siya na kaya ang piniling tagapangalaga ng ating kaharian?" Tanong ni Erwan.

"Posibleng siya nga." Sagot ni Jinju. Nagsibalikan na rin sila sa karwahe.

Sa pagkakataong ito tumatambol ang kanilang mga dibdib sa kaba at halong pananabik kapag naiisip na nagbabalik na ang kanilang itinuturing na tagapagligtas ng kaharian. Ang piniling tagapangalaga ng Ecclescia.

"Ayaw ng aming kaharian ang mga estranghero kaya isa lang ang paraan para hindi kayo maituturing na kalaban, iyon ay ang ipakilala ko kayong mga pamangkin ko." Sabi ni Erwan.

May kapatid siyang babae sa labas ng Ecclescia. Alam ng mga nakakakilala sa kanya na may kapatid siyang naninirahan sa labas ng Ecclescia at may mga anak ang kanyang kapatid ngunit matagal ng patay ang buong pamilya ng kapatid na ito matapos nanggulo ang mga halimaw at mga Deiyo beast sa lugar kung saan sila nakatira.

Walang nakakaalam na namatay na ang buong pamilya ng kapatid kaya walang makakahalata kung magsisinungaling man siya.

"Ayos lang iyon para sa akin." Sagot ni Aya.

"Ako din." Sagot naman ni Izumi.

Tumigil na ang sinasakyan nilang karwahe sa tapat ng isang nag-aalab na pader.

Bumaba si Erwan at itinapat ang kanyang palad sa isang kulay pulang bilog na bato na nakadikit sa nag-aalab na bakal. Nagliwanag ang bato at ilang sandali pa'y bumukas ang malaking gate.

Bumalik na si Erwan sa karwahe at muli ng naglakad ang mga unicorn papasok sa gate. Nakasunod naman ang karwahe ng mga kasamahan niya.

"Sa wakas, nasa Ecclescia na rin tayo." Sambit ni Aya at sumilip sa bintana ng karwahe. Ngunit natigilan makita pamilyar na mukha na naglalakad kasama ang mga mamamayan ng Ecclescia.

Kinalabit niya si Izumi ng ilang ulit habang ibinubuka tikom ang kanyang bibig. Sumilip nalang din si Izumi at nakita nila sina Zync at Qinch na papalayo na. Nagkatinginan ang dalawa saka kina Erwan at Jinju.

"May problema ba?" Tanong ni Erwan.

"May nakita kasi kaming pamilyar sa amin. Nakapagtataka lang kung bakit sila nakapasok sa lugar na ito. Mga Ecclescian ba sila?" Tanong ni Izumi.

Sumilip naman sa bintana sina Erwan at Jinju ngunit wala naman silang napansing kakaiba.

Mabilis na nagtago si Qinch at hinila si Zync mapansing may nakatingin sa kanila ngunit nang sumilip silang muli, nakalayo na ang karwahe na sinasakyan nina Asana.

"May problema ba? May nakakakilala ba sa atin?" Tanong ni Zync at pinagdaop ang mga palad sabay usal ng sana wala. Sana wala.

"Hindi ko alam pero parang may nanonood sa atin kanina." Nakakunot ang noo na sagot ni Qinch.

Ilang araw na silang nagtatago sa Ecclescia at nagpapanggap na mamamayan sa lugar na ito. At kung malalaman ng iba na hindi sila mamamayan sa lugar na ito, tiyak na ipapatapon sila sa Damien o ba kaya mapaparusahan ng habang buhay na pagkaalipin.

***

Nakarating na sina Erwan kasama sina Aya at Izumi sa lungsod kung saan nakatira si Erwan.

"Dito na muna kayo mananatili. Pupuntahan pa namin ang reyna para magamot na." Sabi ni Erwan.

Tumango naman ang dalawa at sumama na sa dalawang katulong na inilaan para sa kanila.

Pumasok sila sa mga silid na inihanda ng mga alipin. Nang makaalis ang mga alipin hindi nila napansin na naglaho pala ang dalawang bisita.

Nakasunod ngayon sina Aya kina Erwan. Sakay sa kanilang mga espada, nagtungo sina Erwan at ang apat na mga kasama sa palasyo ng Reyna.

Malayo palang, tanaw na ng sinuman ang umuusok na tahanan at maririnig din ang sigaw ng mga Ecclescian habang pinapatay ang apoy.

Sa isang bulwagan malapit sa pinangyarihan ng sunog, nakagapos ang isang magandang babae. Nag-aapoy ang mga mata at mga kamay.

"Ibalik niyo sa akin ang mga anak ko. Papatayin ko kayo. Mga wala kayong puso. Ang mga anak ko." Sigaw nito at muli na namang naglabas ng apoy mula sa mga kamay at binato sa mga kawal na nakikita. Agad naman silang umiwas kaya tumama ang apoy sa isa pang gusali at mabilis itong kumalat sa paligid.

***

Nasa pagpupulong naman ang hari ng Ecclescia. At sa halip na ang reyna ang katabi niya sa trono, isang concubine niya ang naririto at siyang katuwang niya sa pamamahala sa kanyang kaharian.

Hinilot ng hari ang sentido marinig na nagwawala na naman ang kanyang reyna.

"Hindi na karapat-dapat sa trono ang mahal na reyna. Marami na siyang napinsala at mga buhay na napatay. Kamahalan, magtalaga na po kayo ng bagong reyna." Sabi ng Punong heneral ng Ecclescia. Ang punong heneral na ito ang siyang may pinakamataas na ranggo sa lahat ng mga mandirigma ng Ecclescia. At siya ang maituturing na pinuno sa lahat ng hukbo na meron ang Ecclescia.

"Kamahalan, bakit di nalang kayo magsilang ng isa pang sanggol para ipalit sa nawawala niyong tagapagmana?" Ito naman ang suhestiyon ng Punong Ministro ng Ecclescia.

"Kahit magsilang ang hari ng bagong prinsipe o prinsesa kung hindi sila ang sasang-ayunan ng langit hindi parin sila magiging tagapagmana." Sagot ng Duke na tapat sa hari at reyna.

Alam ng lahat na ang magiging pinuno lamang ng Ecclescia ay ang mga pinili lamang. Mula man sila sa angkan ng ordinaryong pamilya o hindi. Isisilang ang bata na may birthmark sa alinmang parte ng katawan at magiging palatandaan na siya ang piniling magiging reyna o hari, o ba kaya piniling maging tagapangalaga sa Ecclescia.

Ang kamatayan ng dalawang tagapagmana ay katapusan din ng kanilang lahi. Ngunit iilan lamang sa mga Ecclescian ang nakakaalam sa mga bagay na ito. Inaakala nila na madali lang palitan ang tagapagmana ng trono. Hindi nila alam na ang posisyon ng pagtatalaga ay nakasalalay sa sino mang pipiliin ng piniling tagapangalaga ng kaharian.

"Pabagsak na ang kaharian natin at mas lalo lamang lumala ang sitwasyon dahil sa kakulangan ng ating reyna. Ilang buhay pa ba ang hahayaan nating mawala nang dahil sa kanya? Saka nalang ba tayo kikilos kung huli na ang lahat?" Sagot ng ministro.

"Kayo ang hindi nagkakaisa bakit niyo isinisisi sa reyna ang lahat? Ang mga kamalasan na nangyayari sa ating kaharian ay hindi dahil sa ating reyna kundi dahil sa inyong mga nasa posisyon na sinasamantala ang mga posisyon." Sagot ng partido mula sa hari.

Ganito na palagi kapag nagpupulong sila. Hindi sila makapag-usap ng maayos dahil sa pagtatalo. At gaya ng dati, hindi nagsasalita ang kanilang hari na para bang hinahayaan na sila sa anumang ginagawa.

Isa siyang hari na parang tau-tauhan lamang ng mga nasasakupan.

Nang malaman niyang isa sa mga pinili ang mga anak, wala na siyang ibang inisip kundi ang ilayo sila sa Chamni. Iyon ay dahil alam niya na hindi magiging ligtas ang buhay ng mga bata sa lugar na ito. Palihim niyang ipinadala ang asawa para sana maprotektahan ang bunsong anak ngunit hindi niya alam kung anong nangyari at nakabalik ang kanyang asawa na sugatan at wala na sa tamang pag-iisip.

Hindi na rin niya alam kung ano na ang nangyayari sa dalawa niyang mga anak. Habang walang balitang patay na ang mga anak niya, may pag-asa pang makakabalik sila. Marami na sa mga piniling ipinatapon sa labas ng Chamni ang napabalitang patay na na ikinabahala niya. Umaasa siya na sana ligtas ang kanyang mga anak at sana balang araw, makakabalik sila sa Ecclescia na may sapat ng lakas at di na maaapi pa. Sapat na lakas upang protektahan ang mga sarili at hindi maging sunod-sunuran sa mga mas malalakas sa kanila.

"Kamahalan, nagwala na naman po ang mahal na reyna. Hindi niyo po ba siya pupuntahan?" Tanong ng kanang kamay niya.

"Hindi na. Hayaan niyo na lang ang mga kawal na ang bahala sa kanya." Sagot niya.

Kung ipapakita niyang mahalaga ang reyna sa kanya, sigurado siyang mas papahirapan nila itong lalo at kung ano-ano pang mga akusasyon ang ipapataw nila rito.

Sa lugar na ito, kung ayaw mong maagrabiyado kailangan mong maging mas malakas kaysa sa iba. Ngunit mas mahina siya kumpara sa mga nasasakupan niya.

"Pero kamahalan, kailangan kayo ng reyna." Sagot ng Duke na halatang nagalit sa sinabi ng hari. Ngunit wala siyang magawa kung wala ng pakialam ang kanilang hari sa kanilang reyna.

"Mahal na prensipe at prinsesa. Kung nasaan man kayo ngayon, kailangan niyo ng bumalik kung gusto niyong may babalikan pa kayo." Sambit na lamang ng Duke sa kanyang isip.

Napangiti naman ang concubine ng hari sa narinig. Napagpasyahan niyang dalawin niya ang reyna sa ngalan ng pagmamalasakit pero ang totoo, gusto lang niyang malaman kung kailan ba ito bibigay.

Kung mawala na ang reyna, maisasagawa na nila ang plano. Isusunod nila ang hari at madali nalang para pagharian nila ang Ecclescia. Kapag nakuha na nila ang limang kaharian, madali nalang ang pagkuha sa mga independent States ng Chamni at mas madali nalang ding kunin ang buong Mysteria.

***

Nakatingin si Aya sa babaeng nakakadena ngayon. Hindi niya maintindihan ngunit nakaramdam siya ng kirot sa kanyang puso. Ang sinumang lalapit sa babae, binabato nito ng mga apoy. Mabuti nalang at kulay dilaw lamang ang apoy na ito kaya di gaanong mapanganib kumpara sa ibang mga apoy ng Mysteria.

Kahit sina Erwan at ang apat na mga kasama ay hindi makalapit na ikinadismaya ng mga ito.

"Nandito ang Royal Concubine." Anunsyo ng isang eunuch. Nagsitabihan ang mga katulong at mga kawal para padaanin ang royal concubine na ito.

Mabilis namang nagsialisan sina Erwan at iba pa na halatang ayaw makasalubong ang concubine na ito.

"Alam mo bang masama ang pakiramdam ko sa royal concubine na iyan?" Sabi ni Aya habang pinagmamasdan ang babaeng mukhang nasa eighteen years old pa lamang na papalapit sa kinaroroonan ng reyna.

"Umalis na kayo. Ako na ang bahala sa reyna." Utos niya sa mga kawal. Nakahinga naman sila ng maluwag at nagsialisan. Ang concubine na lamang at ang reyna ang naiwan sa bulwagan.

"Kumusta ka na, mahal na reyna?" Nakangiti nitong tanong.

"Ikaw. Ikaw ang may kagagawan ng lahat." Nanginginig na sigaw ng reyna habang tinuturo si Adira.

"Wag ako ang sisihin mo. Sisihin niyo ang sarili niyo kung bakit napakahina niyong nilalang." Nakangiti niyang sambit.

"Nga pala, nakakalabas na ng Chamni ang mga susundo sa mga anak mo. Ilang araw na lang at makikita mo na ang malamig nilang bangkay." At dahil sa narinig lalong nagalit ang reyna at pinipilit na makawala sa kadena kaya lang, nagkakasugat na siya ngunit hindi man lang natinag ang kadena.

"Wag niyong saktan ang mga anak ko. Magbabayad kayo kapag may ginawa kayong masama sa mga anak ko."

"Ganyan nga. Magalit ka. Para sakali mang may mangyayaring hindi maganda sa lugar na ito ikaw ang sisihin. Iisipin nilang sinunog mo ang buong kaharian dahil sa tindi ng galit mo nang matuklasan mong patay na ang iyong mga anak. Kagaya sa nangyari sa iyong bunsong anak."

"Walangya ka. Wala kang puso. Hindi ka Chamnian. Isa kang halimaw." Sigaw ng reyna.

"Para sa'yo isa akong halimaw pero para sa mga mata ng lahat ikaw ang halimaw at ang iyong mga anak. At ako, ako ang tagapagligtas na nagliligtas sa kaharian laban sa mga halimaw." Sabi ni Adira sabay halakhak ngunit bigla na lamang may pulang apoy ang pumasok sa kanyang bibig na ikinaubo niya.

Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang lalamunan at pilit na iniluwa ang anumang nalunok niya. Gusto niyang sumigaw ngunit walang boses ang lumabas sa kanyang bibig. Nagpagulong-gulong na siya sa sahig na gawa sa puting bato sa tindi ng sakit na nararamdaman.

Natigilan naman si Reyna Alvara at nagulat kung bakit bigla na lamang nagpagulong-gulong sa sahig ang mapagmataas na concubine kanina. Namimilipit na ngayon sa sakit at pinipilit ang sarili na magsalita ngunit walang lumabas sa kanyang bibig.

Mula sa kawalan, lumitaw sina Izumi at Aya na ikinaatras ng Reyna. Tumunog ang mga kadenang nakagapos sa kanyang mga kamay.

"Sino kayo?" Tanong niya makita ang dalawang babae na kaedad lamang ng dalawa niyang mga anak.

"Ipinadala kami ni Tito Erwan para tulungan ka." Sagot ni Aya.

Saka naalala ni Alvara ang matalik na kaibigan. Wala siyang balak na saktan sila ngunit kusang kumakawala ang kapangyarihan niya na tila ba kinokontrol ito ng iba.

Naglakad palapit sina Aya na ikinaatras naman niya.

"Wag kayong lumapit. Mapapahamak kayo."

Natigilan siya makitang hinawakan ni Aya ang nag-aalab na kadena at di ito naapektuhan. Masusunog ng sinumang hahawak sa kadenang nakagapos sa kanya. Pero hindi ang batang ito.

"Masyadong matibay ang kadenang ito. Kailangan natin ang tulong ni Steffy." Sabi ni Aya.

"Kapag pinakawalan natin siya baka kung ano ang gagawin ng mga Ecclescian. Baka mas lalo lang silang magkakagulo." Sagot ni Izumi.

Napatingin naman si Aya kay Reyna Alvara. Hindi niya maintindihan pero nasasaktan siya kapag nakikita ang sitwasyon ng babae. Iniisip niyang awa lang ito pero hindi talaga niya kayang hayaan lang itong ganito ang kalagayan lalo na't may sugat ang mga kamay nitong nababalot ng kadena.

Nagkasalubong ang mga mata nila ni Alvara. Hindi niya maiwasang makaramdam ng awa, pag-alala, at pangungulila na di niya maintindihan kung bakit.

"Aya, ayos ka lang ba?" Natigilan si Aya dahil sa tanong ni Izumi. Saka niya napansin na tumulo pala ang kanyang luha. Pinahid niya ang nabasang pisngi at nagtatakang napahawak sa naninikip na dibdib.

"Aya? Ikaw si Aya?" Tanong ng babae na may gulat at pananabik ang boses.

Ngunit may mga dumating na mga kawal. Agad namang naglaho sina Izumi at Aya.

"Aya, sandali. Wag mo akong iwan." Tawag nito. Ito ang naabutang eksena ng hari.

Napagpasyahan ng hari na wag dalawin ang asawa ngunit nag-alala siya nang malamang dinalaw ni Adira ang asawa niya. Kilalang mabait at maunawain si Adira ngunit hindi pa rin siya lubos na nagtitiwala sa concubine niyang ito.

Pumayag siyang magiging concubine si Adira dahil minsan nitong nailigtas ang kanyang buhay at ang buhay ng Reyna. Gusto din siya ng mga mamamayan ng Ecclescia at napapasunod niya ang mga Ecclescian na hindi kayang pasunurin ng hari. Pero kahit ganoon, iniisip niyang may motibo si Adira kung bakit hiniling nitong magiging concubine niya bilang kapalit sa pagligtas nito sa kanyang buhay at sa buhay ng reyna.

Kaya lang, nagulat siya sa naabutang eksena ngayon. May hawak na latigo si Adira at hinahampas ang reyna. Wala namang pakialam ang reyna at nakaluhod lamang ito habang tinatawag ang pangalang Aya.

Parang tinusok ng libo-libong karayom ang puso ng hari makita ang nakaluhod at lumuluhang asawa na walang awang hinahampas ng latigo ng sarili niyang concubine.

"Anong kalapastanganan itong ginagawa mo?" Sigaw ng hari.

Nabitiwan naman ni Adira ang hawak na latigo sa sobrang gulat. Gulat siya dahil nakabaluktot siya sa sakit kanina kaya paanong may hawak na siyang latigo at hinahampas ang reyna?

Gusto niyang magsalita ngunit walang lumabas sa kanyang bibig na mas lalong ikinataranta niya. Gusto niyang lumuhod at manghingi ng tawad ngunit tila ba naninigas ang mga tuhod niya at ayaw sumunod sa ninanais niya.

"ADIRA." Sambit ng hari na puno ng galit ang boses. Nanlilisik din ang mga mata habang nakatingin kay Adira.

"Ano bang nangyayari sa akin?" Tanong ni Adira sa sarili.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top