Chamni 5: Huwaran
Tinipon ang lahat ng mga kabataang nakalabas ng Jinoma mountain sa isang bulwagan. Hindi nila inaasahan na kahit marami ang mga Mystic level Deiyo beast, makakauwi paring buhay ang mga kabataang Chamnian.
Marami man ang mga nasugatan kaunti lang naman ang nasawi.
Pipili ngayon ng top 100 na mga kabataan ang Representives ng CMA. Ang top 100 na mapipili nila ang siyang maaring pumasok sa Chamnian Mystic Academy. At mabibigyan ng karangalan.
Aalis na sana sina Steffy at Rujin kaso hinarang sila ni Zin. Ang pinuno ng mga kawal na kasama ni Elder Cid.
"Maaari lamang kayong umalis kung susunduin na kayo ng mga magulang ninyo." Sabi ni Zin sa dalawa.
Utos ng nakakataas na wag hayaang umuwing mag-isa ang mga kabataang nakaligtas sa Jinoma mountain sa pag-alalang may masamang mangyayari sa kanila bago makarating sa kanilang mga pamilya.
May maghahatid sa kanila sa kani-kanilang mga bayan at susunduin muli kapag magsisimula na ang pasukan sa mga paaralan kung saan sila napiling maaaring mag-aral.
Sa Chamni, hindi estudyante ang namimili kung saan gustong mag-aral ng mga estudyante kundi ang mga paaralan mismo ang mamimili kung sino ang maaaring mag-aral sa kani-kanilang mga paaralan.
"Hindi alam ng mga magulang namin na nandito kami. Sinong susundo sa amin?" Sagot ni Steffy.
"Kung ganon, kailangan niyong hintaying matapos ang programa at ibabalik namin kayo sa bayang inyong pinagmulan." Sagot ni Zin.
Bagsak balikat na bumalik si Steffy sa upuan niya.
"Hindi sila papayag?" Tanong ni Rujin. Umiling si Steffy.
"Kundi lang siya mabait naku, naku talaga." Sabi pa ni Steffy na tila ba nanggigigil.
"Ano namang magagawa mo? Wala tayong kapangyarihan, tandaan mo yan." Paalala ni Rujin.
"Kung di siya mabait di ako makikinig sa kanya." Sagot ni Steffy. Ramdam kasi niyang tunay ang pag-aalala ng mga kawal sa kanila ni Rujin. Wala rin siyang mararamdamang anumang negatibong emosyon sa mga kawal na pinabantay ni Elder Cid sa kanila.
Nabaling ang kanilang atensyon sa mga nagsidatingang mga Chamnian na dumalo sa programa nilang ito. Malayo sila sa stage pero kitang-kita parin nila ang stage na parang nasa tapat lang nila.
Mahigit isang milyon din ang mga Chamnian na patuloy sa pagdagsa upang saksihan ang awarding ceremony na ito pero hindi parin napupuno ang mga upuan.
"Ganito pala ang sinasabi nilang parang magic." Sambit pa ni Steffy. Parang magic dahil tila hindi napupuno ang bulwagan kahit maliit lang itong tingnan.
"Magic na nga, bakit may parang pa?" Sagot ni Rujin sabay iling.
Tinawag na ngayon ang top 100 na maaaring makapasok sa CMA. Habang tinatawag ang mga pangalan naisipan nina Steffy at Rujin na matutulog na lang at maghintay kung kailan matapos ang ceremony.
Marami naman ang umaasang magiging top 1 ang pinakamagaling na estudyante sa batch na ito.
"Siguradong si Jumei Brix ang magiging top one. Ang pinakamakapangyarihang sa lahat ng mga kabataang Chamnian."
"Sinabi mo pa. Wala namang makakatalo sa kanya e."
"Alam mo bang pinag-aagawan siya ng mga paaralan dati? Pero pinili niya paring mag-aral sa Zaihan Academy. Sabagay, halos lahat ng mga pumasang makapag-aral sa CMA ay nanggagaling sa Zaihan Academy."
Naidilat ni Steffy ang mga mata at ipinadyak-padyak ang mga paa sa inis dahil sa mga naririnig na boses sa paligid.
"Ang ingay-ingay naman. Brix sila ng Brix. Mas gwapo pa kuya ko don." Reklamo niya at tinakpan ang tainga kaso naririnig parin ang mga boses na halos sabay-sabay na pumapasok sa pandinig niya.
"Nakakarinig ka rin? Ang ingay kaya." Sabi din ni Rujin na nakatakip din ng tainga.
Natigilan sila mapansin ang isang transparent na harang na pumalibot sa kinaroroonan nila. Nawala na rin ang mga boses na kanilang naririnig. Kaya napalingon sila sa may gawa nito at nakita si Brix na nakapikit habang nakaupo sa left side ni Steffy.
Nagkatinginan sina Steffy at Rujin. "Bakit di ko napansin na katabi ko pala siya?" Tanong ni Steffy.
"Hayaan mo na. Tiyak na narinig niya ang sinabi mo. Di bale na, totoo naman ang sinabi mo e." Sagot ni Rujin at muli ng pumikit.
Napahawak naman si Brix sa kanyang mukha. Kilala siya bilang pinakagwapong lalaki sa henerasyon nilang ito, at walang makakapantay sa kanya maliban sa royal family ng Chamni tapos maririnig niyang may mas gwapo pa sa kanya mula sa bibig ng isang babaeng hindi naman mukhang maharlika base sa kausotan at kilos?
Kilalang pormal, magalang at eleganteng kumilos ang mga galing sa angkan ng mga mahaharlika o ng hari ba kaya, kaya hinding-hindi niya iisiping galing sa maharlikang angkan ang walang kaarte-arteng dalawang mga kabataang ito ni di man pinansin na may mga alikabok pa ang mga suot na sapatos.
Inilayo niya ang kanyang paa sa pag-aalalang masagi ito ni Rujin at madumihan pa ang kanyang makintab na sapatos.
Ilang oras din ang lumipas tinawag na ang top 20 at kabilang sa top 20 ang grupong nakasama ni Steffy. At gaya ng inaasahan, top 1 nga si Brix.
"Palakpakan natin ang mga matatapang na mga kabataang pumasa sa pagsubok." Sabi ng babaeng emcee.
Umalingawngaw naman ang mga palakpak sa buong paligid. Naluluha sa tuwa ang mga nabibilang sa top 100. Ngayon naman hinihintay nila ang pagbibigay ng mga pabuya sa mga estudyanteng may malaking naibigay na tulong sa iba habang nasa loob pa ng Jinoma mountain.
"Ang mga kabataang mababanggit ay ang mga kabataang may mga lakas, katapangan na wala sa iba, paninindigan na hindi mababali kahit anong pagsubok ang kinakaharap at huwarang kabataang magsisilbing ehimplo ng iba." Panimula ni Elder Cid. Siya ngayon ang nasa stage.
"Ang mga mapipiling huwarang mga kabataan ngayon ay ang mga kabataang naiiba sa lahat. Hindi man sila kasing lakas ng iba o kasing kasing tapang ng iba ngunit may special silang katangian na hindi nakikita sa iba. Number 9002, 1096, 1097, 5888, 0983, 1426, 1427, 6086, 8888, 8889, 8887, 8890, 6542, 6543."
Ang mga numerong nabanggit ay numero ng mga inuupuan ng mga kabataang nabanggit. Hindi pangalan ang binabanggit sa pagbibigay ng award kundi ang numero ng inuupuan ng sinumang mabibigyan ng gantimpala.
Oras na umupo sila sa upuan kahit lumipat pa sila sa ibang upuan, ganon parin ang magiging numero sa upuang nilipatan nila. Kaya hindi sila nababahala kung magpapalit man ng upuan ang iba.
Nagbibigay ng banayad na liwanag ang bawat upuang may numerong katulad sa mga nabanggit kaya naman makikita ng lahat kung saan ang mga upuang ito at makikita rin ang sinumang nakaupo rito.
Makikita rin ang mga imahe nila sa maliking screen na nasa itaas ng stage kaya kitang-kita ng lahat ang anumang ginagawa ng mga kabataang nabanggit.
Kapansin-pansin naman sa reaksyon ni Brindon na ang naguguluhan siya. Nalungkot siya kanina dahil hindi siya nagiging kabilang sa top 100, pero inaasahan na niyang mangyayari yon. Ngunit di niya inaasahan na kabilang siya sa mga huwaran. Mas mataas pa ang mga huwaran kaysa sa nabibilang sa top 100. Maituturing silang the best of all the best.
"Ako ba talaga?" Tanong niya pa at tiningnan ang numero ng inuupuan niya. May nakasulat na 8890 sa sinasandalan niya kanina.
"Bumaba na po kayo Demi." Sabi ng isang naka-battle armor na kawal at sinamahan siya nitong bumaba sa kinaroroonan niya at umakyat sa stage.
"Ang batang ito, ay nagpakita ng katapangan at isinakripisyo ang kaligtasan alang-alang sa mga kasamahan. Pinakita niya ang pagmamalasakit sa kapwa at hindi sumuko kahit na kunti lang ang pag-asang naghihintay sa kanya." Pinakita sa screen ang ginawang pagligtas ni Brindon sa isang kasama kahit na nalalagay sa panganib ang buhay niya.
Ibinigay din niya ang artifact sa nanghihina na niyang mga kasamahan. Ang artifact na ito ay makakatulong upang maitago ang presensya ng sinuman at maglalaho sa paningin ng iba sa loob ng sampung minuto, sapat na upang makatakas sa mga kalabang gusto nilang takasan.
Binigay ni Brindon ang anumang mga bagay na makakatulong sana sa kanya sa kanyang mga kasamahan dahil mas kailangan nila ito kumpara sa kanya. At siya ang nagpahabol sa Deiyo beast na hindi nila kayang talunin. At kahit na nanghihina na siya sa sobrang pagod hindi siya tumigil hangga't kaya pa niyang tumayo at tumakbo. Hanggang sa makasalubong sina Steffy at iba pa.
"Dahil sa kanya, nakaligtas ang sampo niyang mga kasamahan kaya isa siyang huwaran." Paliwanag ni Elder Cid.
Tumayo si Brix makitang nagliliwanag din ang upuan niya at nakita ang numerong 8889. Kaya lang, pansin din niyang nagliliwanag din ang mga upuan ng katabi niya. Inaasahan na niyang magiging kabilang sila sa mga huwaran pero di niya inaasahan na natutulog sila sa ganitong sitwasyon.
Dinala na siya ng isang kawal paakyat sa stage habang ang dalawang kawal na sumundo kina Steffy at Rujin hindi alam kung gigisingin ba ang dalawa o hindi. May nakabalot na harang sa paligid ng dalawa at kayang harangan ng harang na ito ang mga tunog at ingay sa paligid kaya sigurado silang hindi rin sila maririnig ng dalawa kahit na sumigaw pa sila.
Makikita ngayon sa screen ang pagtulong ni Brix para magapi ang mga Deiyo beast na umatake sa grupo ng mga Chamnian, at isa si Brix sa may pinakamalaking naitulong upang makaligtas ang mga Chamnian sa loob ng Jinoma mountain.
Kaya lang hindi dito nakapokus ang atensyon ng lahat kundi sa mga kabataang hindi lang naiiba, ibang-iba talaga.
Sina Shaira at Hyper na nakipagpalit pa ng upuan sa iba dahil nagliwanag ang kanilang inuupuan, kaso kahit saan sila uupo nagliliwanag parin. Si Geonei na tumatakbo ngayon hindi papunta sa kung saan ang stage kundi sa kung saan niya nakikita sina Steffy at Rujin na parang sinasabi na 'sa inyo na iyang parangal niyo, pupuntahan ko pa ang pinakamamahal ko.'
Si Aya naman di pinapansin ang nagliliwanag na upuan na ginawa na ngayong patungan ng mga prutas na nakuha niya mula sa Jinoma at binibilang kung may nabawas ba. Makitang may kulang na isa piningot ang tainga ng katabi niya.
"Sinabi ko sayong wag mong bawasan e. Bakit binawasan mo parin ha?"
Napangiwi si Miro nang pingutin ni Aya ang kanyang tainga.
"Aray. Aray. Masakit." Naluluhang sambit ni Miro at napahinga ng maluwag nang bitiwan na ni Aya ang kanyang tainga.
"Marami pa namang natira a, bakit ba ang damot mo?" Sabi nito at napaparay habang hawak ang namumulang tainga.
Habang abala kasi sa pagtakas ang mga Chamnian abala naman si Aya sa pangunguha ng mga prutas na makikita niya. Gamit ang invisibility spell nagagawa parin naman niyang itago ang kanyang katawan sa mga mata ng iba hanggang sa dumating si Miro na nabunggo siya.
Naiinis siya kay Miro dahil naglaho ang bisa ng invisibility spell niya at ang mas malala, walang spell na gagana kapag kasama niya ang lalaki, kaya naman ginawa niya ang lahat para malayuan ito kaso panay sunod naman ni Miro. Iyon ay dahil natutuwa si Miro makitang nakarating sa Chamni sina Aya at paulit-ulit na tinatanong kung nasaan na sina Steffy at iba pa.
Dahil kay Miro, walang ibang nagawa si Aya kundi ang tumakbo at tumakas sa tuwing may nakakasalubong silang malalakas na Deiyo beast. Magic spell nalang sana ang inaasahan niya kaso hindi pa niya magagamit dahil sa presensya ni Miro na naging dahilan kung bakit naiinis siya sa lalaking ito.
Makikita ngayon sa malaking screen ang eksena habang hinahabol sina Aya at Miro ng dalawang Deiyo beast.
"Bakit ka ba tumakbo ha?" Tanong pa ni Miro at maririnig ng lahat ang sinasabi niya. Hinihingal itong tumigil sa tapat ni Aya.
"Sa lakas non anong laban ko don? Spell na nga lang ang meron ako, di ko pa magagamit nang dahil sayo." Sagot ni Aya na hindi nakikitaan ng pagod kahit na ilang oras na silang tumatakbo.
"Di mo kaya pero kaya ko naman." Sagot ni Miro.
"Kaya mo?" Gulat na tanong ni Aya.
"Oo." Binatukan bigla ni Aya.
"Bakit di mo sinabi agad?" Hinila pabalik si Miro para salubungin nila ang dalawang deiyo beast na papalapit na sa kinaroroonan nila.
Nakita ni Aya ang sarili sa screen at maalala ang pagtakbo nila iyon pala'y kaya naman sana ni Miro na talunin ang kalaban, sinamaan niya ng tingin si Miro. Masama ang loob niya dahil may nakikita pa sana siyang prutas kaso di na niya nakuha dahil kay Miro.
Dahil nagtatalo ang dalawa hindi na nila napagtuunan ng pansin ang numero sa kanilang mga upuan. Number 2426 si Aya at 1427 naman si Miro, kabilang si Miro sa top 20 at kabilang din sa mga huwarang kabataan dahil sa kanyang katapangan at pinapakitang lakas.
Nabilang naman sa huwaran si Aya dahil sa kabila ng panganib hindi ito nakikitaan ng takot o pangamba. At kapansin-pansin din ang invisibility spell na ginamit niya na hindi kailanman nagagawa ng ibang Chamnian kahit mga spell master pa sila. Nakakaagaw pansin din ang bilis niyang tumakbo at ang hindi niya pagkaramdam ng pagod kahit na wala siyang pinapakitang kapangyarihan. Ang ikinatawa nila ay ang cute na reaksyon niya malamang kaya pala ni Miro na talunin ang dalawang Deiyo beast na humabol sa kanila. Lalo na nang batukan si Miro at hilahin ito pabalik.
"Nakakatuwa siya. Saka ang kyut-cute niya. Saang angkan kaya siya galing?" Sabi ng isang ginang.
"Parang gusto ko ding magkaroon ng anak na tulad niya." Sabi din ng isa pang ina na katabi ang kanyang anak.
"Ina, dahan-dahan naman kayo. Di mo man lang ba naisip ang mararamdaman ko?" Reklamo ni Travis.
"Wag kang umangal, di ka cute." Sagot ng ina na ikinasimangot ni Travis.
Bigla namang nagtilian ang mga babae nang lumabas sa screen si Sioji. Nakacoss arms ito habang nakasandal ang likuran sa kanyang upuan. Pinagmamasdan ang sarili sa screen na tila ba sinasabi na 'di ko kilala yan. Hindi yan ako kaya wag niyo kong dinadamay sa mga pakulo niyo.'
Wala siyang pakialam kung kabilang ba siya sa sinasabi nilang huwaran. Unang-una dahil wala siyang tinulungan. Wala nga siyang ideya kung ano ang sa loob ng Jinoma at kung anong meron bakit may nagkakalat na mga Deiyo beast sa paligid. Tapos pagkalabas niya sa bundok nagiging hero siya na di man lang niya alam kung paanong nagiging hero siyang bigla?
Makita ang walang pakialam niyang ekspresyon at ang gwapo niyang mukha, mas lalo namang nagniningning ang mga mata ng mga kababaihan. Ang dati nilang prince charming na si Brix ay napalitan ni Sioji.
Ngunit di nila inaasahan na bukod kay Sioji may iba pa palang nagagandahan at nagagwapuhang mga kabataan.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top