Chamni 41: Sa loob ng space dimension
"Steffy. Magtapat ka nga. Ano yung sinasabi mong life and death contract? Bakit di namin yun alam?" Tanong ni Asana.
Inilabas naman ni Steffy ang libro ng Mysteria kung saan nakasulat ang lahat ng lihim at mga kaalaman sa mundong ito.
"Lahat ng gusto mong malaman nakasulat sa librong iyan." Sabi ni Steffy. "Malalakas na kayo, siguro naman maaari niyo ng alamin ang mga pagkatao niyo."
Nagkatinginan ang mga kaibigan saka kinuha ang libro.
Kinausap naman nina Steffy sina Zin at ang siyam na mga kasama.
"Kailangan niyong maging malakas. Pansin kong tapat kayo sa tungkulin niyong magprotekta sa mga kaibigan ko." Panimula niya.
"May gusto ka bang sabihin sa amin? Handa kaming makinig, sabihin niyo lang kung ano yun, Master." Magalang na sagot ni Zin.
"Kung napapansin niyo may kakaiba sa grupo namin. Hindi kami katulad sa ibang mga Chamnian na kilala niyo, ngunit hindi pa ito ang tunay naming katauhan. Kung gaano kami ka kakaiba at di karaniwan sa mga mata ng iba, hindi rin pangkaraniwan ang panganib na naghihintay sa amin. At ang sinumang susunod sa amin kailangang maging malakas."
Napayuko ang sampung mga kawal. Alam nilang mahina sila kumpara sa mga kabataang ito. Lalo na nang matuklasan ang tunay nilang mga lakas at kapangyarihan. Pakiramdam nila wala silang kwentang pagkakawal.
"Kailangan ko ng mga secret bodyguards para magbantay sa mga kaibigan ko. Ngunit kailangan ko ng mas malakas na tagapagbantay."
"Handa kaming maging malakas ngunit hindi namin alam kung mahihigitan ba namin ang mga kaibigan ninyo kamahalan." Sagot ni Prim. Hindi niya alam kung paano tawagin si Steffy. Panginoon? Master? Pero hindi si Steffy ang Master niya. Kaya kamahalan na lamang lalo pa't may hinala silang mula sa lahi ng mga Zaihan si Steffy. Hindi pa man sila 100% sure ngunit posibleng totoo ngang isang prinsesa ng Zaihan si Steffy.
"Ang katapatan niyo lang ang kailangan ko at kung ibibigay niyo iyon, tutulungan ko kayong maging mas malakas."
Nagliwanag naman ang mukha ng mga kawal. Mabilis nilang iniluhod ang isang tuhod at inilagay ang isang nakakuyom na kamao sa nakabukang palad malapit sa dibdib at nanumpa ng katapatan.
Pumayag silang maging isang kawal ng CMA dahil iyon sa training nila bago maging isang tunay na kawal. Ngunit ang talagang pinangarap nila ay ang magiging royal knight. Masaya silang maging kliyente sina Steffy noong una dahil nakukyutan lang sila sa grupong ito at mukhang masaya silang kasama. Hindi nila inaakala na may hihigit pa pala sa mga kalokohang pinapakita ng grupong ito. At natuklasang may koneksyon sila sa royal family.
Ngayong binigyan sila ng pagkakataon para magiging isang tunay na kawal, handa nilang gawin ang lahat magampanan lamang ng tama ang trabaho nila at di nila bibiguin ang tiwalang ibinigay sa kanila ng prinsesa ng Zaihan. Ang prinsesang sa kwento lang nila naririnig noon.
"Aalisin ko lang ang life and death contract kung hihilingin niyo at kung nagtraydor kayo. Sa pagkakangayon mamarkahan ko na muna kayo." Paliwanag ni Steffy at inilabas ang isang jade seal. Ang Empire seal ng Mysteria na inaakala ng lahat na nagiging polbo na.
"Ang markang ito ang palatandaan na mga kawal kayo o tagapagbantay sa sampung piniling lider ng lahat ng mga pinili."
"Sabihin niyo sa akin kung sino sa aming magkakaibigan ang inyong pagsisilbihan ngunit isa lang sa bawat isa sa amin." Paliwanag ni Steffy. Una niyang nilagyan ng marka ay si Zin na piniling siya ang pagsisilbihan.
"Bukod sayo marami pa akong mga tagapagbantay ngunit ilan sa kanila ay di ko kakampi at may sarili silang mga amo na sinusunod. Kaya ikaw ang kaunaunahang minarkahan ko bilang isang tagapagbantay na ako mismo ang pumili."
"Maraming salamat sa tiwala mo kamahalan. Ipapangako kong magiging tapat ako sa inyo at handa akong iaalay ang buhay ko para sa kaligtasan ninyo." Sagot ni Zin.
Halos magtatalon siya sa tuwa makita ang marka malapit sa hinlalaki at hintuturo niya. May letrang H sa gitna ng isang bilog na maliliit na simbolo. Ang markang ito ay marka na nagmumula sa isang Empire Seal. Ang Empire seal na pinagmamay-ari ni Jiro. Ang sinaunang Mystikan na pinaniniwalaang siyang lumikha sa buong Mysteria.
Ang sinumang may hawak sa Empire Seal na ito ay kikilalaning pinuno sa buong mundo ng Mysteria at ang may karapatang mamahala sa mundong ito. Naglaho ang Empire Seal sa Chamni nang magkagulo ang mga Chamnian dahil sa pag-aagawan para makuha ang Empire Seal na ito kaya naman itinapon ito ni Jiro sa labas ng Chamni at sinabing tanging ang karapat-dapat lamang ang makakakuha nito. Pagkatapos maglaho ng empire seal naglaho din si Jiro.
Hindi inaasahan ni Zin na makikita niya ang empire seal na sa libro lang niya nakikita. Kung nagulat siya mas nagulat ang mga kasamahan niya. Hindi lang sila isang ordinaryong mga kawal o Arkian ngayon kundi isa ng kawal na may marka ng empire seal. Hindi lang sila kawal ng mga estudyante ng CMA kundi sa royal clan ng Invincible clan ng Chamni at di lang yun, mga lider pa ng mga pinili. Ibig sabihin lang nito mas nakakataas na sila kumpara sa ibang mga kawal o mga Chamnian at mas mabigat ang tungkulin nila kumpara sa ibang mga kawal.
"Ipinapaalala ko lang. Kahit ang mga hari o reyna pa mula sa ibang kaharian ng Chamni, hindi niyo dapat niluluhuran. Kahit Mystikan man o ang emperatris o emperador pa ng Chamni at kahit si Jiro pa. Hindi niyo kailangang lumuhod. Tandaan niyo hindi na kayo ordinaryong kawal lang ngayon." Paliwanag ni Steffy.
"Pero pag may kinaiinisan kayo, luhuran niyo lang, at ang langit na ang bahalang magparusa sa kanila." Dagdag pa ni Steffy.
Sa Mysteria, may mga nilalang na hindi dapat luluhod sa ibang nilalang, at kapag lumuhod sila bilang pagbigay galang sa ibang nilalang, posibleng tatamaan ang mga ito ng kidlat o ba kaya may aksidenting mangyayari sa sinumang luluhuran nila. Bilang lamang ang mga nilalang na hindi maaaring lumuhod. Isa na doon ay ang mula sa angkan ng mga hari sa Arizon at Zaihan clan at iilan pang mga piling Mysterian.
"Isa lang ang bigyan niyo ng katapatan. Iyon ay ang mga dapat niyong protektahan. Hindi niyo rin kailangang magiging pormal sa amin. Mas gusto naming yung magkatropa lang ang turingan dahil mas komportable at mas masaya." Matapos kausapin ang sampung mga kawal iniwan na muna niya ito para tingnan kung ano na ang nangyayari sa loob ng space dimension at kung may nagbago ba ngayong mas lumakas na siya.
Pumasok si Steffy sa kanyang silid. Umupo sa kama at sinubukang pumasok sa loob ng dimension space niya. Natuklasan kasi niya na saka siya makakapasok kapag narating na niya ang Mystic rank master level. Walang nakakaalam sa tunay niyang rank maliban sa kanya.
Pinakiramdaman niya ang enerhiya sa paligid at pinakiramdaman ang dimension space hanggang sa makikita na niya ang dalawang dimension space sa loob ng katawan.
Sinubukan niyang i-teleport ang katawan sa loob ng dimension at ilang sandali pa'y naglaho na siya.
Bumagsak si Steffy sa isang mabatong lugar na ikinaungol niya. Napatingin siya sa mga batong may iba't-ibang hugis at kulay.
"Ang ganda ng mga batong ito." Sambit niya.
"Ito na kaya ang dimension sa loob ng aking katawan?" Nagtatalon ang puso niya sa tuwa dahil sa wakas nakakapasok na rin siya sa loob ng kanyang dimension. Ramdam niya ang pure energy sa loob at mas sagana ang enerhiya sa lugar na ito kumpara sa labas.
Kaya lang, nagtataka siya kung bakit hindi niya nakikita sina Histon at ang iba pa. Wala rin sina Yunic, Gellian at Jewel.
"Yunic." Tawag niya.
Ungol lamang ng isang nilalang ang narinig niya sa isip.
"Yunic. Nasaan ka na ba? Jewel. Gellian." Tawag niya pa sa mga alaga.
Naisipan niyang mag-teleport na lamang sa kung nasaan si Yunic.
Sumulpot siya sa isang lugar at namilog ang kanyang mga mata nang makita ang malaking black flame ang sumalubong sa kanya.
Napatigil sa paglalaban ang tatlong mga sacred beast at nanlalaki ang mga matang nakatingin kay Steffy na nababalot ng itim na apoy.
"Lagot ka." Sabi ni Gellian sa isang black unicorn.
Agad namang nilapitan ni Yunic si Steffy at sinuri kung ayos lang ba ito. Makitang hindi naaapektuhan ng itim na apoy si Steffy, saka pa siya nakahinga ng maluwag.
Napatingin si Steffy sa black unicorn. Mas kuminang ang mga balahibo ng unicorn at may mga makikinis na tila kaliskis ang nakalagay sa dibdib nito. Makinis, makintab at maganda rin ang malalapad na pakpak. May makikintab na ring mga kaliskis sa noo nito kung saan nakatubo ang isang piraso ng matulis na sungay.
"Woah, Yunic. Ang ganda ng katawan mo ngayon." Mangha niyang sambit at hinimas ang balahibo nito.
"Master, mas maganda ang balahibo ko. Tingnan mo. Tingnan mo." Sabi naman ni Jewel na lumilipad sa tapat ni Steffy. Nilipad ng hanging likha nito ang buhok ng dalaga.
Napatingin si Steffy sa gintong ibon na mas malaki pa sa katawan niya ang katawan nito. Maaari na nitong payungan si Steffy gamit ang isang pakpak nito.
"Tingnan mo, sobrang lakas ko na." Sabi ni Jewel at bumuga agad ng gintong apoy sa isang direksyon kaya napalingon si Steffy at nakita ang grupo ng mga kalalakihan na nagkakandarapa sa pag-iwas para di matamaan ng apoy. Ngunit may iba paring natamaan at natataranta ang mga itong hubarin ang mga kasuotan nila.
Tila may sariling mga buhay ang apoy at ang mga suot lang ng mga kalalakihang ito nasunog.
"Steffy. Buti dumating ka rin." Hinihingal na sambit ni Lucid na nakatakip sa bandang pwetan.
"Alam mo bang ilang taon kaming ginawang punching bag ng mga yan?" Sumbong ni Lucid kay Steffy sabay turo sa gintong agila at sa puting agila na kasing puti ng yelo.
Hinimas ni Steffy ang tuktok ng ulo ni Jewel. Tuwang-tuwa naman ang malaking gintong agila. Lumapag naman ang isang higanteng puting agila sa tapat ni Steffy. Namangha siya makitang ang laki na ng mga munting pipit niya. Ngunit mas nagulat siya sa sinabi ni Lucid na ilang taon.
"Ilang taon? Anong ilang taon? Dalawang buwan pa lamang kami dito sa Chamni a." Sagot ni Steffy ngunit natigilan makita ang mahabang buhok ni Lucid at ang bigote nito.
Halos di na niya makilala ang lalake kundi lang sa di nagbago ang boses nito baka pagkakamalan na niya itong ibang nilalang.
"Steffy." Tawag ng pamilyar na boses kaya agad siyang napalingon at sisigaw na sana ng ama, ngunit napatigil dahil mas bata kay Hisren ang nakita niya. Kundi lang sa mahaba nitong balbas at mahabang buhok baka aakalain niyang teenager pa ito.
Napalingon din siya kay Histon at tulad ng iba ang haba na ng mga balbas nila.
"Bakit ba para na kayong mga kambing at kabayo?" Nagtataka niyang sambit. Ang kikintab nga sana ng mga buhok nila pero ang hahaba naman.
"Para kayong mga baklang kambing."
Tatakbo na sana si Histon para salubungin ang kapatid ng mahigpit na yakap ngunit natapilok sa narinig.
"Sino ba kasing maysabing ikukulong mo kami dito? Ni wala kaming pang-ahit sa mga bigote namin. At kung di lang sa special energy sa paligid baka namatay na kami sa gutom." Sagot ni Histon na parang nagawan ng malaking kasalanan.
Nang makita ni Steffy sina Spyd at Izu, natawa pa siya makitang makakapal na rin ang mga bigote nila. Medyo may kahabaan na rin ang mga buhok ngunit di naman umabot sa balikat at di nababawasan ang kagwapuhan nila.
"Kuya Orion." Tawag ni Steffy at nilapitan ang lalake. Nagulat naman si Orion dahil napansin siya ni Steffy kahit sa dinami-rami ng mga nasa loob ng dimension na ito.
"Hindi ba ako nakita? Sabihin niyo nga bakit ako nilagpasan?" Di makapaniwalang tanong ni Hisren.
"Kasi para daw kayong kambing." Sagot ni Histon sabay tawa sa ama. Sinamaan naman siya ng tingin ng ama.
"Ikaw, mukhang kabayo." Sagot din ni Hisren bago talikuran ang anak.
"Kabayo ka daw." Sabi naman ni Histon kay Yunic. Si Yunic naman nabalot ng question mark ang ulo.
"Nanahimik lang naman ako dito o. Bakit ba ako nadadamay?" Naguguluhan niyang tanong at napatingin kina Jewel at Gellian.
"Kabayo." Panglalait naman ng dalawa. "Mukhang kabayo."
"Sinabi ng hindi ako kabayo. Dragon ako. Dragon. Isang dakilang dragon." Napipikon ng sagot ni Yunic. Wala talagang araw na di naglalaban o nagtatalo ang tatlong ito at nadadamay lang ang mga mandirigma sa loob ng dimension.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top