Chamni 33: Metal Monster

Nasa isang Inn sina Steffy ngayon. Nagpapahinga para sa susunod na paglalakbay. Habang nakapikit, naramdaman nila ang pagyanig ng lupa, kaya naman nagsibangon sila at nagtungo sa terrace.

"Parang may naglalaban sa hilagang bahagi ng Alastanya." Sabi ni Yushin.

"Dito lang kayo. Titingnan ko lang kung anong meron." Sabi ni Yushin sa mga kasamahan at kina Steffy.

Kaya lang, makikinig ba ang grupo nina Steffy? Nakagawian na nilang kapag lalo silang pagbawalan mas gagawin nila ang ipinagbabawal sa kanila.

"Nasaan na ang mga yun?" Tanong ni Yushin makitang bigla na lamang naglaho sa kinatatayuan sina Steffy.

Nahati sa dalawa ang grupo. Ang lima sa kanila hinanap sina Steffy at ang lima naman nagpunta sa kung saan nagkakagulo.

Kinakalaban ngayon ng mga Chamnian ang isang halimaw na may metal attribute. Gawa sa metal ang mga katawan nito na may  katawan at pansipit na katulad sa isang alimango.

Pagdating ng grupo ni Yushin sa kung saan may naglalaban, nakita nilang nandoon na sina Steffy at nanonood sa laban.

"Bakit kayo nandito? Alam niyo bang mapanganib ang lugar na ito?" Tanong niya.

Nagsitakbuhan ang mga Chamnian na naaapektuhan ng labanan at nahihirapan na rin ang mga mandirigmang Chamnian sa pakikipaglaban sa halimaw na ito, dahil hindi man lang naaapektuhan ang halimaw sa anumang mga bagay, kapangyarihan o elemento.

Maririnig ang mga pagsabog at ang mga sigaw ng mga nakikipaglaban sa metal monster. Nagliliparan din ang mga debris na likha sa labanan.

Isang bata ang nakakulong sa loob ng isang malaking tahanan.

"Ina!" Sigaw nito mula sa loob. Habang kinakalampag ang nakasarang bintana. Nababalot na ng apoy ang buong paligid ng tahanan, kaya lang, walang makakalapit dahil nasa tapat ng higanteng metal beast ang papabagsak ng tahanan kung saan naroroon ang bata.

Sa tapat ng tahanan ay ang ina na duguan at naipit ng tipak na puting bato ang kalahating katawan. Hindi na ito gumagalaw.

Kaya hindi gaanong makaatake ang mga mandirigmang Chamnian na ito dahil sa pag-aalalang madamay ang bata kung aatake sila at mas lalong magalit ang halimaw. Baka aapakan o wawasakin na naman niya ang maliit na tahanan na ito kung nasaan ang bata.

"Gumawa kayo ng paraan para maibaling ng halimaw ang atensyon palayo sa kinaroroonan ng bata." Sabi ng isang mandirigma sa kasama.

"Ako ng bahala sa bata." Sagot naman ng may superspeed sa kanila.

Sakay ng espada, muling inatake ng tatlong mandirigma ang metal monster.

"Aya?" Pukaw ni Arken sa nakatulalalng kaibigan. Nanginginig ang mga kamay ni Aya habang pinagmamasdan ang batang nakakulong sa isang tahanan at umiiyak. May mga apoy na sa paligid ng tahanan at sa likuran ng tahanan ay ang metal monster.

Walang makikitang takot sa mga mata ng bata kundi pag-aalala. Pag-aalala dahil nakikita nitong nadaganan ng mga debris ang kanyang ina.

Napatingin ang bratty gang kay Aya dahil namumula ito at nanginginig. Habang sinasabi ang salitang ina ng paulit-ulit.

Bigla itong natauhan nang may bumuhos na malamig na tubig sa katawan niya.

"Steffy, bakit mo ko binuhusan ng tubig?" Hiyaw niya at napayakap sa katawan dahil sa lamig na nararamdaman.

"Nasa past ang utak mo. Binabalik lang kita sa present." Sagot ni Steffy sa kaibigan na parang basang sisiw na yakap ang sarili.

"Salamat." Pagpapasalamat naman ni Steffy kay Brix na siyang hiningan niya ng nagyeyelong tubig kanina.

"Maari bang samahan mo muna siyang magpalit ng damit?" Sabi ni Sioji kay Shaira.

"Sige. Halika na." Hinila ni Shaira si Aya at naglaho na ang dalawa.

Nagkatinginan ang magkakaibigan.

"Posibleng may naaalala na rin siya sa kanyang nakaraan." Sambit ni Sioji.

"Ibig sabihin lang non humihina na ang kapangyarihan na nagpalit sa mga alaalang meron siya." Sagot ni Asana.

"Anong nagpalit ng alaala?" Naguguluhang tanong ni Izumi.

"Wag niyong sabihing may natuklasan kayo tapos sinosolo niyo na namang tatlo?" Sagot ni Rujin na nasanay ng palaging tumatakas noon at nagpaplano palagi sina Steffy, Asana at Sioji na di nila alam. Kaya madalas silang naiiwan.

"Aba, walang iwanan. Baka mamaya mang-iiwan na naman kayo." Sagot naman ni Geonei.

"Ano ba kasing nangyayari? Bakit di niyo ikinuwento sa amin ang mga natuklasan niyo ha?" Sagot naman ni Hyper.

"Iniisip kong posibleng may nagpalit sa ating mga alaala at ang mga alaala na inaakala nating katotohanan ay siya palang gawa-gawa lang." Sagot ni Sioji.

Napaisip naman si Hyper. Maya-maya pa'y nagsalitang muli.

"Pinatapon ako ng mga magulang ko, posible kayang ako ang anak ng Emperador ng Chamni at ang long lost prince?" Napatigil sa kakapangarap ng itulak ni Steffy ang kanyang ulo.

"Wala akong nawawalang kapatid na katulad mo."

"Malay mo, ako pala ang anak sa labas ng iyong ama. Tingnan mo nga o. Magkakapareho tayo. Parehong magaganda at mga gwapo saka parehong cute." Makitang akma siyang batukan ni Rujin nagtago agad sa likuran ni Steffy.

"Mahiya ka nga sa mukha mo. Wag mo ngang ikukumpara ang mukha ni Steffy sayo. Wala ka sa kuko." Sabi ni Rujin.

"Wala talaga kasi nasa mukha ako." Sagot naman ni Hyper.

"Parehong mahangin maniniwala pa ako." Sagot naman ni Geonei ngunit agad itinikom ang bibig makita ang dalawang pares ng mga matang nakatingin ng masama sa kanya.

"Confidence tawag sa pagpupuri namin sa aming mga sarili hindi kahanginan. Ganda ko kaya." Taas noong sagot ni Steffy. Tumango-tango naman si Hyper bilang tugon.

"Siya kaya ang pinakamagandang babae sa buong mundo." Pamumuri ni Hyper.

"Si Stacey iyon, wag mong kalimutan." Paalala naman ni Izumi.

"Aba't, tahimik ka naman lagi e bakit di ka nalang manahimik diyan? Ako ang kaibigan mo hindi ang kapatid ko kaya ako dapat kinakampihan mo." Sambit ni Steffy sabay nguso.

"Hindi ako marunong magsinungaling." Sagot naman ni Izumi na ikinatulis pang lalo ng labi ni Steffy.

Napatigil sa pang-aasar si Izumi nang may biglang naisip. "Kung totoong iba ang alaalang naaalala natin sa tunay na nangyari, ibig sabihin ba nito na buhay pa ang ating mga magulang di ba? May pag-asa pa tayong makikilala sila." Napuno ng pag-asa ang mga mata ni Izumi dahil sa sinabi nina Steffy at Sioji.

"Ang prinsipe ng Vergellia. Posibleng may koneksyon ka sa kanya." Sabi ni Asana maalala ang mukha ni Daniel. Napaisip naman si Izumi. Hindi niya pinansin kung medyo magkahawig sila man sila ng lalaki pero di rin niya maiwasang magtaka.

Muling natuon ang pansin nila sa batang umiiyak. Naisip nilang tulungan ang bata ngunit wala silang balak na ipakita sa iba ang tunay nilang kakayahan kaya paano nila ito matutulungan?

Napatingin sila sa mga nakikipaglaban sa halimaw. Sa mahigit isang daang mga Chamnian nasa mahigit dalawampu na lamang ang nagpatuloy sa pakikipaglaban. Ang iba, ginagamot ng mga kasamahan, ang iba naman tinutulungang makalikas ang mga mamamayan na hindi agad nakakalayo.

Masyadong malaki ang halimaw at tila hindi rin naaapektuhan sa mga elementong binabato ng mga Chamnian dito.

Kahit binabato nila ito ng mga bolang apoy hindi parin natitinag. Ang iba naman pinaikotan ng kadena ang nasabing halimaw ngunit napipigtas lamang ang mga naglalakihang mga kadenang itinali nila sa katawan nito.

Ang mas malala, may kakayahang lumikha ng sound wave energy ang halimaw.

Makitang iaapak na sana ng halimaw ang isang paa sa tahanan kung nasaan ang bata, kinuha agad ni Steffy ang kanyang slingshot at kumuha ng Mysterian ore saka inasinta ang ulo ng halimaw.

Tumunog ang bakal na ulo ng tamaan ng bato. Napalingon ang halimaw sa sino mang may gawa nito.

"Hey! Nandito ako." Sigaw ni Steffy na naglakad palapit at dumaan sa mga nagtatagong mga Chamnian.

"Bakit mo tinawag?" Tanong ni Aries at napalunok ng laway makita ang halimaw na mabilis na naglakad palapit sa kanilang kinaroroonan.

"Wala tayong laban diyan. Tumakbo na tayo." Sabi naman ni Alora na makikitaan na rin ng takot ang mga mata.

Medyo lumayo-layo na ang halimaw sa kinaroroonan ng bata kaya mabilis na umatake ang mga Chamnian na naghihintay ng pagkakataon. Samantalang agad namang tumakbo ang lalaking may superspeed sa kinaroroonan ng bata. Kaya lang, hindi niya alam kung saan dumaan para mapasok ang bata sa loob ng papabagsak ng tahanan.

Makikita ang mga ibat-ibang kulay ng mga enerhiya na likha ng mga Chamnian at tumatama ang mga ito sa katawan ng halimaw. Kaya lang, hindi man lang ito naaapektuhan.

Napahinga naman ng maluwag sina Yushin at ang iba pa, makitang wala na sa kanila ang atensyon ng halimaw na ito.

"Masama to. Mga bata. Umalis na kayo dito." Sabi ng isang lalaking may battle armor. Ngunit bago nito matapos ang sasabihin isa na namang sound wave ang pinakawalan ng halimaw.

Tumilapon ang mga Chamnian na pinakamalapit sa kinaroroonan ng halimaw samantalang nagsibagsakan naman sa lupa ang mga nasa himpapawid. Tumilapon palayo ang tatlong pinakamalapit na nasa himpapawid, at bumangga ang mga katawan sa mga wasak na mga gusali. At hindi na muling gumalaw pa.

Napaluhod ang lalaking may superspeed na tumulong sa bata ngunit natamaan parin sila ng sound wave bago bumagsak sa tapat nina Steffy.

"Iligtas niyo ang bata. Pakiusap." Sambit nito bago lumuwa ng dugo. Yakap parin ang batang duguan at wala ng malay.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top