Chamni 23: Wag disturbuhin ang drama

Pinainom nina Izumi at Asana sina Zin at iba pa ng gamot. Habang ang sampung tagapagparusa hinila nina Steffy sa sahig kung saan nakaluhod kanina sina Zin.

Kung kanina sina Zin at ang siyam pa niyang mga kasama ang nakaluhod, ngayon naman, sina Leol na at ang sampung tagapagparusa ang pumalit sa posisyon nila kanina. Walang kahit sinong makalapit dahil nagiging bato ang sinumang mapapalapit ng ten meters ang layo kina Steffy.

"Alam niyo bang mapaparusahan kayo sa ginagawa niyong ito?" Tanong ni Leol. "Kapag malaman ng nakakataas na hindi niyo ginagalang ang mas nakakakataas sa inyo tiyak na ipapatapon kayo sa Damien. Lalo na itong pinapakita niyong kasamaan." Dagdag niya pa.

"Kung ipapatapon kami e dapat nauuna ka na? Sinaktan mo sina Kuya Zin at sinasabing dahil hindi nila nagampanan ng maayos ang tungkulin nila." Sabi ni Steffy.

"Bilang tagapagbantay tungkulin nilang bantayan ang mga binabantayan nila at tiyaking nakakapasok sa klase at hindi magpagala-gala sa kung saan ngunit hindi nila iyon nagawa kaya naman kailangan nilang maparusahan para magtanda." Sagot naman ni Leol.

"At bilang pinuno ng mga tagapagbantay, tungkulin mong pangalagaan ang katahimikan sa teritoryo niyo at wag hayaang may mula sa labas na makakapaghasik ng lagim dito. At kung di mo magawa mapaparusahan ka." Sabi naman ni Steffy.

Natigilan si Leol. Hindi maintindihan kung ano ba ang ninais iparating ng batang to.

Naglaho sina Rujin Hyper at Geonei. ilang sandali pa'y nakita nilang umuusok na ang iilang bahagi ng gusali na tinutuluyan ni Leol.

"Naturingan kang captain ngunit hindi mo nagawang protektahan ang sariling tirahan mo kahit ang mga tagapagparusang nasa pamamahala mo. Anong klaseng captain ka ba?" Sabi ni Steffy na ginaya pa ang tono sa pagsasalita ni Leol kanina.

"Mga bata lang hindi mo na magawang pigilan na manggulo sa compound niyo kaya paano ka nararapat maging isang captain?" Sabi din ni Asana.

"Mga baguhan lang hindi na kayang pigilan? Dinudungisan mo lang ang pangalan ng isang captain ng mga Arkian." Nakangiting sabi ni Sioji. Ngiting may halong panganib.

Naikuyom ni Leol ang kamao. Hindi niya inaakala na ang mga batang inaakala niyang mahihina ay kakaibang mga kakayahan at lakas na kahit silang mga nasa Mystic level ay walang magawa. Ngayon naiintindihan na nila kung bakit walang ibang magawa sina Zin kundi ang sundin ang anumang gusto ng mga batang ito dahil pala sa kakaibang mga kakayahan ng mga batang ito.

Napatingin siya sa sampung tagapagparusa. Namamawis ang mga ito at nanginginig ang buong katawan habang nababalot ng dugo ang kanilang likuran. May sampung nagkakrus na mga sugat na gawa sa latigo ang kanilang likuran. Ang malala, bali-bali na ang mga buto sa kanilang mga likuran.

"Tuluyan sila." Utos ni Steffy na ikinataranta ng sampung tagapagparusa. Hindi nila inaakala na magawa silang patayin ng mga kabataang ito.

Nababalot ng matinding takot ang kanilang mga mata. Napapadasal na rin ang iba sa kanila sa poong maylikha, at mas nanginginig ang mga katawan makitang naglakad palapit sa gawi nila ang siyam na mga kabataan.

"Patawarin niyo kami. Sumusunod lang kami sa utos." Pakiusap ng isa sa tagapagparusa.

"May pamilya pa akong naghihintay sa akin. Pakiusap, wag niyo akong patayin. Gagawin ko ang lahat ng gusto niyo wag niyo lang akong patayin." Naiiyak na pakiusap ng isa pang tagapagparusa.

Kanina, wala silang mga ekspresyon nang parusahan nila sina Zin ngunit ngayon takot na takot sila. Takot na takot na mamatay at pinagsisihan kung bakit nila sinunod ang iniutos ni Leol sa kanila.

Hindi natinag sina Asana at iba pa sa pagmamakaawa ng mga tagapagparusa at itinaas ang mga latigong hawak nila.

"Pakiusap, pakawalan niyo na sila. Kasalanan ko ang lahat kaya ako na lang ang patayin niyo." Pakiusap ni Leol makitang posibleng ikakamatay ng mga kasama ang susunod na hampas na ito.

May mga pamilya ang mga tagapagparusa at kung mamamatay sila nang dahil lang sa pagsunod sa utos niya, paano na ang mga pamilya nila?

"Kasalanan ko ang lahat kaya ako nalang ang patayin niyo. Wag sila." Pagmamakaawa niya. "May mga pamilyang naghihintay sa kanila kaya hindi sila dapat mamatay nang dahil sa kasalanang nagawa ko."

Naantig naman ang puso ng mga tagapagparusa sa sinabi ni Leol.

"Naaawa ka sa kanila? Pero hindi mo naisip na paano na rin ang mga nilalang na nagpahalaga sa kanila nang muntik niyo na silang mapatay kanina?" Sabay turo ni Steffy kina Zin.

"Alam mong ikakamatay ng mga tagapagbantay namin ang ikaanim na hampas pero hindi mo pinigilan. Nasaan ang awang nakapaloob sa puso mo? Wag mong sabihing ang mga tagapagparusa lamang ito ang nararapat mabuhay at hindi ang sampung tagapagbantay?"

Ang kaninang mga saksi na naantig na sana ang mga puso sa pagtatanggol ni Leol sa mga tagapagparusa ay nagbago ulit ng pananaw.

"Oo nga. Tiyak na ikamamatay na nina Hoffer ang huling hagupit pero hindi man lang pinigilan ni captain Leol at tila natutuwa pa. Tapos ngayon tinutulungan niya ang mga tagapagparusa?" Sabi ng isa sa mga Arkian.

"Mas mahalaga na ba sa kanya ang buhay ng mga tagapagparusa kaysa sa mga kapwa niya Arkian?" Sagot naman ng isa pa.

"Saka wala namang mabigat na kasalanang nagawa ang mga huwaran at sila pa nga ang dahilan kung bakit natigil na ang panggugulo ng mga Mystikan sa CMA. Pero sa halip na pasalamatan sila pinarusahan pa ang mga tagapagbantay nila."

Ang kaninang kumakampi kay Leol bigla na lamang kumampi kina Steffy.

"Ang lahat ng nananakit sa mga tauhan ko ay mamamatay." Mariing sabi ni Steffy at dumukot sa bulsa. Isang prutas na inilabas nito. Prutas na nakakalason sa kahit sino.

Namilog pang lalo ang mga mata ni Leol sa nakita. Kahit kaunting kagat lang ng prutas na ito ikakakamatay na ng kakagat nito. Kaya kung ipapakain sa kanya ang prutas na ito tiyak na katapusan na niya.

"Paumanhin sa nagawa naming kasalanan. Inaamin kong nagkamali ako." Mabilis niyang sambit na halatang natataranta at labis na natatakot. Nanginginig ang mga labi at buong katawan makita ang mapanganib na prutas na hawak ni Steffy. "Gagawin ko ang lahat, bigyan niyo lang ako ng isa pang pagkakataon para magbago." Naluluhang pagmamakaawa niya.

"Pakiusap, bigyan niyo kami ng isa pang pagkakataon. Nakikiusap ako." Pagmamakaawa niyang muli.

Napatingin siya kay Zin na may luha ang mga mata.

"Zin, patawarin mo ako."

"Kasalanan ko ang lahat. Naghahanap ako ng rason para makaganti sayo dahil lahat nalang ng gusto ko napupunta sayo. Lahat nalang ikaw ang gusto. Kaya nilamon ako ng inggit kaya patawarin mo ako. Pero sana wag niyo ng idamay ang sampung tagapagparusa dahil sa nagawa kong pagkakamali. Ako ang may kasalanan. Ako ang dapat maparusahan." Pagtatapat ni Leol.

Malungkot ang mga matang nakatingin si Zin kay Leol. Hindi niya inaasahan na ang kaibigan na itinuturing na niyang nakakatandang kapatid ay may matinding galit, inggit at sama ng loob sa kanya. Sa halip na magalit kay Leol ay sinisisi niya ang sarili.

Iniisip ni Zin na siguro nga ay di niya napapansin na kinuha niya lahat ang atensyon at pagmamahal ng Master nila na di man lang napagtuonan ng pansin kung ano ang posibleng marararamdaman ni Leol.

Mas malakas si Leol at mas matalino kaysa sa kanya pero mas mahal siya ng lahat dahil sa pagiging palakaibigan niya at mapagpakumbaba. Madali ring mapagpalagayan ng loob kaya mas paborito siya ng Master nila at mas gusto ng nakakarami. Samantalang napakaseryoso naman ni Leol at ginagawa lamang kung ano ang inuutos, saka masyadong tapat sa kanyang tungkulin o trabaho na isa din sa naging dahilan kung bakit siya ang nagiging captain. Ngunit mas lalo lamang dumidistansya ang mga kaibigan nila sa kanya at mas nilalapitan ang approachable na si Zin.

"Steffy, maaari bang patawarin niyo na sila? Kasalanan ko ang lahat. Kundi dahil sa akin hindi masasaktan ng husto si Leol." Pakiusap ni Zin. Ngayon naiintindihan na niya kung palage ng mainit ang ulo ng kaibigan niya sa kanya. Iyon pala, dahil hinayaan niya ang kaibigang ito. Hinayaan niyang makadama ng inggit, sakit, lungkot at pag-iisa.

Saka niya naalala dati. Na kapag nasa paligid siya hindi na nakikita at napapansin ng iba si Leol. At dahil mukhang malakas si Leol wala man lang nagtatanong kung ayos lang ba ito o kung nasasaktan ba. Lalo na noong minsan silang na-trap sa isang gubat na may mga Deiyo beast. Si Leol ang nagligtas sa grupo nila at nagpaiwan para makatakas sila.

Dumating si Elder Cid para iligtas sila. At dahil mas mukha siyang may mas malubhang sugat, agad siyang dinala ni Elder Cid pabalik sa CMA para magamot. Nakaligtaan na may naiwan pang disipulo sa gubat na siyang mas higit na nangangailangan ng tulong at ang mas may malubhang sugat kaysa sa iba.

"Patawarin mo ako. Kasalanan ko ang lahat." Paghingi ng tawad ni Zin kay Leol.

"Wala kang kasalanan. Ako itong ipinapairal ang makamundong nararamdaman at pinapairal ang imbot na hindi nararapat maramdaman ng isang Chamnian. Wala akong pinagkaiba sa mga makasalanang Mysterian. Kaya nararapat lang akong parusahan." Sagot ni Leol.

Iniisip niyang hindi niya dapat mararamdaman ang imbot at inggit sa kanyang puso dahil wala naman talagang mabigat na kasalanang nagawa si Zin at di naman nito sinasadyang kaligtaan siya palage o agawin ang lahat na para sana sa kanya. Pero nasasaktan parin talaga siya dahil pakiramdam niya, kung merong Zin sa mundo walang makakapansin na may nag-eexist na Leol sa mundo.

"Kung kakainin niya ang prutas na ito, makakalaya na ang sampung tagapagparusa. Kaya mamili ka, buhay mo o buhay nila?" Tanong ni Steffy at nilahad ang prutas na hawak sa tapat ni Leol.

"Steffy." Namimilog ang mga matang sambit ni Zin at mabilis na lumuhod. " Pakiusap, wag niyong kunin ang buhay ni Leol. Nakiiusap ako." Naitikom niya ang bibig ng tingnan siya ni Steffy.

"Wag ka ngang manira ng drama." Muling nanlaki ang mga mata ni Zin at nagiging ‘O’ ang bibig sa gulat nang marinig ang boses ni Steffy sa kanyang isip.

"Nakakabasa na ba ako ng isip?" Gulat niyang sambit sa isip niya.

"Kinakausap kita hindi sa nababasa mo ang nilalaman ng isip ko." Mas lalong nagulat si Zin sa natuklasan. Hindi niya inaakala na may kakayahan si Steffy na kausapin ang iba gamit ang isip. Ngayon naiintindihan na niya kung bakit nagkakatinginan lamang sina Steffy at ang mga kagrupo niya tapos nagkakaintindihan na agad sila. Iyon ay dahil kaya nilang makipag-usap gamit ang isip.

Naghiwa si Steffy ng maliit na piraso ng hawak na prutas at binigay kay Leol. Nanginginig ang mga kamay ni Leol habang inaabot ang isang maliit na hiwa ng prutas.

"Leol, wag mong gawin yan." Sigaw ni Prim.

"Pakiusap Leol. Nakakamatay ang prutas na iyan." Sabi din ni Rodney na halatang nag-aalala ang mga mata.

Makita ang pag-alala sa mga mata ng mga kaibigan, tumulo ang luha ni Leol. Hindi niya inaakala na mahalaga din pala siya sa mga kaibigan na tinalikuran na niya sa pag-aakalang kinalimutan na siya dahil may Zin na sila.

Mabilis na nagsiluhuran sina Prim at iba pa.

"Pakiusap dakilang shida. Pigilan niyo si Leol. Isa siyang mabuting captain. Hindi siya tunay na masama. Kami ang masama. Kami ang may pagkukulang. Pakiusap, wag niyo siyang hayaang mamatay." Mabilis na sabi ni Prim na kulang nalang humalik sa lupa para mapatawad ni Steffy si Leol.

Naantig ang puso ni Leol makita ang lumuluhang mga kaibigan at nakaluhod sa tapat ng isang Binibini. Ang mga kaibigan niyang iisa lang ang niluluhuran kundi ang kanilang Master lamang, nakaluhod ngayon sa isang babae na nasa katorse anyos pa lamang nang dahil sa kanya. Ang kaibigan na muntik ng mamamatay nang dahil sa kanya kanina, heto ngayon, nakikiusap para sa kanya.

Ngunit makita ang nahihirapang mga tagapagparusa, naisip niyang hindi dapat iba ang aako sa kasalanang siya ang may gawa. Kasalanan niya ang lahat kaya naman siya ang dapat maparusahan. Pumikit siya at isinubo ang slice ng prutas.

"Leol!" Sigaw ni Zin.

"Wag!" Halos panabay na sigaw nina Prim at iba pa.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top