Chamni 14: Magsilayas

Pinagmamasdan ni Headmaster Nehan ang storage room. Dito nakalagay ang halos lahat ng mga kagamitan at mga mahahalagang yaman na nakalaan para sa mga level 16 disciples.

Makikita ang nakahanay na mga shelves na may mga lamang mahahalagang mga libro, may mga shelves din ng mga magic artifacts, spatial items, teleportation items tulad ng teleportation stones or scrolls or teleportation orb. Kapansin-pansin din ang shelves ng mga deiyo beast cores, at iilang mga mamahaling uri ng mga bato ng Chamni. May mga gintong box ding nakahanay sa sahig kung saan nakalagay ang mga pera at mga mamahaling mga alahas.

"Wala pong ibang nawala dito maliban sa..." Sabay turo ng disipulo sa kisame at napatingin din sa gilid ng mga pader kung saan nakalagay ang patungan ng mga kandila. Ang kandila na isang taon bago mauubos kahit na araw-araw itong nakasindi at parang malilit na baso sa laki.

Wala na ang mga kandila na hindi basta-bastang nabibili ng basta-basta lang dahil sa special na sangkap na ginamit ng may gawa nito.

Nagtataka sila na kahit wala na ang mga kandila sa bahaging kinatatayuan nila ngunit may nagbibigay liwanag naman sa paligid.

Isang puting bato ang nakaagaw ng pansin ni Headmaster Nehan na nakalagay ngayon sa lalagyan ng kandila na nakasabit sa kesame. Itinaas niya ang isang kamay at lumutang sa gawi niya ang puting batong kasing laki ng hinlalaki niya.

"Headmaster, anong uri ng bato iyan?" Nagtatakang tanong ng kasamang disipulo.

"Isang dark illumination crystal. Ang isang crystal na katulad nito maaari ng magbigay liwanag sa isang bayan." Sagot ng Headmaster na mahahalata sa boses ang sobrang tuwa makita ang crystal. "Matatagpuan lamang ito sa arizon city at di basta-bastang nakukuha ng sinuman. Hindi ko alam na makakakuha ako ng ganitong uri ng legendary crystal." Pinaghalik-halikan ang crystal.

"Headmaster." Tawag ng kanyang disipulo.

"Bakit?" Tanong niya na naguguluhan.

"Yung labi niyo po." Nanlalaki ang mga mata ng disipulo habang nakatingin sa labi ng Headmaster.

Dito napansin ng HM Nehan na may kakaiba siyang nararamdaman sa kanyang labi. Napahawak siya dito at napansing lumubo ito at tila ba nagiging heartshape pa.

"Pfft."

"Tinatawa-tawa mo?"

"Wala po." Sagot ng disipulo at yumuko. Hindi na muling sumulyap sa Headmaster.

Pagbalik ni Headmaster Nehan sa kanyang opisina mabilis niyang tiningnan ang mukha sa salamin. Napasigaw pa siya at naitapon ang hawak na dark illumination crystal saka napatakip ng bibig.

"Ahhh. Anong nangyari sa labi ko?"

***

Masaya namang nakabalik sa kanilang mga dorm sina Steffy.

"Tingnan mo, may mga uniporme sa closet." Sabi ni Aya at kumuha ng isa sa mga nakahanger na uniporme.

Isang white long sleeve polo na may blue ribbon at pinatungan ng blue long sleeve coat, ang upper uniform at isang blue miniskirt naman ang pang ibaba na may kasamang minishorts.

Sinukat naman ni Steffy ang nakitang black shoes sa shoe rack. Habang si Izumi tinataas ang natagpuang mahabang medyas na aabot sa kanilang tuhod.

May mga undergarments naman silang natagpuan sa mga drawers.

"Meron pa dito, tingnan niyo." Tawag ni Shaira nang makakita ng apat pang uri ng uniporme sa apat pang mga closets. Isang flexible na tela ang ginamit para sa uniporme nila para sa isang duel at combat training. May magagarang damit din silang para sa etiquette class at iba rin ang uniporme nila para sa isang physical and combat training maging sa pagsasanay ng pagamit ng kanilang mga kapangyarihan at special na kakayahan.

May nakalagay ding maliit na libro sa kanilang mesa kung saan nakasulat ang schedule nila at ng iba pang mga estudyante. Nakasulat din sa libro ang iba pang impormasyon ng Academy maging ang mapa ng kabuuan nito.

"Lecture class natin bukas ng umaga at combat training sa hapon. Dalawang uniporme ang gagamitin natin pero maaari ding hindi na tayo magpapalit ng damit." Sabi ni Asana habang binabasa ang maliit na libro.

"Hay naku. Di pa nga ako nakakapasok tinatamad na ako. Sana naman ipapadala agad tayo sa isa sa mga misyong ginawa ng Academy." Sagot ni Steffy.

"Di ba pwedeng magpahinga naman tayo kahit sandali? Puro lakad lang iyang nasa isip mo e." Sagot ni Asana.

"Nakakapaghintay tayo pero ang Mysteria hindi ko alam. Hindi ko alam kung kailan sila mapapasakamay ng mga Mystikan." Sagot ni Steffy.

Natuklasan niyang sandaling naglaho ang harang sa buong Mysteria. At sa tulong ng mga makapangyarihang Chamnian, nakagawa ulit sila ng harang na katulad sa dating harang ang lakas. Pero hindi ito pangmatagalan at matatanggal na rin ito sa loob ng anim na buwan.

Sa sandaling paglalaho ng harang posibleng may nakalabas na mga Mystikan at may nakapasok naman na galing sa labas maliban sa kanila. Nawala rin ang kanyang koneksyon sa space dimension niya kaya hindi niya alam kung nakakapagteleport parin ba ang mga sundalo sa loob papunta sa saan mang parte ng Mysteria.

"Kung manganganib ang buong Mysteria ibig sabihin manganganib din ang mga pamilya natin. Paano kung saka natin sila natagpuan kung huli na ang lahat?" Seryosong sagot ni Steffy.

Naalala nila kung gaano sila ka-helpless dati. Wala silang ibang magawa kundi ang tumakbo at magtago laban sa mga tumutugis sa kanila. Paano kung ganoon din ang mga pamilya nila at hanggang ngayon pinagtutugis parin ng hindi lang Mysterian kundi pati Chamnian o Mystikan?

Saan sila magtatago at paano sila makakatakas? Isa sa mga katanungan ng kanilang mga isip. Lumakas sila dahil sa training ni Haring Yuji at Luimero at sa space dimension ni Steffy na sagana sa Mysterian at Chamnian energy. Pero ang pamilyang hinahanap nila. Paano kung mahihina parin ang mga ito? Makakaligtas ba sila sa mga tutugis sa kanila?

Aware sila na galing sila sa hindi ordinaryong angkan ngunit alam nila kung ano ang panganib na naghihintay sa angkan na kanilang pinagmumulan. Dahil kundi pa, hindi sana sila maipapatapon sa labas ng Chamni at di sana sila mahiwalay sa mga pamilya nila at magkawatak-watak.

"Di ba sinabi ko na hindi na tayo ang dapat na nagtatago. Tayo ang maghahanap. Hindi na tayo ang dapat tinutugis kundi tayo na naman ang tutugis." Sabi ni Steffy.

"Pero wala pa tayong mga kapangyarihan." Sagot ni Asana.

"Kaya nga dinala ko lahat ng mga mahahalagang bagay na pinagmamay-ari ni Ele Luimero at halos ubusin ko na ang yaman ng Arizon City at Naicron maging ang mga yaman ng Akrinian, isa ito sa dahilan. Magagamit natin ang mga magic artifacts at mga magic weapons na nakuha natin mula sa kanila. Saka bukod sa legendary shield na hawak noong tinatawag nilang Hakuah, hawak ko naman ang mga legendary treasures na hinahanap nila. Kaya magagamit natin ito laban sa kanila." Sagot ni Steffy.

Hindi niya ipinahawak sa mga kaibigan ang mga yamang hawak niya iyon ay dahil walang sino man sa kanila ang makakaprotekta nito bukod sa kanya. Alam niyang malalakas na ang mga kaibigan ngunit alam din niyang hindi parin sapat ang lakas nila laban sa mga tunay nilang mga kalaban.

"Nasa open sila habang nakatago tayo.  Kaya may lamang tayo sakanila." Sambit niya at ngumiti ng matamis.

"Anong trip na naman ba iyang nasa isip mo ha? Share mo naman para mas exciting." Sabi ni Aya. Kung wala sina Rujin, Hyper at Sioji si Aya lang talaga ang mas nakakasundo niya sa mga mapanganib na bagay na naiisip niya. Masyado kasing maingat itong si Asana.

"Papatayin natin sa inis ang mga Mystikan pero gagawin natin yon gamit ang pangalan ng CMA." Paliwanag ni Steffy.

Kung gagawa sila ng kolokohan sa mga Mystikan gamit ang pangalan ng  CMA, kailangan munang harapin ng mga Mystikan ang CMA bago makuha sina Steffy. Pero kung gagawin nila iyon na wala ang backer ng CMA, madali silang nakukuha at nahuhuli at di makukuha ang proteksyon o tulong ng CMA. Sa sitwasyon nila ngayon mas mainam na magiging backer nila ang pinakamalakas na paaralang katulad ng CMA.

"Kaya lang paano natin iyon magagawa?" Tanong ni Shaira.

"Mission guild. Pinoprotektahan ng CMA ang mga kabataang nagsasagawa ng mission para sa paaralan. Kalaban ng CMA ang mga Mystikan kaya posibleng may mission silang inilagay sa mission guild na laban sa mga Mystikan." Sagot ni Steffy.

Napatango naman ang mga kaibigan.

Kinabukasan sinundo na ulit sina Steffy ng limang mga Arkian sa pamumuno ni Zin. Ibang grupo naman ang sumundo sa mga kalalakihan.

"Alam niyo bang para tayong mga celebrities. Kasi naman may mga personal bodyguards pa tayo o." Sambit ni Steffy. "Mga nagagwapuhan nga lang."

"Sumakay na po kayo." Sabi ni Zin sa kanila.

"Wag niyo na kaming pino-po. Tawagin niyo na lang kami sa pangalan namin kung maaari at kung hindi naman tawagin niyo na lamang kaming Miss o ba kaya Young Miss." Sabi ni Steffy.

"Yang Mis?" Tanong ni Zin.

"Wag na nga lang. Ampanget ng tono. Binibini nalang. Basta wag niyo na kaming pino-po. Pakiramdam ko kasi mas matanda kami sa inyo."

"Masusunod po Binibini."

Naiilang na sagot ni Zin na ikinanguso ni Steffy. Napakamot naman ang Arkian sa ulo. Huminga siya ng malalim makitang sumakay na sa sasakyan na katulad lang din sa bus sa mundo ng mga tao sina Steffy, Asana at iba pa.

Kinakabahan siya sa totoo lang. Sino bang hindi kung kaharap niya ang mga descendants ng royal family ng Chamni? Ang royal family na hanggang sa kwento lang nila naririnig. Dahil hanggang ngayon wala pang kahit sino man ang nakakakita sa mga hitsura ng mga anak ng mga hari ng Chamni. Pangalan lamang ang alam nila ngunit hindi ang hitsura.

Hinahangaan nilang ng labis ang mga kabilang sa royal family at isa na sa humahanga sa kanila si Zin. Kaya nang matuklasan na isang prinsesa ang babantayan niya, nasasabik siya na kinakabahan. Walang nakakaalam na nagtatalon siya sa tuwa noong malamang magiging personal bodyguard siya ng prinsesa ng Zaihan. Ang pinakamalakas na lahi sa buong Chamni.

Ang pinagpapantasyahan ng mga Chamnian na sana makita balang araw ay makakasama niya palage. Alam niya ang mga panganib na naghihintay sa kanya sa pagiging tagapagbantay ng isang royal descendants pero handa niya iyong harapin magampanan lamang ng maayos ang kanyang tungkulin. Hindi man siya matatanggap na magiging royal knight sa paparating na Royal Knight emperial exam, ang mahalaga sa ngayon naging tagapagbantay na siya ng prinsesa ng buong Chamni kahit hindi siya emperial knight.

Pumasok na rin siya sa sasakyan makitang nakapasok na sina Steffy. Ang kasama niyang Arkian ang nagmaneho ng sasakyan.

***

"Ito po ang magiging paaralan niyo kama-amm. Shida." Sabi ni Zin kay Steffy.

"Woah! Tingnan niyo. Ang laki." Manghang sambit ni Aya.

"Ang tayog din ng gusali nila." Sagot naman ni Izumi.

"Teka, bakit wala pa sina Sioji?" Tanong naman ni Asana.

"Tungkol po sa bagay na iyan, magkaiba po ang paaralan nila at paaralan niyo. Magkikita lang kayo kapag oras na ng pag-aaral niyong gumamit ng mga sandata." Sabi ni Zin.

Nagsipasukan na sila at hinatid naman sila isang silid para sa lecture nila ngayon. Matapos maihatid ang mga kabataan, nagsilabasan ng muli ang mga Arkian.

"Sa palagay mo ba, magiging ayos lang sila?" Tanong ni Prim. Ang naatasang magbabantay kay Asana.

"Hindi ko alam. Napakaestrikto pa naman ng lecturer nila ngayon." Sagot ni Zin. Bukod sa mga class master katulad ni Master Biel may iilang subject Master ding nagtuturo sa mga mag-aaral ng bawat level. At isa na dito si Master Lingshi. Ang pinaka estriktong guro sa buong CMA.

Nakaupo na ngayon sa kani-kanilang mga upuan sina Steffy at hinintay ang kanilang magiging guro.

Hindi pinansin ang nagniningning na mga mata ng mga kaklase nila at ang mga titig na parang nakakita ng mga dyosa.

"Hindi naman na tayo mukhang bahaghari di ba?" Naguguluhang tanong ni Aya at tiningnan kung hindi ba nagiging kulay pulang muli ang buhok. "Itim parin naman a."

Habang nag-uusap sila nagbubulungan naman ang mga estudyante sa loob. Nasa limampu't anim na mga mag-aaral ang nandirito ngayon sa loob ng silid kasama na sina Steffy.

"Sabi ko sa inyo, mas magaganda sila kaysa sa pinakamagandang shida ng CMA." Bulong ng isang babaeng sixteen years old sa kasama.

"Ano naman kung maganda sila? Talino at talento parin ang mahalaga." Sagot naman ng kasama niya.

Sa isang sulok naman nakaupo si Aneysia habang nakatingin sa kinaroroonan nina Steffy. Sa totoo lang nahihiya siyang lapitan ang magkakaibigan. May mga presensya kasi silang parang nagbibigay ng kakaibang pressure sa sinumang lalapit. Isang pressure na nararamdaman lang nila kapag kaharap nila ang hari o reyna ng isang kaharian. Kaya naman kahit gustong lumapit ng mga estudyante upang magpakilala nawawalan sila ng lakas na loob na gawin yon sa tuwing mararamdaman nila ang kakaibang pressure mula sa lima.

Hindi kasi nila maiwasan na makaramdam ng kakaibang paghanga at ang pakiramdam na parang gusto nilang magbigay galang kahit na sila ang dapat bigyang galang nina Steffy. Ang mga baguhan kasi sa paaralang ito dapat magbigay galang sa mga senior nila dahil mas nauna ang mga ito. Ang mga senior naman ang aalalay o tutulong sa mga junior nila lalo na sa mga baguhan kung may maitutulong man ang mga senior.

Pumasok na si Master Lingshi. Ang lecturer ng level 6 class. Tinawag niya ang mga baguhan para magpakilala kaya naman nagsipagtayuan din sina Steffy. Ibinigay nila ang kanilang mga palayaw ngunit hindi ang kanilang buong pangalan.

Wala namang pakialam si Master Lingshi dahil sa numero naman ng mga estudyante siya bumabase kapag nagbibigay ng grades. At sa Feore din maipapasa ang mga rekords ng mga points ng mga mag-aaral na binibigyan niya ng puntos.

Pagkatapos magpakilala nagsimula ng magturo ang guro. Ibinahagi niya ang mga kaalaman na matagal ng alam nina Steffy. Tungkol lamang ito sa kung paano maipalabas ang potensyal ng mga kabataang hindi pa gaanong nakokontrol ang mga kapangyarihan.

"Sabi ko na nga ba, ayokong pumasok. Aantukin lang ako." Reklamo ni Steffy at humikab.

Sina Asana at Izumi naman gumagawa na ngayon ng mga potion. Sina Shaira at Aya naman nanonood ng mga palabas sa isang creen na bigla nalang lumitaw sa ibabaw ng mga desk nila. Galing ang screen na ito sa kaharian ng Akrinian. Isa sa mga kinuha nila sa mga opisyal ng Akrinian.

"Tingnan mo, makikita dito ang mga eksena sa Mysteria." Sabi ni Shaira habang pinapanood ang lumabas na tula mapa ng buong Mysteria sabay turo sa isang bahagi ng mapa.

Ni-zoom niya ang nakikitang lugar hanggang sa makita ang grupo ng mga mandirigma ang pumunta sa Haru Island. Pinamumunuan ito ng prinsipe ng Saidore na prinsipe Hairu.

"Steffy. Tingnan mo, pupunta sa Haru Island sina Daerin." Napatigil si Shaira makitang natutulog na ang kaibigan.

"Naiintindihan niyo ba ang sinabi ko?" Halos pasigaw ng sabi ni Master Lingshi makitang may estudyante siyang hindi nakikinig sa kanyang lessons.

"Ang mga hindi nag-aaral ng mabuti hindi karapat-dapat mag-aral sa lugar na ito. Hindi siya karapat-dapat na magiging isang Mystican. Kaya kung wala kayong balak makinig sa mga lessons ko maaari na kayong lumabas." Sabi niya sa limang estudyante na hindi nakikinig sa kanya.

Nagtaas naman ng kamay si Aya. "Master sigurado ba kayong maaari na kaming lumabas?" Masayang sabi ni Aya. Kinalabit pa si Steffy para magising. Hindi na gaya ng dati na nag-aalala sila kapag nagigising ito sa hindi tamang oras. Dahil magmula ngayong hindi nila nagagamit ang kanilang mga kapangyarihan hindi na rin nakakapaglakbay ang spirit ni Steffy sa ibang lugar. Kaya ayos lang kung gigisingin nila ito.

"Bakit? Tapos na ang klase? Kakaidlip ko lang a." Nagtatakang tanong ni Steffy.

Umasim naman ang mukha ni Master Lingshi. Hindi niya inaakalang matutuwa pa ang mga kabataang ito sa sinabi niya.

"Sabi ng guro na kapag di natin gustong maging Mystikan maaari na tayong lumabas." Sabi ni Aya na ikinaliwanag ng mukha ni Steffy. Sabay lingon sa gawi ng naninilim na mukha ng guro.

"Totoo po ba yon master? Ambait niyo po. Tara na. Labas na tayo." Masiglang sabi ni Steffy na lalong ikinagalit ng lalake.

Palihim namang nagtawanan ang mga estudyante sa sinabi nina Aya at Steffy. Ngunit nagsiyukuan makita ang nagngingitngit ng guro.

"Hindi niyo na ba talaga naiintindihan ang sinabi ko? Natutuwa pa kayo?" Di makapaniwalang tanong ni Lingshi. Kitang-kita sa ekspresyon niya na parang sinasabi na ‘galit na galit ako’ expression.

"Master, maari na ba kaming lumabas? Nakakaantok naman kasi ang klase e." Tanong ni Steffy at nagpeace sign habang nakangiti ng pilit.

"Magsilayas na kayo. At wag na wag na kayong bumalik pa."

"YES!" Panabay na sambit ng lima at naglaho agad sa mga inuupuan na parang mga kidlat sa bilis.

"Mahabaging panginoon. Ayoko pang mamatay ng maaga." Sabi ni Master Lingshi na napahawak pa sa puso.

Marami sa mga mag-aaral na gustong pumasok sa klase niya kaya naman hindi niya inaasahan na sa halip na humingi ng tawad ang mga kabataang ito o magi-guilty o baka naman matatakot sa kanya, tuwang-tuwa pa at ang bilis makaalis?

"Tingnan natin bukas kung hindi ba kayo magmamakaawang makapasok sa klase ko." Sambit niya pa at muli ng nagklase.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top