85: Lost City; Power Stage
"Lolo, bakit hindi natin suriin kung ano ang level ng kapangyarihan ni Steffy?" Tanong ni Sioji na excited ng malaman kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng pinsan.
Mabilis namang umiling si Haring Yuji sa narinig.
"Ito na lamang ang nag-iisang black jade pillar na natitira sa Emperialta. Kaya iniingatan ko ito. Ayaw kong masira rin katulad ng ibang jade pillar sa ibang mga lugar." Sambit ng hari maalalang nasira ang red jade pillar ng Servynx Academy, at white jade pillar ng Zaihan Empires Hero Academy.
"Bakit naman masisira? Gaano ba kalakas ang kapangyarihan ni Steffy?" Tanong ni Sioji.
"Isa na ba siyang Mystican level?" Excited na tanong ni Asana.
Umiling naman si Haring Yuji. "Hindi sa lakas ng kapangyarihan niya kundi sa kakayahang nakuha niya sa iba."
"Ang unang jade pillar na nahawakan niya ay nagiging tubig. Iyon ay dahil nauuhaw siya sa panahong iyon at nagiging tubig ang jade pillar. Sa pagkakatanda ko, may nahawakan siyang isang batang Chamnian na may kakayahang baguhin ang anumang bagay ayon sa naiisip nito. May kakayahan si Steffy na mangopya at magnakaw ng kakayahan ng iba at aksidente niyang nakopya ang kakayahan ng batang nahawakan niya. Pinaghihinalaan naming nagiging tubig ang white jade pillar dahil puro tubig ang nasa isip niya sa mga oras na iyon. Sa ikalawang pagsusuri naman nabasag ang red jade pillar at nahihirapan kaming buuhin itong muli. Sa pagkakangayon naman, walang laman ang utak niya kundi ang kumain ng kumain. Baka mamaya magiging pagkain pa ang jade pillar ng Arizon." Paliwanag ni Haring Yuji.
Napatangu-tango naman sila bilang pagsang-ayon dahil may posibilidad ngang magiging pagkain ang jade pillar dahil nang tingnan nila si Steffy, may hawak na naman itong piraso ng piniritong karne habang pinagmamasdan ang tanawin sa ibaba ng kanilang kinaroroonan.
"Ang cool naman ng kapangyarihan ni Steffy. Gustong-gusto ko ring magkaroon ng ganoong uri ng kakayahan." Nagniningning ang mga matang sambit ni Aya.
"Kung gaano karaming mga nilalang na may iba't-ibang kakayahan at kapangyarihan ang makakasalamuha niya ganoon din karami ng mga kakayahan at kapangyarihan ang posible niyang makukuha o makukopya. Kaya mas nakakabuti sa kanya ang makapaglakbay sa iba't-ibang panig ng mundo, kung gusto niyang mas magiging malakas at makapangyarihan."
"Huwag din kayong pakampante na malakas na kayo kumpara sa iba dahil lang sa nasa Invincible level na kayo or Mystic Soul level. Masasabi lang na malakas na kayo kapag narating niyo na ang tunay na lakas. Iyon ay ang Mystikan level. Hangga't hindi niyo nararating ang ganitong level ng kapangyarihan, hinding-hindi natin masasabing sapat na ang inyong lakas para protektahan ang inyong sarili at mga mahal sa buhay." Mahabang paalala ni Haring Yuji sa kanila.
Nahahati sa iba't-ibang stage at level ang kapangyarihan ng bawat Mysterian.
Mysterian's power level or basic level from weakest to strongest. Magsisimula ito sa Novice, Elite, Master, Grandmaster, Expert, at Invincible level. Ang Invincible level ang maituturing na pinakamalakas na level para sa mga Mysterian dahil bihira lamang ang nakakarating sa level na ito maliban na lamang sa mga Chamnian at iilang mga makapangyarihang Mysterian. Tinuturing na itong Godly level ng mga Mysterian.
Ngunit ang hindi nila alam na bukod sa Invincible level mayroon pang mas malakas na level ng kapangyarihan. Sa Invincible level magsisimula ang tinatawag nilang power stage. Magsisimula ito sa Invincible Stage na maituturing na first stage o pianakamahinang level ng kapangyarihan patungo sa power level ng mga imortal.
First Stage: Invincible level/Stage
Invincible stage sublevels: Invincible Novice, Invincible Average, Invincible elite, Invincible grandmaster.
Second Stage: Syanra Stage
Sublevels; Syanra Novice, Syanra Average, Syanra Elite, Syanra Grandmaster.
Third Stage: Mystic Soul
Sublevels: Mystic soul Novice and Mystic Soul Expert.
Fourth Stage and the strongest Stage: Mystikan Stage also known as the Godly or Immortal level.
"Paano po ba mararating ang Mystikan level?" Tanong ni Rujin.
"Kung ihahambing natin sa bilang ang magic power para mas madali niyong maunawaan, kakailanganin niyo ng isang libong Mysterian Ki para makakuha ng isang Chamnian Tzi, at kakailanganin niyo ng isang libong Chamnian Tzi para makakuha ng isang Mystikan Ren. At kung gusto niyong marating ang Mystikan level, kakailanganin niyo munang makaipon ng sapat na enerhiyang mula sa Mysterian Ki at Chamnian Tzi. Kung wala ang dalawang uri ng kapangyarihan o enerhiyang ito, mahihirapan kayong umangat sa ibang level. Isa sa dahilan kung bakit may iilang mga Mystikan ang bumaba sa Mysteria. Dahil kailangan nila ng Chamnian Tzi at Mysterian Ki sa mundong ito." Paliwanag muli ni Haring Yuji.
"Kung ganoon kailangan din naming pumunta sa Mystic Land kung gusto naming magkaroon ng sapat na lakas? Mahina ang Ren sa Mysteria kaya imposibleng makakakuha kami ng sapat na enerhiya para marating ang Mystikan Stage." Sambit naman ni Arken.
"Kailangan niyo munang marating ang Mystic Soul Stage bago poproblemahin ang Mystikan Stage." Sagot ni Haring Yuji.
"Kung kailangan nating libutin ang buong Mysteria para makaipon ng sapat na lakas, kailangan din nating mag-imbak ng maraming pagkain." Sagot ni Steffy. Nag-thumbs up pa ito sabay kindat sa kanila.
Napapailing naman si Haring Yuji. Iniisip kung bakit puro pagkain na lang ang laman ng isip ng kanyang apo.
Pagkalipas ng ilang araw, sunod-sunod ang mga report ang natanggap niya.
"Kamahalan, naglaho pong bigla ang laman ng imbakan ng mga pagkain."
"Kamahalan, naubos na ang lahat ng bunga ng nag-iisang puno ng Mystic tree."
"Kamahalan, wala na po ang mga mga kayamanan na nakalagay sa storage room ng palasyo."
"Kamahalan, naglahong bigla ang mga sandatang nakatago sa weapon storage room."
"Kamahalan..."
"Kamahalan..."
Gusto ng himatayin ng Hari sa sunod-sunod na ibinalita sa kanya. Pinakalma niya ang sarili at mahinahong tinanong ang huling kawal na nagbalita sa kanya.
"Nasaan na sina Steffy?" Tanong niya.
"Narinig ko pong pumunta sila sa dimension kung saan niyo pinapunta ang kanyang mga kaibigan." Pinagpapawisang paliwanag ng kawal.
Somewhere in Mystic Land...
"Habulin sila." Sigaw ng isang kawal habang hinahabol ang grupo ng mga kabataang nanggugulo sa kanilang kaharian.
Isang magic treasure na naman ang nawala sa kanila.
Abot tainga naman ang ngiti ni Steffy habang hawak ang Mystic Pearl na ninakaw niya mula sa isang palasyo.
"Ang daming mga kayamanan sa dimension na ito." Hindi mapawi-pawi ang mga ngiti niya sa labi.
"Ano bang misyon mo dito Izumi? Nakikipag-duelo ka rin ba sa kanila?" Tanong ni Steffy. Siya kasi, panay atake sa kanya ng mga halimaw at halos araw-araw siyang nakipaglaban sa loob ng Monsterdom sa loob ng ilang buwan. Hanggang sa wala ng sinumang nagtangkang makipagduelo sa kanya dahil sa takot at pagod.
"Iba ang misyon ko kumpara sa inyo." Sagot ni Izumi.
Nilagpasan lamang sila ng mga kawal na humahabol sa kanila dahil hindi sila nakilala ng mga ito. Madali lamang sa kanila ang magpalit ng aura at anyo. Kaya napakadali lang para sa kanila ang takasan ang mga Mystikan na ito.
"Kailangan kong magiging hero sa lugar na ito. Kailangan kong makaligtas ng isang libong buhay at makuha ang isang Mystic relics na nasa Ancient ruins ng lugar na ito. Para magawa iyon, nag-aral ako sa Haira Academy at sinikap na makasali sa mga estudyanteng maaaring sumama para makapunta sa ancient ruins. Syempre kailangan kong talunin ang mga bully kong mga kaeskwela at mga bully na mga Mystikan sa lugar na ito. Tinalo ko rin ang sikat na paaralan dito, ang Warlord Academy." Sagot ni Izumi.
"Nakuha mo ba ang relics?" Tanong ni Rujin.
"Ang relics na iyon ang siyang susi para makapaglakbay tayo sa mundong ito at sa Mysteria. At oo, nakuha ko ang ancient relics na pinag-aagawan nila sa lugar na ito." Masiglang sagot ni Izumi.
"Nandito na tayo." Sabi ni Aya sa kanila.
Napatingin sila kina Sioji at Hyper na siyang nagbabantay sa isang babaeng may katawang tao ang kalahating katawan at may buntot ng isda ang kalahating katawan nito.
Siya ang iniligtas nila mula sa palasyo ng lugar na ito.
"Nakuha na namin ang Mystic Pearl ninyo. Maaari na kayong bumalik sa inyong tirahan at buohin muli ang naglaho niyong harang." Sabi ni Steffy sabay abot ng hawak na Mystic Pearl sa babae.
Naluluha namang nagpasalamat ang babae sa kanila. Binigyan sila ng babae ng pulseras ba gawa sa mga perlas bago ito magpaalam sa kanila at bumalik sa ilalim ng dagat.
Masaya namang kumaway sina Steffy at muling nagtungo sa iba pang lugar.
Sa lugar na ito, kinalala silang dakilang makasalanang nilalang at dakilang kalaban ng mga nabibiktima nila at itinuturing naman silang mga dakilang tagapagligtas ng mga nilalang na natulungan nila.
Tuwang-tuwa naman si Steffy kapag nakikita niyang halos himatayin na sa galit ang mga magnanakaw na mga opisyal na ninanakawan nila.
Ang hari naman sa nasabing lugar hindi alam kung magpapasalamat ba siya sa mga misteryosong mga kabataan na bigla na lamang susulpot kapag kinakailangan at bigla na lang din naglalaho matapos pasakitin ang ulo ng kanyang mga opisyal.
Pagkalipas ng ilang araw at buwan. Naglaho na rin ang mapanggulong mga kabataan sa kanyang kaharian ngunit sunod-sunod naman ang mga balitang naririnig niya mula sa kaharian ng iba.
Napahinga ang haring ito ng maluwag nang marinig na nagkagulo sa Emperyo ng Warrior Clan at natigil ang plano ng mga itong sakupin ang kanilang kaharian dahil sa misteryosong mga kabataang naghahasik ng lagim sa nasabing lugar.
Sa pagkakataong ito, dinadasal ng hari na sana hindi na titigil sa panggugulo ang grupo nina Steffy sa Emperyo nang sa ganoon, hindi na matutuloy ang pinapangamba nilang labanan.
Kung dati dinadasal ng hari na sana tumigil na sa panggugulo ang grupo ng mga kabataang ito, ngayon naman, dinadasal niya na sana magpapatuloy sila sa panggugulo.
"Guluhin niyo pa ang Emperyo, isali niyo na din ang ibang mga kaharian pakiusap. Pangako, magtatayo ako ng altar na may rebulto ninyo, bilang pasasalamat sa pagligtas sa aming kaharian at sa aking mga nasasakupan."
"Hindi ko na sisingilin ang mga pagkain at mga prutas na ninakaw niyo. Hindi ko na rin babawiin ang kayamanang kinuha niyo sa kaban ng kaharian." Taos-pusong dasal ng hari.
Pagkalipas ng ilang araw, natuklasan niyang ang mga yamang ninakaw mula sa treasury ng palasyo ay ibinigay sa mga mamamayan na nangangailangan ng tulong.
"Kamahalan, bumuti po ang reputasyon niyo sa mga mata ng mga Mystikang nasasakupan ninyo. Nagpapasalamat sila sa inyong kabutihan at sa tulong na inyong ipinadala sa pamamagitan ng walong misteryosong mga kabataan." Pagbabalita ng kanyang tapat na Ministro.
"Kamahalan, nagpadala po ng handog ang bayan ng Kalpes bilang pasasalamat sa inyong mabuting kalooban. Dahil sa perang ipinadala niyo sa kanila, nakabangon muli ang kanilang bayan..."
Napuno naman ng katanungan ang utak ng Hari sa mga pasasalamat sa kanya ng kanyang mga nasasakupan na wala naman siyang ginawa ngayong nagdaang mga buwan kundi ang tugisin ang mga batang nagbibigay kaguluhan sa kanyang kaharian.
"Kamahalan, ang mga pera at yaman na ninakaw ng mga misteryosong kabataan mula sa kaban ng bayan at sa mga opisyal ay itinulong nila sa mga mamamayan na nangangailangan ng tulong pinansyal. Gamit ang pangalan ng hari, tinulungan nila ang bayan na nakaranas ng epidemya, at mga bayan na biktima ng pagbaha noong nakaraang taon. Nagbigay din sila ng sapat na pera para maitayo muli ang ilang mga bayan na nasira sa nakaraang digmaan."
"Nagbigay din sila ng malaking halaga sa mga libreng paaralan kung saan maaaring pumasok ang mga estudyante kahit walang pera. Ang mahalaga, mayroon silang mga abilidad na makakatulong para mapalago ang ating kaharian."
"Kamahalan, ginamot din nila ang mga Mystikan na may mga malulubhang karamdaman na hindi nagagamot ng sinumang mga Mystikan. Ginamot nila ang mga maysakit gamit ang iyong pangalan. Kaya, marami ang nagpapasalamat sa iyong kabutihan at pagkamapagbigay na hari. Kaya nakilala na kayo ngayon bilang huwarang hari na may pagmamalasakit sa mga nasasakupan at hindi na katulad dati na kilala kayong haring walang alam at walang puso." Dagdag naman ng isa pang opisyal.
Kung kanina lang ay nanghihinayang pa rin ang hari sa nawawala niyang mga yaman ngayon naman, halos sambahin na niya ang mga kabataang tumulong sa kanya para mapabuti ang kanyang reputasyon.
Pinaimbistigahan agad ng hari ang mga opisyal na ninakawan nina Steffy. At natuklasan niyang hindi pala nakarating sa mga mamamayan ang tulong at suporta na ipinadala niya noon dahil kinamkam pala ng kanyang mga opisyal na inatasan niyang mamahala sa mga rasyon at tulong na ipinadala niya sa mga bayan na biktima ng epidemya, natamaan ng sakuna at ng labanan.
Pinahuli niya ang mga opisyal na ninakawan nina Steffy at binigyan naman ng pabuya ang mga opisyal na tinulungan nina Steffy. Nagtayo rin siya ng paaralan para sa mga mahihirap at binigyan ng pagkakataon ang sinuman na mag-aral, may kapangyarihan man o wala. Binigyan din niya ng suporta ang paaralan na binigyan ng donasyon noon nina Steffy dahil nalaman niyang walang pinipili ang paaralang ito, mahirap man o mayaman, may pambayad man o wala na makapag-aral at matuto sa nasabing paaralan.
Kilala ang paaralang ito bilang Haira Mystical Academy. Dito rin nag-aaral ang mga kabataang mahihirap at walang sapat na pambayad para mag-aral sa ibang paaralan. Kung dati kilala ito bilang paaralan ng mga dukha, ngayon naman kilala ito bilang huwarang paaralan at paaralang pinagpala.
Pagkatapos magbigay ng sakit ng ulo sa ibang mundo, nagbalik na rin sina Steffy sa Mysteria.
Sumalubong sa kanilang paningin ang naniningkit na mga mata ni Haring Yuji.
"At saang lupalop na naman kayo ng mundo nanghahasik ng lagim ha?" Mariing sambit ni Haring Yuji na ikinalunok ng laway ng walo.
Ngunit ang kaninang natatakot bigla ring naningkit ang mga mata ni Steffy sabay turo sa Hari.
"Lolo, bakit puro halimaw ang nakakasama ko sa loob ng ilang buwan? Bakit sila ang gaganda ng mga lugar na napuntahan? Ang unfair mo. Pinadala mo ako sa mundo ng mga halimaw e ang dami naman palang magagandang lugar na dapat puntahan?" Napaungol siya nang pitikin ng Hari ang kanyang noo.
"Bakit kita ipapadala sa lugar na may mga magaganda at gwapo ha? Alam ko namang maliban sa pagkain ang hilig mong maghanap ng mga magaganda at gwapo. Sa halip na magsanay ka baka nanghahabol ka lang ng mga nagagwapuhang nilalang sa mga lugar na iyon." Katwiran naman ni Haring Yuji.
"Iyon na nga, puro mga mukhang halimaw ang nakikita ko. Kung wala si Hyper baka iisipin kong dyosa na ako, kasi ang papanget ng mga mukhang nakikita ko." Nakangusong sambit ni Steffy maisip ang mga nakakakilabot na hitsura ng mga halimaw na nakalaban niya sa monsterdom.
"Ayaw mo non? Magiging dyosa ka sa paningin nila dahil ikaw lang pinakamaganda?" Sagot naman ni Haring Yuji.
Umasim naman ang mukha ni Steffy at napapigil naman sa pagtawa si Hyper nang may maalala.
"Alam mo kahit ikaw na ang pinakapanget na nilalang na nakilala ko, titiisin ko kasi kaibigan kita." Naalala ni Steffy na sabi ng munting halimaw na naging kaibigan nila sa monsterdom. Kinaibigan niya ito dahil cute pero siya pala ang pinakapanget na nilalang sa mga mata ng cute na halimaw na iyon. Kaya naman allergic na ngayon si Steffy sa mga halimaw na cute. Mas gusto na niya ang mga panget na halimaw dahil nilulutuan pa siya, sinasamba pa.
"Bawal dyosa sa lugar na iyon, bakit mo ako pinapunta roon? Bakit di nalang doon sa napuntahan ni Izumi? Daming mga gwapo sa Warrior Empire. Lalo na sa Healer's clan. Para silang mga God's at goddesses." Natigilan siya makitang namutla si Haring Yuji.
"Saan ka'mo kayo napunta?" Tanong niyang muli.
"Sa napuntahan ni Izumi. May Warriors Clan, Healer's Clan, Elemental clan..."
"Wag na wag na kayong bumalik sa lugar na iyon maliwanag?" Seryosong sambit ni Haring Yuji na ikinatigil nila.
"Ano pong mali sa lugar na iyon Lolo?" Tanong ni Sioji.
"Mystic Land ang lugar na iyon. Kung matuklasan kayo ng mga Mystikan na may Mystikan Stage na kapangyarihan, siguradong wala kayong kawala. Kapag nahuli kayo, gagamitin nila kayo para makapasok sa mundong ito. At kapag may Mystikan na napunta rito, at sasakupin ang buong Mysteria, walang sinuman ang makakapigil sa kanila."
"Ipinadala ko si Izumi sa nasabing lugar, para makuha niya ang Mystic relics upang hindi mapapasakamay ng mga Mystikan. Dahil kapag napapasakamay nila ang relics na ito, wala ng pag-asa pa ang mundong ito." Salaysay ng Hari.
"Pinadala niyo si Izumi roon kahit alam niyong malalagay sa panganib ang kanyang buhay?" Hindi makapaniwalang tanong ni Steffy.
"Hindi ko katawan ang napasok sa mundong iyon Steffy kundi ang kaluluwa ko lang. Napasok ako sa katawan ng isang dukhang maharlika na nag-aaral sa Haira Mystic Academy. Ngunit matapos maikonekta ang Mystic relics sa aking kaluluwa, nadala ko ito pagbalik ko sa aking katawan." Paliwanag ni Izumi.
"Nasa dimensional space ko ang kanyang katawan. Sakali mang may mangyayaring masama sa katawan niya sa mundong iyon, babalik ang kaluluwa niya sa orihinal niyang katawan. Patay na ang dating may-ari ng katawan kaya namatay rin ang katawang iyon nang makaalis si Izumi. Kaya kahit saang lupalop ng Mystika nila hahanapin ang Mystic relic, hinding-hindi nila ito matatagpuan hangga't wala sa mundong iyon ang may hawak nito. Pero nagtungo kayo sa lugar na iyon na maaaring ikapanganib ng inyong buhay at sa buhay ni Izumi. Kaya wag niyo na itong uulitin pa."
Tumango naman silang walo.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top