49: Haring Finner

Napahawak sa kanyang ulo ang Hari ng Norzian matuklasang ang manggagamot na pinagkakatiwalaan niya at ang pinakasikat na bahay pagamutan sa kanyang kaharian ay pinamamahalaan pala ng mga Dethrin.

Kung hindi umatake ang misteryosong grupo na pinaghihinalaan nilang mga Superian or Naicronian, hindi niya malalamang matagal na palang napasok ng mga Dethrin at nanganganib na rin ang kanilang kaharian.

"Biglang naglaho ang ilan sa mga nagtatarabaho sa palasyo matapos makaalis sa Norzian si Doktor Rey." Sabi ni Count Mijares. "May iilang mga mahaharlika rin ang bigla na lamang nawala sa kanilang mga tahanan. Maaaring tumakas sila matapos malamang nagbabalik na ang mga Naicronian o maaaring nag-alala sila na mahuli ng mga Superian."

Matagal ng naglaho ang mga Naicronian. Hindi na rin sila nakikisalamuha sa mga Norzinian at kahit naglalaban-laban na ngayon ang iilang mga kaharian sa Emperialta, walang mga Naicronian ang dumating para pumagitna.

Ang mga Naicronian ang nagpapanatili sa kapayapaan ng kontinente ng Emperialta ngunit bigla na lamang silang naglaho at di na nagpapakita pa sa publiko pagkatapos mangyari ang paglilitis ng mga kabataang Pinili noon.

Kahit lumaganap na ang pandemya sa bawat kaharian at kahit anu-anong uri ng sakit ang bigla na lamang nagsisulputan, walang Naicronian ang dumating. Kaya, mas lalong lumakas ang kutob ng mga Mysterian na isa ang Naicron Academy sa mga naglahong lugar matapos ang paglaho ng kontinente ng Chamni at iilang mga bayan na dating tinitirhan ng mga Chamnian noon.

Kaya nabigla ang lahat maging ang Hari ng Norzian nang malamang biglang nagpakita ang iilang mga Naicronian at natuklasan din ng lahat na napasok na pala ng mga Dethrin ang Norzian at posibleng napasok na rin ng mga ito ang iba pang mga kaharian sa Emperialta.

Nagulantang ang mga Mysterian sa Norzian matapos malamang mga Dethrin pala ang mga manggagamot na nasa Bahay Pagamutan. Nalaman din ng lahat na may ini-eksperimentuhang mga Mysterian sa underground laboratory ng Bahay Pagamutan. Hindi naghinala ang mga Norzinian dahil wala namang mga nawawalang mga mamamayan sa kanilang lugar hanggang sa malaman nilang may mga nawawalang mga Mysterian pala sa karatig kaharian.

Ang mas pinoproblema ng Hari ng Norzian sa ngayon ay ang mga Mysterian na nagkasakit dahil sa ulang may lason. Parami ng parami na rin kasi ang bilang ng mga nasawi dahil sa lason na ito.

"Wala pa bang balita sa mga ipinadala natin sa Naicron mountain?" Tanong ni Haring Finner sa Kapitan ng mga pulang kawal na siyang namuno sa pagpunta sa Naicron Mountain para humingi ng tulong sa mga Naicronian.

"Hanggang ngayon, hindi pa rin nila natagpuan ang tarangkahan ng Naicron Academy." Sagot ng Kapitan ng pulang kawal.

Ilang araw na rin silang naghahanap sa gate ng Naicron Academy ngunit hindi pa rin nila ito katagpuan hanggang ngayon.

Sa Norzian, nahahati sa tatlong uri ang kanilang mga kawal. Ang pulang mga kawal na may kulay pulang kasuotan ang siyang may pinakamataas na ranggo sa lahat ng mga kawal. Ang pangalawa ay ang itim na kawal na mga secret knight ng Hari at siyang nagsasagawa sa mga lihim na misyon at ang panghuli ay ang puting kawal na kadalasang gumagawa sa mga simpleng misyon katulad nalang sa pagbabantay sa palasyo at sa mga pamilya ng hari o ba kaya siyang nauutusan sa mga simpleng mga misyon.

"Narinig naming may isang grupo ng mga kabataan ang bigla na lamang dumating sa Norzian. At ang isa sa kanila'y may dalang potion na kayang manggamot sa lasong nanggaling sa ulan." Sagot naman ng isa sa mga opisyal sa palasyo.

"Kung gano'n, dalhin niyo dito ang mga batang iyon." Muling nabuhayan ng pag-asa ang Hari. Naisip na posibleng mga Naicronian ang mga batang iyon.

Napayuko ang opisyal marinig ang utos ng hari. Nauutal na sumagot at sinabing "kaya lang, bigla silang naglaho na parang bula."

Muli na namang bumagsak ang balikat ng Hari sa narinig.

"Iniuutos kong dalhin niyo sa akin ang mga kabataang iyon kahit ano mang mangyari. Hanapin niyo sila at ang sinumang makakadala sa kanila sa akin ay bibigyan ng pabuya." Utos niya sa mga opisyal.

***

Lalabas na sana sa tahanan nina Mar sina Steffy ngunit hinarang sila ni Miro.

"Anong problema mo Miro?" Tanong ni Asana sa binata. Napatingin sila sa hawak nitong papel.

"Tingnan niyo." Sabi nito at pinakita ang mga larawan nina Asana na nakapinta sa papel.

"Woah. Ang cute ko dito. Patingin nga." Inagaw ni Aya ang papel at tiningnan ng maigi.

Nagsiksikan sila para makita ang mga mukhang nakapinta sa papel.

"Ang pangit ko dito. Tingnan niyo. Ang cute cute ko kaya bakit ang pangit ko naman dito?" Reklamo ni Steffy makita ang sarili. Sa kanilang lima siya ang hindi gaanong namukhaan dahil nakaalis agad siya sa tapat ng bahay pagamutan noon at di rin gaanong nakita sa miliston ang kanyang mukha kaya naman ibang-iba ang kanyang hitsura sa nakapinta sa papel. Kundi dahil sa kasuotan baka aakalain niyang hindi siya ang iginuhit sa papel.

"Para saan to?" Tanong ni Arken.

"Pumunta ako sa pamilihan kanina at nakita ko ang mga kawal ng palasyo na nagpapaskil ng mga larawan niyo at ang iba namimigay ng mga larawan niyo habang nagtatanong naman ang ilan kung may nakakaalam ba kung nasaan kayo." Paliwanag ni Miro.

Nagkatinginan ang limang magkakaibigan at napatingin kay Steffy.

"Di kaya dahil sa gamot na ibinigay mo sa magandang babae noon?" Tanong naman ni Asana.

"Posible." Sambit ni Steffy.

"Alam niyong dumarami na ang mga nasawi dahil sa lason na dala ng ulan sa lugar na ito. Kaya mapanganib para sa tulad niyo ang mananatili dito." Paliwanag muli ni Miro.

"May gamot tayo sa lason kaso ang dapat nating lutasin ay ang pinagmulan nito. Kailangang malaman natin kung paanong nagiging lason ang dating ulan sa lugar na ito. Dahil kahit gagamutin man natin ang mga maysakit, posibleng magkakasakit pa rin sila kapag naulanan dahil di natin alam kung kailan uulan ulit sa lugar na ito." Paliwanag ni Arken.

"Hindi iyon ang problema. Mas mapanganib kapag aandar na ang kasakiman ng mga Mysterian at posibleng may gagawin sila sa atin para lang makuha kung ano man ang hawak natin. Gano'n ang ilan sa kanila kaya di natin alam kung ano'ng mangyayari sa atin kapag may gamot tayo sa mga sakit nila." Paliwanag ni Izumi.

Tinulungan ng ina ni Izumi ang stepmother niya at kinupkop dahil walang matutuluyan dahil inabandona ito ng kanyang pamilya ngunit kasamaan ang isinukli ng stepmother na ito sa kanyang ina at inagaw pa ang kanyang ama. Pinagtangkaan siyang patayin ng stepmother na ito para lang makuha kung ano mang pinagmamay-ari ng kanyang ina.

Ilang beses na rin siyang nakasaksi ng mga Mysterian na pinagsasamantalahan ang kabutihan ng iba sa kanila. May iilan naman na ginagamit ang kakayahan ng iba para sa pansariling kasakiman. Kaya di niya maiwasang mag-alala kung sakaling malalaman ng lahat na kaya nilang gamutin ang mga Norzinian na nagkasakit dahil sa lason. At baka ikapahamak pa nilang magkakaibigan.

"Ganito nalang. Lagyan natin ng gamot ang mga pagkaing pinamimigay sa mga mahihirap at sa mga hindi afford magpagamot. Ngunit hindi tayo magpapakita at magpapakilala." Sabi naman ni Asana.

"Dapat ibenta natin ang mga gamot, alam niyo bang mahal to? Wala kaya tayong pera." Angal naman ni Aya.

"Oo nga no. Sayang ang pera. Kailangan din natin 'yon para di tayo mahihirapan sa paglalakbay at pagbili ng mga kagamitan at mga bagay na kakailanganin natin sa hinaharap." Sagot naman ni Asana na napapatango pa.

"Saka kailangan din natin ng pambili ng mga pagkain." Sagot din ni Steffy.

"Pagkain lang ba talaga ang iniisip mo? Di ba pwedeng pera para sa mga araw-araw nating pangangailangan?" Tanong ni Asana.

"Anong gagawin ko sa ibang bagay? Nakakain ba 'yon?" Inosenteng tanong ni Steffy. Napabuntong-hininga na lamang ang mga kaibigan.

Kinabukasan, bigla na lamang gumaling ang mga mahihirap na umaasa lamang sa mga libreng pagkain na pinamigay ng pamilyang Shinju. Ang Shinju family na pinagmulan ng pamilya ni Lara ang nagbuluntaryong mamigay ng libreng mga pagkain sa mga mahihirap. Ilang taon na nilang isinasagawa ang ganitong gawain at isa sila sa mga maituturing na huwarang angkan sa kaharian ng Norzian.

"Alam niyo bang gumaling ako matapos kumain ng siopao na pinamigay kahapon ng mga Shinju?" Pagkukwento ng isang ginang sa kakilala.

"Ako din, gumaan bigla ang katawan ko matapos makahigop ng sabaw na bigay nila." Sagot naman ng kakilala.

Dahil sa biglaang pagkagaling ng mga mahihirap muling sumikat ang pamilyang Shinju. Kaya lang, nang marinig ng mga mahaharlika na nakakagamot ang pagkaing nililibre nila sa mga mahihirap, pumunta sila sa lugar kung saan namimigay ng mga pagkain ang mga Shinju at nagpupumilit na bigyan sila ng pagkain o ba kaya ibigay sa kanila ang sangkap na isa sa dahilan kung bakit gumaling ang mga may sakit.

Maraming mga maharlika ang nag-unahan sa paglapit sa mga namimigay ng mga libreng pagkain. Tinaob ang mga kaldero at mga lutuan nang malamang wala ng natitira sa mga libreng pagkain.

"Sabihin mo kung magkano ang lugaw niyo at bibilhin ko." Sigaw ng isang maharlikang Norzinian sa mga alalay na namimigay ng mga pagkain.

"Paumanhin ngunit kanina pa naubos ang mga inihanda namin sa araw na ito." Sagot ng isang alalay ng mga Shinju.

Nilapitan ng isang maharlikang lalake ang tagaluto at hinawakan ang kuwelyo nito.

"Babayaran ko kahit magkano, sabihin mo lang ang sangkap na ginamit niyo kaya gumaling ang mga maysakit."

"Wala kaming alam. Ngunit may isang misteryosong nilalang ang nagbigay ng sangkap at pinahalo ito sa sabaw, kape o ba sa mga pagkaing niluluto namin. Ang sabi lang niya, tanging mga mahihirap lang ang maaaring makakakuha ng libre. Ang mga mayayaman kailangang pumunta sa ikapitong kalye."

Sa ikapitong kalye matatagpuan ang isa sa mga watch tower ng kaharian. May iilang kawal ang nagbabantay sa lugar na ito na siyang nagbabantay sa paligid.

Mabilis na nagtungo ang mga maharlika sa ikapitong kalye. Pagdating sa nasabing lugar, natanaw nila ang isang misteryosong nilalang na nakasuot ng itim na cloak at nakamaskara ng itim. Nakatayo ito sa itaas ng watch tower kung saan nakabantay ang mga kawal na naatasang magmasid sa paligid. May hawak ang misteryosong Mysterian ng maliit na bote habang nakatingin sa ibaba kung saan nagsiksikan ang mga Mysterian na gustong makakuha ng gamot.

Gusto nilang umakyat sa tore kaya lang nababangga sila sa invisible na harang. Ang mga kawal naman na siyang nagbabantay sana sa tore ay pumila na rin. Nagbabakasakaling makabili din ng gamot. Hindi rin naman sila makalapit dahil sa harang na likha ng misteryosong nilalang na ito.

***

Napakurap-kurap sina Mar, Miro at Lara makita ang perang nakalapag sa mesa at mga alahas at iilang mga rare treasures na pinagmamay-ari ng mga Norzinian.

"Di ba, ito yung espada ng ministro ng digmaan?" Tanong ni Miro.

"Ito yung bigay ng lalaki kanina nang magkulang ang perang dala niya para sa auction." Sagot ni Izumi habang tinitingnan ang espada bago pinasa kay Miro.

"Sa'yo na 'yan kung gusto mo." Sabi nito na ikinasinghap nina Mar, Miro at Lara.

Napalunok ng laway si Miro. Nanginginig ang mga kamay habang nakahawak sa espadang isa sa mga treasures ng Norzian kingdom. May malakas na kapangyarihan ang espadang ito at maaaring kontrolin gamit ang isip. Isa din ang espadang ito sa mga sandatang pinag-aagawan ng mga Norzinian.

"Sa akin na ito?" Tanong ni Miro na tila nanuyo ang lalamunan na halos di na marinig ang sariling boses.

"Wag kayong mag-alala. Hindi na nakakonekta ang espadang iyan sa dating may-ari kaya pwede mo ng kontrolin." Sabi ni Arken.

"Hindi basta-basta naaalis ang koneksyon ng isang Mysterian sa ganitong uri ng sandata. Kaya paano niyo nagawa?" Nagdududang tanong ni Mar.

Napatingin naman sina Asana kay Steffy.

Kanina kasi, para lang makakuha ng potion ang ministro ng digmaan, in-offer niya ang espadang dala-dala niya. Kailangan na niya ang gamot para sa kanyang tagapagmana na ayon sa healer na sumuri nito, ngayong araw nalang ang itatagal ng buhay niya.

Kumpara sa buhay ng kanyang anak at sa espadang pinahahalagahan niya, mas mahalaga ang buhay ng kanyang anak. In-offer na niya lahat ng mga mahahalagang bagay na meron ang kanyang pamilya ngunit hindi nito naagaw ang pansin ng misteryosong nilalang kaya naman in-offer niya ang kanyang espada.

Pwersahan na sana niyang putulin ang koneksyon niya sa espada kahit na magbibigay ito ng internal injury sa kanya at pagkawala ng kalahati sa Mysterian Ki na taglay niya. Ngunit di inaasahan ng ministro na biglang nawala ang koneksyon niya sa espada nang umangat ito sa ere. Hindi ito umangat sa ere, kinuha lang ni Steffy na naka-invisible kaya sa paningin ng iba, lumutang sa ere ang espada.

Kadalasang makikita sa Norzian ay mga Mysterian na may kakayahang lumutang o lumipad ngunit bihira lang ang may kakayahang maglaho sa paningin ng iba kaya hindi pumasok sa isip ng mga Norzinian na may invisible na mga Mysterian sa kanilang paligid. Ang inakala nila ay pinalutang ni Arken ang espada at inalis ang koneksyon ng Ministro ng digmaan sa espada nito.

"Ang talino mo talaga Arken, bakit di agad natin naisip ang ganitong paraan?" Masiglang sambit ni Steffy habang tinitingnan ang mga alahas at mahahalagang bagay na nasa harapan nila.

Hindi pinansin ang kakaibang tingin nina Mar, Miro at Lara sa kanya.

"Nakaya niyang tanggalin ang koneksyon ng Ministro ng digmaan sa espada nito na hindi napano ang Ministro. Kahit Chamnian sila, may Chamnian bang katulad niya? Anong klaseng nilalang ba siya?" Tanong ni Mar sa isip.

Si Arken ang nagpakita sa mga Norzinian kanina at nagmamasid lamang sina Asana sa paligid. Ibininta nila ang limampung bote ng potion at sinabing bukas na naman ang susunod na batch. Hindi lang pera ang tinanggap nila kundi mga bagay na nakaagaw sa kanilang pansin.

Nang malaman ng iba na tumatanggap din sila ng mga bagay, agad nilang in-offer ang mga mahahalagang bagay na meron ang kanilang pamilya kapalit ng isang bote ng potion o isang patak lamang nito. Nakadepende ang lahat kung gaano ka gusto nina Asana ang mga bagay na ipinakita nila.

"Gusto ko 'to. Isang sleeve bow na may maliliit na arrow na pwedeng itago sa sleeve." Nakangiting sabi ni Steffy habang tinitingnan ang maliit na sleeve bow.

"Mas gusto ko 'tong pera." Sagot naman ni Aya.

"Wag nga kayong maingay, nagbibilang pa ako e." Sabi ni Asana na nakalimutan na naman kung magkano na ang nabilang niya dahil sa ingay ng mga kasama.

"Wag mo na kasing bilangin. Paghatian na natin para di ka na mahihirapang magbilang diyan." Sagot ni Steffy.

Namili ng kukunin na mga bagay ang lima at iilang piraso ng gintong barya na magagamit nila sa Norzian. Ang natira ay ibinigay sa mag-asawa.

"Bakit sa amin niyo ibinigay ang pera na ito? Mas kakailanganin niyo ito." Sabi ni Lara.

"Yang na pera ang kailangan namin na maaaring magamit kahit saang bahagi ng Mysteria. Ang pera niyo sa lugar na ito ay nagagamit lamang dito." Sagot ni Izumi. Siya din ang nag-suggest na mas nakabubuting mga rare treasure ang tatanggapin nila kaysa sa pera dahil tanging Yang lamang ang maaaring gamiting pera sa kahit saang bahagi ng Mysteria.

Yang ang tawag sa international currency sa mundo ng Mysteria at ang gintong barya ay isa lamang sa mga perang ginagamit ng mga Emperialta at magbabago na ang value nito sa ibang kontinente at ang malala, may ibang mga lugar na hindi gumagamit ng gintong barya bilang pera. May hinala siyang hindi rin sila magtatagal sa Emperialta kaya mas mabuti kong mga treasure ang kukunin nila na maaaring maipagbili sa ibang lugar ang kukunin nila.

Mga yaman kapalit ng potion. Matutulungan nilang gumaling ang mga may sakit na Norzinian at magkakaroon naman sila ng mga yaman kapalit nito.

"Alam niyo bang ang mamahal ng mga gawa ng Norzinian sa ibang kaharian? Iyong mumurahing mga sasakyan dito ay napakamahal na kapag ibininta sa ibang lugar. Kaya, mamili tayo ng mga bagay dito na maaari nating ipagpalit sa mga kayamanan ng ibang kaharian. Malay natin at mapadpad tayo sa ibang kaharian di ba?" Sabi ni Izumi na alam kung gaano kamahal ng mga kagamitan na nanggaling sa Norzian.

Tiningnan ni Arken ang potion na meron siya. Tatlo na lamang ang natitira. Sa kanya kasi ang ibininta at ipinamigay nila kanina.

Sa palasyo naman, nanginginig ang mga kawal na inutusang pumunta sa watch tower. Pagdating kasi nila, naglaho na ang misteryosong nilalang. Ni hindi nila alam kung saan nagpunta basta naglaho lang bigla. Inutusan kasi sila ng Hari na dalhin nila sa palasyo ang misteryosong nilalang na ito.

Una, dahil nagdududa sila na baka Dethrin din ito at may binabalak na masama sa kaharian. Ikalawa, gusto itong makausap ng Hari para malaman kung kakampi nga ba ito o hindi dahil nangangamba na siya na baka matulad kay Doktor Rey na inaakala nilang savior ng kanilang kaharian, iyon pala'y may tinatagong kasamaan.

Pinapakita kasi ni Doktor Rey sa labas na isa itong mabait at mapagmalasakit na manggagamot kaya pinayagan siya ng Hari na magtayo ng sariling bahay pagamutan sa Norzian. Hindi inaasahang sa likod ng kunwari savior na bahay pagamutan, ay may tinatagong masamang lihim at nag-eeksperimento pala sila ng mga Mysterian.

Kaya ngayong may biglang dumating na misteryosong nilalang na nagboluntaryong tumulong sa mga mahihirap, hindi maiwasan ng Hari na mangamba na isa na naman itong pakana para sa malagim na plano. Kaya pinadala agad niya ang mga kawal para dalhin sa kanya ang misteryosong nilalang na ito ngunit nabigo sila.

"Maghintay kayo bukas at sikapin niyong madala siya dito sa palasyo." Utos muli ng Hari.

Nang makaalis ang mga inutusan niya, pinatawag agad niya ang kanyang panganay na anak.

"Pumunta ka sa watch tower at bumili ng potion. Kung maaari, kausapin mo ang misteryosong nilalang at kumbensihin na pumunta sa palasyo." Utos nito.

"Masusunod po ama." Sagot ni Finji. Ilang sandali pa'y nagpaalam na rin ito.

Bumalik naman ang Hari sa kanyang silid. Napabuntong-hininga na lamang siya maisip ang misteryosong nilalang na nagbibinta ng gamot. Hindi pill o Mysterian elixir ang dala nito kundi potion na kadalasang pangunahing gamot ng mga Chamnian.

"Kakampi ka ba o kalaban? Kung kakampi ka, ikaw na ba ang ipinadala ng Arizon Empire para iligtas ang mga Norzian?" Napatingin siya sa bintana kung saan makikita ang tuktok ng bundok ng Naicron.

Ang bundok ng Naicron ang maituturing na pinakagitna ng Emperialta. At ang Iceria forest naman ang maituturing na hangganan ng Emperialta at ng Hariatres. Samantalang ang Ifratus ang hangganan ng Mysteria papunta sa mundo ng mga tao.

Maituturing na ang Emperialta ang may maraming portal at isa na dito ang Naicron Mountain. Sa Naicron mountain matatagpuan ang portal patungo sa syudad ng Naicron at sa syudad ng Naicron naman matatagpuan ang portal patungo sa Arizon Empire. Ang isa sa naglahong Emperyo kung saan nasasakop ang mga kaharian ng Emperialta.

Kung wala ang harang na likha ng mga Arizonian at kung wala ang Naicronian, posibleng matagal ng nasakop ng ibang kontinente ang Emperialta. Ngunit ngayong wala ng mga Naicronian, hindi alam ni Haring Finner kung hanggang kailan sila masasakop ng ibang kontinente.

Marami ng mga kaharian ang nabura sa mundo ng Mysteria matapos sakupin ng mga Dethrin at ng iba pang mapanakop na mga tribu, ang mga kahariang mas mahina. Lalo na ang mga kaharian na nasa Celeptriz.

Sa loob ng anim na taon, wala ng ibang kaharian sa Celeptriz ang hindi nasakop ng mga Hanaru. At posibleng darating ang araw na matulad ang Norzian sa mga naglahong kaharian lalo pa't sa pagawa lamang ng mga transportation at sa pangangalakal lamang sila mas magaling kumpara sa ibang kaharian.

Bihira lang din sa mga Norzian ang may mga kapangyarihan na maaaring gamitin sa pakikipaglaban dahil kadalasan, paglipad lamang ang mga abilidad ng halos 80 percent ng mga mamamayan sa kaharian. Kaya napakahina nila kumpara sa iba.

Dinadasal niya na sana, hindi kakampi ng mga mananakop ang misteryosong nilalang na ito. Di bale ng hindi nila kakampi ang mahalaga, hindi rin sana nila kalaban.

*
*
*

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top