CHAPTER 7: Magic Pills
Third person's p.o.v
Tuwang-tuwa si Luimero makita ang potensyal ni Asana sa pagamit ng magic spell. Hindi niya inaasahan na mabilis itong matuto.
"Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo." Sabi ni Luimero at binalingan ng tingin si Seyriel para simulan na ang training nito. Ngunit wala na sa kinatatayuan ang bata.
Pumasok siya sa bahay para hanapin si Seyriel at nakitang nakaupo ito sa sofa habang nanonood ng palabas mula sa Diares. Ang Diares ay ang medium na ginagamit ng mga Mysterian para manood ng palabas. Katulad lang din ng Telebisyon ang function nito at Mysterian Ki ang ginagamit para pang-charge dito upang gumana.
Biglang umakyat sa ulo ni Luimero ang lahat ng dugo niya makitang nakadekwatro pang kumakain si Steffy. Ang kinakain nito ay ang level five magic pills na ilang taon niyang pinaghirapang gawin.
Ang Deiyo pill na kinakain para makapag-level up ng mas mabilis ang mga Mysterian. Ito ngayon, ginawang snacks ni Seyriel.
"Seyriel! Bakit mo kinain ang Deiyo pill ko ha?"
Muntik ng mapatalon si Seyriel sa gulat at agad sinubo ang natitirang mala-chocolate na Deiyo pill saka mabilis na kinain at nilunok.
Agad tiningnan ni Luimero ang lalagyan ng mga inipon niyang Deiyo pill. Nanlumo siya makitang isang piraso na lamang ang natira. Pati ang inipon niyang elemental pill na tumutulong para mas lalong lumakas ang taglay na elemento ng isang Mysterian, wala na ring natira.
"Seyriel!" Sigaw niya. Natanaw na lamang niyang kumaripas na ng takbo ang bata. Mabilis niya itong hinabol.
Nakita na lamang ni Asana na hinahabol ni Luimero at para silang mga aso at pusa na naghahabulan.
"Alam mo bang isa iyong Deiyo pill? Alam mo bang isang Deiyo pill lang ang nagagawa ko sa isang taon? Alam mo bang sampong taon bago ko maipon ang lahat ng mga yun?"
"Alam mo bang halos malibot ko na ang buong Mysteria makapag-ipon lang nga mga Deiyo pill at Elemental pills?"
Ang ilan sa mga Deiyo pill ay binili lamang niya at buwis buhay bago niya makuha ang mga ito. Pinag-aagawan ang dalawang pills na ito sa Mysteria at bihira lang din ang nakakagawa nito kaya napakamahal. Ngunit kinain lang ng batang ito.
"Akala ko kasi pagkain e." Sagot ni Seyriel habang iniiwasan si Luimero.
Napahawak si Luimero sa puno at hinihingal na nakatingin kay Seyriel.
"Bakit ako yata ang halos maubusan na ng hangin sa kakatakbo ngunit parang wala lang sa kanya?"
"Mahabaging Bathala. Ayaw ko pang mamamatay ng maaga dahil sa batang ito." Sambit ni Luimero habang nakahawak sa dibdib.
"Sorry na po. Hindi ko na talaga uulitin." Naka-peace sign na sabi ni Seyriel.
Anim lang sana talaga ang kakainin niya kanina kaso naisip niyang uubusin man niya o hindi, pareho lang ang kahihinatnan niya. Kaparusahan parin. Kaya naman naisip niyang sagarin nalang para sulit ang parusa ngunit di niya inaakalang napakahalaga pala ng bagay na kinain niya.
"Bawal kang kumain ng ilang araw. Iyun ang parusa mo." Sabi ni Luimero at tinalikuran si Seyriel.
"Bakit galit na galit si Luimero? Ano ba kasing ginawa mo?"
Napakamot naman sa ulo si Seyriel.
"Kinain ko kasi ang sinasabi niyang Deiyo pill at Elemental pill."
Namilog naman ang mga mata ni Asana.
"Alam mo bang nagpapatayan ang mga Mysterian makuha lang ang mga pill na iyan? Handang pumatay ang iba para lang makakuha ng kahit kalahating Deiyo pill."
"Anong nararamdaman mo pagkatapos?"
"Nabigla syempre. Para na akong kaakainin ni Ele e." Sagot ni Seyriel.
"Hindi yun. Ang ibig kong sabihin ano ang nararamdaman mo sa iyung katawan? Ginawa mong meryenda ang mga pills na puno ng Ki, kaya nakapagtatakang hindi ka sumabog."
Napahawak si Seyriel sa kanyang tiyan. Bukod sa mas gumanda ang pakiramdam niya wala naman siyang discomfort na nararamdaman.
Papalayo na si Luimero maaalala ang negatibong epekto ng Deiyo pill at Elemental pill kapag marami ang na-consume ng katawan.
Tumakbo siya pabalik sa kinaroroonan ni Seyriel at narinig niya ang sagot ni Seyriel sa tanong ni Asana.
"Tama. Kung masama ang epekto ng dalawang pill sa kanya, malamang kanina pa siya sumabog. Pero hindi. Anong klaseng bata ba siya?" Nagtataka niyang tanong sa sarili.
***
Kaharap ni Seyriel si Luimero.
"Bakit ganyan po kayo makatingin sa akin Ele?"
Nakahawak si Luimero sa kanyang bigote habang nakatitig kay Seyriel.
"Hindi ka napano kahit inubos mo ang dalawang uri ng magic pill sa isang araw. Hindi rin nagwala ang anumang enerhiya sa loob ng iyung katawan." Sambit ni Luimero.
"Susubukan ko muna ang lakas ng iyong katawan. Mula sa lakas, liksi, bilis, at kung gaano ka katagal mapagod."
"Pero Ele mas gusto kong matutong lumipad."
"Mangunguha muna tayo ng kahoy mula sa bundok." Sabi ni Luimero.
Nasa kalagitnaan pa lamang sila ng bundok, hinihingal na si Asana.
"Pasanin na lang kita." Sabi ni Seyriel.
"Paano siya lalakas kung papasanin mo siya?"
Agad na lumayo si Seyriel kay Asana.
"Ayos lang ako. Wag kang mag-alala."
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Hinihintay ni Luimero na sumuko na rin si Seyriel ngunit hindi parin niya nakitaan ng kahit kaunting pagod ang bata.
"Magpahinga na muna tayo." Sabi niya makitang nahihirapan na si Asana.
"Sandali lang, maghahanap ako ng makakain dito." Sabi ni Seyriel at tumakbo na sa kakahuyan. Makalipas ang ilang ilang minuto, tumatakbo na ito pabalik sa kanila at may dala ng mga prutas.
"Hindi ka ba napapagod? Tinakbo mo lang ang kakahuyan mula rito?" Takang tanong ni Asana.
"Mabilis naman akong tumakbo kaya walang problema sa akin. Saka mas matagal na akong mapagod kumpara dati." Inabutan niya ng prutas si Asana.
"Kahit ako, imposibleng hindi makakaramdam ng pagod paakyat baba ng bundok ngunit ang batang ito, parang wala lang sa kanya?"
Pagkatapos makapagpahinga, nagpatuloy na sila sa paglalakbay.
"Wag kayong humiwalay sa akin. Baka maligaw kayo sa portal at makapasok roon. Hindi natin alam kung saan kayo mapapadpad."
Si Seyriel na yata ang batang pag sinabihan na wag ay mas pipiliin niyang gawin.
"Ano kaya ang hitsura ng portal na sinasabi ni Ele?"
Natigilan siya nang makarinig ng kaluskos. Nahagip ng kanyang paningin ang isang pink na rabbit na tumakbo palayo.
"Ang cute ng rabbit." Hinabol niya ito at di napansin na napalayo na siya kina Asana at Luimero.
Natanaw niya ang isang liwanag. Hugis bilog ito at ramdam niya ang kakaibang enerhiyang nagmumula rito.
"Ano 'yan?" Naglakad siya palapit rito. "Di kaya ito yung portal na sinasabi ni Ele?
Kumuha siya ng maliit na bato at tinapon sa liwanag. Nakita niyang pumasok ang bato sa liwanag at naglaho.
Naglakad siya sa bandang likuran ng liwanag at tiniyak kung di ba lumusot sa likurang bahagi ang bato ngunit wala siyang makita.
"Ah baka di ko lang makita yung bato kasi maliit." Kumuha siya ng mas malaking bato at binato sa liwanag. Tulad ng nauna, naglaho rin ito na parang hinigop ng isang pwersa.
Kumuha ulit siya ng batong mas malaki pa sa kanyang ulo.
"Bakit ang gaan naman yata ng mga bato nila dito?" Binuhat niya ang malaking bato at tinapong muli sa liwanag.
Wala siyang kamalay-malay na nagbibigay na pala siya ng kaguluhan sa isang malayong kontinente ng Mysteria.
Nakaluhod sa isang stage ang isang 12 years old na batang babae. Nagmamakaawa ito sa hari at ilang ulit na humingi ng tawad.
Ang stage na kinatatayuan niya ngayon ay ang stage kung saan pinaparusahan ang lahat ng nakagawa ng malaking kasalanan.
"Tinulak mo sa hagdan ang sarili mong kapatid kaya nararapat kang parusahan. Nang dahil sa'yo, nalagay sa panganib ang buhay ni Prinsipe Zion." Sabi ng hari.
"Ang sama niya. Nagawa niyang saktan ang sarili niyang kapatid?"
"Narinig kong mas malapit kasi ang panganay na prinsipe sa ikalawang prinsipe kaya nainggit siya. Ang ikalawang prinsesa talaga ang balak niyang itulak ngunit ang unang prinsipe ang nahulog sa hagdan."
"Dapat lang siyang mamatay kaysa magdala lang siya ng kapahamakan sa ating kaharian."
"Nakagawa nga niyang patayin ang kanyang ina, ano pa kaya tayo?"
"Dapat siyang parusahan ng kamatayan."
"Parusahan siya ng kamatayan."
Dumami na ang sumisigaw na dapat parusahan ng kamatayan ang bata.
Lalo namang tumulo ang luha sa mga mata ni Izumi. Wala siyang kasalanan. Ang stepsister niya ang nagtulak sa kanyang nakatatandang kapatid ngunit walang naniniwala sa kanya kahit ilang ulit na niyang sabihin ang totoo.
May kakayahan ang stepsister niya na magpalit anyo ayun sa anyo ng iba at palagi itong gumagawa ng kasamaan gamit ang kanyang hitsura. Isa na dito ang pagbabalak ng masama sa kanyang nakatatandang kapatid.
Mas bata ng dalawang taon si Prinsesa Lara sa kanya. May maamong mukha at mahinang katawan kaya hindi aakalain ng sinuman na kaya na nitong gumawa ng kasamaang kadalasang matatanda lamang ang gumagawa.
"Ade, wala po akong kasalanan. Hindi ko po magagawang saktan si Aji Zion. Maniwala po kayo sa akin Ade." Pakiusap niya.
Cold na mga mata ang tugon ng hari na lalong ikinaluha ni Izumi. Siya ang tunay na anak ng hari ngunit mas pinaniniwalaan pa nito ang iba kaysa sa kanya.
"Kung wala ka talagang kasalanan, tutulungan ka ng langit." Sabi ng hari ng Zi Kingdom. Isa sa mga kaharian ng Wynx Empire na nasasakop sa kontinente ng Hariatres.
Wala pang ni isang pinarusahan sa gitna ng stage na ito na tinulungan ng langit. Isang haka-haka lamang na kapag pinarusahan ang isang walang kasalanan, magagalit ang langit at magbibigay ng palatandaan na ang pinarusahan ay walang kasalanan.
Tinawag na ng hari ang tagapagparusa.
Umakyat na sa stage ang isang maskuladong kawal na inutusan ng iba, para tiyaking ikamamatay ng unang prinsesa ang panghuling latigo.
"Dana, tulungan niyo po si Aye. Kawawa naman po siya." Ang umiiyak na pakiusap ni Prinsesa Lara.
Lalo naman niyang nakuha ang loob ng mga Mysterian sa paligid dahil umano sa kanyang kabutihan at pag-alala sa kapatid.
"Kahit sinisiraan siya ng kapatid niya, mahal parin niya ito. Kawawang prinsesa. Napakabait niya."
Mas lalo niyang nakuha ang loob ng mga Mysterian na dati ay nasa panig ni Izumi.
"Wag kang mag-alala, tutulungan siya ng langit kung totoong wala siyang kasalanan." Sabi ng reyna sa anak.
"Simulan na ang parusa." Utos ng hari.
Ngumiti ng palihim si Prinsesa Lara. Mawawala na rin sa wakas ang babaeng palaging nakakalamang sa kanya.
Itinaas na ng tagapagparusa ang latigong puno ng mga matutulis na metal at ihahampas na sana sa katawan ni Izumi ngunit isang maliit na bato ang tumama sa kanyang kamay na ikinabitaw niya sa hawak na latigo.
"Anong nangyayari?" Nagkatinginan ang mga Mysteriang saksi ngunit inisip na posibleng isa sa mga nanonood ang bumato sa tagapagparusa.
"Sino ang gumawa nun? Lumabas kayo?" Sigaw ng hari ngunit walang ni isa man lang ang sumagot.
"Ipagpatuloy na ang pagpaparusa." Utos ng hari.
Muling dinampot ng tagapagparusa ang latigo at hahampasin na sana si Izumi nang bigla na lamang may malaking bato ang bumagsak mula sa langit at pabagsak sa kinaroroonan niya. Agad siyang umiwas ngunit sa pag-iwas na ito, mas malaking bato ang tumama sa kanya na ikinatumba niya.
"Nagalit ang langit?"
"Imposible. Hindi totoo yan. May nagmanipula lamang sa mga bato." Sabi agad ng reyna na kinakabahan maisip na pinoprotektahan ng langit si Izumi. Ngunit pagkatapos sabihin iyun isang higanteng bato na mas malaki pa sa kanila ang bumagsak mula sa langit.
Mabilis silang umalis mula sa kinauupuan. Bumagsak ang malaking bato sa inupuan ng reyna at bumaon sa lupa.
Umulan na ng mga bato mula sa langit at minsan may kasama pang mga balat ng prutas o balahibo ng mga hayop.
Napatingala si Izumi sa langit. Tiningnan kung saan nga ba nanggagaling ang mga bato.
"Maraming salamat bathala. Salamat at tinulungan niyo ako." Natutuwa at naluluha niyang sambit. Ngunit napaungol siya dahil may tumama sa kanyang noo.
Nakita niya ang isang kulay dilaw na prutas na gumulong sa sahig.
"Yung pagkain ko, nasaan na?" Ang narinig niyang boses ng bata kaya napalingon-lingon siya sa paligid ngunit wala siyang makita.
Hindi siya sigurado kung narinig ba ang boses ng iba ngunit siya na lamang ang naiwang mag-isa sa stage dahil takot na nagsipagtakbuhan palayo ang mga Mysterian sa takot na siyang tamaan sa galit ng langit.
Muli siyang tumingala sa langit at natanaw ang isang maliit na mukhang nakasilip sa ulap. Kung hindi matalas ang kanyang paningin hindi niya matitiyak kung mukha ba ito o hindi.
"Batang Immortal? O anghel?" Sambit ni Izumi.
"Seyriel, ano ang sinisilip mo diyan?"
Dalawang mukha na ang nakita ni Izumi. Parehong may hindi pangkaraniwang ganda kaya naisip niyang mga Immortal sila na siyang tumulong sa kanya para makaligtas sa parusa.
"Umusod ka muna Asana. May nakikita akong batang babae na nanonood sa atin."
"Halika na kasi. Ipapakita ko sa'yo ang gubat ng Iceria. Gusto kong pumunta do'n."
Naglaho na ang dalawang mukha at mga ulap na lamang ang nakikika ni Izumi.
"Maraming salamat sa inyo. Hindi ko kayo makakalimutan." Sabi niya at naiiyak na pinagmamasdan ang bilog na prutas.
"Asana at Seyriel. Hindi ko kayo makakalimutan."
"Gubat ng Iceria." Sambit niya at niyakap ang hawak na prutas.
***
Hinila ni Luimero ang kuwelyo ng mga damit ng dalawang bata.
"Bakit kayo dumungaw sa loob ha? Paano kung nalaglag kayo?" Sermon ni Luimero sa dalawa.
"Nalaglag kasi ang prutas na hawak ko kaya sinilip ko lang kung saan napunta." Katwiran ni Seyriel.
"Alam mo bang nakakita ako ng palasyo? Tapos isang batang babae. Hindi ko lang mamukhaan kasi ang layo niya."
"Sa ibang lugar iyon. Kulay puti ang liwanag ng portal kaya posibleng susulpot kayo sa tapat ng isang lugar na mas marami ang gumagamit ng kapangyarihang tubig." Sagot ni Luimero.
"E kung pula?"
"Hindi ko pa nakitang naging pula ang portal kaya hindi ko alam. Kung green naman, mapupunta kayo sa lugar na may maraming nakakagamit ng halaman bilang sandata at kapangyarihan nila." Paliwanag ni Luimero.
"Di ba sinabi ko ng wag kayong lumapit kung makakita kayo ng portal ha?" Dagdag niya pa.
"Di ko po alam na portal ito? Iba naman ang ang portal na nakita ko e." Mahinang sagot ni Seyriel.
"Sumasagot ka pa. Di ba pwedeng opo lang ang isasagot mo?"
"Kapag nag-oopo ako lage, pakiramdam ko napakaplastik ko na. Kasi para akong nagpapanggap na masunurin tapos bibiguin ko lang din pala kayo."
"Hindi ko kasi alam kung matutupad ko ba ang anumang ninanais niyo kaya ayaw kong sabihing opo. Pipiliin ko lang po kung kailan ako mag-oopo o hindi."
"Bakit pa ba kasi ako pumayag na turuan kayo kung hindi niyo naman ako susundin?" Bumuga ng hangin si Luimero.
"Patawad po Ele. Sisikapin ko pong hindi na mauulit." Pangako ni Seyriel.
"Patawad po Ele." Sabi din ni Asana.
Lumambot naman agad ang puso ni Luimero.
"Nag-alala lang ako sa inyo. Sa susunod wag kayong lumapit sa mga portal na nakikita niyo."
"Opo." Sagot ni Asana.
"Naihanda ko na ang dadalhin niyo pababa. Bumaba na tayo sa bundok na ito." Sabi niya.
"Opo." Panabay na sagot ng dalawa.
Masiglang dinampot ni Seyriel ang mga nahuling mga magic beast. Mga magic beast itong bigla na lang umatake sa kanya. Hindi niya alam kung paanong tumitilapon sila sa bawat panahong ihaharang niya ang mga braso sa kanyang mukha.
Kahit wala siyang ginawa, nakakahuli siya ng mga magic beast. Hintayin lang niyang aatake sila tapos titilapon at manghihina. Saka niya huhulihin.
"Sandali lang. Bakit may walo kang nahuling bestri?" Tanong ni Luimero.
"Eh? Dinampot ko lang sa tabi-tabi."
Napangiwi si Luimero sa narinig. Nahihirapan siyang humuli ng isa tapos dinampot lang ng batang ito? Tinanggalan pa ng mga balahibo?
"Tinanggal ko na ng mga balahibo at kaliskis ang iba para ihawin nalang antin mamaya."
Napatingin si Luimero sa pulseras ni Seyriel. Naisip niyang posibleng may kinalaman ang pulseras nito kung bakit siya nakahuli ng mga bestri.
Bestri, ay ang tawag nila sa mga magic beast sa Mysteria na maaaring alagaan sa bahay at iniihaw kapag may handaan. Mga hayop sila na nagtataglay rin ng kapangyarihan ngunit mas mahina nga lang kumpara sa mga Bysteria.
Bysteria naman ang tawag nila sa mga magic beast na mas malakas ang kapangyarihan kaysa sa mga ordinaryong Bestri. Binubuo ng apat na uri ang Bysteria.
Una ay ang Bysel, mga magic beast silang ginagamit ng mga Mysterian bilang pet o sasakyan. Sila ang maituturing na pinakamahina kumpara sa ibang mga Bysteria.
Warbe, mga magic beast na ginagamit ng mga Mysterian sa pakikipagdigmaan. Mapanganib sila at hindi basta-bastang nakikipagkaibigan sa mga Mysterian.
Legendra. Sa kanila nagmumula ang mga pinuno ng mga Bysteria. Kung sa tao pa, sila ang Royal family at ang Warbe ang mga sundalo, habang ang Bysel ang mga alipin.
Mysticia. Sila ang mga Mystical Magic beast na once in a blue moon lang matatagpuan. Maituturing silang Immortal beast na sinasamba ng iba pang mga Bysteria at siyang pinakakinatatakutan sa lahat ng mga Bysteria.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top