CHAPTER 37: Mysterious Clan
Sa himpapawid ng Iceria at Ifratus, kapansin-pansin ang mga nilalang na may mahahaba at malalapad na mga pakpak. Iba't-iba ang kulay ng mga pakpak nila at mayroon silang mga puting kasuotan at mga puting kapa sa likuran. Kung titingnan mula sa malayo, maaari silang mapagkamalang anghel.
Sila ang pinakamalakas na angkan sa Hariatres at siyang nasa likod ng mga Wynxian. Kilala sila sa tawag na Superian.
Dumating sila sa Ifratus matapos makaalis nina Seyriel. Hindi lang sila ang nasa himpapawid kundi ang ilan pang mga Mysterian na nagmumula sa ibang kontinente at Emperyo.
Kabilang na dito ang mga Wynxian na nagmumula sa pinakamalakas na Emperyo sa buong Hariatres.
Napkunot ang noo ng isang Elder ng Superia dahil kanina pa sila naglilibot sa buong paligid ng Iceria ngunit hindi na nila natagpuan pa ang punong Gaines kung saan naroroon ang portal na magdadala sa kanila sa Yuanzang.
"May nakikita akong malawak na karagatan ngunit bakit kagubatan naman itong kaharap natin?" Nagtatakang tanong ng isang Wynxian Elementalist na si Elder Ruan. Nakasakay siya ngayon sa kanyang makapangyarihang espada.
Gamit ang kanilang makapangyarihang kagamitan, nakita nilang may malawak na dagat ang biglang lumitaw sa Emperialta at nasa direksyon ito ng gubat ng Iceria. Ngunit wala naman silang nakitang kakaiba maliban nalang sa pagkawalang bigla ng Punong Gaines. At di na rin nila makita pa ang dagat na napanood nila sa kanilang makapangyarihang item.
Nagtungo sila sa bayan ng Ifratus at natuklasang wala na ni isa man lang na naninirahan sa lugar.
"Mukhang nahuli na tayo. Inaakala kong sa Iceria lamang lumusob ang mga Dethrin ngunit pati na pala sa pinakamalapit na bayan ng Iceria ay ginalaw na rin nila." Sambit ni Elder Theo.
"Elder. May nakita akong napakalaking butas ng lupa sa gawing iyon." Sabay turo sa dating kinatatayuan ng tahanan ni Luimero.
Nagsiliparan sila patungo sa may malaking butas ng lupa.
"May Invincible stage na Dethrin siguro ang lumusob dito." Sabi ng isa sa mga Superian.
"Natagpuan kaya nila ang dalawang Pinili?" Sambit naman ng isa pang Elder.
Alam nilang lalabas lamang ang mga Dethrin kung may mga Pinili sa paligid. Lulusubin nila ang mga bayan o kaharian kapag malalaman nilang may isang Pinili sa lugar na iyon at hindi sila titigil hangga't hindi nakukuha ang lahat ng mga Pinili sa mundong ito.
Bumagsak ang mga balikat ng mga dayuhan maisip na posibleng hawak na ng mga Dethrin ang dalawang Piniling tumakas sa Emperialta.
Nagpadala sila ng mga tauhan sa lugar na ito, ngunit sugatan ang mga ito nang makauwi, na naging dahilan kung bakit napadpad dito ang grupo nila. Ang iba naman ay hindi pa nakakabalik kaya naisip niyang nabigo na naman silang mahanap ang dalawang Pinili na napadpad sa lugar na ito.
"Elder Ruan. Natagpuan na namin ang iba pang mga estudyante ng Wynx Academy. Nasa kanlurang bahagi sila ng Iceria ngayon at nagpapagaling matapos makasagupa ang ilang mga Dethrin sa Iceria." Pagbabalita ng isang kawal kay Elder Ruan.
Mabilis silang nagpaalam sa mga Superian at nagtungo sa Kanlurang bahagi ng Iceria.
Sa ilalim ng tubig naman, nakahinga ng maluwag si Gurdina dahil hindi natagpuan ng mga dayuhan ang kanyang tahanan.
Hindi niya inaakalang magpalutang-lutang lamang ang mga ito sa himpapawid at hindi nakikita ang malawak na tubig sa Iceria.
Napatingin siya sa isang lalaking may gintong buhok. Kahit ilang daang taon na ito, mukha pa ring teenager.
"Wag kang magpasalamat sa akin. Ginawa ko lang ito dahil sa pagbabantay mo sa lugar na ito at nagkataong nakakulong din ako dito. Pagpapasalamat ko ito sa'yo at sa batang dahilan para makalabas na rin ako sa Iceria." Sabi ng lalaking may gintong buhok.
Nagpaalam na ito sa kanya bago biglang naging gintong liwanag ang katawan hanggang sa maglaho.
Tiningnan naman ni Gurdina ang buong paligid ng Iceria gamit ang kanyang makapangyarihang salamin. Nakikita niya mula sa salamin ang tunay na anyo ng Iceria.
Ang Iceria ay binubuo ng malawak na dagat. Nakakonekta ang dagat na ito sa silangang bahagi sa karagatan ng Arizon Empire. Napapaligiran ng naglalakihang mga bundok na nababalot ng yelo at mga halamang nabubuhay sa kahit anong uri ng panahon. At ang gubat na nakikita ng mga Mysterian ay maliit na bahagi lamang ng Iceria. Ang mga Bysteria na nakikita nila at nakakasagupa ay ang mga ligaw lamang na mga magic beast mula sa pinakagitnang bahagi ng Iceria.
Nahahati rin ang lugar na ito sa tatlong rehiyon. Ang Yuanzang Fortress ay ang kagubatang bahagi ng Iceria. Ang Aristayl, ay ang lugar kung saan matatagpuan ang lawa na puno ng mga magical creatures, at ang hardin kung saan matatagpuan ang ibat-ibang uri ng mga pananim na dito lang makikita katulad na lamang sa bulaklak ng Flora at ng Icenia. Tanging sa Aristayl lamang matatagpuan ang ganitong uri ng halaman sa mundo ng Mysteria.
Ang huli ay ang Amythril na maituturing siyang tunay na pinakasentro ng Iceria. Napapaligiran ang lugar na ito ng mga bundok na yelo at dito rin matatagpuan ang ilang mga Mysterian Ore at mga mamahaling bato ng Mysteria na ginagamit ng mga Mysterian sa pagawa ng mga sandata at para madagdagan ang kanilang mga kapangyarihan. Sa dalampasigan nito makikita ang dagat na nakakonekta sa karagatan ng Arizon Empire.
Napakahalaga ng mga yamang nakapaloob sa Iceria. At dito rin matatagpuan ang isa sa lagusan patungo sa Arizon Empire.
Binabantayan ni Gurdina ang lugar na ito, dahil sa mga mahahalagang bagay na dito lamang matatagpuan. Ang Incenia at ang Mysterian Ore ay isa sa pinakarason kung bakit nakikipagsapalaran ang mga Mysterian na pumasok sa portal patungo sa Yuanzang Fortress, Aristayl, at Amythril.
Napailing si Gurdina dahil lumawak ang teritoryo ng karagatan dahil kay Seyriel. Nasakop na nito ang ilang bahagi ng Yuanzang Fortress at Sentro ng Iceria na dapat ay ang bahagi lamang ng Amythril ang may dagat. Ang ipinagtataka niya dahil mas tumibay ang bagong tubong mga halaman sa ilalim ng tubig kumpara noong wala pang tubig na bumalot sa paligid.
Bago mawalan ng malay si Seyriel noon, bumalik na sa dati ang buong paligid. Kung wala lang mga isda at tubig na bumalot sa kapaligiran, masasabi niyang mas gumanda ang paligid matapos gamutin ni Seyriel ang mga patay na lupa at mga halaman.
Dahil sa harang, hindi makakapasok ang tubig dagat sa paligid ng kanyang tahanan. Lalawak ang paligid na hindi natatamaan ng tubig depende sa kung gaano kalawak ang harang na magagawa niya at ng mga tauhan niya.
Nagbagong muli ang mga eksena sa kanyang salamin. Dito makikita na niya ang grupo nina Seyriel na napadpad sa Norzian Kingdom.
Ang inaakala niyang mapanganib at ilang araw na paglalakbay, ay di man lang naabutan ng ilang araw dahil nakarating na agad sina Asana sa Norzian Kingdom gayong dalawang buwan pang lalakbayin sa himpapawid at tatlong buwan naman ang lalakbayin kung sasakyang panlupa ang gagamitin nila.
"Sana hindi ako nagkamali sa desisyon kong ito." Sambit ni Gurdina.
Umaasa siyang matutulungan ng mga Naicronian ang kanyang anak para maging mas malakas ito at di kailangang mangamba palage dahil sa banta ng pagiging half-guardian beast nito.
Mas mapanganib sa labas ng Iceria para kay Arken ngunit hindi ito magiging mas malakas kung mananatili lamang siya sa Iceria kaya naisip ni Gurdina na mas nakabubuti sigurong maglakbay siya kasama sina Seyriel.
Mas mapanganib ang buhay nina Seyriel pag nagsama-sama silang lima, ngunit nagiging kampante si Gurdina dahil nalaman niyang si Luimero ang guro nina Seyriel at Asana. Ang maituturing na pinakamagaling na guro sa buong Chamni na hindi mapapantayan ng kahit sino mang Chamnian at Mysterian.
Hindi basta-basta ang pinagmulan nina Asana at Seyriel kaya natitiyak niyang may bukas na maghihintay sa anak. Hindi man siya sigurado sa kaligtasan nila ngunit umaasa siya na sana magkikita silang muli.
***
Sa isang kaharian naman, nanginginig ang mga paa ng mga Mysterian habang kaharap ang kanilang pinuno.
"Mga walang kwenta. Natakasan na naman kayo?" Sigaw ng isang lalaking nakaitim ng cloak na halos hindi na makita ang mukha dahil sa malaking hood nito.
Napayuko ang sampung Mysterian na kausap ng naka-cloak. Sa mahigit ilang libong ipinadala nila, silang sampo lamang ang natira na lalong ikinagalit ng kanilang pinuno.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top