CHAPTER 33: Nawasak na tahanan

Ilang araw ang lumipas, nagising na ring muli si Seyriel. Lumabas siya sa kanyang silid at natuklasang nasa ilalim na ng tubig ang tahanan ni Gurdina. May harang na nakabalot sa buong lugar kaya naman hindi napapasok ng tubig ang bakuran at ang tahanan. Kaya lang natatakpan ng tubig ang sinag ng araw na dahilan at di gaanong maliwanag ang buong paligid. Tanging ang mga lugar lamang na may mga ilaw ang maliwanag.

"Wag mong sabihing kagagawan ko ito?"

"Sino pa bang lumikha ng dagat? Isang maliit na lawa lang ginawang dagat." Sagot ni Asana at tumabi sa kanya.

Napaawang naman ang bibig ni Seyriel. Ang tubig na nakita niya sa kanyang isip noon ay nagiging totoo.

"Pero salamat na rin sa ginawa mo dahil hindi natagpuan ng mga Mysterian ang tahanan ni Gurdina." Sabi ni Asana.

Ikinuwento niya kay Seyriel na pagkatapos nitong makatulog, may mga Invincible level na mga Mysterian ang nagsidatingan at hinanap kung nasaan ang tahanan ni Asana.

Ang iba ay galing sa Hariatres ngunit may iilang nanggagaling sa misteryosong angkan. May mga Dethrin din silang nakilala na kabilang sa mga bisita.

Nakita nila ang mga ito sa makapangyarihang salamin ni Gurdina.

"Alam mo bang ang dugo nina Gurdina ay mainam na gawing sangkap sa pagawa ng healing pill? Kaya hindi maaaring makuha sila ng mga Mysterian na may masasamang balak sa kanila."

"Kaya naman pala pinagbabawalan tayo ni Ele na lumabas sa tahanan niya. Iyon ay dahil malalagay sa panganib ang ating buhay at magiging sangkap tayo ng mga healing pill ng iba."

Tumingala si Asana sa langit. Tanging mga tubig lamang ang kanyang nakikita.

"Kailangan nating maging mas malakas Seyriel. Iyon lamang ang paraan para matatalo natin ang mga nilalang na gustong ipahamak ang ating buhay." Seryosong sabi ni Asana.

Napapikit si Seyriel maalala ang mga eksenang nakikita niya sa kanyang panaginip. Hindi siya sigurado kung panaginip ba iyon o nagbabalik lang ang mga alaalang nakalimutan niya noong bata pa siya.

Nakakasira siya ng maraming buhay kapag nagpapadala siya sa galit. Hindi lang 'yon, mas nangingibabaw ang galit sa kanyang puso sa tuwing naalala niya ang imahe ng isang babaeng sinusunog ng mga Mysterian.

"Sino kaya ang babaeng iyon? Kilala ko ba siya? Bakit hindi ko siya maaalala?"

"Ano ang pasya mo? Pupunta ba tayo sa Norzian? Sabi ni Gurdina matutulungan daw tayo ng mga Naicronian para makontrol ang ating mga kakayahan."

Napahimas si Seyriel sa wrist niya kung saan nakalagay ang kanyang pulseras.

Kung malalagay sa panganib ang kanyang buhay aalisin lamang niya ang kanyang pulseras. Natanggal na ang purple thread na nakabalot sa kanyang crystal core ngunit pakiramdam niya may bagay pang pumipigil sa tunay na kapangyarihang meron siya. Hindi rin naglaho ang birthmark sa kanyang wrist, palatandaan na hindi pa tuluyang naglaho ang seal sa kanyang katawan.

"Mapanganib ang lugar na ito sa atin." Sabi niya maalala ang sinabi ni Luimero na hanapin nila ito sa Naicron Academy. Nagkatong doon din ang punta ni Arken.

Kailangan din namang lisanin nina Izumi at Aya ang lugar na ito sa pag-alalang baka masira ang Iceria nang dahil sa kanila.

May binabantayang lugar si Gurdina na dahilan kung bakit hindi siya makakaalis sa lugar na ito. Sa hinala ni Seyriel ay ang lugar kung saan siya naligaw noon.

Nilisan nila ang gubat at bumalik na sa bayan ng Ifratus. Ngunit mga sirang mga kabahayan at wasak na mga tahanan ang sumalubong sa kanila. Wala narin ang mga Mysterian na naninirahan sa Ifratus.

"Naligaw ba tayo?" Nagtatakang tanong ni Asana. Bakit kasi parang dinaanan ng bagyo at lindol ang buong bayan?

May iilang mga kalansay pa silang nakitang nakakalat sa kung saan-saan.

"May lumusob dito, habang wala tayo. Hindi ko alam kung ganito din ang nangyayari sa tahanan namin noon. At sa lugar namin." Sambit ni Asana. "Sana naman ayos lang si ama at ang iba pa." Huminga siya ng malalim at muling idinilat.

Nakarating na rin sila sa kinatatayuan ng tahanan ni Luimero.

"Yung tahanan ni Ele." Sambit ni Asana at nagmamadaling tinungo ang lugar kung saan sila naninirahan sa loob ng dalawang taon.

Isang malaking butas na lupa ang sumalubong sa kanilang paningin. Nanghina ang kanyang mga tuhod at napaupo sa lupa. Wala na ang nakatayong malaking bahay. Ang training hall nila, ang library, ang pagawaan nila ng mga potion at magical items. Higit sa lahat,wala na rin ang mga mahahalagang bagay na iniwan nila sa tahanang iyon.

Hindi niya dala ang pinakamamahal niyang spell book, ang mga mahahalagang libro para sa pagapapalago ng kapangyarihan, ang mga gamit nila at ang mga mahahalagang gamit ni Luimero.

Ang tanging makikita sa paligid ay ang mga naglalakihang butas na lupa. Ang mga bitak-bitak na lupa na maari ng pasukan ng isang katao. Ang mga kahoy na nagiging abo, at ang mga batong nabasag na wari isa sa mga babasaging bagay.

"Seyriel. Yung libro ko." Sambit ni Asana na halos maiyak na. Ngunit nang tingnan ang kausap nakadungaw lang pala sa malaking butas na lupa at tuwang-tuwa pa.

"Asana. Tingnan mo! Pwede ng gawan ng two deck underground training. Hindi na tayo mahihirapan pang magbungkal." Sabi nito na ikinatikom ni Asana ng bibig.

Bakit parang mas natutuwa pa ang isang to? Hindi ba nito naisip na ang daming mahahalagang bagay ang nawala sa kanila?

"Gan'yan lang reaksyon mo Seyriel? Wala na tayong tirahan gan'yan lang ang reaksyon mo?" Di makapaniwalang tanong ni Asana.

"Ano ba dapat?" Nakakunot noo niyang tanong na halatang nagtataka.

"Seriously? Kailangan pang itanong?" Napabuga si Asana ng hangin.

"Kailangan pa din bang magulat?" Tanong ni Seyriel pabalik na halatang wala lang sa kanya ang nangyari sa tahanan ni Luimero.

"Pupunta naman tayo sa Norzian di ba? Hindi rin natin matitirhan ang lugar na ito."

Ilang ulit na huminga ng malalim si Asana para pakalmahin ang sarili. Naiiyak siya na nanghihinayang. Naghahalo rin ang kaba at pangamba na baka meron pang mga kalaban sa paligid at hinihintay ang kanilang pagdating.

Napalingon-lingon siya sa paligid.

"Wag kang mag-alala. Wala ng iba pang presensya maliban sa atin. Saka wala na ang mga lumusob sa tahanang ito." Sabi ni Seyriel.

Wala na talaga dahil nagiging abo na sila.

Saka naman nakahinga ng maluwag si Asana. Ngunit nanlumong muli maalala ang mga magic items na pinagsikapan nilang gawin ni Seyriel, at ang paborito niyang libro.


"Wala na ang mga mahahalagang bagay na iniingatan natin maging ni Ele. Ano pang babalikan ni Ele rito? Saka yung libro ko. Di ko dinala." Nag-alala kasi siya na baka may mangyari sa kanila sa gubat o ba kaya manakaw ng iba ang libro niya, kaya iniwan niya ito sa kanyang silid. Hindi niya inaasahan na walang matitirang kahit isang bagay sa tahanan ni Luimero. Kung alam lang niyang mangyayari to, di sana'y dinala na lamang niya ang lahat ng mga gamit nila. Total may mga storage items naman sila.

"Wag kang mag-alala dinala ko lahat ng gamit ni Ele. Nag-alala nga ako na baka nakabalik na siya. Wala pa naman akong tinirang gamit pangloob niya." Sagot ni Seyriel at umupo sa isang malaking tipak na bato.

"Dinala?" Naguguluhang tanong ni Asana. Ngumiti naman si Seyriel at pinakita ang backpack. May kinuha siya sa loob na isang medyas at isang maruming pouch.

"Aanhin ko 'yan?" Nakakunot ang noo ni Asana.

"Storage items. Gawa ko yan. "

"Iyan? Storage items? Medyas at maruming pouch?" Nandidiring tanong ni Asana.

"Ayaw mo niyan? Yang pouch aakalain nilang lalagyan lang ng coins ng isang manlilimos. Iyang medyas naman, sinong magkakainteres sa baho ba naman ng paa ni Ele. Saka ito pa. Storage item na mukhang brief. Hindi nila aakalaing isa itong storage item na pwedeng lagyan ng mga mahahalagang bagay. O di ba ang talino ko? Purihin mo na ako." Sabi pa ni Seyriel at naghintay na mapuri kaso sinamaan siya ng tingin ng kausap.

"Sa dami ng dapat na gawin mong storage items iyan pa?" Di makapaniwalang tanong ni Asana.

Sina Arken naman, Izumi at Aya, iniisip na nagbibiro lang si Seyriel. Tanging mga master craftsman lang ang nakakagawa ng mga space ring, storage items or spatial items. Imposibleng makakagawa ang mga kabataang kaedad nila dahil ilang taon pang dapat pag-aralan ang pagawa ng mga spatial items or storage items. At higit sa lahat kailangan ang malakas na Mysterian energy para sa pagawa ng mga storage items na ito.

At saka may storage ring bang maruming pouch at mabahong medyas? Isang bagay na hindi nila kailanman maiisip.

"Kapag maganda ang gawa ko, maraming magkakagusto at baka nakawin pa. Mabuti ng ganito at aakalain ng sinuman na basura." Nakangiting sagot ni Seyriel.

"Wag mo nga kaming pinagloloko." Sagot ni Asana.

"Ayaw mong maniwala?" Ipinasok ni Seyriel ang kamay sa loob ng mabahong medyas at ng ilabas may hawak ng arinola. Gusto na tuloy mahimatay ni Asana.

"Iyan ang napakahalagang bagay na dinala mo?" Tanong ni Asana na napahilot na sa noo.

"Eh, namali lang ng kuha." Ibinalik ang arinola at muling dumukot sa loob ng medyas. "Ito na! Tyaran." Sabay pakita sa dinukot na bagay.

Nagkatinginan tuloy sina Izumi, Asana at Arken sabay tawa. Si Asana naman napanganga na lamang.

"Bakit pati inodoro dinala mo? At may kasama pang pump?" Talaga namang gusto ng magngawa ni Asana. Sa dami ng mga mahahalagang bagay na dapat dalhin inodoro at pump pa. May arinola pang kasama.

"Hindi naman 'yan inodoro a." Tinaas ang hawak at naging pana ito. "hindi malalaman ng iba kung ano ang tunay na anyo ng weapon na ito kapag di nila kayang tanggalin ang illusion spell na nakalagay sa bagay na ito."

"E bakit iyang pump di naman nagbabago?" Tanong ni Asana.

"Dinala ko lang para kumpleto at para convincing masyado ang imahe ng magic arrow na ito." Napaikot na lamang nila ang mga mata at napabuntong-hininga.

"Pero yung libro ko." Tanong ni Asana hoping that nadala din ito ni Seyriel.

"Masyadong mabigat ang mga libro kaya hindi ko dinala." Nanghina si Asana sa narinig. Inalalayan na lamang siya nina Izumi at Aya.

"Baka nakuha nila. Sana sinunog ko nalang. Hindi maaaring makuha ng mga Mysterian ang librong iyon." Ang malungkot na sabi ni Asana.

"Wag kang mag-alala, sinunog ko na." Muling napatingin si Asana kay Seyriel.

"Ano? Bakit mo sinunog? Bakit di mo nalang dinala? Yung arinola nadala mo pero yung libro ko sinunog mo?" Tuluyan ng umupo sa lupa si Asana at nagngawa na.

"Hindi ko mabasa e. Di sinunog ko." Sagot naman ni Seyriel ni Seyriel na natatawa ng pinagmamasdan ang kaibigang umiiyak na.

"Ano ba kasing mga libro ang tinutukoy niyo?" Tanong naman ni Arken.

"Chamnian book of spells at ang book of legendary chosen ones. Maging ang mga libro kung paano gumawa ng mga storage items at mga magical items, o magical potions." Sagot ni Asana na ikinalaki ng mga mata nina Aya, Izumi at Arken.

Ang mga librong iyon ay ang mga librong pinag-aagawan ng mga Mysterian. Halos magpatayan na sila para lang makuha ang isa sa mga mahahalagang libro ng chamni.

"Magtapat ka nga. Ano ba talagang ginawa mo sa mga libro?" Tanong ni Asana. Nagdududa kasi siya dahil natatawa si Seyriel.

"Ginawa kong panggatong. Alam mo na, hindi ako tulad niyo na kayang magpalabas ng apoy. Ako hindi. Kailangan ko pang magsindi ng apoy kung gusto kong magsaing at makakain."

"Ginawa mo lang panggatong? Alam mo bang napakahalaga non sa mundong ito?" Gulat na sambit ni Izumi. Ang sinumang makakahawak ng libro, ay maituturing ng invincible sa lugar na ito tapos ginawa lang panggatong ni Seyriel? Kung narinig lang ng pinuno ng Dethrin ang pinag-uusapan nila baka kanina pa ito napasuka ng dugo.

Pumapatay sila para makuha lang ang ilang mahahalagang bagay na galing sa mga Chamnian. Isa na rito ang mga libro na sinulat ng mga Chamnian noon.

Hindi alam ni Asana kung matutuwa ba siya o manghihinayang dahil napakahalaga ng mga librong iyon sa kanila. Pero mas mabuti ng nasunog ito kaysa makuha ng mga Dethrin at gamitin sa kasamaan ang anumang matututunan sa libro. Hawak na ng mga Dethrin ang book of manipulation, puppetry and mind controlling. Kapag nakuha pa nila ang iba, mas lalo lang silang lalakas.

Kaso yung libro niya. Hindi pa niya natutunan lahat ang nilalaman no'n. Kaya nanghihinayang parin siya. Napabuntong-hininga na lamang si Asana at tinanggap na ang katotohanang wala na siyang librong magagamit. Nang may librong humarang sa kanyang mukha na ikinaangat ng kanyang tingin. Agad niya itong hinablot at binuklat.

"Sabi mo-" tanong niya kay Seyriel. Pero nagkibit-balikat lang ito.

"Iyan lang ang tinira ko. Baka kasi iiyak ka diyan. Naku! Ang panget mo pa namang tingnan." Pang-aasar nito.

"Ikaw kaya ang mahilig umiyak." Pinigil ang patulo ng luha para hindi na mas lalong aasarin ni Seyriel.

"Ano na ang gagawin natin ngayon?" Tanong naman ni Aya. Wala na naman na silang matutuluyan. At wala silang ibang maasahan ngayon kundi sina Asana at Seyriel.

"Ano pa nga ba, e di kumain." Sagot ni Seyriel at nagsimula ng maghanap ng makakain sa storage ring ni Kurt.

"Pagkain na naman? Kailan ka ba mabubusog ha?" Tanong naman ni Asana na yakap na ang pinakamamahal na libro.

"Baka bukas?" Patanong na sagot ni Seyriel.

"Kailangan nating makaalis sa lugar na ito. Baka babalik sila at matuklasan kung nasaan tayo. Hindi pa natin gaanong kontrolado ang ating mga taglay na kapangyarihan kaya wala tayong laban sa kanila." Sabi naman ni Izumi. Dahil nararamdaman niya ang paparating na mga presensya.

"Hahanapin na muna natin si Ele Luimero." Sabi ni Asana. Tumango naman si Seyriel na kumakain na ng tinapay.

Natigilan sila dahil may paparating na mga yabag. "Mga Dethrin!" Sambit ni Arken. Malayo pa man ang mga ito pero alam na niya at nararamdaman ang presensya ng mga Dethrin.

Agad na gumawa ng portal si Asana at doon sila pumasok.

Sumalubong sa kanilang paningin ang isang lugar na may maraming mga Mysterian na nakalutang sa himpapawid.

"Anong lugar to?" Tanong ni Izumi.

"Sa Norzian. Kailangan natin ng mga flying beast na masasakyan. Sa lugar na ito maaari tayong makakapagpaamo ng mga palakaibigang mga flying beast." Sagot ni Asana bago isara ang portal.

"Wow! Para tayong nasa loob ng Alice in the Wonderland."

Namamanghang pinagmamasdan ni Seyriel ang mga nagliliparang mga sasakyan at mga magic beast sa himpapawid.

"Maghahanap tayo ng marerentahang sasakyan o flying beast man lang." Sabi ni Asana.

***

(Revised)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top