CHAPTER 3: Her New Life

"Asana." Tawag ng isang baritonong boses na ikinalingon nilang dalawa.

Nakita ni Seyriel ang isang artistahing lalake na may magandang tikas at tindig na sumalubong sa kanila.

Inilagay ng lalake ang isang kamao sa dibdib at bahagyang yumuko.

"Ako po si Ariston Minju. Ang punong kawal ng iyong ama." Sabi nito. "Patawad po kamahalan kung huli na bago ko kayo natagpuan."

Pinunasan ni Seyriel ang luhang dumaloy sa pisngi at tiningnan ang lalaking nakayuko sa kanya.

"Para po kayong naso-syoting. Pinagpapraktisan niyo po ba ako?" Tanong ni Seyriel na humihikbi at tuloy-tuloy na ang pag-agos ng luhang di na niya mapigilan.

Inabutan siya ng tissue ni Asana.

"Salamat cute ha. Kahit papano, gumagaan ang pakiramdam ko kasi nakikita ko ang ka-cute tan mo."

Napahawak naman si Asana sa kanyang pisngi.

"Maupo po muna kayo kamahalan. Hindi pa kayo gaanong magaling." Sabi ni Ariston at mabilis namang inalalayan ni Asana papunta sa isang malambot na upuan si Seyriel.

"Ama, sabi mo kapag umiiyak ang babae pumapangit pero bakit siya hindi naman? Ang cute nga niya o." Mahinang tanong ni Asana sa kanyang ama.

"Wag mo ngang kumpara ang sarili mo sa kanya. Siya yun, hindi ikaw." Sagot ng ama na ikinanguso ni Asana.

"Maaari po bang malaman kung ano ang nangyari kina Kuya Ariel? At kung paano ako napadpad dito?" Tanong ni Seyriel at kumuha ng isang piraso ng grapes sa maliit na mesang nasa tapat niya at kumain nito.

"Paano kaya niya nalulunok ang kanyang kinakain kahit na masama ang loob niya?" Curious na tanong ni Asana sa kanyang isip.

Kapag kasi nalulungkot siya, nasasaktan o nagtatampo, hindi niya kayang lumunok ng pagkain. Mabubulunan lamang siya. Pero kakaiba ang batang kaharap. Kahit nanginginig ang mga labi nito sa kakapigil ng iyak at patuloy sa pagtulo ng mga luha, may gana parin itong kumain.

"Natagpuan na lamang namin na wasak na ang sinasakyan ninyo at natagpuan kitang nakahandusay sa lupa, mga ilang dipa mula sa nasirang sasakyan."

"Paano si Kuya? Si Tito?"

Umiling si Ariston. "Sumabog na ang sasakyan kaya wala na akong nagawa. Kundi dahil sa protection barrier sa katawan mo, tiyak na hindi ka rin makakaligtas."

Tumigil si Seyriel sa pagnguya at bigla na lamang pumalahaw ng iyak.

Agad nilapitan ni Asana si Seyriel at niyakap ito. Alam niya kung gaano kasakit ang mawalan ng pamilya. Ganito din siya nang mamatay ang kanyang ina noon. Mas malala nga lang kay Seyriel dahil ito lang ang natitira sa kanilang pamilya. Ilang araw din itong walang malay magmula ng matagpuan nila itong nakahandusay sa gilid ng nawasak na kotse. Kundi dahil sa kakayahang manggamot ng kanyang amang si Ariston, baka di na magigising pa si Seyriel.

"Tahan na. Magiging maayos din ang lahat." Pagpapakalma ni Asana. Hinapuhap ang likod ni Seyriel. Ginawa niya kung paano siya patahanin ng kanyang ama noon.

"Wag kang mag-alala. Hindi ka namin pababayaan. Nandito pa kami."

Lalo namang lumakas ang iyak ni Seyriel. Ilang minuto rin siyang umiiyak. Hanggang sa tumigil na rin at tiningnan si Asana.

"Ang cute mo parin kahit malabo ang paningin ko. Mukha ka paring anghel." Humihikbi nitong sabi.

Sandaling napapigil ng hininga si Asana makita ang nakakahalinang mukha ni Seyriel kahit basang-basa ito ng luha.

"Mas cute ka at mas mukhang anghel." Sabi ni Asana.

"Hindi a. Pangit daw ako kapag umiiyak. Sabi nina Kuya." Sumisinghot na sagot ni Seyriel.

Nahagip na rin ng kanyang tingin ang mga maid na may nakikisimpatyang mga tingin.

"Asana ang pangalan mo di ba?" Tanong ni Seyriel kay Asana.

"Ako si Asana Minju. Labing isang taong gulang. Ikinagagalak kitang makilala kamahalan." Sabi nito at inilagay ang isang palad sa dibdib sabay yuko.

"Kamahalan? Di ba tawag iyan sa pamilya ng mga Hari sa mga palabas sa TV?" Mabilis na inilibot ang tingin sa paligid para matiyak kung hindi ba sila nagsosyoting. Ngunit wala naman siyang nakikitang camera sa paligid o mga film crew.

"Wala ba tayo sa set? Baka mamaya ako na pala ang extra na prinsesa sa palabas niyo ha."

Natawa na lamang si Asana.

"Wala po tayo sa set kamahalan."

"Wag mong sabihing nanaginip lamang ako?" Sabay kurot sa sarili ngunit wala parin siyang nararamdamang sakit.

Tumikhim si Ariston kaya muling natuon ang pansin ng dalawang bata sa lalaki.

"Hayaan mong ipaliwanag ko sa iyo ang lahat kamahalan." Sabi ni Ariston.

"Mula sa Arizon Royal clan ang iyung mga magulang. Hindi ko man maaaring sabihin ang buong detalye ngunit dapat mong malaman na ang Arizon Clan ay hindi ordinaryong angkan."

"Mayroon kang dugong bughaw."

"Pero kulay red naman po ang dugo ko noong nasugatan ako a." Nakakunot ang noong sagot ni Seyriel.

Napakamot naman sa batok si Ariston. "Ang ibig kong sabihin, mula ka sa angkan ng hari dahil isang prinsipe ang iyong ama."

"Weh. Sigurado po ba kayong hindi tayo gumagawa ng pelikula? Baka mamaya may mga hidden cam pala sa paligid." Muling sinuri ng paningin ang buong paligid.

"Hindi ka nananaginip at hindi tayo nagfi-film. Alam kong nabigla ka ngunit ito ang totoo." Seryosong sagot ni Ariston. Bumuntong-hininga ito saglit.

"Ang alam ko, marami ang naghahanap sa'yo. Maaaring gusto kang patayin ng iba at maaari ring gusto kang pakinabangan ng iba."

"Pero bakit po? Anong dahilan at gusto nila akong makuha? Saka bakut nila ako papatayin?"

"Iyun din ang gusto kong malaman." Sagot ni Ariston. "Sa mga oras na ito, hindi ko natitiyak ang kaligtasan mo. Pero dumito ka muna habang di pa nabubuksan ang lagusan patungo sa Mysteria."

"Mysteria? Ano po yun?" Takang tanong niya.

"Ang Mysteria ay tirahan ng mga hindi ordinaryong mga tao. Mga nilalang sila na may mga kakaibang kakayahan at kapangyarihan. At ang mga naninirahan sa mundong ito ay tinatawag na Mysterian. Isa kang Mysterian. At tulad mo, mga Mysterian din kami." Muling paliwanag ni Ariston.

Lalo namang naguluhan si Seyriel. Inilibot na lamang niya ang tingin sa buong paligid. Base sa mga nakalutang na chandelier, umiilaw na mga bato sa pader at kakaibang uri ng mga kutis ng mga kaharap kahit sa mga maid, naisip niyang hindi nga ordinaryong mga nilalang ang mga taong ito.

***

Ilang araw ang lumipas at tuluyan na ring nagbalik ang lakas ni Seyriel.

Ngunit isang araw, habang nag-aalmusal silang tatlo bigla nalang lumindol ang lupa. At ilang mga pagsabog ang kanilang naririnig mula sa labas. Nabahala si Ariston maging si Asana.

"Nakapasok yata sila sa harang." Sambit ng lalake at napatingin kay Asana. "Asana. Ilayo mo siya dito. Subukan mong gumawa ng portal patungo sa Zilcan Empire." Utos nito sa anak.

"Pero ama. Di ko pa po kaya. Hindi pa sapat ang aking lakas." Naiiling na sagot ni Asana.

"Subukan mo. Nanganganib ang buhay niyong dalawa sa lugar na ito." Sagot ni Ariston at inihanda ang espada. Si Seyriel naman ay nakatulala. Wala siyang naiintindihan sa mga nangyayari. Ngunit batid niyang hindi maganda ang nagaganap at tila ba nauulit lamang ang nangyayari sa kanyang pamilya.

Dalawang guwardiya ang pumasok at hinihingal pa.

"Heneral. Napasok po ang mansion ng mga Mizuto." Pagbabalita ng isang guwardiya. Nakasuot sila ng metal helmet at metal armor na kulay pula. Ibang-iba sa mga uniporme ng mga guwardiya ng mga tao.

"Parang nanonood ako ng real life na palabas sa TV. Totoo kaya ang mga bakal na suot nila? Hindi kaya mabigat?" Naguguluhang tanong ni Seyriel sa sarili. Nang tingnan niya si Asana, may sinasambit itong mga salita na wala siyang maiintindihan. Nakataas ang isang kamay nito habang nakaharap ang palad sa hangin.

"Di kaya nabaliw na ang mga 'to? Parang hindi naman. O baka nasa panaginip lang ako? Pero bakit totoong-totoo ang nararamdaman ko?" Nakita niyang may lumabas na liwanag sa palad ni Asana.

Agad siyang napalingon sa may pintuan mapansing may kinakalaban si Ginoong Minju.

"Ang mga espada nila. May mga lumalabas na liwanag. Ano kaya yan?" Puro katanungan na lamang ang nasa isip niya.

Hindi baril ang hawak ng mga kawal maging ng mga lumusob kundi mga espada at iba pang mga uri ng armas na sa mga costume drama or historical fantasy lang niya nakikita.

Natigilan si Seyriel at binundol ng kaba ang puso makilala ang mga umatake sa tahanang ito. Ang mga mabalahibong puting boots ng mga ito at ang mga pulang cloak, maging ang mga nagliliparang mga shuriken. Katulad iyun sa mga nilalang na umatake sa kanilang tahanan. Nanginginig ang kanyang mga tuhod sa sobrang takot sa bagong dating.

"Umalis na kayo dito!" Sigaw ni Ariston habang sinisikap na pagtibayin ang ginawang transparent barrier para pigilan ang paglapit ng mga kalaban.

May mga liwanag ang pinapatama ng mga kalaban sa harang na gawa ni Ariston. Sa bawat atake, nakakalikha ito ng bitak kaya unti-unti ng nababasag ang harang.

"Nagawa ko na rin sa wakas." Masaya ngunit nanghihinang sabi ni Asana. "Tayo na." Hinawakan niya ang nanginginig na batang katabi.

Napatingin si Seyriel sa puting liwanag na umiikot sa tapat nila. Para itong puting ipoipo.

Hindi niya alam kung ano ito pero sa sinabi ni Ariston, naniniwala siyang ito ang portal na sinasabi nila.

"Ta-tayo lang dalawa?" Tanong niya.

"Susunod din sila. Pero mas kailangan mong makaalis dito." Sabi ni Asana. Napilitang lumapit si Seyriel sa portal, pero nagtaka siya kung bakit di sumunod si Asana.

Nilingon niya ito at nakitang may nakapulupot na mga halaman sa binti ni Asana paakyat sa katawan. Agad niyang inilibot ang paningin at nakita ang isang flower vase. Dinampot niya ito at mabilis na binato sa taong nagkokontrol sa halaman. Umiwas ang lalake pero sinundan pala ni Seyriel ng baso at tumama sa mukha ng taong iyun na ikinatumba nito.

"Iwan mo na ako." Sigaw ni Asana sa kanya. Umiling siya at agad niyang nilapitan si Asana at tinanggal ang mga halamang nakabalot sa katawan nito saka mabilis na tumakbo papasok sa portal.

Napatili siya nang maramdamang hinihigop siya pababa. Para siyang bumagsak mula sa langit.

At tama nga, para silang nahulog galing sa langit at bumagsak sa lupa.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top