CHAPTER 29: Puppet

Napangiti si Luimero habang pinagmamasdan ang hawak na pasalubong para sa dalawang bata. Sakay siya ngayon sa karwaheng inupahan lamang niya mula sa Capital City ng Zilcan Empire.

"Siguradong matutuwa sina Asana at Seyriel sa dala ko." Sambit niya at dumungaw sa bintana ng lumilipad na karwaheng sinasakyan niya.

Tanaw na niya ang Bayan ng Ifratus kung saan siya nakatira. Napawing bigla ang ngiting sumilay sa mga labi makita ang mga nilalang na naghihintay sa labas ng kanyang tahanan.

Nakita rin niyang wala na ang harang na nakapaligid rito.

"Seyriel, Asana." Sambit niya maalalang nasa loob ng tahanan ang dalawa.

Binuksan niya ang pintuan ng karwahe at tumalon pababa. Dahan-dahan namang lumapag ang kanyang mga paa sa lupa.

Hinanap agad ng kanyang paningin sina Asana at Seyriel. Maging sina Feyu, Feyn at Feru. Napahinga siya ng maluwag makitang wala sa paligid ang tatlo kaya naisip niyang lumabas naman siguro sina Asana at Seyriel kahit na pinagbawalan niya ang mga ito.

"May maitutulong din pala ang katigasan ng mga ulo nila." Sambit niya sa isip habang nakatingin sa mga uninvited guest.

"Nasaan ang mga bata?" Tanong ng lalaking naka-cloak ng itim.

Dalawang taon din silang nagmamanman sa Ifratus dahil sa paghahanap ng mga Piniling napadpad sa lugar na ito.

Dalawang Pinili ang nakatalang naligaw sa lugar na ito, at narinig nila kamakailan lang na may dalawang bata palang tinatago si Luimero sa loob ng sarado niyang tahanan.

Gusto nilang makita ang dalawang bata para matiyak kung ito nga ba ang dalawang batang hinahanap at hinahabol nila ilang taon na rin ang nakalilipas.

"Bakit dito niyo hahanapin ang mga mga batang hinahanap niyo?" Sagot ni Luimero na ikinadilim ng mukha ng lalake sa narinig.

Tiningnan ng misteryosong lalake ang mga kasama. Agad nilang pinaligiran si Luimero at inihanda ang mga sandata.

Sinulyapan ni Luimero ang kanyang tahanan. Kung hinahanap ng mga nilalang na ito ang dalawang batang kasama niya, napagtanto niyang hindi nila hawak sina Seyriel at Asana na ikinahinga niya ng maluwag.

"Nakakatulong din naman pala minsan ang katigasan ng mga ulo ng dalawang batang iyon." Sambit niya sa sarili.

Inihanda na niya ang sarili sa anumang posibleng mangyari.

Dalawa sa mga kalalakihan ang umatake sa kanya. Agad siyang nagpakawala ng malakas na hangin na ikinatilapon ng dalawang lalaking umatake sa kanya.

Makitang isang Elementalist si Luimero sabay-sabay na umatake ang mga kalaban. Nagpakawala ng malakas na pressure si Luimero na ikinaluhod ng anim sa mga kalaban ngunit ang lider nila ay may kakayahang magkontrol ng bigat. Naramdaman na lamang ni Luimero ang bigat sa kanyang buong katawan na tila ba may malakas na bagay ang nakadagan sa kanyang buong katawan. Nanginginig ang kanyang mga kamay at mga paa habang pinipigilang mapaluhod at bumagsak sa lupa.

"Malakas ka nga ngunit hindi sapat ang lakas mo para kalabanin ang kapangyarihan ko." Sabi ng lider at ginamit ang lahat ng kanyang kapangyarihan para bumigay na ang katawan ni Luimero sa bigat na ipinaramdam niya rito.

Tuluyan ng mapaluhod si Luimero. Dumugo ang mga tuhod nitong bumagsak sa matigas na lupa at tila ba madudurog na ang mga buto sa kanyang katawan sa bigat na nararamdaman.

Napangiti ang lider sa nakita ngunit bigla na lamang niyang naramdaman ang malamig na bagay na tumama aa kanyang leeg.

"Anong nangyari?" Hinimas niya ang kanyang leeg at nakapa ang malagkit na likido mula rito. Bago pa man makapagsalita, naramdaman na lamang niya ang paninigas ng kanyang katawan hanggang sa unti-unti siyang naging abo.

Napaatras ang mga kalaban makitang naging abo ang kanilang lider ngunit wala silang makitang ibang nilalang bukod sa kanila.

Napakunot ang kanilang mga noo makitang may dugong dumikit sa kanilang mga damit, braso, mukha at balat. Ilang sandali pa'y unti-unting nasunog ang parte ng katawan nilang nalagyan ng dugo, hanggang sa tuluyan ng kumalat sa kanilang katawan.

Umalingawngaw sa buong paligid ang malakas nilang sigaw, kasunod nito ang dahan-dahang pagiging abo ng kanilang mga katawan.

Napaawang ang bibig ni Luimero makitang bigla na lang naging abo ang mga kalaban niya. Ilang sandali pa'y lumitaw sa tapat niya si Seyriel na duguan ang kaliwang palad.

"Ele." Tawag ni Seyriel sa nakaluhod na Master.

Lalapitan na sana ito ngunit isang halaman ang bigla na lamang pumaikot sa katawan ng lalake at hinila palayo.

"ELE!"

Nakita na lamang niya na hawak na ang kanyang Master ng isang lalaking nakasakay ng higanteng ibon.

Napasinghap na lamang siya dahil sa isang magic formation na bigla na lamang lumitaw sa inaapakan niya. Humakbang siya paatras ngunit napahiyaw siya sa sakit ng mapadikit sa dilaw na liwanag ang kanyang katawan.

Nakakulong siya sa isang magic formation. Hangga't hindi niya alam kung paano ito tatanggalin hindi rin siya makakalabas o makakalayo man lang.

"Hindi man natin natagpuan ang ating hinahanap, sulit naman ang pagpunta natin sa lugar na ito." Sabi ng isang babae na nakasakay sa isang Bysteria na may kulay pulang balahibo at may katawang katulad sa isang leon. May pulang mga pakpak ito at isa sa tinaguriang warrior beast ng Mysteria.

Napatingin si Luimero sa buong paligid at napansing nababalot ng magic formation ang kanyang buong tahanan.

Napagtanto ni Luimero na pain lamang ang mga nakalaban niya kanina. Ang tunay na hinihintay nila ay ang pagdating nina Seyriel at Asana, at makulong sa lugar na ito.

"Seyriel, bakit ka pa bumalik ha? Tumakas ka nalang sana." Sabi niya makitang nahihirapang tumayo si Seyriel at duguan pa ang palad nito.

Napanguso si Seyriel. Hindi kasi niya alam kung bakit napadpad siya sa lugar na ito. Nasa Yuanzang Fortress pa naman siya ngunit bigla na lamang siyang napunta sa lugar na ito sa di malamang dahilan.

Tiningnan niya ang kanyang palad. Wala na ang sugat dito. Naghilom na rin ang sugat na natamo niya nang mapadikit sa dilaw na liwanag.

Alam niyang may Iba't-ibang uri ng formation sa Mysteria pero ngayon lang siya nakakita ng ganitong formation na tila ba isa lamang dilaw na liwanag na pumaligid sa kanya. Kung hindi niya naranasan ang sakit na ibibigay nito kapag napapadikit sa kanya, hindi niya malalaman na mapanganib pala ang liwanag na ito.

Pinilit niyang umupo at pinagmasdan ang mga di kilalang mga nilalang na nagpalutang-lutang sa himpapawid.

"Sumama ka na lamang sa amin para mailigtas ang Master mo." Sabi ng babae.

"Paano ko matitiyak na papakawalan niyo siya?" Tanong ni Seyriel sa babae.

"Hindi namin siya kailangan. Ikaw ang kailangan namin." Sagot naman ng lalaking nakasakay sa kanyang espada.

Isa sa kanila ang naglakad palapit kay Seyriel.

"Naghahanap kami ng mga kabataang may kakaibang kakayahan. Bagamat hindi ka nabibilang sa mga pinili, may kakaiba kang kakayahan. Kaya mong gawing sandata ang iyong dugo para pumatay. Kung isa ka pang Chamnian, tiyak na itatakwil ka na ng iyong angkan."

"Wag kang mag-alala. Hindi ka namin sasaktan. Ipapasok ka lamang namin sa Akademiya ng mga Piniling kabataan." Paliwanag ng lalake.

"Wag kang magtiwala sa kanila Seyriel. Mga Dethrin sila." Sigaw ni Luimero.

Isang malakas na suntok ang tumama sa kanyang sikmura na ikinawalan niya ng malay.

"Ivri. Bakit mo ginawa 'yon?" Singhal ng babae sa lalaking kasama.

"Ang ingay. Bakit di niyo nalang dalhin ang batang iyan at nakikipagsundo pa kayo?" Sagot ni Ivri.

Sinamaan siya ng tingin ng babae. Bago sila pumunta sa lugar na ito, pinaimbistigahan na nila si Luimero. Alam nila ang kahinaan nito at alam din nila na may kakayahan si Seyriel na gawing bato ang sinumang matingnan nito.

Ang hangad nila ay magagamit ni Seyriel ang kapangyarihan niya sa unang ipinadala nila at hintayin kung kailan manghihina ang bata saka sila lalabas. Alam nilang manghihina si Seyriel o makakatulog sa bawat panahong nagagamit nito ang kakayahan. Hindi nila inaasahan na mapanganib rin pala ang dugo ng bata at di na nito kailangan pang gamitin ang ibang kakayahan.

Mabuti nalang at napaghandaan na nilang mabuti ang mga bagay na ito at nakagawa na agad ng mga array at magic formation sa paligid ng tahanan ni Luimero.

Kung hindi lang Invincible level ang gumawa ng magic array at magic formation nila, baka hindi ito tumalab kina Luimero at Seyriel.

Kapag gagamitin ni Seyriel ang kapangyarihan nito sa mata, tiyak na wala silang laban. Kaya naman sinusubukan nila ang ibang paraan para kusang sumama sa kanila si Seyriel.

"Hindi namin kailangan ang Master mo kaya wag kang mag-alala. Sundin mo lang ang iuutos namin at maliligtas na ang lalaking ito." Sabi ni Tanya.

Isang gintong posas ang lumitaw sa tapat ni Seyriel.

"Isuot mo ang bagay na iyan at sumama sa amin." Sabi ni Tanya.

Kinuha ni Seyriel ang posas at walang alinlangang sinuot ito.

Napangiti sila sa nakita.

"Napaka-inosente mo bata." Sabi ni Tanya. Inaakala na mahihirapan silang kumbensihin si Seyriel para suotin ang posas ngunit ang dali lang pala.

"Ngayong suot na niya ang gintong posas, tapusin na ang lalaking iyan." Sabi ni Tanya.

Nanlaki ang mga mata ni Seyriel sa narinig. Tinarak ni Ivri ang kanyang espada sa walang malay na lalake bago itapon pababa.

"Sabi niyo hahayaan niyo siya?"

"Bata, napaka-inosente mo naman. Hindi namin siya kailangan kaya bakit namin siya hahayaan?" Sagot ni Tanya.

Bumaba sila para kunin na si Seyriel at alisin na rin ang mga magic formation at magic array sa buong paligid.

Naglakad palapit si Tanya sa gawi ni Seyriel. Napakunot ang kanyang noo makitang may ngiti ito sa labi sa halip na matakot at umiyak.

"Parang may mali." Sambit ni Tanya.

Nakita nilang naglahong bigla ang katawan ni Seyriel sa loob ng magic formation. Tanging ang gintong posas na lamang ang natira sa lupa.

"Sayang, hanggang sampong minuto lang pala ang kaya ng isang clone ko." Sabi ni Seyriel na nakalutang na ngayon sa hangin.

Napatingala sila at namilog ang mga mata.

"Paano ka nakalabas?" Halos pasigaw na tanong ni Tanya.

"Hindi naman ito ang katawan ko e." Nakangiting sabi ni Seyriel ngunit napalitan ng matalim na tingin ang mga mata.

"Ang sinumang mang magpapahamak sa mga mahahalaga sa buhay ko ay mamatay." Inilahad niya ang kanyang palad. Isang kulay scarlet na bolang apoy ang lumitaw sa kanyang palad at itinapon sa kinaroroonan nina Tanya.

Maliit lamang ito at mukhang mahina kaya hindi na sila umilag pa. Ngunit hindi nila inaasahan na napakalakas pala nito. Nakarinig sila ng malakas ba pagsabog at dumilim na agad ang kanilang paningin.

Napahiyaw si Seyriel dahil nahagip siya sa malakas na pagsabog at naglaho.

Nanlaki ang mga mata ng orihinal Seyriel at napatakip ng bibig.

"Naku po. Lagot na." Napakagat siya ng labi makitang halos umabot sa langit ang usok. Hindi lang 'yon, pati ang ikalawang clone niya at sumabog rin.

Unti-unting luminaw ang paligid, at nakikita na niya ang malaking butas na likha dahil sa pagsabog kanina.

Napatingin siya sa katawan ni Luimero na may sugat sa tiyan. Wala itong dugo. Ibig sabihin na isang puppet lamang ang may kaharap niya ngayon.

Kahit puppet lamang ito, natitiyak niyang may masamang epekto rin kay Luimero ang sinapit ng puppet niyang nakakonekta sa tunay niyang katawan. Mahilig si Luimero na ilagay ang kanyang kaluluwa sa kanyang puppet kapag hindi siya nakakagawa ng pang matagalang clone.

Mararamdaman ng katawan ang anumang sakit na nararamdaman ng puppet niya. Hindi man niya ito ikakamatay ng tunay na katawan ngunit manghihina parin siya.

"Ele." Tawag ni Seyriel makitang gumalaw ang katawan ni Luimero.

"Naicron Academy." Mahina at pilit na bigkas ni Luimero bago ito tuluyang pumikit.

Tinapik-tapik ni Seyriel ang mukha ng puppet. Malambot ito at walang pinagkaiba sa tunay na Luimero. Limitado nga lang ang kapangyarihan na nailalabas nito kumpara sa orihinal.

"Kundi siya nasugatan, hinding-hindi ko malalaman na fake siya. Paano kaya makagawa ng puppet na kagaya nito?"

"Ang mga nakasama kaya namin lage ay ang totoong Luimero o ang fake?"

Naturuan sila ni Luimero tungkol sa mga clone at puppet. Kaya makitang walang dugo ang lumabas mula sa sugat ni Luimero naisip niya na posibleng puppet lang ito. Kaya niyang gumawa ng mga bagay at gawing puppet na sumusunod sa kanyang utos ngunit hindi niya kayang gumawa ng katulad sa ginawa ni Luimero na kayang kopyahin ang sarili at ilagay ang pakiramdam at kapangyarihan sa isang puppet lamang.

"Lagot na. Sina Asana pala." Paalis na sana siya ngunit napatigil makita ang katawan ni Luimero.

Isinandal niya ito sa isang tipak na bato.

"Antayin mo nalang ang nagmamay-ari sa'yo para mai-repair kang muli." Sambit niya at lumipad sa hangin.

Mula sa himpapawid, natanaw niya ang mga Zilcan na naghahakot ng mga kagamitan nila na halatang lilisanin na ang bayang ito.

Hindi niya alam kung ano ang dahilan ngunit may nakikita siyang nagkakalat na mga portal sa buong paligid ng bayan ng Ifratus.

Inisip niya ang imahe ni Asana bago nagteleport.

Lumitaw siya sa gilid ng isang malaking bato at nakitang naiiyak na si Asana habang tinatawag ang kanyang pangalan.

"Seyriel." Tawag nitong muli nang magsalubong ang kanilang paningin.

"Saan ka ba nagpunta ha? Bigla ka nalang naglaho sa aming paningin."

Saka naalala ni Seyriel ang paglabas niya sa misteryosong dimension tapos nakadama siya ng matinding antok at pumikit na. Ngunit di niya inaasahan na sa pagpikit niyang iyon, napadpad siya sa tahanan ni Luimero.

"Nagteleport ka ba papunta sa kung saan?" Tanong naman ni Aya.

"Ilang araw ka kayang nawala." Sabi ni Aya.

Namilog naman ang mga mata ni Seyriel sa narinig.

"Saglit lang ako sa labas a."

"Iba ang oras sa lugar na ito. Ang isang oras sa labas ay isang araw na dito sa loob. Mas mabilis ang oras dito kumpara sa labas ngunit hindi naman naaapektuhan ng panahon alugar na ito. Maliban na lamang sa mga pananim." Paliwanag ni Arken.

"Natagpuan niyo na pala siya." Sabi ni Kurt na nakahawak sa tuhod na tila ba galing sa pakikipaghabulan. May namumuo pang mga pawis sa mukha.

Dumating din si Shinnon na pawis na pawis rin.

Halos malibot na nila ang buong paligid sa kakahanap kay Seyriel maisip na naligaw na naman sa ibang dimension sa lugar na ito. Hindi na tuloy nila napansin ang pagliliwanag ng mga bagay na dala-dala nila.

***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top