CHAPTER 26: Wedding Ring
Nagkanya-kanya silang hanap ng mauupuan para makapagpahinga ngunit sa halip na maibalik ang nawawala nilang lakas mas lalo silang nakaramdam ng pagkahapo.
Unti-unti na silang nakaramdam ng pangamba at pag-alala lalo pa't mas lalo silang nakakaramdam ng panghihina. Maliban kay Seyriel na parang walang pakialam sa buong paligid.
"Seyriel. Wala ka bang naisip na ibang paraan?" Nanghihinang tanong ni Asana kay Seyriel.
Nilalaro naman ni Seyriel ang isang maliit na isda sa kanyang palad na may maliit na tubig.
"Meron." Masigla nitong sambit kaya napalingon muli ang lahat sa kanya. Umaasang may paraan na talaga siyang naisip.
"Pahingi ng prutas. Nagugutom ako." Sabay himas sa tiyan.
Bagsak balikat ulit silang tumingin sa ibang direksyon.
Kumuha ng ilang piraso ng prutas si Asana. Nang makita ito ni Shinnon ay agad inagaw ang prutas at tiningnan ng maigi. Ang akala niya no'ng una ay isang ordinaryong magical fruit lang ang binigay ni Seyriel kay Izumi kanina.
Pero nang makita ito sa malapitan saka niya natuklasang isa ito sa pinakamahalagang prutas sa buong Mysteria. Ang Prisya na tinatawag nilang invincible fruit na hindi basta-bastang natatagpuan at napipitas ng kahit sinong Mysterian.
Hindi ito nakikita ng mga Mysteriang may mahihinang kapangyarihan ngunit may ganitong uri ng prutas sina Asana at ginawa lamang meryenda.
"Ito ay ang invincible fruit. Pa'no ni'yo nakuha ang ganitong uri ng prutas?" Nanlalaki ang mga matang tanong niya. Ano pa ba ang meron sa mga batang ito na hindi niya alam? Ano pa bang mga nakakagulat na mga bagay ang ilalabas ng mga ito?
"Naki-harvest lang kami. Kaya meron kaming gan'yan." Sagot agad ni Seyriel at dumukot na isang piraso sa loob ng storage bag ni Asana saka kinain.
"Hindi maaring kumain ng marami sa prutas na ito. Kailangang isang kagat lang. Dahil kapag naparami hindi makakayanan ng katawan ang napakalakas na enerhiyang ibibigay nito." Paliwanag ni Shinnon pero napaawang ang bibig makitang kumuha muli si Seyriel ng pangalawa dahil naubos na niya ang una.
"Kulang pa nga e." Sambit niya na patuloy sa pagnguya.
Hindi maiwasan ni Shinnon na maisip na halimaw ang isang 'to. Bakit di ito napano? Wala sa loob na napakagat siya sa prutas at ngumuya. Pagkatapos ay nilunok. Naramdaman niya ang panunumbalik ng kanyang lakas.
Ngunit nang kumagat siyang muli, hindi niya maiwasang mapangiwi sa sakit dahil sa malakas na enerhiyang nagpupumilit pumasok sa kanyang katawan. Pakiramdam niya gusto ng sumabog ang kanyang katawan.
Nabitiwan niya ang prutas at napahawak ng mahigpit sa isang halaman. Hindi kaya ng kanyang katawan ang malakas na enerhiyang bigay ng Prisya.
"Uy kuya. Ayos ka lang?" Nag-alalang tanong ni Seyriel at hinawakan siya sa braso. Naramdaman niya ang paglipat ng enerhiyang nagpupumilit na pumasok sa kanya patungo kay Seyriel. Pinagmasdan niyang maigi ang bata at kung ano ang posibleng mangyayari dito. Pero hanggang sa magiging maayos na ang kanyang pakiramdam, hindi niya nababakasan ng kahit anumang sakit ang mukha ni Seyriel.
"Walang nangyari sa'yo?" Nagtataka niyang tanong.
"Ha? Bakit naman may mangyayari sa akin?" Halata sa hitsura ni Seyriel ang pagtataka. Bakit kasi tinatanong ni Shinnon kung bakit walang nangyari sa kanya?
"Hindi maaring kumain ng marami ang mga Mysterian ng Prisya." Sabay turo sa prutas na nalaglag sa lupa.
"Baka sa mga dati ng malakas. Napupuno na kasi ng enerhiya ang katawan kaya nagwawala na ang extra energy." Sagot naman ni Seyriel. "Sa sitwasyon ko, sobrang baba ng level ng aking Mysterian Ki kaya siguro hindi ako napapano."
Napaisip naman si Shinnon kung posible nga bang dahil masyadong mababa ang level ng Mysterian Energy ni Seyriel o may kakaibang katawan lang talaga siya.
Inabutan ni Asana ng tig-iisang invincible fruit ang bawat-isa. Para maibalik ang dati nilang nawawalang lakas.
Napatingin si Kurt sa hawak na Prisya. Isa sa mga Invincible fruit na kayang palakasin ang isang Mysterian sampong ulit sa tunay nitong lakas. Isa sa mga pinakamahalagang sangkap sa pagawa ng Invincible Pill at Immortal pill. Mga magic Pills na tanging mga Invincible Mysterian lamang ang nakakagawa.
Ang out of reach na prutas na sa libro lamang nila nababasa at sa kwento lang nila naririnig, hawak na niya ngayon. Napatingin siya kay Seyriel na naiiyak na ngayon dahil wala ng laman ang storage bag ni Asana.
"Asana! Bakit mo inubos? Wala na akong makain." Sambit ni Seyriel at niyakap pa ang storage bag ni Asana. Iisa nalang kasi ang natira sa nasabing prutas.
"May mga pagkain ako sa loob nito. Sa'yo na 'yan." Inabot ni Kurt ang isang storage ring kay Seyriel.
Mahalaga man ang nilalaman ng storage ring niya ngunit walang makakahigit sa halaga ng Prisyang binigay sa kanila na walang hinihinging kapalit.
Napakunot naman ang noo ni Seyriel makita ang kulay scarlet na singsing.
"Hindi pa kita syota, bibigyan mo na ako ng wedding ring?" Biro naman niya.
"Storage ring yan. Isa sa mga magical items nila sa lugar na ito." Paliwanag naman ni Asana.
Kinuha ni Seyriel ang singsing at sinilip ang butas nito. "Kapag ba hinimas ko 'to may lalabas na maraming pagkain?" Hinimas-himas niya ang gilid ng singsing. "Wala naman a."
Nagkatinginan tuloy sila. Paanong walang alam ang isang 'to? Saang lupalop ng mundo ba ito galing? Nakakagawa na ito ng potion, nakakagamit na ng mga storage items, nakakakain na ng Prisya na hindi naaapektuhan at nakakagawa ng potion na nakakapagpawalang bisa sa sumpa kay Aya tapos hindi alam kung paano gamitin ang isang storage ring?
"Pagpasensiyahan niyo na ngunit kakaiba kasi ang paraan namin kung paano magagamit ang aming storage items kumpara sa inyo." Paliwanag ni Asana mapansing ang kakaibang reaksyon ng mga kasama.
"Patakan mo muna ng dugo bago magiging iyo na ang bagay na 'yan. Maaari ring gamitan mo ng Mysterian energy para makita mo kung ano ang laman niyan sa loob." Paliwanag ni Kurt kay Seyriel.
"Dugo na naman? Mauubusan yata ako ng dugo kapag mananatili pa ako sa gubat na ito. Pero dahil may maraming pagkain ayos lang." Sambit niya pa bago kinagatan ang daliri niya at pinatak ang dugo sa maliit na singsing.
Naglaho ang patak ng dugo sa singsing. Sinuot niya ito sa palasingsingan at nagbago ang laki ng singsing ayon sa size ng kanyang daliri. Kaya lang hindi niya alam kung paano ito gamitin.
"Ano ulit ang gagawin ko?" Tanong niyang muli.
"Hawakan mo ang bato ng singsing at makikita mo ang mga bagay na nasa loob niyan." Sagot ni Kurt na ginawa naman agad niya.
"Yes! Nakita ko na. Paano ako makakapagpasok ng mga bagay sa loob? Wala naman kasi itong butas." Tanong niyang muli.
"Kunin mo ang bagay na gusto mong ipasok sa loob. Pagkatapos, hawakan mo ulit ang singsing. May makikita kang espasyo sa loob. Isipin mo lang kung saan mo gustong ipwesto ang bagay na hawak mo at doon na ito malalagay."
Habang nag-eexplain si Kurt, si Shinnon naman pinagpapawisan.
“Kamahalan, hindi mo dapat pinapamigay ang bagay na 'yan. Para lamang iyan sa mga mahaharlikang anak ng Emperador.” Gusto man niya iyong isatinig pero hindi niya ginawa.
Samantalang sina Izumi naman ay nakanganga. Alam nilang tanging mula sa maharlikang angkan lamang ang nagmamay-ari ng scarlet na kulay na storage ring. Maharlikang mula sa pamilya ng Emperador. In short, mga prensipe o prinsesa lamang. Ibig sabihin lang nito na hindi basta-bastang mga Mysterian ang dalawang lalaking ito. At base sa pamamawis ni Shinnon, naisip nilang siya ang guardian nitong nakamaskara.
"Dahil bumalik na ang dati nating lakas. Ano kaya kung magdasal na muna tayo?" Suhestiyon ni Aya.
"Magdasal?" Nakakamot ng noong tanong ni Seyriel. Hindi naman kasi niya alam kung sino ang mga panginoon at sinasamba ng mga naninirahan sa lugar na ito.
Pinagmasdan na lamang niyang nagkanya-kanya ng hanap ng mapupwestuhan ang bawat isa at umupo pagkatapos ay nag-cross legs at ipinikit ang mga mata.
Gumaya na lamang siya at umupo rin saka pumikit. Baka kasi ma-out of place ang ignoranteng katulad niya.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top